CHAPTER 3
Napako ang tingin ni Lia sa lalaking kaharap niya. May kakaibang pakiramdam na bumalot sa kanya habang pinagmamasdan ang estrangherong tila hindi niya kayang alisin sa kanyang paningin. Matikas ang tindig nito, halatang sanay sa disiplina ng katawan. Matangos ang ilong, matalim ang titig, at ang mga mata nito—parang nakita na niya dati. May kakaibang init sa kanyang dibdib, isang pakiramdam na hindi niya maipaliwanag.
Si Denmark naman ay hindi rin nakaligtas sa kakaibang emosyon na bumalot sa kanya. Kitang-kita niya kung paano siya pinagmasdan ni Lia, parang sinusuri nito kung saan siya nakita o kung bakit pamilyar ang mukha niya. Napansin niya rin ang kasimplehan nito—ang manipis nitong make-up, ang natural na ganda ng kanyang maamong mukha, at ang simpleng bestida na bumagay sa payat ngunit may hubog nitong pangangatawan.
Lihim siyang napahanga, pero agad niyang pinigilan ang sarili. Hindi ito ang oras para humanga. Hindi siya bumalik para muling mabihag ng kanyang nakaraan. Nasa harap niya ngayon ang isa sa mga taong bahagi ng sakit na dinanas niya noon.
'Hindi, hindi siya ang dapat kong pahalagahan. Dapat ko siyang gamitin sa plano ko,' matigas niyang paalala sa sarili.
'Bakit siya pamilyar? Bakit parang kilala ko siya?' tanong ni Lia sa isip niya.
Hindi mapigilan ni Lia ang sarili na tumanaw ng alaala—ang masayang pagkakaibigan nila noon ni Adrian, ang mga panahong magkasama sila sa ilalim ng punong mangga, nagtatawanan at nangangarap ng magandang future. At alam niya, pareho lang sila ni Adrian noon, na may lihim na pagtatangi sa isa't isa.
Ang mga mata ng estranghero sa harap niya ngayon... kahawig na kahawig ng mga matang iyon. Nag-aalangan siyang magtanong, pero hindi niya napigilan ang sarili. "Pasensya na po, pero... nagkita na po ba tayo dati?"
Bahagyang tumikhim si Denmark, saka pilit na ngumiti. "Baka napagkamalan mo lang ako, miss."
May saglit na katahimikan bago bumaling si Tiya Lourdes kay Lia. "Lia, tulungan mo nga si—ano nga ang pangalan mo hijo?"
Saglit pang nagdalawang-isip si Denmark bago sumagot. "Denmark po."
Napakurap si Lia.
Denmark ang pangalan niya? Hindi, imposible... Pero bakit ganito ang pakiramdam ko? Parang siya si Adrian. Kahit medyo magkaiba ang features ng mukha nila, lalo na sa jawline.
Ngumiti si Tiya Lourdes. "Tulungan mo siyang pumili ng bulaklak para sa nililigawan niya."
Bahagyang kumunot ang noo ni Lia. May parte sa kanya na hindi maipaliwanag ang biglang kirot sa kanyang puso nang marinig iyon.
Samantala, si Denmark naman ay lihim na napangisi. 'Magandang simula ito. Mukhang naaalala pa rin niya ako.'
"Lia, Dahlia Hermoso talaga ang pangalan ko." Nilaparan pa niya ang pagkakangiti. Sa kabilang banda ay may kakaiba siyang nararamdaman sa seryosong aura ni Denmark. Parang may naaaninag siyang hindi maipaliwanag na galit sa mga mata nito na nakatingin lamang sa kanya.
Denmark broke eye contact. Napalingon siya kay Tiya Lourdes. "Maraming salamat po sa mga bulaklak, alam kong magugustuhan ito ng nililigawan ko."
He stood up and grabbed those flowers. Sumulyap din siya kay Lia bago magpaalam, pero may inabot siyang business card kay Tiya Lourdes. "Salamat din sa'yo."
Nagmamadaling umalis si Denmark sa hardin at iniwang nakanganga sina Tiya Lourdes at Lia.
"Sino siya? Parang ngayon ko lang siya nakita sa lugar natin," tanong pa ni Lia, as if may makukuha siyang tumpak na sagot mula kay Aling Lourdes.
"Aba, ewan ko. Baka turista lang. Ang gwapong lalaki ano? Mukha siyang mayaman. Ang ganda ng kutis niya," masayang komento pa ni Tiya Lourdes.
Binasa niya ang business card ng binata, pero hindi nila alam kung bakit nito ibinigay iyon. "Denmark Ozdemir, operations head, Ozdemir Automotive Enterprise."
Kinuha ni Lia ang business card at ibinulsa iyon, hindi naman nagtaka ang ginang. "Para siyang si Adrian, tama?"
"Ang layo ah. Mas matikas ang lalaking si Denmark. Hindi rin gano'n kaputi ang balat ni Adrian dati kumpara kay Denmark," tugon naman ni Tiya Lourdes.
"Pero 'yong mga mata niya, ang laki ng pagkakapareho kay Adrian. Sa hugis ng mukha, magkalayo naman. Pero papasa silang magkapatid."
"Hala siya! Ang daming lalaki na may brown eyes ano, at saka hindi nga natin alam kung nasaan na si Adrian."
"Basta ang alam ko, hindi pa siya patay. Hindi nga nakita ang bangkay niya noong nasunog itong bahay nila." Nalukot ang mukha ni Lia saka napahilot sa sintido.
"Lagi kang ganyan kapag si Adrian na ang napag-uusapan." Tinapik siya ni Tiya Lourdes sa balikat. "Gusto mo ipagtimpla kita ng kape?"
"Sige nga po. Pampawala ko rin 'yon ng stress eh," turan pa ni Lia.
"Kumusta ang women's fair Lia?" biglang naitanong ni Tiya Lourdes.
"Okay naman. Nakakapagod lang po. Bukas pupunta ako sa help desk ng women's org. Kawawa naman ang mga biktimang kailangan ng mabilis na aksyon."
Lia is an active volunteer for women's org that helps women who are victims of sexual abuse, domestic violence and any form maltreatment. Layunin ng org na magbigay din ng source of income sa mga kababaihan na biktima ng pang-aabuso, para na rin makapagsimula nang bagong buhay. She's very dedicated for it aside the fact that she loves planting flowers and trees. She's a philanthropist in her own way.
"Masyado mo nang kina-career ang pagtulong sa org na 'yan. Kunsabagay hindi naman kita masisi." Napasinghap na lang ang kanyang tiyahin.
***
Pagkapasok ni Lia sa kanyang kwarto, ibinagsak niya ang sarili sa kama at muling kinuha ang business card na ibinigay ni Denmark. Tinitigan niya ito, parang pilit niyang inuukit sa isip ang pangalan at itsura ng binata. May isang parte sa kanya na nagsasabing siya si Adrian, pero paano kung nagkataon lang?
Pinilit niyang iwaksi ang iniisip at binuksan ang kanyang laptop.
Itinayp niya sa search bar: Denmark Ozdemir, Ozdemir Automotive Enterprise.
Mabilis na lumabas ang mga resulta. Isa sa unang lumitaw ay ang LinkedIn profile ni Denmark. Nang buksan niya ito, agad niyang napansin ang impressive na credentials nito—nag-aral sa Turkey, may MBA mula sa isang prestihiyosong unibersidad sa bansang Denmark, kung saan posibleng nakuha ang pangalan nito, at ngayon ay operations head ng isang lumalagong automotive company. Marami itong endorsements at recommendations mula sa mga kilalang business leaders.
"Wow," mahina niyang bulong. "Mukhang bigatin siya."
Pero hindi pa siya nakuntento sa profile lang. Sinubukan niyang hanapin ang iba pang impormasyon tungkol kay Denmark. May ilang articles tungkol sa kanya—ilang interviews sa business magazines, isang feature article na nagsasabing lumipat siya sa Turkey noong sampung taong gulang at doon na lumaki.
Kumunot ang noo ni Lia. "Sixteen years old si Adrian nang masunog ang bahay nila. Baka nga ibang tao nga si Denmark."
Mas lumalim ang paghahanap niya. May nakita siyang ilang celebrity gossip articles tungkol sa kanya gaya ng mga naging ex-girlfriends nitong top models, may isang na-link pang miyembro ng royal family. May iilang candid photos si Denmark na kasama ang mga ito na magagara ang mga damit at nasa exclusive parties.
Napahinga nang malalim si Lia. Bigla siyang nakaramdam ng hindi maipaliwanag na inis—o selos ba ito? Hindi siya sigurado.
"Pero bakit ba ako naapektuhan? Wala naman akong pakialam sa kanya, 'di ba? Ngayon ko nga lang siya nakita."
Muli niyang tiningnan ang isang larawan ni Denmark sa isang gala. Naka-black tuxedo ito, mukhang seryoso pero gwapong-gwapo. May kakaiba siyang naramdaman habang pinagmamasdan ito. Hindi lang ito tungkol sa itsura niya. May isang bahagi sa kanya na nagsasabing—may itinatago ang lalaking ito.
Sinara niya ang laptop at napabuntong-hininga. "Kung hindi siya si Adrian, bakit parang pakiramdam ko, kilalang-kilala ko siya?"
***
Sa kabilang banda, nasa loob ng kanyang opisina si Denmark habang nakaharap sa laptop. Katatapos lang niyang magbasa ng ilang articles tungkol sa isang Women's Org na sinusuportahan ni Lia. Ilang beses niya itong nakitang binanggit sa social media posts ng babae, pati na rin sa ilang news articles tungkol sa adbokasiya nito.
Botany undergraduate. Active volunteer.
Napangisi siya habang iniisip kung paano niya magagamit ito sa kanyang plano.
Kung magagawang ma-affiliate ng Ozdemir Automotive Enterprise ang organisasyong ito, magiging madali na para sa kanya ang makalapit kay Lia. Kapag nakuha niya ang tiwala nito, mas madali niyang maipaparamdam dito ang sakit ng pagkawala—katulad ng sakit na naranasan niya noon.
Pero may isang parte sa kanya na parang nag-aalinlangan.
"Alam kong kinarma na siya dahil sa kasamaan ng ama niya sa pamilya ko... pero bakit parang naawa pa rin ako?"
Napailing siya at pilit na pinalakas ang loob. "Hell no. She deserved that."
Muli niyang binuksan ang social media ni Lia. Sinimulan niyang i-stalk ang mga recent posts nito—puro tungkol sa environmental advocacy, women empowerment, at fundraising events. Halatang dedicated ito sa ginagawa niya. Ngunit isang bagay ang talagang nakakuha ng atensyon niya—mukhang wala pa itong boyfriend.
Ilang beses niyang tiningnan ang mga comments at interactions nito sa ibang lalaki, pero walang kahit anong senyales na may kasalukuyang karelasyon ito.
Napangiti tuloy siya. "Kung gano'n, sa edad niyang 34... inosente pa siya at malamang—virgin pa."
May kakaibang aliw siyang naramdaman sa ideyang iyon. Ang mga babaeng katulad ni Lia na masyadong nakatutok sa advocacy, sa trabaho, sa misyon sa buhay—ay madalas hindi nabibigyan ng pagkakataong umibig nang totoo. At kapag dumating ang tamang tao sa buhay nila? Mabilis silang bumibigay. Madaling napapaibig. Lalo na kung ang lalaking lalapit sa mga tulad nila ay gwapo, mayaman, at may misteryosong aura.
"You won't see this coming, Lia."
Pero hindi lang siya ang nag-i-stalk ngayong gabi. Habang iniisip niya kung paano niya mas lalong malalapitang si Lia, hindi niya alam na sa kabilang dako, hindi pa rin tumitigil ang dalaga sa paghahanap ng mga detalyeng may kinalaman sa kanya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top