CHAPTER 1
Sa airport ng Maynila, kasabay ng mga pasaherong nagmula sa iba't ibang panig ng mundo, isang matangkad at matipuno ngunit disente at pormal na lalaking naka-Italian suit ang lumabas sa arrival area. Mahinahon ang ekspresyon nito, ngunit sa likod ng malamig na postura, may isang nagngangalit na damdamin na matagal nang nakatago sa ilalim ng maskarang kanyang suot.
Labingwalong taon ang lumipas mula nang iwan ni Adrian Laurel ang Pilipinas. Parehong bilang ng taon mula nang sadyang sunugin ang bahay nila at pumanaw ang kanyang ama sa kulungan. Sinunog ang bahay para palabasin na patay na ang binatilyong si Adrian. Sa pag-alis niya noon, hindi lang ang kanyang pangalan ang iniwan niya. Iniwan niya rin ang pagiging Adrian. Ngayon, siya na si Denmark Ozdemir, isang matagumpay na negosyante at protektadong tagapagmana ni Carlos Ozdemir, pinakilala siya nito sa madla bilang tunay na pamangkin at kaagapay din niya ito sa pagma-manage ng ilang overseas business. This time, legal na lahat. Hindi na sanggano si Carlos, kumalas na siya sa grupo ng kanilang gang na affiliated sa mas malalaking sindikato dahil nakilala nito ang tunay na pag-ibig nitong si Sonya.
Nang makita siya ni Carlos, kaagad itong lumapit at nagtaas ng kilay.
"What took you so long? Bakit ngayon ka lang? Na-miss mo tuloy ang kasal ng anak ni Kumpare Barry."
Pormal na ngiti lamang ang itinugon ni Denmark habang binababa ang sunglasses niya. "Kinailangan ko pang mag-close ng deal sa Antakya, remember? Mag-i-invest na ang petroleum company na UAE-based."
Napangisi si Carlos. "Paano mo napapayag si Mr. Osman?"
Nagpakawala ng makahulugang tawa si Denmark at saka naglakad papunta sa exit habang hinihila ang kanyang maleta. "Niregaluhan ko."
"Anong niregalo mo?"
"Babae," sagot niya, sinadyang patagalin ang sagot. Nakita niya ang panandaliang pag-aalala sa mukha ng hilaw na tiyuhin bago niya itinuloy ang paliwanag. "Babaeng tuta. Mahilig siya sa mga hayop. Binigyan ko rin siya ng pabor, pinayagan ko na mag-endorse ng produkto ang kompanya nila nang walang bayad. Ni-refer ko sa kasosyo nating advertising agency."
Nakahinga nang maluwag si Carlos. "Akala ko naman kung ano na. Pinakaba mo ako ro'n."
Naglaro ang ngiti sa labi ni Denmark habang inilagay ang maleta sa likod ng sasakyan. "Hindi ko naman makakalimutan ang mga bilin mo—hindi puwedeng ituring na materyal na bagay ang mga babae at kabataan."
Muling sumulyap si Denmark kay Carlos, kita ang panandaliang takot sa mukha nito dahil sa maling akala kanina. Tumawa siya nang bahagya. Kahit pa nga masungit at istrikto ang tiyuhin niya, alam niyang nasa puso pa rin nito ang prinsipyo ng pagiging isang mabuting tao.
"Mabuti at hindi mo nakakalimutan ang values ng pamilya natin," sagot ni Carlos, binuksan ang pinto ng sasakyan para kay Denmark. Agad naman itong sumakay, at nang makapasok na rin si Carlos, saka ito muling nagsalita.
"What's next? Bumalik ka na, ibig sabihin planado na ang dapat mong gawin, Adrian."
Napasinghap si Denmark, at sa isang iglap, nawala ang bahagyang saya sa kanyang mukha. Nanlamig ang ekspresyon niya, at dumilim ang kanyang titig. "Puwede po bang huwag n'yo na akong tawagin sa dati kong pangalan? Namatay na si Adrian dahil sa sunog."
Napailing si Carlos at nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. "Kahit naman takasan mo ang nakaraan, nasa likod mo pa rin si Adrian."
Hindi na sumagot si Denmark at tumingin na lamang sa labas ng bintana. Ang Maynila, sa paglipas ng mga taon, ay tila hindi naman nagbago—pareho pa rin ang ingay, ang trapiko, at ang pakiramdam ng pagiging isang lungsod na puno ng kasinungalingan at lihim.
"Babalik ako sa bayan ng Castilla," turan ni Denmark nang basagin niya ang katahimikan.
Tila hindi nagulat si Carlos, ngunit bumuntong-hininga ito. "Kinakabahan naman ako sa gagawin mo. Siya nga pala, nabalitaan ko mula sa reliable source natin na tatakbong congressman si Edgar, ang asawa ni Selma Rivas."
Napapikit si Denmark, pilit pinipigilan ang galit na biglang sumiklab sa kanyang dibdib. Sa halos dalawang dekada, wala siyang ibang inasam kundi ang araw na babalik siya para singilin ang mga taong nagwasak sa buhay niya. At ngayon, heto na siya, nakahanda nang iparamdam sa kanilang lahat ang kanyang matinding paghihiganti.
"Well, I won't let them win," aniya at nagtagis ang bagang. "Sisimulan kong pabagsakin ang negosyo nila. Idadamay ko rin ang mga anak nila."
Napakurap si Carlos, tila nag-aalangan. "Paano na 'yong batang si Lia na anak ng dating kaibigan ng tatay mo? Gagantihan mo pa rin ba? Biktima rin siya—"
Malamig na ngumiti si Denmark, ngunit sa loob niya, may kung anong sakit na hindi pa rin niya magawang burahin.
"She's not an exception."
Ilang sandali ang lumipas bago muling nagsalita si Carlos, may bahagyang pag-aalinlangan sa tinig.
"May isa pa akong nalaman tungkol kay Lia," anito, sinisipat ang reaksiyon ng pamangkin.
Napalingon si Denmark, at isang kilay niya ang bahagyang umangat. "Ano?"
Huminga nang malalim si Carlos bago nagsalita. "Hindi na siya nakapagpatuloy sa kolehiyo. Alam mo ba kung ano ang naging buhay niya pagkatapos ng lahat?"
Saglit na natahimik si Denmark. Hindi niya ito inaasahan. "Anong ibig mong sabihin?"
"Tumigil siya sa pag-aaral pagkatapos ng high school. Hindi na siya sinuportahan ng ama niya at hindi rin siya pinahintulutang umalis sa Castilla. At sa loob ng maraming taon, naging kasambahay siya ng pamilyang Rivas. Nawala na parang bula ang tatay niya."
Bahagyang napaangat ang tingin ni Denmark. Hindi niya alam kung ano ang dapat maramdaman. Kung anong reaksyon ang dapat niyang ipakita.
Si Lia? Isang maid?
Ang babaeng dati'y tila isang prinsesa sa bayan nila, ang anak ng isang may kayang negosyante ay ngayo'y isang utusan lamang sa pamilya Rivas?
May kung anong kiliti sa kanyang dibdib na nagsasabing baka ito na ang karma ni Lia sa lahat ng kasalanan ng kanyang ama sa pamilya niya. Ngunit hindi niya rin maikakaila na may bahagyang simpatyang bumalot sa kanyang isipan. Alam niyang hindi ganoon ang buhay ni Lia noon.
Mula pagkabata, kahit hindi marangya ang pamilya nito tulad ng mga mayayamang pamilya sa Castilla, hindi rin naman ito naghirap. Lagi itong may magandang damit, at masarap na pagkain. Ngayon, iniisip niya kung paano kaya nito nagawang mabuhay nang wala ang mga bagay na iyon.
"How did that happen?" tanong niya sa malamig na tinig.
Umiling si Carlos. "Hindi ko alam ang buong detalye, pero ayon sa sources natin, bigla na lang siyang iniwan ng ama niya sa Castilla matapos mahatulan ang iyong ama. Naging utusan siya sa mismong bahay ng mga taong dahilan ng pagbagsak ng pamilya mo. Parang ironic, hindi ba?"
Natahimik si Denmark. Isang mapaklang ngiti ang gumuhit sa kanyang labi.
"Karma nga talaga siguro 'yon," malamig niyang tugon, kahit pa sa loob niya ay may kung anong kirot ang pilit niyang itinatanggi.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top