45 [ forgettable ]


Singkit, maputi, matangkad, at may nunal sa left side ng dibdib, at right side ng noo. Imbis na matalas na tingin, parang naging maamo ang mukha.

"Bakit ka tumititig sa akin?" tanong niya.

Bakit parang nag-iba siya?

"G-Galit ka pa rin ba?" tanong ko.

Naningkit ang mga mata niya na parang inoobserbahan ako. Parang kinikilatis niya ang kabuuan ko, tapos yong kamay na hindi hawak ang isang canvas, pinangkamot niya sa batok niya.

"Sorry pero, sino ho kayo?"

Ano raw? Sino ako?

Napatingin ako sa leeg niya at parang gusto kong maiyak dahil wala siyang suot na kwintas. Hindi rin niya suot ang singsing sa daliri niya. Sana hindi ko na lang binalik sa kanya yong singsing. Sana maipapakita ko pa sa kanya yon para palatandaan sa aming dalawa . . .

"K-Kinalimutan mo na ba talaga ako?" rinig na rinig ang pagmamakaawa sa boses ko. "Ako 'to, Art. Si Ianne."

"I-Ianne?"

Parang napapikit siya nang banggitin ang pangalan ko. Parang nasaktan siya sa pagsabi lang ng pangalan ko. Bakit? Anong meron? Ganito ba talaga siya kagalit sa akin at parang allergic na siya sa akin?

"Uh, sorry, miss. Wala kasi akong maalala."

"A-Art anong—?"

Nagbukas ang gate at tumambad sa amin ang isang babae na siguro ay nasa edad forty na. "Oh Art, nandito ka na pala," sabi ng babae. Natigil siya nang makitang tinitingnan ako ni Art. "Yes ho, anong kailangan nila?"

Sino siya?

"S-Si Art po . . ."

Tiningnan ako ng babae at napangiti. "Si Art?"

"Teka, Tsang, medyo sumasakit ang ulo ko," sabi ni Art. Tumingin pa muna siya sa akin at pumasok sa loob ng ampunan habang kausap ko ang babaeng tinawag niyang 'Tsang'.

"Si Art po ba 'yun?"

Napangiti si Tsang sa akin at hinawakan ako sa balikat. Pinapasok niya ako sa loob at ang una kong napansin ay lumaki ang playground sa harap. May mga pamilyar na bata akong napansin na patakbo-takbo pero ang daming bagong mukha.

"Kaano-ano mo si Art?" tanong sa akin ni Tsang habang naglalakad.

Kaano-ano ko si Art? Kaano-ano ko nga ba siya? Boyfriend? Ex? Taong minahal at sinaktan ko?

"Kaibigan po, k-kaklase ko po siya nung high school."

"Kay gandang kaibigan ni Art," nakangiti niyang sabi. "Nakakapanghinayang dahil mukhang hindi ka niya naaalala."

Natigil ako sa paglalakad sa narinig ko. "Hindi po naaalala?"

Naupo kami sa sofa sa loob ng bahay at hinarap ako ni Tsang. Nag-utos siya sa isang volunteer na magbigay ng tubig kahit tumanggi ako. Ngumiti siya sa akin habang kinukwento niya ang mga bagay na nagpagulo lalo sa utak ko.

"Amnesia, iha. May tawag nga sa amnesia niya. . . retomade, gatorade, retrogade. Malapit sa mga salitang iyon. Nawala kasi siya mga dalawang taon na rin ang nakalipas," sabi niya. "Akala namin ay nagbibiro lang siya noong nawala siya, noong una kasi ay sabi lang niya'y magpapahangin lang siya sa kung saan, hanggang sa hindi na namin siya ma-contact."

Ito ba yong panahong pabalik-balik din ako rito? At sinasabi nila sa aking hindi pa siya bumabalik?

"Ano pong . . . anong . . .?"

Naguguluhan na ako sa mga nangyayari!

"Wasak daw ang kanyang motorsiklo noong sinugod siya sa ospital. Head trauma at nagka-coma. Pagkagising ay hindi na niya maalala kung sino siya. Wala siyang ID na dala noong mga panahong iyon, naiwan ata pati ang driver's license, kaya hindi nalaman kaagad kung sino siya at saan siya nakatira. Halos kalahating taon namin siyang hinanap."

Ngumiti ako kahit hirap na hirap akong gumalaw. "M-Mabuti po at nahanap niyo siya." 

Bakit ako, hindi ko siya nahanap? Bakit hindi man lang pumasok sa isip ko na maghanap sa ospital noon? Bakit wala akong balita sa nangyari noon?

"Ay, oo. Mabuti talaga ang Panginoon. Ngayon ay nasa therapy siya para hindi na siya maging makakalimutin. Simula kasi nang maaksidente, madalas na siyang makalimot. Kahit ang pagsintas ng sapatos ay nalilimutan niya paminsan." Tahimik lang ako. "Nalimutan nga rin daw niya kung anong simbolo para sa CR ng lalaki at babae kaya't nakapasok siya ng CR ng babae." 

Pinapagaan ni Tsang ang mood sa kwento niya. Ngumiti lang ako. Sinubukan kong tumawa pero. . . sobrang bigat ng loob ko.

"Sabi ng doktor ay magtiwala lang kami at babalik din ang memorya ni Art, may ilang naaalala na niya tulad ng pagmamahal niya sa pagpinta pero hindi ito sapat," malungkot na sabi ni Tsang. "Kung nandito lang si Inang ay baka bumalik na ang alaala ni Art. Sabi kasi ng doktor, malaki ang tsansang bumalik ang mga ito sa kaniya kapag may tumulak sa subconscious niya para maalala ang nakaraan."

"Tulad po ng alin?"

Huminga nang malalim si Tsang bago sumagot. "Ang mga nasa nakaraan niya, iha. Mga kaibigan. Mga sulat. Mga litrato. Nakakapanghinayang dahil wala na rito si Art liit o ang iba pang mga bata. Mahalagang alaala ang mabibigay ng mga batang iyon kay Art."

May amnesia si Art. 

Akala ko sa mga palabas lang nangyayari 'yung mga ganon pero kahit pala sa totoong buhay, nangyayari rin.

Kay Art pa. Of all people, bakit kay Art pa? Paano yong photographic memory niya, wala na lang lahat ng yon? Bakit naman nagkaganon?

Alam kong may mga memorya siyang sana, hindi na niya maalala pero bakit naman sa ganitong way pa?

Kinwento sa akin ni Tsang na kapatid niya si Inang. . . na sumalangit na ang kaluluwa. Noong nalaman daw yon ni Art ay parang nag-shut down ang memorya niya ng isang buong araw, kinakalimutan ang nangyari. Kaya hindi na nila nabanggit pa ulit si Inang. Tulala ako habang nagkukwento si Tsang. Naiintindihan ko pa rin ang sinasabi niya pero feeling ko lutang na lutang ako.

Ang nakaraan ni Art? Ako kaya. . . magagawa ko kayang maibalik ang nakaraan niya?

As if on cue, dumating si Art mula sa taas na hinihilot pa rin ang noo. Nakapambahay na rin siya. At kahit sa simpleng itsura niyang to, sumasakit na yung dibdib ko.

"Iho, kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ni Tsang.

"Ang sakit pa rin po ng ulo ko, pasensya na. Kusina lang po ako."

Ang galang ni Art . . . siguradong may amnesia nga talaga siya.

Napatingin siya sa akin at nagulat ako nang ngumiti siya. Ngumiti siya sa akin! Na para bang binibigay niya ang ngiti niyang yon kahit kanino lang, kahit sa mga stranger na tulad ko. 

Napakagat ako ng labi nang mapansing parang naguguluhan siya sa akin, sa sakit na nararamdaman siguro niya, pero nakangiti pa rin siya. Nawala ang lahat ng coldness sa mata niya, sa tono ng boses niya.

Si Art ang nakikita ko pero hindi na siya si Art . . . ko.

Hindi ako nag-iisip nang magpaalam ako mag-CR pero sumunod ako kay Art sa kusina. Sure ba? Ito na talaga ba yon? May amnesia ba talaga siya?

Mabibigat at malalaking lagok ang ginawa niya sa tubig, hinihingal din siya. Pinagmasdan ko ang bawat anggulo ng mukha niya mula sa kilay niyang hindi magkasulong, sa mata niyang maamo na ngayon, at sa labi niyang panay ang ngiti.

Art . . . anong nangyari?

Medyo humaba na rin ang buhok niya. Hindi na siya kasing payat noon. Napansin ko rin na may mga peklat siya sa braso at . . . napahawak ako sa gilid ng noo niya.

May tahi roon.

Naaksidente nga talaga siya.

Nagulat ata siya sa ginawa ko kaya napatalon siya paatras, nag-panic. Napatitig ako sa kanya, para bang nagkagulatan kami. Lalo akong napakagat sa labi.

"H-Hello?" nakangiti pero hindi siya sigurado sa akin.

"S-Sorry, hindi ko s-sinasadya."

Talaga ba, Ianne? Paano yong hahawak ka sa noo ng iba tapos hindi mo sadya?!

Gusto kong kalimutan na lang namin ang lahat noon pero hindi sa ganitong paraan.

Napatitig siya sa akin. Kumunot ang noo niya at hinawakan ulit ang gilid ng noo niya, hinimas-himas. Mukhang nasasaktan siya pero pinilit niyang ngumiti sa akin. Bakit naman nagkaganito pa?

"A-Ano, uhm . . . bago ka ba, bago kang volunteer dito sa ampunan?" tanong niya sa akin. "Ano, teka, pasensya na, magpapahinga muna ako, sumasakit na talaga yong ulo ko."

Ngumiti siya ulit at naglakad palayo sa akin. Gusto ko siyang tawagin ulit. Gusto ko siyang yakapin sa likod pero nakatitig lang ako sa paglayo niya. 

"H-Hindi ka na . . . poker-faced." at bakit hindi ako masayang hindi na straight face ang mukha niya? Hindi ko malaman bakit natatawa ako sa sakit.

Pinaglalaruan ba talaga ako ng tadhana?

Napatigil sa paglakad si Art, narinig ata ako.

Mukhang gusto niyang lumingon sa akin pero hindi niya ginawa. Napasuklay siya ng buhok palikod saka tinigil sa tuktok. Minasahe niya ang ulo niya at dumiretso ulit sa paglakad palayo, paakyat sa siguro ay kwarto niya. Ni hindi na siya tumigil nung kinausap siya ng mga bata.

Doon tuluyang umagos ang luha ko.

"Emotionless Guy . . . bakit?"


note:

helloooo, readers!! maraming salamat sa pagbabasa, pagko-comment, at paghihintay and as promised, after 5 days, here's the update!! maraming nagbago sa chapter na ito kumpara sa book version. i must say, this is the tamed version, mas pasok sa reyalidad. kaya rin ito tamed dahil ang next chapter ay isang chapter na wala sa kahit anong version. naisip ko kasing ilagay yon ngayon dahil kailangan ko ng setup hahaha, para hindi masyadong mabilis kasi omg 5 chapters na lang, ending na!!!

maraming salamat nga pala sa lahat ng mga nagpaalala sa akin na need ko na mag-update after 5 days! and tbh, kayo ang dahilan bakit naka-update ako ngayon. (well, pwera sa katatapos ko lang ng work kaya di ako busy ngayon...) kayo ang nagpaalala sa aking may nirerevise nga pala akong story kaya yehey!

special mention po kay grudgesandvengeance para sa comment sa ibaba. pwera sa pinaalalang kailangan ko mag-update, binola pa ako kaya nagpabola naman ako. yehey, dedication for you! haha.


hingi ulit ako pabor mga bb! after 5 days ulit, paalala nyo sa akin in a nice way (at hindi demanding tone) na need na ng update pls? @ulaaaann ang aking twitter acct. maraming thank you ~

sana nakatulong ang update na ito pampatanggal sa stress ng lahat sa hectic sched nyo, school man o work. pero di ko syor paano makakatulong kung ito yong nangyari sensya na. xD

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top