43-B [ truth ]
Pagkauwi ko sa bahay galing ospital, nadatnan ko si Mama sa kusina. Humalik muna ako sa pisngi niya bago ako nahiga sa sofa para magpahinga. Sobrang sakit ng katawan ko dahil dumiretso ako sa ospital pagkatapos ng work. Mamaya, may shift ulit ako sa work. Siguro, iidlip lang ako, maliligo na, then diretso sa Kapelibro.
Ospital – Kapelibro – bahay ang routine ko sa buong break. Nag-working student kasi ako sa Kapelibro, hinihintay na sana may dumating na customer na paborito ang lugar na 'yun.
Pero walang pamilyar na mukha ang bumalik doon.
"Kaya mo pa ba?"
Napadilat ako at tumingin kay Mama na nakatingin sa akin. "Ma. . ."
"Nag-aalaga ka ng may sakit pero sana 'wag mong hayaang pati ikaw, magkasakit na rin."
"Yes, Ma."
Lagi kasi akong nasa tabi ni Nate. Dapat magaan lang ang feeling pero mas lalo akong nahihirapan sa tuwing nahihirapan siya sa mga chemo, tests, at mga gamot niya.
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maipasok sa kokote ko na may sakit talaga siya kahit ilang linggo na rin ang nakakaraan simula nang malaman ko ang katotohanan. Semestral break na rin kaya mas nabigyan ko ng pagkakataong maalagaan si Nate.
Si Nate na nagpa-surgery. Si Nate na sobrang nangangayayat. Si Nate na palaging nakangiti. Si Nate na mahal ako.
Hindi pa rin ako nasasanay. Dahil minsan kapag dumarating ako, sobrang sigla niya . . . pero minsan kapag nawawala ako saglit, pinagkakaguluhan na siya ng mga nurse pagbalik ko.
Buti sana dahil sa gwapo siya, pero hindi, eh.
Nagkaka-seizure kasi siya. Side effect ng surgery.
Sabi ng doktor, maganda raw ang response ng katawan ni Nate sa mga gamot at therapies pero bakit hindi ko makita ang 'magandang response' sa pagsuka niya ng dugo, sa pagsigaw at pagdaing ng sakit at panginginig, isama pa ang panghihina ng katawan.
Nasaan kaya ang good response dun?
At minsan, kapag natutulog siya?
"Nate?" Kinalabit ko siya sa balikat pero hindi pa rin siya nagigising. Hinawakan ko na siya sa braso at ginalaw pero wala pa rin. Sa mga pagkakataong ito—lagi akong kinakabahan. "'Wag ka nga mag-joke ng ganyan, ayan ka na naman, eh," pagmamakaawa kong sabi kahit nakangiti . . . pero naluluha. "Nate, gising. 'Wag ka magbiro ng ganyan."
Lumapit sa amin ang mga nurse at nagsimulang gisingin si Nate. Nasa labas lang kami ng kwarto. Kung hindi si Cloud ang kasama ko, minsan si Irene o Erin.
At kapag nangyayari ito, hindi ko mapigilang hindi umiyak.
"Hindi siya bibitiw, tiwala lang."
Kahit ilang beses nilang sabihin na hindi bibitiw si Nate. Kahit ilang beses nilang sabihin na magtiwala lang ako. Na kumalma lang ako.
Hindi ko magawa.
Minsan kasi kapag natutulog siya, nasosobrahan sa himbing . . . at ang hirap na niyang gisingin.
Sinong hindi matatakot? Ako, takot na takot ako. Any time, pwedeng-pwede siyang kunin. Hindi siya bibitiw pero pwedeng pagbitiwin na siya kaagad.
Nakakatakot.
Nang magpasukan na, medyo nahirapan akong ayusin ang schedule. Mas nawalan ata ako ng oras dahil Kapelibro, school, ospital na ang naging schedule ko. Madalas, nagmamadali akong umalis sa school kasi kung hindi ospital, shift ko sa cafe.
Tuwing weekdays, kapag wala akong shift, sa ospital ako didiretso. May one time nga na naliligo na ako sa ospital para didiretso na lang ako ng school.
Hindi ko lang inaasahan na mas magiging hassle dahil mas maraming major this semester.
"Stressed ka na, friend," bati sa akin ni Merry habang nagsusulat ako ng notes. Umupo siya sa tapat ko.
"Hindi ako stressed, ah."
"Hindi raw," sabi ni Sunny na naupo sa tabi ko. "Tingnan mo 'yang mata mo, nahiya na sa kalakihan ng eyebags mo."
Napangiti ako. "Puyat lang ako lagi, malapit na kaya mag-midterms."
"Ang love, parang holdapan."
Napakunot-noo ako nang magsalita si Maria. Umupo siya sa tabi ni Merry at tumingin sa akin.
"Nasa sa'yo na ang desisyon kung ipaglalaban mo ng patayan o bibitiw ka kasi ayaw mong masaktan."
"Nasi-stress na ata ako," sabi ko habang hinihimas ang noo ko.
Ngumuso si Maria kaya lalo akong natawa.
"Pero girl, really. You need to rest," sabi ni Merry nang seryoso.
Ngumisi lang ako sa kanila at nagsimulang magsulat ulit. Sinunod ko rin naman ang mga sinabi nila dahil may isang linggo na nagkasakit ako nang sobra. Wala na akong choice kundi mag-resign sa Kapelibro.
Pero magpahinga?
Magpahinga man katawan ko, siguradong utak at puso ko, hindi makakapagpahinga.
Hindi pa rin siya nagpapakita sa paborito nyang cafe.
"GOOD morning," bati ko kay Nate nang bumalik ako sa kwarto niya galing sa bahay. Kumuha ako ng mga gamit ko at pinag-bake ko rin siya ng cookies.
"Good morning din," bati niya sa akin.
Binigay ko sa kanya ang cookies na gawa ko at nagtanong ng, "Alam mo ba ang love, parang exam? Tanong mo kung bakit."
Nagtataka man, natatawa siyang sumunod sa akin. "O sige, bakit?"
"Kasi tulad ng exam, ang pag-ibig . . . iniiyakan."
Nagkatinginan kami ni Nate sa mga mata.
Napabuntonghininga siya at sinignal niyang lumapit ako. Paglapit ko, hinawakan ako sa balikat. "Okay lang, Ianne, tanggap pa rin kita kahit ang corny mo."
Napasimangot na lang ako sa sinabi niya. "Ang sama! Nakuha ko lang 'to sa kaibigan ko."
Tumawa siya sa akin sabay gulo sa buhok ko. Kinakain na rin niya ang cookies na binake ko. "Ganyan ba talaga kapag 'pag nag-college? Lalong nagiging corny?"
"Ang sama talaga. Hindi kaya."
"Anong pakiramdam maging college?"
Nagkatitigan kami sa tanong niya. Hindi ko alam kung ibabalik ko ba ang ngiti niya sa akin o magseseryoso lang ako ng mukha. Lumapit ako sa kanya at minasahe ang braso niya. Iniiwasan ko yong mga part na may pasa siya.
"Masaya." Umupo ako. "Pero sobrang hassle. Nakakapagod at ang hirap na um-absent," natatawa kong sabi kaya natawa rin siya.
"Gusto ko rin sana subukang mag-college."
Humigpit ang hawak ko sa kamay niya. "Kapag gumaling ka, papasok ka sa college."
"Malabo na ata."
Nararamdaman ko ang lungkot sa paligid kaya napatayo ako at ngumiti sa kanya. "Next time, dadalhin ko mga kaibigan ko para masaksihan mo live ang kakornihan ng college friends ko."
"Talaga?"
"Oo naman."
Pinakwento niya sa akin ang first time ko sa college at kung paano ako nakakilala ng mga kaibigan. Sinabi ko rin sa kanya na baka maraming magkagusto sa kanya dahil nagbabanda siya. Heartthrob kasi ang mga may banda sa school.
At ang sinabi niya tungkol dun?
"Heartthrob talaga ako since birth."
Ang kapal po ng mukha niya.
Nagkwentuhan pa kami tungkol sa mga bagay-bagay. Nagkwento siya nung first time niyang nagpunta sa hospital at isang bata na nakilala niyang may cancer pero hindi nawalan ng pag-asa. Marami pa siyang kwentong ospital. Pati horror. Hindi na nga namin namalayan na mag gagabi na.
"Alam mo ba," natatawa niyang sabi na para bang may naaalala siya. "'Yung sementeryo malapit sa school. 'Yung nakapusong mga lapida, naaalala mo?" Tumango ako. "Binili na namin 'yung sa gitna."
"Binili?" Kinabahan ako sa binalita niya.
"Oo. Para sa akin."
"Nate. . ."
Ngumiti siya na para bang wala lang ang pinag-uusapan namin. "In case lang. Para ready na."
Tinitigan ko siya at pinagmasdan. Tumataba na siya nang kaunti. Hindi na siya tulad last time na sobrang payat at nanghihina. Nakakabangon na rin siya mag-isa.
Pero bakit ganyan pa rin ang iniisip niya?
NGITING-ngiti siya habang hawak ang gitara niya at nagkukunwaring nagsa-strum. Pero kahit nagkukunwari siya sa paggitara, sobrang totoo ng boses niya. Maging kalbo man siya, nagpa-surgery, mag-radiation therapy, at kung ano-ano pang gamot ang ipasok sa kanya; mahina man, sobrang ganda pa rin ng boses niya.
Kung inaakala mo
Ang pag-ibig ko'y magbabago
Itaga mo sa bato
Dumaan man ang madaming pasko
Para akong nanonood ng music video ng isang lalaking naggigitara-kuno, kumakanta, nakaupo sa sariling hospital bed. At may dextrose pa. Mukhang nahihirapan nga lang siyang maupo.
Kahit na di mo na abot ang sahig
Kahit na di mo na 'ko marinig
Ikaw pa rin ang buhay ko
"Sir Manio?"
Napatingin kami ni Nate sa nurse na pumasok sa loob ng kwarto.
"Po?"
"May session po tayo ngayon."
Tumango si Nate. Inalalayan ko siyang tumayo. Nanginginig ang mga tuhod niya habang nililipat siya sa wheelchair. Hinawakan ko ang gitara habang pinagmamasdan siyang tinutulak ng nurse.
"Umuwi ka na muna, ah. Next week na lang," nakangiti niyang sabi.
"Hindi, sige. Kukuha lang ako ng damit sa bahay tapos balik ako rito."
"'Wag na, magpahinga ka na—"
"Babalik ako mamaya," sabi ko. Kung matigas ang ulo niya, mas matigas ang ulo ko. "Paggising mo, ako una mong makikita, promise."
"Ianne . . ."
Ngumiti ako. "Nate, dali na. Naghihintay si Ate Nurse."
Umiling na lang si Ate Nurse habang tinutulak ang wheelchair ni Nate. "Grabe, sir, ang swerte niyo sa girlfriend niyo," sabi niya habang palabas.
Ako naman, napatulala sa pagsara ng pinto.
Girlfriend?
Ni hindi ko naitama yong sinabi ni Ate Nurse.
Bago umalis, nag-ayos muna ako sa loob ng hospital room ni Nate. Nanood din muna ako ng Spongebob Squarepants para makapag-relax sandali nang mag-ring ang phone ko. Tumatawag si Erin.
"Hello, Er—"
"Ianne!" Nabingi ata ako sa pagsigaw niya.
"B-Bakit?"
"Si Art! Alam ko na kung nasaan si Art!"
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig ko.
"Si Art?!"
Magkikita na ba kami? Makakapag-usap na kami? Alam kong pinagtabuyan ko siya noon pero kailangan ko siya makausap!
Gustong-gusto ko na siya makita.
Nang ibigay sa akin ni Erin ang address, sobrang na-excite ako pero sobrang kinabahan din. Nilibot ko ang tingin sa buong hospital room ni Nate at inayos ang gitara sa gilid. Maayos na ang lahat. Okay na ito, balik na lang ako.
Hinawakan ko ang TV at pinagmasdan sina Patrick at Spongebob na nag-uusap.
"Sorry, Spongebob, next time na tayo magtutuos. Mas importante 'to, eh."
note:
hello po!!! ako po'y humihingi ng kapatawaran dahil hindi ko naa-update ang afgit nang sobrang bilis tulad ng inaasahan huhu nilulunod lang po ako ng mga gawain at trabaho at ubos ang aking energy madalas.
sa mga nagko-comment ng mga makabuluhang comments, sa mga naghihintay ng ng update, sa mga nagba-backread, sa mga nagma-marathon -- MARAMING SALAMAT!!!
sana enjoy lang kayo dito :D
also, i saw this tweet. at grabe! andaming nakabasa na ng afgit through the years!! huhu salamat nang maraming maraming maramiii for treasuring afgitmolfm <3
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top