43-A [ truth ]


HALOS mabulunan ako sa sarili kong laway nang tumingin sa akin si Irene na may gulat na reaksyon. 

Kaya ba hindi ko na nakita si Nate nung graduation? Kaya ba sorry nang sorry si Cloud? Kaya ba parang nawala sa sirkulasyon ng mundo si Nate?

"Irene, 'yung totoo," nanghihina kong sabi.

Nangintab ang mga mata niya. "Sumama ka sa akin."

Hinatak niya paloob ng sementeryo. Hindi ako makatingin sa mga puntod dahil natatakot akong mabasa ang pangalan ni Nate sa isa sa mga 'yun. Nanginig ang kalamnan ko nang tumigil si Irene at tumingin sa isang puntod. Hindi ako makatingin. Umatras ako dahil hindi na ako makapaniwala sa mga nangyayari.

"I-Irene, hindi 'to pwede. Sabihin mong joke lang 'to."

"Teka, time pers. Hinihingal ako."

Napapikit ako at napakagat ng labi.

"'Wag mo nga akong niloloko, ha," sabi ko. "Irene, nako."

Ngumiti siya sa akin at hinila ako hanggang sa nalaman ko na lang na nakapasok na pala kami sa ospital sa likuran ng sementeryo. Nakatingin sa akin si Irene habang may katawagan sa cellphone.

"Tara," pag-aya niya sa akin. Nagpunta kami sa room 187A. "Ready ka na ba?"

"Saan ba? Ready saan? Explain mo nama—"

"See for yourself." Binuksan ni Irene ang pinto at parang nadurog ako sa nakita ko.

Bakit sila nandito? Bakit ganyan ang mga itsura nilang nakatingin sa akin? Bakit siya nand'yan? Bakit siya nakahiga d'yan?

"A-Anong . . ."

"Ianne," pagtawag sa akin ni Cloud. 

Hindi ako makalapit nang maayos dahil feeling ko nawala ako sa ulirat kahit gising ako.

Ang daming kable. Ang daming machines. Ang daming nakatusok. Napakaputi ng paligid.

"M-May . . . may cancer si Nate."

Bumigat ang puso ko sa narinig ko. Si Cloud lang ang nandito sa kwarto habang nakahiga si Nate sa kama at tulog. Napakahimbing ng tulog niya.

"Cloud, bakit?"

Para akong namamalikmata at para akong nananaganip.

Lumapit ako sa nakahigang Nate para makasiguradong totoo nga siya. Na hindi ko hallucination ang lahat at totoo siyang tao. Na siya nga si Nate. Na hindi siya gawa-gawa ng utak ko.

Hinawakan ko ang pisngi niya. Totoo siya. Tumingin ako kay Cloud, naghahanap ng sagot sa nangyayari.

"Brain tumor. Again."

"Again?"

Ngumiti nang malungkot sa akin si Cloud. "Onegai."

Nanlaki ang mga mata ko sa narinig ko. Hindi ako makapaniwala—parang panaginip. Parang masamang panaginip.

"Nate." Hinawakan ko ang kamay ni Nate. Napakagat ako ng labi nang unti-unti siyang dumilat at tumingin sa akin. At mukhang nagulat siyang nakikita niya ako.

"I-Ianne?"

"I'm sorry, Nate," sabi ni Irene sa likuran ko. "Hindi ko na napigilang tawagan siya nung narinig ko yung sigaw mo sa phone. I'm sorry."

Nanghihinang ngumisi si Nate pero lalong bumigat ang loob ko.

"K-Kailan pa 'to?" tanong ko.

"Aalis muna kami," sabi ni Cloud at sinama si Irene para umalis ng kwarto.

"Nate. . ." Pinipigilan ko ang pagluha ko.

"May apat na salitang binalita sa akin bago magbakasyon nung third year tayo," sabi niya. "Ang galing nga e. Sa apat na salita lang, nagbago bigla ang ikot ng mundo ko."

Nanginginig ako sa mga sinasabi niya.

"Nate, you have cancer," sabi niya. 

Natigilan ako. Ngumisi siya. 

"Tulad ng pakikipagbreak ko sa'yo. Mga apat na salitang iniba ang mundo nating dalawa."

Automatic na lumuha ako sa sinabi niya. Hinawakan niya ang pisngi ko at ngumiti. Ang kirot sa puso! Bakit ganito?!

"Bakit ka umiiyak?" natatawa niyang sabi pero nangingintab ang mga mata. "'Wag kang umiyak, Ianne. Ayaw kong makita kang umiiyak."

"Anong gusto mong gawin ko? Mag-celebrate?"

Ngumiti siya ulit—at feeling ko mawawasak ako sa sobrang ganda ng ngiti niya. Ang ngiti ng Nate ko noon. 

"Oo naman. Halos tatlong taon na rin tayong hindi nagkikita o."

Gusto ko siyang sigawan, sipain, tadyakan, sikmuraan, suntukin, at sampalin. Ganti para sa lahat ng ginawa niya sa akin! Pati na rin ang pagtago nito. Gustong-gusto ko siya saktan pero sa nakikita ko ngayon, nasasaktan na siya. Matagal na.

Pinagmasdan ko ang mga mata niya na nangingitim ang ilalim. Ang ilong niyang ganun pa rin katangos. Ang labi niyang maputla. Ang kayumanggi niyang balat na namumutla rin. Napansin ko ring sobrang nangayayat na siya.

Lahat ito . . . dahil sa cancer?

"'Wag ka ngang umiyak, hindi bagay sa'yo," pang-aasar niya sa akin pero kahit siya mismo, tumutulo na ang luha.

"Adik ka, e. Para ka talagang ewan!" natatawa kong sabi. "Sinasaktan mo na naman ako!"

"Kaya nga sinikreto ko 'to."

"Nakakainis ka talaga." Naupo na ako sa upuan sa tabi niya at hinawakan siya sa kamay. "Ang selfish mo pa rin, Nate. Sobra."

"Ikaw nga, iyakin ka pa rin, e."

Paano niya nagagawang tumawa sa ganitong sitwasyon?!

Napatingin ako sa leeg niya na may nakasabit. Lalo akong naiyak nang makita ko na hanggang ngayon, after three years, nasa kanya pa rin 'yun.

"Y-Yung singsing mo," pabulong kong sabi.

Napangiti siya at hinawakan ang singsing. Akala ko isang singsing lang ang nasa necklace pero nagulat ako nang kunin niya ang isa pa sa may likuran ng leeg niya. Nasa kanya ang dalawang singsing.

"Hindi ako tumigil na mahalin ka . . ."

Nanghina ako sa mga salita niya. Nanghina ako dahil lahat na ata ng tanong ko, nasagot ngayon mismo. Paano niya nagawang isikreto lahat ng 'to nang ganon kadali? Hindi ko lang ba talaga naintindihan dahil masyado akong nalulong sa sarili kong emosyon?

Bakit ganon.

"Kaya lang," sabi niya nang hawakan niya ang mas maliit na singsing. "Binalik niya sa akin ang singsing mo at sinabing kailangan mo na mag-move on sa akin."

"H-Ha? N-nino?"

Tumingin sa akin si Nate. Hindi nawawala ang ngiti sa mga labi niya.

"Ni Art."

Natigilan ako sa sinabi niya.

Ngumisi siya. "Kayo pa rin ba?"

Kinabahan ako sa tanong niya pero ngumiti rin ako. Pinunasan ko ang luha ko. "Hindi."

"Bakit naman?"

Natawa ako nang mahina. "Sinaktan niyo ako, e. Inulit-ulit nyong saktan ako. Napagod ako."

Nakitawa rin siya kahit naluluha. "Ang ganda mo pa rin."

Kumikirot ang puso ko sa mga pinagsasabi ni Nate. Pinipiga ang pagkatao ko sa bawat minutong nakikita kong nakangiti siya pero lumuluha.

"Ewan ko sa 'yo."

Ngumisi siya ulit. "Ang plano ko, malalaman mo lang 'to kapag gumaling na ako o kapag nawala na ako. Panira talaga si Irene."

"N-Nawala?" Bakit sa salitang 'to. . . hirap na hirap na ako?

"Ayaw kong nakikita kang umiyak tulad ngayon kapag nawala ako. Ayaw kong ma-stuck ka sa akin kapag iniwan kita." Bakit ang sakit-sakit nito, Nate? "Ang gusto ko, okay ka na kapag nawala ako. Gusto ko magiging okay ka kaagad . . . kaya nagawa kong bayaran si Art."

"In-orchestrate mo lahat ng to para lang itago lahat? Nasaktan tayo nang ilang beses, dahil ayaw mo sabihin?" Humigpit ang hawak ko sa kamay niya. "Ang unfair, Nate." Hindi ko na napigilan ang mga sinasabi ko. "Ilang araw o linggo mo pinlano, nadamay pa natin si Art, tapos 'di mo man lang naisip na what if . . . what if lang naman, na ginamit mo yung pagpaplano mo na sabihin na lang sa akin yung totoo noon? Maiintindihan ko naman 'to, e."

"Alam ko. Alam ko na ngayon." Nagkatinginan kami. "Pero hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag nakita kitang umiiyak habang inaalagaan ako. Gusto kong masaya ka lang. Ayaw kong alisin ang ngiti sa labi mo."

"Nate naman, e. . ." Sinubsob ko ang ulo ko sa may tabi niya dahil nanghihina na talaga ako. "Ang sakit-sakit naman nito, e. Bakit mo ako tinatanggalan ng karapatan para mamili? Choice ko 'yon, Nate, kung aalagaan kita."

"Ito ang ayaw ko, e. Tingnan mo, umiiyak ka na, hindi pa nga ako patay."

"Tumigil ka nga d'yan. Gago ka kasi!" Tiningnan ko siya nang masama. "Akala ko ba, gusto mong ikaw lang ang masaktan? Sinasaktan mo ako, o!"

Napahawak siya sa dibdib niya na parang nagulat sa sinabi ko. "Ah! Nagmumura ka. Badass na."

"Badass na nga ako, korni ka pa rin," natatawa kong sabi. "Ang unnecessary ng pain, Nate. Kung sinabi mo lang sa umpisa, hindi na na-inflict yung sakit, e. Nakakainis ka talaga!"

"Uhm, sorry? Mamamatay naman na din ako. Wala na—"

"Nathaniel!"

"Ouch!"

"Ay! Sorry! Sorry!"

Nagkagulatan kami dahil bigla ko siyang pinalo. Hindi ko na napigilan!

"Huwag kang magsalita ng mga ganyan!"

"Ng alin? Katotohanan? Magsisinungaling ulit ako?"

"Naku! Sinasabi ko sa yo," sabi ko kahit ngingitian niya ako. "Kung wala ka lang sakit."

Mahina siyang tumawa. Umirap ako.

"Pero anong meron kay Irene?" tanong ko.

"Ah, good question." Tumawa siya ulit. "Obsess kay Art tapos gustong gumanti. Nalaman niyang may cancer ako at blinackmail ako na sasabihin daw niya sa 'yo? Pagselosin daw namin si Art—hindi naman effective, di naman siya gusto ng emotionless na 'yon," natatawa niyang sabi. "Tapos nagtapat siya sa akin na gusto na niya ako pero alam naman niyang . . ." Hinigpitan niya ang hawak sa kamay ko at tumitig sa mga mata ko. "Ikaw lang, e."

Napahinga ako nang malalim.

"Pero ito, magkaibigan pa rin. Pinapagalitan nga nila akong dalawa ni Cloud. Itigil ko na raw kasinungalingan. Kailangan ko pa tuloy matuto sa mas mahirap na paraan."

Ilang beses na ata akong humihinga nang malalim. Kung hindi pa siguro ang exam week namin, malamang sumabog na ang utak ko sa mga 'to!

"Pero si Irene, grabe din pasasalamat ko. Tinutulungan niya ako para hindi ako mawalan ng balita sa 'yo. Congrats nga pala sa exam, mukhang maganda ang kinalabasan, a?"

"A-Alam mo?"

"Sabi ko naman sa'yo, Ianne." Ngumiti siya. "Hindi ako nawalan ng balita sa'yo."

"Nakapag-decide na ako." Ako naman ngayon ang nagpahid sa luha niya sa pisngi. Ngumiti ako sa kanya na may puno ng pag-asa. "Dito lang ako sa tabi mo."

Ngumisi siya. "Hanggang mawala ako?"

"Hindi. Hanggang gumaling ka."

"Hindi na ako gagaling," bulong niya.

Kumunot ang noo ko. "Ano bang pinag—"

"Stage four. Intracranial germ cell tumor. Inoperahan na ako bago mag-graduation pero bumalik pa rin." Ngumisi siya. "Mukhang hindi na ako gagaling."

"Iiwan mo na naman ba ako? Matapos kong malaman ang lahat, iiwan mo na naman ako?"

Hinatak niya ako at niyakap kahit nakahiga siya sa kama. Sobrang higpit ng yakap niya kaya lalo akong naiyak. Umiiyak na rin siya. 

Bumulong siya sa akin. "Tatlong taon na ang nakalipas, Ianne . . ." Nanginginig ang labi niyang hinalikan ako sa bunbunan tulad ng ginagawa niya noon. "Hindi pa rin nagbabago ang babaeng minamahal ko."

Ang daming tanong sa utak ko noon. Lahat ng galit, pagkalito, pagkainis—nawala lahat ngayon. Nabura lahat.

Lahat ng tanong ko, nasagot na rin sa wakas.

Pero hindi ko alam kung masaya bang nalaman ko na ang sagot o hindi.


note:

hello po! marami pong thank you sa pagbabasa ng afgit!!! a few reminders lang: iwasan po magmura. iwasan po ang mag-spoil. enjoy lang tayo dito!!! <3

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top