CHAPTER 11
Matagal bago nakasagot si Denmark. Inayos niya ang kanyang postura, itinago ang anumang bahid ng emosyon sa kanyang mukha. Pero sa loob-loob niya, alam niyang tama si Carlos. Masyado na siyang nalihis sa orihinal nilang plano.
"Denmark," seryosong dugtong ni Carlos, "hindi ito laro. Hindi ito simpleng paghihiganti lang. This is about justice. Para sa pamilya natin. Para sa tatay mo."
Napalunok si Denmark. Ilang beses na niyang narinig ang mga salitang iyon, pero ngayon, may kung anong bigat ang dumapo sa kanyang dibdib.
"Hindi mo ba naiisip? Ang tagal na nating naghintay para rito," patuloy ni Carlos. "Kung hindi tayo kikilos ngayon, kailan pa?"
Tahimik na napaisip si Denmark. Oo, dapat matagal na nilang tinatrabaho ang pagpapalapit kay Selma Rivas, ang tunay nilang target. Si Selma, ang makapangyarihang babae sa Castilla, ang babaeng may hawak ng kayamanan at koneksyon, at ang babaeng may kinalaman sa pagkawasak ng kanyang pamilya.
Ang problema? Hindi pa siya nakakalapit dito. At imbis na si Selma ang iniisip niya, si Lia ang palagi niyang pinupuntirya.
Naguguluhan siya. Kung tutuusin, walang kinalaman si Lia sa ginawa ng pamilya Rivas noon. Isa lang siyang empleyado sa mansyon ng mga ito, isang ordinaryong babae na tila ba walang ideya sa madilim na mundo na ginagalawan nila. Pero bakit hindi siya makabitaw rito?
"Pwede ba, huwag mo nang idamay si Lia?" ulit ni Carlos, mas madiin ngayon. "Bakit hindi na tayo kumilos agad? Napapansin ko, lapit ka nang lapit sa kanya at napapabayaan mo na ang totoong plano. Kailangan nating mapalapit sa mga Rivas, lalo na kay Selma."
Denmark clenched his jaw. He realized the truth. Oo nga. Masyado na siyang babad kay Lia. Para siyang boyfriend o manliligaw na hindi mapakali kapag hindi ito nakikita. Sa halip na si Selma Rivas ang iniisip niya, mas abala pa siyang sundan, tuksuhin, at pahirapan si Lia. Parang ang pathetic niya.
Tumingin siya kay Carlos. "Tito Carlos, you don't have to be a dictator."
"Pero kailangan, Denmark," sagot nito, malamig ang boses. "Kung hindi ako magiging matigas sa'yo, sino?"
Natahimik si Denmark.
Napabuntong-hininga si Carlos at lumapit sa binata. "Look, alam kong hindi madali 'to. Alam kong marami tayong dapat isaalang-alang. Pero huwag mong hayaang maging hadlang si Lia."
Napakuyom ang kamao ni Denmark. Tama si Carlos. Hindi siya dapat nagpapadala sa kung anumang nararamdaman niya para kay Lia—kung may nararamdaman man siya. Wala dapat siyang pakialam kung ano ang iniisip nito, kung nasaktan ba ito sa ginawa niya, o kung galit ba ito sa kanya. Dahil hindi si Lia ang tunay niyang target. Hindi naman siya talaga bumalik dito para sa isang babae, kahit kasama ito sa gusto niyang gantihan.
Bumalik siya rito para sa hustisya.
"Okay," malamig niyang sagot. "Ibabalik ko ang focus ko sa plano."
Napangiti si Carlos, tila kuntento sa sagot nito. "Good."
Pero kahit pa sinubukan niyang isantabi ang lahat ng emosyon niya, hindi niya maitago ang katotohanang kahit pa gusto niyang kalimutan si Lia... may isang parte sa kanya ang ayaw bumitaw.
***
Tahimik si Carlos habang nakatitig sa bintana ng silid. Sa labas, tanaw niya ang malawak na hardin ng mansyon, pero ang isipan niya ay bumalik sa nakaraan, dalawampung taon na ang nakalipas.
Si Jack ang pinakamabait at pinakamatalinong tao na nakilala ni Carlos. Magkapatid silang lubos na magkaiba. Si Jack, isang matinong accountant na naniniwala sa tamang sistema, samantalang si Carlos ay isang sanggano, bahagi ng isang high-end gang sa Taguig na may koneksyon sa mga gambling syndicates.
Si Jack ang dahilan kung bakit kahit paano ay nagkaroon ng direksyon ang buhay niya. Para mapag-aral ito, pumusta siya sa ilegal na sugal at ginamit ang koneksyon niya sa sindikato. Kahit madumi ang mundo niya, ginawa niya ang lahat para hindi na sumunod si Jack sa yapak niya.
At naging maganda ang takbo ng buhay ng kapatid niya. Naging isang trusted accountant ito sa kumpanya ni Selma Rivas, asawa ni Edgar Rivas—isa sa pinakamakapangyarihang pamilya sa Castilla.
Pero isang araw, natuklasan ni Jack ang isang anomalya sa kumpanya. May tinatawag na loan shark ang mga Rivas, kung saan nagpapautang sila ng pera sa mga mahihirap na negosyante. Kapag hindi nakabayad ang mga umutang, hindi lang sila ninanakawan ng ari-arian kundi pinipilit din silang magtrabaho sa ilalim ng hindi makatarungang kondisyon—isang unfair labor practice na alam niyang ilegal.
"Kuya Carlos, hindi ko ito kayang sikmurain," sabi ni Jack noon, may halong kaba ang boses. "Kung hindi ako magsusumbong sa otoridad, ako ang gagawing scapegoat kapag na-audit ito."
Hinawakan ni Carlos ang balikat niya, pilit siyang pinapakalma. "Jack, delikado 'yan. Baka mapahamak ka."
Ngunit hindi ito nakinig.
At isang gabi, habang papunta si Jack sa otoridad para magbigay ng ebidensya, isang itim na sasakyan ang humarurot sa kalsada.
Kitang-kita ni Carlos ang pagragasa ng sasakyan sa kanyang kapatid. Parang eksena sa pelikula—tumilapon si Jack, bumagsak sa semento, at hindi na gumalaw.
Nanginginig si Carlos, patakbo siyang lumapit sa kapatid niyang wala nang buhay.
At sa loob ng sasakyan, sa loob ng madilim nitong bintana, isang pares ng mata ang tumingin sa kanya.
Si Selma Rivas.
Mula sa likod ng manibela, nakatitig ito sa kanya, malamig at walang bahid ng pagsisisi. Hindi na ito lumingon pa nang humarurot ulit ang sasakyan palayo.
Doon nagsimula ang lahat—ang galit, ang poot, ang kagustuhang gumanti.
Sa loob ng isang buwan, inubos ni Carlos ang oras niya sa pagre-research sa pamilyang Rivas. Nalaman niyang hindi lang pala ito simpleng pamilya ng negosyante—isa itong makapangyarihang pamilya sa Castilla na maraming koneksyon sa gobyerno, negosyo, at maging sa ilalim ng mundo.
At may natuklasan siyang mas madilim pang sekreto. Si Edgar Rivas, ang asawa ni Selma, ay may underground fighting ring—isang ilegal na pustahan kung saan ang mga lumalaban ay hindi hayop, kundi tao.
Mga batang lalaking itinataya ang buhay nila sa laban, kapalit ng perang pangkabuhayan o pambayad utang.
Isang gabi, sumubok si Carlos na manood.
Doon niya nakita ang isang binatilyo—bugbog-sarado, halos wala nang buhay, duguan at naghihingalo sa arena. Isang binatilyo iyon na nagngangalang Adrian Laurel. Nalaman niyang lumalaban ito sa mga ilegal na pustahan para lang mapiyansahan ang kanyang ama na nakulong sa kasong money laundering at scam.
At ang mas masakit? Ang ama ni Adrian ay may utang sa pamilya Rivas—at dahil hindi ito nakabayad, napilitan itong mang-scam ng pera na naging dahilan para makulong.
Doon na naramdaman ni Carlos ang koneksyon nila ni Adrian. Pareho silang may mahal sa buhay na napahamak dahil sa pamilya Rivas.
Dahil doon, hindi niya hinayaang mamatay ang binatilyo. Siya mismo ang naglabas kay Adrian sa arena. Ginamit niya ang kanyang koneksyon para maipagamot ito.
At nang magising si Adrian, isang bagong buhay ang inalok niya rito—isang bagong pagkatao.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top