48-A [ let go ]
ILANG araw na ang nakakaraan simula nang lumayo na ako kay Art. Pinilit kong 'wag magpunta sa ampunan o kausapin si Tsang. Pakiramdam ko nawawala na talaga ako sa katinuan. Sa tuwing naaalala ko ang mga mata ni Art na halos maiyak na at makiusap na lumayo ako, nakakawala sa ulirat.
Hindi ko na rin kasi alam kung anong gagawin ko. Sa sobrang gusto kong maalala niya ako, hindi ko naisip na sobrang masasaktan siya.
Okay lang ako. Buhay pa rin. Humihinga, gumagalaw, nakakapagsalita pero parang unti-unti ring nawawalan ng gana para mabuhay.
Gusto ko siyang makausap. Gusto kong makausap si Art. Makasama. Mabalik kami sa nakaraan.
Pero lahat ng nangyayari ngayon, kasalanan ko.
Sinubukan kong maging normal at ngumiti kapag si Nate ang kausap at kaharap ko. Pero minsan naluluha na lang ako at itatanong niya sa akin kung bakit ako umiiyak.
Ang sasabihin ko? Napuwing ako. The universal palusot na hindi lumulusot.
"Anong nangyari?" tanong sa akin ni Nate. "Lagi kang tulala. May problema ka ba?"
Nginitian ko si Nate. "Medyo busy lang, alam mo na . . . graduating."
Tumango siya at parang naniwala sa sinasabi ko. Sana lang talaga maniwala siya sa akin.
May pasok pa ako sa school kaya iniwan ko muna si Nate kasama sina Cloud at Erin.
Pagkarating ko sa school, nginitian ako ng mga kaibigan ko pero naupo lang ako sa tabi nila habang nagsasalita ang professor namin.
Lumapit sa akin si Maria at bumulong nang hindi nakatingin sa akin. "Sana ang love, parang flash drive."
"Hm?"
"May safely remove para hindi nasasaktan."
Umiling na lang ako sa kalokohan ni Maria pero hindi ko magawang ngumiti o tumawa. Sobrang lugmok ko na kahit ako, naiinis na sa sarili ko.
Patawarin mo ako, Nate.
Ilang araw ang lumipas at gigising ako sa thought na hindi ko deserve si Nate.
Hindi ko deserve ang sobrang pagmamahal niya habang ako, umiiyak dahil sa ibang tao. Sa ibang lalaki. Kay Art. Naging normal ulit pagkalipas ng birthday ko. Minsan nakikita kong nakatingin si Nate sa akin habang nakangiti.
Sana . . . sana maibigay ko rin ang ganyang ngiti.
Ianne, tigil na. 'Wag kang malungkot. Kailangan mong maging masaya para kay Nate.
Kailangan ka niya.
"Okay ka lang?" tanong sa akin ni Nate.
Ngumiti ako. "Oo naman."
Sana maniwala siya. Sana maniwala rin ako sa sarili ko.
Pero sino bang niloloko ko? Sila. Ako. Niloloko ko ang lahat. Sinasabi kong okay lang ako pero sa totoo lang, hindi ko na alam kung magiging okay pa ba ako.
"Anong gusto mong regalo?" tanong ni Nate. "Para sa birthday mo."
Ngumiti ako sa kanya. "Tapos na ang birthday ko."
"Kahit na, ano nga?"
"Gusto ko ang iregalo mo sa akin," sabi ko, "gumaling ka na."
Lumawak ang ngiti niya sa akin pero nawasak ang pagkatao ko sa sunod niyang sinabi.
"Hindi ko mareregalo sa 'yo 'yan. Ano pang gusto mo? Materyal na bagay? Kalayaan mula sa akin? Si Art?"
Hindi ako nakakilos. Nakatingin siya sa akin na para bang seryoso siya sa mga sinasabi niya. Naramdaman ko kaagad na kinakain na ako ng kunsensya ko.
Nand'yan siya, Ianne.
Nand'yan si Nate para mahalin ka. Nand'yan siya sa tabi mo kahit nahihirapan siya pero anong ginagawa mo? Nandito ka nga physically, pero nasaan ang puso't isipan mo?
Nasa taong nakiusap para lumayo ka.
Ianne, itigil mo na 'to. Nasasaktan na si Nate.
Pero kahit pagbali-baliktarin ko ang buong mundo, iisa lang ang sinisigaw ng puso't isip ko.
"Mahal na mahal kita," nakangiting sabi ni Nate.
Kinabahan ako. Bakit ba ako ganito? Bakit naging mas magulo ang lahat?
"Nakakatawa ako, 'no?" Tumawa siya at tumingin sa bintana.
Ianne, tama na. Mahal mo si Nate, hindi ba?
"Natatangahan na rin ako sa sarili ko. Pinagsisisihan ko na lahat ng nagawa ko noon. Ang tanga ko, sana hindi na lang ako naglihim."
"Nate . . ."
Papalapit na sana ako sa kanya nang mapatigil ako dahil tumingin siya sa akin. Nakangiti siya pero nangingintab ang mga mata.
"Ang duwag ko kasi, eh, hindi ko matanggap na may sakit ako." Kinagat niya ang pang-ibabang labi niya. "Hindi ko matanggap na mawawala ako. Dapat sinabi ko na lang dati pa. Ang tanga ko. Sana hindi na lang kita dinaan sa ibang lalaki."
"Anong s-sinasabi mo . . ."
"Anong napala ko sa katangahan ko?" Kinuyom niya ang kamao niya. "Nakuha na niya ang pagmamahal mo. Nakuha ka na niya sa akin."
Umupo ako sa tabi niya at hinawakan siya sa kamay.
"Naiinis na kasi talaga ako sa sarili ko." Tumutulo na ang luha niya.
Nakatingin lang ako sa kanya.
Alam ko ang sasabihin ko. Alam ko ang dapat kong sabihin pero bakit hindi ako nagsasalita. Humigpit ang hawak ko sa kamay niya kaya tumingin siya sa mga mata ko.
Mahina ang pagkakasabi ko ng, "'Wag kang ganyan . . ."
"Bakit, Ianne? Mahal mo ba ako? Mahal mo pa rin ba ako, hanggang ngayon?"
Mahina ang boses niya na halos hindi ko na marinig dahil sa lakas ng kabog ng dibdib ko.
Bakit hindi ko masagot ang tanong niya kahit ang dali-dali lang dapat nito?
Ngumisi siya at inialis ang hawak ko sa kamay niya. "'Wag mo na lang sagutin ang tanong ko."
May kinuha siya sa ilalim ng damit niya at kinuha ang dalawang singsing sa kwintas niya.
"Alam kong sa una pa lang, wala na talaga. Nang makita ko kung paano mo tingnan ang singsing na 'to, alam kong wala ka na sa akin."
Napalunok ako. Napakagat ng labi.
"Pero nagpakatanga ako. Nagbulag-bulagan. Nagpanggap akong walang alam. Nagpanggap akong hindi ko alam na may amnesia si Art. Na hindi ko alam na nagpupunta ka sa kanya madalas. Na umiiyak ka dahil sa nangyari kay Art. Nagpanggap akong hindi ko alam na sa likod ng mga ngiti mo sa akin, puno ng sakit ang nararamdaman mo." Humigpit ang hawak niya sa singsing. "Bakit ba sa tuwing nagiging makasarili ako, na dapat ako lang ang masasaktan, nasasaktan din kita, Ianne?"
Tumulo na ang luha sa mga mata ko nang banggitin niya ang pangalan ko.
"Bakit ang sakit ng kasalanang nagawa ko? Bakit nasasaktan pa rin kita hanggang ngayon? Bakit ba lagi kitang ginaganito?"
Napayuko na ako sa sobrang panghihina sa mga naririnig ko. Tulo lang din nang tulo ang mga luha niya. Hinawakan ko lang ang kamay niya nang mahigpit.
"Ako ang nagtulak para mawala ka sa akin at magmahal ng iba. Ang tanga ko . . ." mahina niyang sabi. "Gusto ko na lang mamatay."
Natatanga ako.
Kailangan kong sabihing dito lang ako sa tabi niya hanggang gumaling siya. At 'wag siyang mag-isip na may iba akong mahal pero . . .
"Nate . . ."
Pangalan lang niya ang nasambit ko.
Natatakot ako sa mga sinasabi niya pero natatakot din ako sa sarili ko.
"Bago ako makipag-break sa 'yo, nag-ampon ang pinsan kong si Ate Grace. Si Baby Angel . . . AFGeneration ang pangalan ng ampunan na 'yon." Bakit niya sinasabi 'to? "Nakita ko si Art na kausap ang isang bata na bulag na kailangan ng operasyon sa mata. Hindi ko alam, naisip ko lang na kaya niya akong matulungan sa sitwasyon ko."
Nakatingin lang ako sa kanya.
"Binayaran ko siya para mapagamot ang bata kapalit ng pagiging laging nand'yan niya sa tabi mo kapag naging kontrabida na ako sa buhay mo." Wala na akong naiintindihan. "Binalik niya ang pera sa akin nang makaipon siya at sinabing hindi na niya kaya dahil . . ."
Tumingin siya sa akin at ngumiti.
"Dahil mahal ka na niya. Hindi na niya kailangan ng pera. Mahal ka niya kaya lagi na siyang nasa tabi mo."
Nahihirapan na ako huminga.
"Ito na ang karma ko . . . unti-unti na akong pinapatay sa sakit." Inialis niya ang hawak ko sa kamay niya at tinakpan ang mga mata niya nang humagulgol na siya. "S-sobr-ang sa-sakit."
Parehas kaming umiiyak.
Parehas kaming mahina.
Parehas kaming nagmamahal.
Parehas kaming nasasaktan.
Bakit ba napaka-unfair ng mundo?
"Alam kong awa na lang ang dahilan kung bakit ka nandito. Tanggap ko nang hindi na ako ang tinitibok ng puso mo simula nung huli nating kita nung high school." Kumalma na siya at tumingin sa akin. "Patawarin mo ako sa pagpilit sa 'yong manatili sa tabi ko."
Magsalita ka Ianne . . . please, magsalita ka.
Sabihin mong mali siya. Sabihin mong dito ka lang at hindi ka napipilitan. Sabihin mong 'wag siyang masaktan dahil lang sa 'yo dahil siya lang naman talaga . . .
Pero hindi ako makapagsalita.
Hindi ko kaya.
Humigpit ang hawak niya sa kamay ko at ngumiti.
"Gusto kong sumaya ka bago pa ako mawala."
"H-ha?"
"Pinapakawalan na kita." Bago pa ako makapag-react, inialis na niya agad ang hawak sa kamay ko. Tumingin siya sa mga mata ko at mariing nagsalita, "umalis ka na rito."
Huminto ang tibok ng puso ko sa narinig ko.
"Hindi na kita kailangan."
"Nate naman, bakit ka ganyan? Andito lang ako, dito lang ako."
Pinindot ni Nate ang button para magtawag ng nurse.
"Hindi, Ianne. Matagal ka nang wala sa akin."
Hahawakan ko sana siya nang nagulat ako sa pagsigaw niya.
"Nurse! Nurse!"
Pinapatigil ko siya sa pagsigaw dahil stressful ito sa kanya at dapat hindi siya mapagod. Nag-slow motion ang lahat nang sigaw pa rin siya nang sigaw habang nakikita ko na ang mga nurse na papasok sa kwarto ni Nate.
"Umalis ka na rito," mahina niyang sabi sa akin.
"T-teka—"
"Ilayo n'yo siya sa akin."
Nagulat ako nang hawakan ako ng isang nurse. Nakatulala ako kay Nate, parang nahihilo na ako sa mga nangyayari.
"'Wag n'yo siyang papapasukin sa kwarto."
"Miss, tara na po."
"Nate! 'Wag mong gawin 'to. Please, Nate. 'Wag naman ganito."
"Umalis na po tayo, Miss."
Makakalabas na ako nang kwarto nang hawakan ko ang pinto para hindi masara. Tulo nang tulo ang mga luha ko. Nakatitig lang siya sa harap niya, hindi tumitingin sa akin.
"Nate!" pagtawag ko sa kanya.
Tumutulo ang luha niya nang tumingin siya sa akin at ngumiti. Bago pa ako makalabas ng kwarto, tumigil ang tibok ng puso ko sa huli niyang sinabi.
"Gusto kong lumigaya ka . . . para mamahinga na ako."
Sinara ng nurse ang pinto ng kwarto ni Nate nang mailabas nila ako. Hindi ko makita kung anong ginagawa nila pero nagkakagulo sila sa loob. Katok ako nang katok.
"Papasukin n'yo ako, sige na po. Papasukin n'yo ako. Nate!"
Pinigilan ako ng isang nurse na nagpalabas sa akin. "Hindi po pwede, Miss, kritikal ang sitwasyon ng pasyente, makakasama po ang pagpilit sa ayaw niya."
"Nate, buksan mo ang pinto," iyak ko. "Nate . . . pakiusap."
Bakit ba lagi na lang ganito kasakit?
Pagod na pagod na ako. Hinang-hina na ako. Napansin ko na lang na dumating si Erin sa tabi ko. May sinasabi siya pero wala na akong maintindihan. Hindi ko na maintindihan ang lahat. Niyakap niya ako habang iyak ako nang iyak.
"Ayaw ko na . . ." bulong ko. "Please, ayaw ko na."
Gusto ko nang tumigil na ang sakit.
note:
o di ba, ang bilis ng update. hihi.
salamat pooooo sa mga naghintay TT ^ TT pasensya na kung di nyo na maalala yung story. same. haha. chz.
thank you rin kay d_lavigne para sa technical edits ng chapter na ito :D
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top