CHAPTER 14

Mabilis ang tibok ng puso ni Lia. Hindi niya alam kung dahil sa kaba o sa galit habang pinagmamasdan ang seryosong mukha ni Denmark. Nakarating na sila sa madilim na parking lot.

"Anong ginawa mo?" tanong niya na hindi makapaniwala. "Alam mo bang baka lalo akong mapahamak sa ginawa mo? Boss ko si Selma. At hindi mo ako pwedeng hatakin lang kung kailan mo gusto!"

Tumitig lang si Denmark sa kanya. "Hindi mo kailangang yumuko sa kanila, Lia."

Napahinto siya. May kung anong bagay sa tono ng boses nito ang tumagos sa kanya—isang uri ng pangangalaga na hindi niya inasahan. Totoo ang mga salitang iyon.

Ngunit bago pa siya makasagot, mabilis na nagsalita si Denmark.

"Babayaran ko ang utang mo kay Selma."

Naguluhan siya. "A-Anong sabi mo? Paano mo nalaman ang tungkol dyan?"

Huminga nang malalim si Denmark. "Kay teyce. Gagawin ko iyon, basta hayaan mong maging tagamasid ako sa ginagawa nila sa mansyon."

Nagtagal ang katahimikan.

"Denmark... bakit?"

Pero bago pa ito makasagot, binitiwan nito ang isang bagay na mas lalong nagpabigla sa kanya.

"Kasi hindi ka dapat tinatrato nang gano'n kahit may utang ka. At para may assurance din ako na mababayaran mo ako, may kondisyon akong hihingiin."

"Ano naman kung sakali?"

"Pakasal tayo."

Halos mabingi si Lia sa sarili niyang tibok ng puso. "Ano?"

Seryoso ang mukha ni Denmark. "Kung pakakasalan mo ako, babayaran ko ang utang mo. Wala ka nang dahilan para yumuko sa harap ng mga Rivas."

Hindi siya agad nakapagsalita. Hindi ito laro. Seryoso si Denmark.

"Denmark, baliw ka na. Hindi biro ang pagpapakasal."

Pero hindi natinag ang binata. Lumapit ito sa kanya, hinawakan ang kanyang kamay, at pinisil iyon nang marahan.

Napakapit siya sa damit nito kahit hindi pa rin siya makapaniwala. Pero naisip niya, part lang ito ng unserious dynamics nila. Bahagi pa rin ito ng pailalim nilang landian. Baka kailangan niyang sakyan ito.

"At paano kung sabihin kong oo? Na baliw talaga ako?"

Isang matalim na sulyap ang ibinigay nito sa kanya bago binitiwan ang isang hakbang na hindi niya inaasahan. "Hindi ako nagbibiro at kung baliw man ako, eh 'di ako na ang pinakamasayang baliw kapag pinakasalan mo ako."

Bigla siyang hinila nito nang palapit—at bago pa siya makapalag, dumampi ang mga labi nito sa kanyang leeg. Isang halik ito na dumaloy sa kanyang buong katawan.

Napapikit siya. Dapat niya itong itulak. Dapat siyang lumaban. Pero sa halip, kusa niyang dinama iyon at nang alam niyang patapos na ito sa ginagawa, pinaharap niya ito sa kanya. At sa isang iglap, sinalubong niya ang mapusok nitong halik. Mainit. Masuyo. Ngunit puno rin ng labis na emosyon—galit, pananabik, at isang bagay na hindi niya kayang pangalanan.

Nagtagal ang kanilang halikan. Pareho silang nahulog sa sandali, sa init na hindi nila naramdaman sa kahit sino.

Hanggang sa tuluyang bumitaw si Lia. Humihingal. Naguguluhan.

Pero sa gitna ng kaguluhan sa kanyang isipan, isang desisyon ang biglang lumabas sa kanyang bibig. "I do."

Nanlaki ang mga mata ni Denmark. "Ano?"

"Tinatanggap ko ang alok mong kasal." Matigas ang boses ni Lia. "Kahit wala pang singsing."

Tila naglaho ang laro sa mukha ni Denmark. Hindi niya akalaing tatanggapin ni Lia ang hamon. At ngayon, wala nang atrasan.

Hindi makapaniwala si Denmark sa narinig niya mula kay Lia. Akala niya ay nagbibiro lang ito, pero seryoso ang ekspresyon ng dalaga—walang bahid ng pang-aasar o pag-aalinlangan.

"Tinatanggap ko ang alok mong kasal," inulit ni Lia, mas matatag. "Pero may kondisyon ako."

Bahagyang napangiti si Denmark. "Kondisyon agad? Hindi mo man lang ba ako hahayaang magtaka kung bakit mo tinanggap ang proposal ko?"

"Kailangan kong malaman kung sino ka talaga, Denmark." Diretsahan ang sagot ng dalaga. "At kung bakit, pakiramdam ko, galit na galit ka sa pamilya ni Selma Rivas."

Naningkit ang mga mata ni Denmark. Alam niyang matalino si Lia. Hindi lang ito basta naglaro kasama niya—ginamit nito ang laro upang makakuha ng sagot.

"At kung hindi kita sagutin?" tanong niya, tila sinusubok ang dalaga.

"Then, walang kasal," aniya. "At hindi mo rin ako mapapalapit sa mundo mo."

Nagtagal ng ilang segundo ang paglalim ng tingin ni Denmark kay Lia. Ang babae sa harapan niya ay hindi madaling paasahin. Matapang ito, determinado, at mukhang handa nang makipagsabayan sa kanya.

At sa hindi maipaliwanag na dahilan, imbis na mainis, natatawa siyang napapailing.

"Game on, Lia." Lumapit siya muli rito at bumulong, "Pero pag tinanggap mo ang mundong ginagalawan ko, hindi ka na basta makakaalis."

Hindi umatras si Lia. "Subukan mo lang akong ikulong sa mundo mo, Denmark, at masisira ang laro natin."

Nagkatitigan sila. Parang may isang tahimik na labanan ng dalawang taong parehong ayaw magpatalo.

***

Pagpasok nila sa loob ng kotse, tahimik na isinara ni Denmark ang pinto at pinaandar ang makina. Sa labas, patuloy pa rin ang kasiyahan sa gala, ngunit para kay Lia, tapos na ang gabing iyon. Alam niyang marami siyang dapat isipin—ang kasal na inalok sa kanya, ang paraan ng pakikitungo ng mga Rivas, at ang hindi niya maipaliwanag na tensyon sa pagitan nila ni Denmark.

Habang binabaybay nila ang daan, hindi maiwasang mapatingin si Lia sa binata. Tahimik lang ito habang hawak nang mahigpit ang manibela, ngunit may bakas pa rin ng init sa mukha nito—tila hindi pa rin tuluyang humuhupa ang tensyon mula sa nangyari sa kanila kanina.

Napatingin si Lia sa labi nito at agad napakunot-noo.

"Denmark..." untag niya.

"Hmm?" Hindi siya nito nilingon.

"Yung lipstick ko..." Itinuro niya ang labi nito. "Dumikit sa'yo."

Doon lang tila natauhan si Denmark at agad niyang dinilaan ang labi niya, bahagyang tinanggal ang bahid ng pulang lipstick. Pero imbis na punasan ito nang tuluyan, bahagya siyang napangisi.

"Bakit?" tanong ni Lia na nagtataka sa itsura ng binata.

Hindi ito sumagot agad. Sa halip, isang mapanuksong ngiti ang lumitaw sa mga labi nito habang nakatingin sa kanya.

"Hahayaan ko na lang," anito. "Remembrance."

Napataas ang kilay ni Lia. "Remembrance? Para saan?"

"Para patunayang nahalikan ko ang best kisser na katulad mo," sagot nito na parang wala lang, pero may halong pang-aasar.

Napasinghap siya. "Wow. Ang kapal mo."

Bahagya itong tumawa. "Sinasabi ko lang ang totoo."

Napailing si Lia, pero hindi niya maitago ang pamumula ng kanyang pisngi. Ayaw man niyang aminin, pero may kung anong kilig ang hatid ng biro ni Denmark.

"Burahin mo na 'yan," pilit niyang utos.

Ngunit imbis na sundin siya, mas lalo pa nitong inipit ang labi na parang ipinagmamalaki pa ang lipstick na naiwan niya.

"Hindi. Baka gusto mo pang dagdagan?" bulong nito na puno ng hamon. "Still, I would like to apologize for the first time I forcibly kissed you. Hindi ko dapat ginawa 'yon."

Muntik nang mapasigaw si Lia sa inis, pero napailing na lang siya. "Denmark, ikaw na yata ang pinaka-unbelievable na tao sa mundo. At hayaan mo na ang bagay na 'yon. Lasing ka that time, so forgivable pa."

Tumawa lang ito at mas lalong binilisan ang pagpapatakbo ng kotse.

Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, kahit na asar siya rito, hindi niya mapigilang mapangiti nang bahagya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top