47-B [ memory ]


NATAPOS ang event nang ako na ang unang lumayo kay Art. Nagtaka siguro siya sa bigla kong pagtayo at paglayo matapos niyang punasan ang luha ko. Kung hindi ko gagawin 'yon, baka kung ano pa ang magawa kong mas makasakit sa kanya.

Napauwi siya sa AFGeneration nang hindi pa natatapos ang event dahil sobrang sakit na raw ng ulo niya.

Ako 'yong may kasalanan.

Ako 'yong dahilan . . .

Bakit pa kasi ako lumapit?

Madilim na nang matapos ang last minute gawain sa ampunan. Halos wala na ring mga bata sa labas dahil natutulog na o kaya nagkukwentuhan sa loob ng mga kwarto. Halos lahat ay pagod dahil sa event.

Pauwi na ako pero gusto ko sana siyang makita kaya nagpaalam akong pupuntahan ko muna si Art sa kwarto.

Ilang beses ko nang nagagawa ito pero ngayon lang na nagkausap na kami nang mas matagal. Nakakainis na ito na lang ang kaya kong gawin. Ang pagmasdan siya habang natutulog. Habang nakapikit siya. Kapag hindi niya ako nakikita.

Sa ganitong paraan, hindi siya nasasaktan kahit kausapin ko siya, hawakan ang pisngi niya, o halikan siya sa noo.

Pero bakit ang saya ko pa rin sa nangyari kanina?

Binuksan ko ang lampshade sa may study table at nakita kong nakakalat ang mga art materials niya. Nag-aaral siya ng fine arts. Second year college. Nakakatuwa lang na kahit nakalimot na siya, hindi pa rin niya nalilimutan ang pagpipinta.

Pero bakit . . . hindi niya maalala ang nakaraan niya?

Kahit si X na muse niya nun sa painting, hindi niya maalala.

Bakit, Art? Anong kailangan mo para maalala mo ang nakaraan?

"Good night, Art. Salamat ngayong araw."

Nawala na 'yong sakit sa mukha niya at payapa na lang siyang natutulog ngayon.

Kailan kaya siya titingin sa akin, o makakalapit kami sa isa't isa, nang ganito ang facial expression niya? Nang hindi siya nasasaktan?

Hinalikan ko siya sa noo bago ko ayusin ang materials niya sa study table. Napansin ko rin na may tinatapos siyang painting ng nature sa isang maliit na landscape canvas. May ilang paintings din sa kwarto niya na sobrang gaganda.

Nang kunin ko ang ilan niyang gamit para ayusin, may napansin akong notebook. Hindi lang ito basta-basta notebook dahil nakikita ko siya minsan na nagsusulat dito. Hindi ko na sana papakialaman pero parang hinahatak ako ng notebook.

Natigilan ako pagbukas ko sa first page.

"Art," bulong ko pagbaling ko kay Art. "Akala ko ba nalimutan mo na ako?"

Napakagat ako ng labi nang ibalik ko ang tingin sa first page. Dahil sa first page, dated years ago ay isang drawing ng mukha ng isang babae . . . mukha ko.


March 30, 2012
Unang taong pumasok sa utak ko. Sino kaya siya?


Napaupo ako sa upuan sa sobrang kaba at panghihina. Naglipat pa ako ng page at nabasa ko ang ilang entries niya sa tinatawag niyang Memory Notebook. Ang mga therapies niya. Ang nararamdaman niya kapag may nakikita siyang masayang magkakasama na pamilya o magkakaibigan. Ang pag-uwi niya sa AFGeneration.


January 17, 2013
May babaeng dumating sa AFGeneration. Sumakit ang ulo ko pagkakita ko sa kanya. Ang bilis din ng tibok ng puso ko.


Hindi ko na kaya ang nababasa ko kaya kinuha ko ang notebook at lumabas ng kwarto. Pumunta ako sa pinakataas kung nasaan ang kwarto ni Art liit dati para walang makakita at makarinig sa akin. Naupo ako sa hagdan sa may pintuan at nanghihinang binasa ang huling linya ng entry ni Art.


Ianne raw ang pangalan niya. Sino ba siya? Bakit ang lakas ng epekto niya sa puso ko?


Napahigpit ang hawak ko sa notebook ni Art. Tiningnan ko ang isa sa mga latest entry.


July 10, 2013
Pinilit kong gumawa ng mga plates pero hinahanap ko si Ianne.

Umiiyak siya sa panaginip ko. Gusto ko siyang yakapin pero hindi ko magalaw ang sarili ko. Nakatingin lang ako. At parang ako ang dahilan ng pag-iyak niya.

Kahit sa panaginip ko, nakikita ko siya. Kaya minsan natatakot na akong magising kasi siguradong hindi ko siya makikita paggising ko.

Natatakot akong mawala siya.

Naguguluhan na ako sa sarili ko.


Nagsilabasan ang luha sa mga mata ko. Napatingin ako sa likuran at napansing may parang hidden pocket. May label ang papel na 'yon.


Hawak ko noong naaksidente ako.


Kinuha ko ang nakalagay sa bulsa. Napatakip ako ng bibig para pigilan ang paghikbi ko. Umiiyak ako habang hawak ang necklace ni Art na nakalagay ang dalawang singsing.

Nasa kanya pa rin . . . kahit nakalimutan niya ako, nasa kanya pa rin 'to.

Napatingin ako sa doorknob ng pinto dahil sa mga paint. Binalik ko ang singsing sa bulsa ng notebook. Kahit masakit ang katawan ko, binuksan ko pa rin ang pinto.

Pagkabukas ko ng ilaw, napaupo na ako sa panghihina.

"Art . . ." na lang ang nasambit ko.

Itong kwartong 'to ay puno ng memorya niya—ng memorya namin.

Puno ng paintings, canvas, paints at brushes. Ang mga painting na nakakalat ay mga senaryong nangyari sa amin ni Art dati. Hindi ako makapaniwala.

Lumapit ako sa paintings. May pirma niya ang mga 'yon at halos last year at this year lang 'yong date. Ginawa niya ito kahit nakalimutan niya ako? Ginawa niya ito kahit wala siyang maalala?

Nandito ang mga katuwaan namin. Ang mga oras na magkasama kami. May napansin lang ako sa mga painting niya . . . hindi nakikita ang mukha ng babae at lalaki. Kung hindi naka-side view, nakatalikod. May mga nakaharap pero kalahati lang ang madalas na kita.

Ito kaya ang pumapasok na memorya ni Art? Pine-paint kaya niya ang ilang parte ng memorya na naaalala niya?

Ang meaning ba n'on is . . . naaalala niya ako?

Na maaalala niya ako?

Ewan ko kung anong pumasok sa isip ko nang lumabas ako sa kwarto at agad kumatok sa pintuan ng kwarto ni Art. Alam kong natutulog na siya pero may energy ako na para bang walang pakialam sa nangyayari.

Binuksan ko ang pinto at nakita ko si Art na nakatingin sa akin, mukhang may hinahanap table niya. Nang makita niyang hawak ko 'yong memory notebook niya, natigilan siya at tumingin sa akin.

Frustrated na ang itsura niya at mukhang naiinis. Gulo-gulo ang buhok dahil siguro galing sa pagtulog. Tumingin siya sa mga mata ko bago bumaling sa notebook na hawak ko.

"B-bakit na sa 'yo 'yan?" Tinuro niya ang notebook na hawak ko. "Bakit mo hawak 'yan?"

"Art . . ." pabulong ko.

Napapansin kong kumukunot ang noo niya at napapapikit na parang nasasaktan na siya. Nilapitan ko siya at wala siyang ibang nagawa kundi ang tumayo lang at sundan ako ng tingin.

"Alalahanin mo na ako, Art."

Walang sabi-sabing niyakap ko siya. Sinubsob ko ang mukha ko sa dibdib niya at tuluyang umiyak. Ramdam na ramdam ko ang bilis ng tibok ng puso niya.

"Please, bumalik ka na. Bumalik ka na sa akin . . ."

"A-anong—Ah, pwedeng—!"

Nagulat ako nang natulak niya ako nang mahina at napaupo siya sa kama niya. Nakapatong ang dalawa niyang siko sa magkabila niyang tuhod. Hawak niya ang sentido niya habang nakayuko habang hinihingal siya.

Naupo ako sa sahig para makita niya ako mula sa pagkakayuko niya. Binuksan ko ang notebook sa first page. Umiiyak akong tinuro sa kanya ang drawing.

"Art, tingnan mo siya, tingnan mo ako . . . Wala ka bang naaalala?"

Tumingin siya sa drawing nang nakakunot pa rin ang noo. Lalong bumibigat ang paghinga niya nang pabalik-balik ang tingin niya sa akin.

"Art, please."

Hinawakan ko kamay niyang nakahawak sa sentido niya. Kinukuha ko 'yon pero ang bigat ng kamay niya. Para bang gusto niyang tanggalin 'yong ulo niya.

"Bakit kailangan mo akong kalimutan?"

"Tama na . . ." bulong niya. "Ang sakit . . ."

"Please!" Kinuha ko ang kamay niya at hinalikan 'yon. Nakapikit ang isa niyang mata na para bang nahihilo na siya. Tumingin siya sa akin at lalo akong naiyak nang namumula na ang mga mata niya sa sobrang paghihirap. "Alalahanin mo na ako—"

"TAMA NA!"

Nagulat ako sa sigaw niya. Napahiga siya sa kama niya habang nakahawak sa ulo niya. Namimilipit siya sa sakit at para akong natauhan bigla.

Napatingin ako sa notebook niyang natuluan na ng luha ang drawing. Nagsa-smudge na ito dahil sa luha ko. Nanginginig din ang mga kamay ko at nanlalamig.

Tumingin ako kay Art. Anong . . . Anong nagawa ko?

Humahangos pa rin ang hinga niya at umiiyak na rin siya. Agad kong binaba ang notebook at hahawakan ko pa lang siya para alalayan, bigla siyang yumuko at tinaas ang kamay, palad ang nakaharap sa akin.

"'Wag kang lumapit sa akin . . . pakiusap, 'wag kang lumapit."

Tulo nang tulo 'yong mga luha ko habang nakatingin sa kanya.

Nasasaktan siya sa akin.

Nahihirapan siya dahil sa akin.

Napaupo na ako sa panghihina dahil sa pag-iyak. Dumating si Tsang nang nag-aalala. Nagsilipan na rin ang mga bata.

Nilagpasan ako ni Tsang at nilapitan si Art na pinainom niya ng gamot. Umiiyak pa rin si Art habang hawak ang ulo niya. Namumula na rin siya na para bang sinilaban siya nang buhay.

"Ang sakit . . ." iyak niya. "Patigilin n'yo 'yong sakit."

Tumingin sa akin si Tsang, may pag-aalala sa mukha, bago siya bumaling muli kay Art. Nung moment na 'yon, wala akong maramdaman kundi ang tuloy-tuloy na pagtulo ng mga luha ko habang nakatingin ako kay Art na iyak din nang iyak dahil sa akin.

"Sorry," bulong ko. "Sorry . . ."

Lalayo na ako, pangako.

Lalayo na ako, 'wag ka lang masaktan.



note:

update ulit kasi tagal kong nawala kaya dapat bumawi. haha. this chapter is half old scene, half new scene. isang old scene na ni-repurpose at ginawang mas matino. yata. mehe.

salamat sa pagbabasa ng afgitmolfm!! <3


thank you rin kay d_lavigne para sa technical edits ng chapter na ito. :>


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top