CHAPTER 5
Pagkatapos makalabas ng ospital, iginiit ni Denmark na ihatid ang magtiyahin sa kanilang bahay. Tahimik lang si Lia sa buong biyahe, hindi alam kung paano ipapakita ang pasasalamat. Alam niyang dapat siyang maging grateful, pero para bang nag-aalangan siya.
Nang makarating sila sa bahay, agad na inalok ni Tiya Lourdes si Denmark na maghapunan.
"Hijo, samahan mo na kaming kumain. Alam kong pagod ka rin. Ipagluluto kita ng masarap," nakangiting yaya ng ginang.
Nag-alangan si Denmark. Hindi niya planong magtagal, pero nang mapansin niya ang bahagyang nerbiyos sa mukha ni Lia, hindi niya alam kung bakit naisipan niyang manatili.
"Sige po," maikli niyang sagot.
Nagulat si Lia. Hindi niya akalaing tatanggapin nito ang imbitasyon. Napatingin siya kay Denmark, at bigla siyang nakaramdam ng awkwardness. Hindi niya rin alam kung paano kikilos.
Dahil kahit anong pilit niyang itanggi, may kung anong bumabagabag sa kanya sa presensya nito. At hindi siya sigurado kung gusto ba niya itong mawala—o manatili pa nang mas matagal.
Naghapunan sila nang tahimik. Ang tanging ingay ay ang mahihinang tunog ng kubyertos sa pinggan at paminsan-minsang pag-ubo ni Tiya Lourdes.
Si Lia, kahit anong pilit niyang i-focus ang sarili sa pagkain, ay hindi mapigilang mapansin si Denmark.
Hindi lang dahil sa presensiya nito, kundi dahil sa paraan ng pagtitig nito sa kanya—tulad ng isang mandaragit na tahimik na nagmamasid sa bibiktimahin nito. Hindi niya alam kung mali ba ang ganitong pakiramdam, pero parang may kakaibang magnet ang lalaking ito.
Sa tuwing sinusulyapan niya ito, tila may gusto itong sabihin sa kanyang mga mata. Parang gusto siyang suyuin... pero may kutob siyang hindi ito simpleng panunuyo lamang.
At nang mahulog ang kutsara niya sa sahig, agad siyang yumuko para damputin ito. Ngunit sa parehong segundo, inabot din iyon ni Denmark.
Nagtagpo ang kanilang mga kamay. Napakabilis ng pangyayari, pero sa sandaling iyon, parang tumigil ang mundo ni Lia.
Nagkalapit sila, sobrang lapit. Halos magkadikit na ang kanilang mukha habang pareho silang nakayuko sa ilalim ng mesa. Nagtagpo rin ang kanilang mga mata.
Tumingin si Lia sa malalim na titig ni Denmark, at parang may kung anong dumaloy sa kanyang katawan—isang kilabot na hindi niya alam kung dahil ba sa kaba o sa isang bagay na hindi niya kayang pangalanan.
Hindi agad siya nakagalaw. Hindi rin siya umatras. Para siyang naipit sa isang hindi maipaliwanag na tensyon sa pagitan nila.
Si Denmark naman ay hindi rin bumitaw agad. Parang sinadya niyang patagalin ang sandali—parang tinutukso pa siya. May bahagyang pagkunot sa noo nito, pero hindi ito mukhang naguguluhan. Sa halip, parang alam nitong may epekto ito sa kanya.
At doon pa lang natauhan si Lia. Agad niyang binawi ang kamay at mabilis na itinayo ang kutsara.
"Pasensya na," mahina niyang sabi, hindi makatingin nang diretso sa lalaki.
Umayos si Denmark sa pagkakaupo. Hindi siya umiimik, pero may bahagyang ngiti sa labi.
Walang nahalatang tensyon si Tiya Lourdes, abala sa pagkain ang ginang. "Lia, tapusin mo na 'yang pagkain mo. Mukhang namumutla ka pa rin."
Lalo lang napayuko si Lia, pilit itinatago ang kaba sa kanyang dibdib.
Samantalang si Denmark, nakasandal sa upuan, tahimik pero tila may natuklasan. At sa isip niya, isang bagay lang ang tiyak—madali niyang mahuhulog si Lia sa bitag.
****
"Siya si Lyn Reynoso. Kaibigan siya ni Lia sa isang women's org. Pareho silang volunteer doon," paliwanag ni Sonya habang ipinapakita kay Denmark ang isang larawan sa kanyang laptop.
"Paano mo siya nakilala?" tanong ni Denmark, nakakunot ang noo.
"Hindi mo yata natatandaan na isa akong human rights advocate? Isa ako sa mga nagdo-donate sa org nila. At close friend ko na rin si Lyn. Minsan siyang bumisita rito at naikuwento niya sa akin ang tungkol kay Lia," sagot ni Tita Sonya.
"Iimbitahan mo ba sila ngayon? As in, this morning? With Lia?" Bigla siyang nakaramdam ng kaba. Hindi niya inaasahan na mas mapapalapit siya kay Lia dahil bago pa niya naisip na maging affiliated sa org na sinasalihan nito, naging advocate na rin pala ang kanyang tiyahin. This is his chance.
"Oo. Kung hindi ka busy, maybe you can meet them too."
"Marami akong gagawin sa office ko, next time na lang o ako na lang ang pupunta sa mga outreach nila," sabi pa ni Denmark. Pero hindi iyon ang totoo. Kung mas maingat siya, mas makakuha niya ang chance na lumapit kay Lia, nang hindi nalalaman ni Sonya. Alam niya na hindi payag ang kanyang tiyahin sa plano niyang pagganti kay Lia kaya tanging ang asawa lang nitong si Carlos ang nakakaalam sa bagay na iyon.
Hinayaan niyang umalis ang ginang sa working office niya sa mansyon at bigla naman niyang naisip na mag-shower saglit.
***
"Nandito na tayo, Lia," masayang sabi ni Lyn habang bumababa sila mula sa traysikel.
Nanlaki naman ang mga mata ni Lia sa sobrang pagkamangha nang makita ang napakalaking mansyon.
"Dito nakatira si Mrs. Sonya?" tanong niya, hindi makapaniwala.
Tumango si Lyn. "Oo! Ang ganda, 'di ba?"
"Kaya nga eh. Ang lawak ng hardin, ang gaganda pa ng mga bulaklak!" sagot ni Lia, patuloy na pinagmamasdan ang buong mansyon.
Napansin naman ni Lyn ang kanyang paghanga kaya kinurot siya nito bago tinawanan. "Halika na, busy rin ang taong 'yon. Kailangan na natin siyang makausap."
Agad silang pumwesto sa entrance gate, at si Lyn na ang pumindot ng doorbell. Ilang saglit lang ay binuksan ito ng guwardiyang kaswal lamang ang pananamit.
"Magandang araw, Ms. Lyn, at sa kasama mo," bati ni Mang Arturo.
"Nandiyan pa naman si Mrs. Sonya, 'di ba? Pasensya na at na-late kami," apologetic na sagot ni Lyn.
"Okay lang 'yon. Maghapon lang naman siyang nasa bahay. Mabait naman si Madam Sonya, alam din naman nila na busy kayo," sagot ni Mang Arturo bago niluwagan ang gate upang papasukin sila.
Dahil kabisado na ni Lyn ang daan papunta sa tanggapan ni Mrs. Sonya, hindi na sila sinamahan ni Mang Arturo.
Pagdating nila sa pakay, lumapad ang ngiti ni Lyn.
"Günaydin!" (Magandang umaga!) masiglang bati niya.
Napakurap si Lia, tila nagulat. "Ano 'yong sinabi mo?" bulong niya kay Lyn.
"Turkish 'yon, ibig sabihin, magandang umaga," sagot ni Lyn sabay ngiti.
"Günaydin," ginaya ni Lia ang sinabi ni Lyn.
Napangiti si Sonya at nakipagbeso-beso sa kanila. "Mabuti at naisama ka na ni Lyn. Nalaman ko na rin sa kanya ang tungkol sa naging buhay mo. Sorry for what you've been through."
Nakikisimpatya si Mrs. Sonya at niyakap si Lia.
"Maraming salamat po, Mrs. Sonya," mahinang sabi ni Lia, pilit itinatago ang lungkot.
"Maupo muna kayo, ipaghahanda ko lang kayo ng kape."
"Sige po, Madam. Na-miss ko ang masarap n'yong kape, 'yong Turkish style," hirit ni Lyn.
Habang hinihintay ang kape, nagmasid-masid si Lia. "Totoo bang nasa 50s na si Mrs. Sonya? Ang ganda niya at mukha ngang half-Filipina."
"Totoo. May lahi siyang Turkish at Spanish, kaya ganyan ang itsura niya. Yung asawa niya, si Mr. Carlos, half-Turkish din," sagot ni Lyn.
"Kilalang-kilala mo na talaga sila, ano? Mababait ba talaga sila? Wala ba silang tinatagong lihim? Hindi ba sila gaya ng iba—"
Napairap si Lyn. "Huwag mo silang ikumpara sa pamilya Rivas na plastik! Kita mo si Mang Arturo kanina? Lahat ng anak niya, pinag-aral ng pamilya Ozdemir nang walang hininging kapalit! At may inampon din sila—ay, ang daldal ko na naman!" Agad niyang tinakpan ang kanyang bibig, baka marinig siya ni Sonya.
"Okay, sige, mamaya na lang tayo mag-usap," pabulong na sagot ni Lia. Natuon ang tingin niya sa isang flower vase sa mesa.
"May pagkakataon bang bumisita si Mrs. Sonya sa hardin namin?" tanong niya bigla.
"Malay ko, bakit?" nagtatakang sagot ni Lyn.
"Parang katulad ng mga bulaklak sa garden namin ang mga nasa vase na 'yan."
Napabungisngis si Lyn at marahang tinampal ang braso ng kaibigan. "Ano ka ba? Hindi naman mangungupit ng bulaklak si Madam!"
Hindi na sumagot si Lia. Bumalik sa isip niya ang lalaking bumisita sa kanilang hardin isang linggo na ang nakalipas—ang lalaking kumuha ng parehong klase ng bulaklak. Ang lalaking tumingin sa kanya nang matalim bago biglang umalis. Ang lalaking nagdala sa kanya sa ospital. Ang parehong lalaki na gumugulo sa isip niy
Ang parehong lalaki... na nagpapaalala sa kanya kay Adrian.
Ilang saglit pa, bumalik si Mrs. Sonya na may dalang tray ng kape. "Magkape tayo habang nagkukuwentuhan," paanyaya niya.
"So, nakausap ko na ang Public Attorney's Office. Mabagal daw talaga ang aksyon nila ngayon dahil naka-focus sila sa heinous crimes. Kaya kumuha na ako ng trusted law firm," aniya at puno ng kumpiyansa.
Nagkatinginan sina Lia at Lyn. Napailing si Lyn. "Pero, Madam, parang kalabisan naman kung kukuha kayo ng private law firm. Umaasa lang ang women's org sa NGO, baka hindi namin kayanin ang bayad—"
"Libre ang serbisyo nila. Ako nang bahala," sagot ni Sonya. "Basta siguraduhin n'yo lang na may hawak na ebidensya ang mga lalapit sa help desk. Maa-accommodate sila at maipapasa sa korte ang kaso."
"Naku, Ma'am Sonya, sobrang salamat po!" masayang sagot ni Lia. Halos maluha siya sa pasasalamat.
Hinaplos ni Sonya ang kanyang buhok. "Lahat gagawin ko para makatulong sa bayan ng Castilla, kahit wala akong posisyon sa gobyerno."
Nang mapansin ni Lyn na matagal na silang magkayakap, tinapik niya si Lia.
Agad namang napahiya si Lia at napangiti nang pagpaumanhin kay Sonya. "Sorry po, nadala lang ako sa emosyon. Kasi po... kung buhay pa ang nanay ko, halos kasing-edad n'yo na siya ngayon."
Nalungkot ang mukha ng ginang. "I'm sorry to hear that, Lia."
"Siya nga po pala, puwede pong maki-CR?" alanganing tanong ni Lia.
"Sa second floor. Kumaliwa ka lang, puting pinto," sagot ni Mrs. Sonya.
Sinunod ni Lia ang direksyon, humanga sa laki ng bahay at sa dami ng kwarto. Hindi nagtagal, natagpuan niya ang CR at pumasok.
Makalipas ang ilang minuto, matapos magbanyo at mag-retouch, binuksan niya ang pinto—at muntik na siyang mabangga ng isang lalaki. Isang lalaking nakatapis lang ng tuwalya.
Agad siyang umiwas ng tingin, pero hindi niya napigilan ang panandaliang pagmasdan ang matipuno nitong katawan.
"Pasensya na po, nakigamit lang ako ng banyo," nahihiyang sabi niya, iniiwasan ang kanyang paningin.
Ngunit bago pa siya makaalis, hinawakan siya ng lalaki sa braso at isinandal siya sa pader. Nagkalapit sila.
Napatitig siya rito—at biglang nanlaki ang kanyang mga mata. Nakilala niya ang lalaki. At gaya noong una silang magkita, may galit pa rin sa tingin nito.
"Adrian?" nanginginig na tanong ni Lia. Mas lalo lang tumalim ang tingin ng lalaki.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top