CHAPTER 10
Tahimik na lumipas ang ilang minuto. Hanggang sa marinig nila ang mahinang tunog ng lock sa pinto.
Bumukas ito, at bumungad si Sonya. Ang mga mata nito ay dumapo kay Lia, na tila payapang nakaupo sa isang sulok, pero alam niyang hindi ito payapa. Sa isang iglap, lumapit siya sa dalaga at hinawakan ito sa braso.
"Lia?" may halong pag-aalalang tawag ng ginang.
Tumingala si Lia sa kanya, at napakurap si Sonya nang makitang bahagyang namumugto ang mata nito. Pero hindi na ito umiiyak. Hindi ito sumagot.
Mabilis na lumipad ang tingin ni Sonya kay Denmark. "Ano na naman ang ginawa mo?" malamig niyang tanong.
Ngunit bago pa makasagot si Denmark, tumayo si Lia at umiwas.
"Wala akong irereklamo, Ma'am Sonya," mahina ngunit matigas ang boses nito. "Ako na ang may kasalanan kung bakit ako nandito."
Nagkatinginan sina Denmark at Sonya.
"Lia—"
"Hindi ko na kailangang marinig ang kahit ano pa mula kay Denmark," pagputol ni Lia, bago siya tuluyang lumabas ng silid.
Saglit na napatigil si Denmark. Akala niya'y magpapaliwanag ito, magtatanong, o kaya'y magsusumbong. Pero hindi.
At doon siya muling nakaramdam ng pagkatalo. Dahil sa lahat ng babaeng na-encounter niya, si Lia lang ang hindi nagbigay ng kahit anong pabor o kahinaan sa kanya. Sa huling sandali bago mawala sa paningin niya si Lia, isang bagay ang naging malinaw kay Denmark—hindi talaga ito natatakot sa kanya. Ang tiyak na nag-iisang kinatatakutan nito ay ang nararamdaman nito para sa kanya.
***
Matalim ang tingin ni Sonya kay Denmark habang mariing pinipiga ang sariling mga palad. Hindi niya akalaing magiging ganito kabilis ang pagbagsak ng plano nila.
"Hindi mo ba naiintindihan ang bigat ng ginawa mo?" Matigas ang boses ni Sonya, sinubukang kontrolin ang galit na unti-unting bumabalot sa kanya. "Hindi ganito ang usapan, Denmark! Hindi mo dapat dinamay si Lia!"
"Bakit hindi?" sagot ni Denmark na malamig ang ekspresyon. "Kasama ang tatay niya sa dahilan kung bakit ako nandito ngayon."
"Pero hindi siya ang gumawa ng kasalanan," sabad ni Carlos, lumapit sa asawa at huminga nang malalim. "Kung tutuusin, siya pa ang naging collateral damage sa lahat ng nangyari."
Napatikhim si Sonya. Alam niyang tama ang asawa, pero hindi siya handang basta na lang pakawalan ang matagal na nilang pinaplano. Hindi rin siya handang hayaan si Denmark na gawin ang anumang gusto nito nang hindi pinag-iisipan.
"Hindi ito bahagi ng plano," ulit ni Sonya, mas madiin. "At hindi mo rin pwedeng gamitin ang nararamdaman mo bilang dahilan para saktan siya."
Napakunot-noo si Denmark. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Alam mo ang ibig kong sabihin," sagot ni Sonya, titig na titig sa kanya. "Lia isn't just a pawn to you anymore, is she?"
Nagkibit-balikat si Denmark. "Wala akong nararamdaman para sa kanya. Basta kapag nakikita ko siya, naaalala ko ang tatay niya at ang mga kasalanan nito sa amin. At sigurado naman, nakinabang din si Lia sa mga perang nakuha nito!"
"Talaga?" sarkastikong tugon ni Sonya. "Kung wala, bakit hindi mo siya nagawang saktan nang tuluyan? Bakit hindi mo siya hinayaang matakot sa'yo?"
Hindi agad nakasagot si Denmark. Dahil alam niyang may bahagi sa sarili niya na hindi kayang saktan si Lia sa paraang dapat ay ginagawa niya. Oo, gusto niyang makita itong mahirapan, gusto niyang makitang bumagsak ito kagaya ng pagbagsak ng pamilya nila noon. Pero sa tuwing nakikita niya ang mga mata nitong puno ng emosyon, sa tuwing nararamdaman niya ang init ng katawan nito malapit sa kanya, may isang bahagi sa kanya ang gustong protektahan ito—kahit pa hindi niya ito aminin sa sarili.
Napansin ni Carlos ang katahimikan ng binata. Napabuntong-hininga siya. "Hindi ko dapat naisip na paglapitin kayo kanina. Hindi ko naman naisip na gano'n pala ang balak mo."
"Hindi ko balak 'yon," paglilinaw naman ni Denmark.
"Pero nangyari dahil may emotional attachment ka pa rin talaga sa kanya, Denmark," mahinahong sabi nito.
"Wala tayong mapapala kung magpapadala ka sa emosyon mo. Alam nating lahat kung ano ang nangyari noon, pero hindi ibig sabihin na kailangan mong lumubog sa parehong putik."
Muling naningkit ang mga mata ni Sonya. "Kung magkakaroon tayo ng problema dahil sa impulsive actions mo, huwag mong asahan na ipagtatanggol kita. Hindi mo kailangang umabot sa level ng mga taong gusto nating gantihan."
Napangisi si Denmark, pilit na tinatago ang pag-aalinlangan sa sarili. "Hindi n'yo naman ako kailangang ipagtanggol."
"Hindi sa lahat ng oras," matalim na sagot ni Sonya, "makakalusot ka sa ginagawa mo."
Tahimik na lumipas ang ilang segundo bago tumalikod si Sonya at lumabas ng silid. Naiwan si Denmark na nakatitig sa sahig, habang si Carlos naman ay patuloy lang na nakamasid sa kanya.
"Denmark," mahina ngunit seryosong tawag nito.
Tumingin siya rito. "Siguraduhin mong hindi mo pagsisisihan ang ginawa mo."
At sa unang pagkakataon, hindi alam ni Denmark kung kaya niyang tuparin iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top