40-C [ consequence ]
"Pasok ka," pag-aaya ko kay Nate.
Ngayon ko lang napansin na nagpakalbo ulit siya, may ahit pa rin sa gilid sa taas ng tainga. Mukhang ito na talaga ang trip niyang style ng buhok simula nung umuwi siya galing sa ibang bansa.
Simula nung nagbago siya.
"Hindi sige," sabi niya. "Hindi ako magtatagal. Pwedeng sa playground tayo?"
"Bakit?"
Ngumiti siya sa akin pero kita ko na hindi siya masaya. . . hindi rin naman ako masaya.
Patas lang.
"May. . . may gusto lang akong sabihin," dagdag niya.
Ano pa bang gusto niyang sabihin? Pero hindi ko na sinabi dahil napapagod lang talaga ako. Siguradong pansin na rin niyang namamaga yung mata ko kaiiyak.
Napaka-unexpected.
Sa lahat ng taong pwedeng pumunta sa bahay namin, sa dinami-dami ng mga kaibigan at nagmamahal (echos) sa akin, bakit siya pa? Bakit siya pa ang nasa harap ko at nakangiti sa akin?
Tahimik kaming naglakad papuntang playground. Tahimik din kami nang maupo na kami sa swing. Walang nagsalita. Tahimik lang kami habang kinakabahan ako.
Napabuntonghininga ako.
"Ang awkward." Ang pilit ng tawa niya. "Sobrang awkward na natin ngayon."
Hindi ako nagsalita.
"Dati kapag magkasama tayo, walang moment of silence," nakangiti niyang sabi. "Ngayon, puro katahimikan na lang."
Pinatong ko ang kamay ko sa tuhod ko at naghintay ng mga susunod niyang sasasabihin.
Sa totoo lang, nakakamiss nga ang kalokohan naming dalawa. Nakaka-miss ang mga jokes namin na kami lang nakakaintindi. Nakaka-miss ang usapan namin at chismisan. Nakaka-miss kaming dalawa.
Pero iba na kasi ngayon.
Alam ko na kung anong gusto ko.
"Ano ban—"
"Sa T.L.E. room. . ." panimula niya.
"Kalimutan na natin 'yun," nakangiti kong sabi.
"Hindi ko kaya." Hinawakan ni Nate ang kamay ko at pinisil nang kaunti. "Totoo lahat ng sinabi ko."
Tiningnan ko lang siya.
Lalo niyang hinigpitan ang hawak sa kamay ko at inilapat sa dibdib niya na para bang pinaparamdam niya sa akin ang tibok ng puso niya—na sobrang bilis.
"Nararamdaman mo ba? Yung tibok ng puso ko noon, para sa'yo. Nung nag-break tayo, sa 'yo pa rin at ito ngayon, ikaw pa rin kahit nasasaktan tayong dalawa," nakangiti niyang sabi. "Hindi ako tumigil na mahalin ka, Ianne."
Nagkatitigan kaming dalawa at nakikita ko ang dating Nate na minahal ko.
Siguro kung ito 'yung dati na naguguluhan pa ako, siguro okay na ang lahat. Kung hindi ko lang nakasama si Art, siguro babalik ako kaagad nang walang alinlangan kay Nate.
Kung hindi lang ito ang sitwasyon, siguro mahal ko pa rin si Nate.
Kinuha ko ang kamay ko at tumayo. Pinagpag ko ang shorts ko at napantingin sa langit bago tumingin sa kanya at ngumiti.
"Alam mo, gabi na, eh. Antok ka la—"
KREEK KREEEEEEK
Napalingon ako sa ingay ng isang motorsiklo. Napatingin ako sa lalaking papalapit sa akin.
"A-Art?"
Akala ko sa akin didiretso si Art pero nagulat ako nang lumagpas siya sa akin at biglang sinuntok si Nate.
BOOG!
"Art!" Nag-panic ako nang mapaupo si Nate at natamaan ang mga swing.
CLING CLENG CLANG CLUNG CLONG!
Hinawakan ko si Art sa braso para pigilan.
"Anong problema mo?" mariing tanong ni Art kay Nate.
Nagulat ako nang sipain ni Nate si Art! Muntikan na akong mapahiga kung hindi lang pinigilan ni Art. Hindi ako makakilos nang tumayo si Nate at sinuntok si Art sa mukha!
"Ikaw, ano bang problema mo, ha?!" sigaw ni Nate.
"Art!" sigaw ko.
Sinuntok ni Art si Nate sa tiyan. "Akala mo ba maaawa ako sa'yo?"
"Hayop ka!"
"Tumigil na kayo!" pag-awat ko sa kanila.
Nakakakita na ako ng dugo sa kamao ni Art at sa bibig ni Nate. Hindi nila ako pinansin at nagsuntukan lang. Tama ba 'to? Worth it bang mag-away sila para sa isang tao? Para lang sa akin?
Ako nga ba ang dahilan?
Hindi ko na namalayan nang tumulo na ang luha ko.
"Please, tumigil na kayo. . ." pagmamakaawa ko. "Art. . . Nate. . . tama na."
Napatigil sila at tumingin sa akin. Nahihiya na ako dahil umiiyak ako sa kanila. Ang hina-hina ko talaga.
"Ianne . . ." Palapit sa akin si Nate nang hawakan siya ni Art sa braso.
"'Wag mong hawakan ang girlfriend ko."
"Ako ang boyfriend niya simula pa lang!" mariing sabi ni Nate.
"Tapos na kayo nung makipag-break ka." Napansin ko ang higpit ng kapit ni Art kay Nate. "Ako na ang boyfriend niya, bakit ka ba humahabol?"
"Boyfriend ni Ianne? Gago ka ba?" Tinulak ni Nate si Art. "Nag-take advantage ka sa babaeng mahina nung mga oras na yon kaya sunggab ka?! Akala ko ba emotionless ka? Binayaran lang kita, ah!"
Huminto ang oras ko sa sigaw ni Nate.
Napatingin ako sa kanilang dalawa at parang nawala ang luha sa mga mata ko.
Binabayaran?
"Wala na akong pakialam sa pera mo."
Pera?
"Tapos na ang deal natin! Huwag mo nang landiin ang girlfriend ko! Sa akin si Ianne sa umpisa pa lang, nakikiepal ka—"
Deal?
"Hindi laruan si Ianne para babalikan mo lang kapag maayos ka na."
Laruan?
Nagsigawan sila at nagsuntukan sa harap ko pero wala na akong naiintindihan. Anong pinagsasasabi nila? Anong pinagsisigawan nila? Bakit nangyayari to?
Isa lang ang nag-process sa utak ko. Sa prosesong 'yun, isa lang ang naramdaman ko.
"Teka nga muna!" sigaw ko at tumigil silang dalawa. "Anong pinagsasasabi niyo?!"
"Ginagawa lang niya lahat ng to dahil sa pera, Ianne! Pera-pera lang ang lahat sa lalaking 'to!" diretsong sabi ni Nate.
"Matagal na akong tumigil." Kumuyom ang kamao ni Art. "Alam mong masaya na kami."
"Sa una pa lang, akin na si Ianne! Kami talaga dapat!"
"Hindi na ngayon."
Sumasakit na ang ulo ko sa pinagsasasabi nila. Sumasakit na rin ang puso ko sa naririnig ko. Kahit kanino ako makinig, isa lang ang alam ko.
Niloko ako?
Niloko niya ako . . .
Niloko nila ako!
Lumapit ako kay Art nang tumutulo ang luha. Nawawala na rin ako sa tamang katinuan nang suntukin ko siya sa mukha.
Nagulat siya sa ginawa ko.
Kahit ako nagulat pero hinayaan ko lang kumilos ang sarili ko, magsalita nang magsalita.
"Bwisit ka!" nanggagalaiti kong sabi. "Kahit ano pa lang gawin ko, kahit anong mangyari, sa pera ulit tayo babagsak, Art? Sa pera ulit! Na naman!" Napakagat ako ng labi. "Alam kong kailangan mo pero grabe naman, Art! Pinagkatiwalaan kita! Akala ko nagbago ka na pero ano? Pera na naman? Pera na lang lagi?!"
"Ianne. . ."
Tumawa ako habang umiiyak. Ang sakit ng dibdib ko. Ang sakit ng ulo ko.
Ang sakit ng puso ko . . .
"Pagkatapos nito sa tingin mo maniniwala pa ako sa 'yo? Ilang buwan mo akong pinaikot sa 'yo, Art. Ginulo mo ang isip at pagkatao ko sa mga kalokohan mo! Sa mga pa-sweet mong sinasabi na out of this world, putek, dahil sa pera?! Paano mo nagawa 'yun? Bakit ang galing mong umarte?" Kahit ilang beses kong punasan ang luha ko, hindi pa rin talaga tumitigil. "Ito oh," sabi ko sabay tapat ng kamay sa puso ko. "Binigay ko na sa 'yo. Ayan na, nasa sa 'yo na tapos biglang ganito? Alam mo namang nahihirapan ako. Alam mo namang mahina ako pero bakit ang galing mo? Ang galing mong artista, napaniwala mo akong totoo lahat!"
Lumapit siya sa akin pero lumayo ako. Pinipilit kong ipalis ang mga luha sa pisngi ko.
Hindi nila deserve to. Hindi nila deserve tong mga luha kong to!
"'Wag kang lumapit sa akin, please lang," naiinis kong sabi. "Ano na, may kasunod pa ba ang peste mong script? May isa ka pa bang 'I love you' na sasabihin? Wait, Art ba talaga pangalan mo o kasama 'yan sa naisip ng writer? Inutos ng director? Dinikta ng producer? Kainis naman Art, hindi naman telenobela buhay ko pero bakit ganito? Feeling ko tinalo ko lahat ng drama sa TV at movie at libro! Tandaan mo, totoo ako. Totoong tao ako at totoo yung sakit na nararamdaman ko."
Hinawakan niya ako pero pumiglas ako.
Bakit naman ganon?
Ang sakit.
"Niloloko mo lang ako. . ." Hirap na akong huminga dahil nagbabara na ang ilong ko. "Kung kailan mahal na kita, Art. Bakit?" Napahagulgol na ako.
"S-Sorry—"
"Umalis ka na lang," nakangiti kong sabi. "Umalis ka na sa harap ko kasi naiinis na ako." Inialis ko ang singsing na binigay niya at binato sa harap niya. "Ayan na. Sa 'yo na 'yan, nahiya naman ako sa mahal na singsing na to, baka kailanganin mo, e!"
Wala na akong pakialam kung saan man mapunta ang singsing. Basta ang alam ko, galit ako. Galit na galit ako.
Gusto kong ibato sa kanya lahat, kuhanin na niya, huwag na niyang ibalik.
Naramdam kong may humawak sa balikat ko kaya automatic ang paglingon ko at pagsuntok sa mukha niya.
"Isa ka pa!"
"A-Anong . . . ?" Napahawak siya sa mukha niyang sinuntok ko. Wala na rin akong pakialam kung nagdudugo na ang mukha niya at dumagdag pa ang suntok ko.
Wala na akong pakialam sa kanila!
"Kailan mo ba ako titigilan? Sa tingin mo ba matutuwa akong ginagamit mo 'yang kayamanan mo para paibigin ako? Hindi ako laruan, Nate!" sigaw ko. "Tama na. 'Wag ka nang umasa. Tumigil ka na, hindi mo na talaga ako pinatahimik. Lagi mo akong ginugulo at sinasaktan! Ano bang ginawa ko sa 'yo para gawin mo sa akin 'to?!"
Tinulak ko siya nang tinulak habang naglalakad.
"Kahit ako pa ang itibok ng lahat ng pulso mo, ayaw ko na! Please lang 'wag mo nang dagdagan pa 'yung sakit na dinudulot mo sa akin. Tigilan mo na ako!"
Ang sama na ng nararamdaman ko. Gusto ko pa silang suntukin ulit pero ayaw ko nang lumapit pa sa kanila. Nanghihina na ako . . . ang gulo, ang gulo . . .
"Tigilan niyo na ako! Lumayo kayo, ayaw ko nang makita kayong dalawa. Tantanan niyo na ako please lang!"
Tumakbo ako nang hindi nag-iisip. Tinawag pa nila ako pero hindi na ako lumingon. Diretso lang ako sa pagtakbo hanggang sa makarating na ako sa bahay.
Nakita ko si Kuya Eos sa may gate na may kausap sa phone at nakangiti.
"Oy panget, dumating dito yung—" Aasarin pa sana niya ako nang makita niyang wasak na wasak na ang mukha ko sa kakaiyak. "Anong nangyari sa 'yo?"
Napakagat ako ng labi at niyakap si Kuya nang sobrang higpit. Naramdaman ko na lang na nanghihina na pala ako at nanginginig ang mga tuhod ko. Ang sakit din ng kamay ko.
Halos hindi na ako makatayo pa.
Hindi ako nagsalita pero isa lang ang nagpaulit-ulit sa utak ko.
Ang sakit-sakit.
Bakit?
~
Andaming team Art!! Marami pa rin kaya ngayon?
Game ulit! Inline comment ~
Team Art?
Team Nate?
Mehehehe.
Thank you sa pagbabasaaaaa!!!
PS: NO SPOILERS PLS. Wala rin sanang unrelated topics sa comments + no bad mouthing! Doing so, your account will be banned from reading and commenting on my stories.
Thank you!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top