37 [ confess ]
MABILIS lumipas ang araw dahil sobrang disturbed ako sa mga nararamdaman ko na kinailangan kong mag-aral para lang ma-distract. Kahit nga sina mama, naguguluhan na sa inaakto ko.
Paano, gigising ako sa umaga nang naiisip ko agad si Art.
Papasok ako sa school, makikita ko si Art, makakasama, mas makikilala siya, tapos para akong nasa Art spell sa buong school. Para akong nagayuma. Para akong hinahatak ng fansclub ni Art para sumali sa kanila.
Pagkauwi naman, iisipin ko kung ano nang ginagawa ni Art.
Nagpipinta kaya siya? Ano na kaya pinipinta niya? Ayaw na ayaw niyang binabanggit ko yong nakita ko sa kwarto niya na pinipinta niya.
Ewan ko ba pero nakakaramdam ako ng kaunting inis.
Naging ganito ang buong sitwasyon namin hanggang sa dumating ang January, tapos February, at first day na ng Foundation Week. Nakikita ko si Humi na nagbo-boy hunting sa gitna ng ground. Si Art naman, kinuha ng mga teacher dahil may kailangan daw tungkol sa academics kanina pang umaga.
Hinayaan ko na lang si boy genius na poker face.
Habang pumapatay ng oras, sumama ako kina Ellaine at Belle na sobrang wrong move dahil sobrang busy nila. Nasa TLE room kami habang may ginagawang mga props para sa play na gagawin ng lower year.
Nasa gitna ako ng kunwaring pagtulong nang may kumalabit sa akin na grade schooler. May binigay siyang papel sa akin. Nung tinanong ko kung sino nagpapabigay, nagkibit-balikat lang yung bata.
"Ano yan?" tanong ni Belle.
May nakasulat lang na Room 203.
"Galing ba kay Art yan?!" biglang sabi ni Ellaine.
"Hala. Magtatapat na ba siya sayo?!"
"Hala ka?!" sabi ko.
"Huh?!" react ni Ellaine.
"Grabe yung reaction," natatawang sabi ni Belle at dumiretso na sa ginagawa.
Binulsa ko yong papel. Paglingon ko kay Ellaine, nakatulala siya sa akin. Matapos ng ilang segundo, dahan-dahan siyang pumikit at umiling.
"Dito na ata . . . matatapos ang pagiging presidente ko."
"Ellaine . . . okay ka lang?"
Bumuntonghininga siya. "Kakayanin ko ba?" sabi niya sa kawalan. "Kakayanin ko ba kapag hindi na single ang Art namin?"
"Grabe ka naman!"
"Sige na, Ianne. Puntahan mo na siya. Kailangan kong mapag-isa kasama ang fansclub."
Hindi ko sure kung tama bang nagpunta ako sa room dahil feeling ko, malaki ang chance na kulamin ako ng fansclub ni Art. May paganito pa kasi siya, pwede namang pumunta na lang doon mismo o mag-text.
Pagkarating ko sa 2nd floor kung nasaan ang room, walang mga tao. Mukhang nasa grounds ang lahat. Pagkarating ko sa room, napatigil ako sa nakitang pamilyar na bote sa teacher's table. May iang papel na nandoon.
Alam ko to.
Ito yong love jar na binigay ko kay Nate nung birthday niya. Kung isang piraso na lang ng papel to, hala! February 9 pala ngayon! Birthday ni Nate! Nawala sa isip ko?
Bakit din nandito yung jar? Si Art ba yung nagpatawag sa akin o si . . . Nate?
Hindi ko malaman bakit curious ako pero kinuha ko ang pinakahuling papel sa jar. Pansin ko agad ang sulat kamay ko. Ito ako noon, a year ago.
I love you, Dan Nathaniel Moises Manio.
"Natapos ko na yong love jar."
Napalingon ako sa nagsalita.
Palapit nang palapit si Nate hanggang sa 2.4837 meter na lang ang layo namin sa isa't isa.
"Ano nang susunod para sa atin?" tanong niya. Tinaas niya ang kamay niya na hawak ang isa pang maliit na bote na puno na.
Natahimik ako.
"A-Anong . . ." ginagawa mo, Nate?
"Oy."
Kinabahan ako nang makita ko si Art. Halos patakbo siyang lumapit sa amin at hinawakan ako sa braso.
"Kung saan-saan ka na naman nagpupunta."
Hahatakin niya dapat ako pero nagulat ako, pati na rin siya, nang hawakan ni Nate ang kabila kong braso.
Napatigil kaming lahat.
Magkatitigan silang dalawa.
Ayoko ng nangyayari. Para kaming nasa teledrama at ang ganda ko—este nakakaloko.
"Bitiwan mo siya," sabi ni Art.
"Hindi pa—"
Medyo hinatak ako ni Nate, pero nagulat kaming lahat nang hatakin ako ni Art nang sobrang lakas na halos masubsob na ako sa kanya at muntikan na rin siyang ma-out of balance.
TOINK TOINK TOINK
Sa lakas ng pwersa, nabitawan rin ni Nate ang love jar at nagkalat ang mga papel sa lapag. Nanlalaki ang mga mata niyang nakatingin sa sahig.
Hinila ako ni Art palabas ng room. "Sorry sa hatak."
"O-Okay lang . . ."
Diretso lang ang lakad namin hanggang sa makaakyat sa 3rd floor. Sa gitna ng katahimikan namin at ng hallway dahil walang mga tao, humigpit ang hawak niya sa braso ko.
"Bakit ka ba bumabalik-balik sa kanya?"
Tumigil kami sa lakad. Humarap siya sa akin at hinawakan ang magkabilang balikat ko. Saka siya huminga nang malalim at yumuko. Gumaan ang hawak niya sa balikat ko, saka tumingin sa akin.
"Nakakatakot makitang kasama mo siya," sabi niya nang yakapin ako. "Isang oras lang. Maging akin ka lang ng isang oras."
Napatitig ako sa mga mata niyang nakikiusap. Wala na akong maintindihan dahil sobrang lakas na ng kabog ng dibdib ko. Nang makarinig kami ng mga yabag, hinila niya ako sa isang empty classroom. Magkatabi kaming umupo sa sahig. Tahimik lang kami nang sumandal siya sa balikat ko.
"Ianne?"
Na-tense ako at napaupo nang maayos. Boses ba yon ni Nate?
Napatingin ako kay Art na hinawakan ang kamay ko.
"Ianne? Nandito ka ba?"
"Dito ka lang," bulong ni Art. "'Wag ka nang bumalik sa kanya."
Napapikit at napasandal na lang ako sa panghihina dahil nahihilo na rin ako sa mga nangyayari.
"Nate! Anong ginagawa mo rito?" boses ni Irene.
"M-May ano, nawala ata ako."
"Huh? Dito talaga? Ano?"
"Ah. . . w-wala. Hayaan mo na."
Parang may silent agreement kami ni Art na walang magsasalita hanggang sa hindi na namin naririnig ang yabag nila. Sinandal niya ang ulo niya sa balikat ko at hinawakan ang kamay ko.
Yung gulo na naramdaman ko kanina dahil sa love jar, parang naging payapa ulit.
DUMATING ang Prom Night na sinakto ng school sa Valentines. Excited si Mama dahil maaayusan na raw niya ako sa wakas. Siya pa ang pumili ng gown ko. Mas excited si Papa dahil hindi na siya tumigil sa pag-picture sa akin.
At si Kuya?
"Ang panget-panget, mareremedyuhan pa ba ng makeup 'yan?"
"'Wag kang mag-picture kasama ako mamaya."
"'Wag kang maniwala sa kuya mo," sabi ni Ate Nuriko habang inaayos ang buhok ko. "Excited nga raw siyang makita kang naka-gown, e."
"Wow Nuriko, kailan ka pa natutong magsinungaling?" nakasimangot na tanong ni Kuya.
"I'm just telling the truth, Kuya Eos."
At ayun. . . naglandian na silang dalawa.
Ilang oras pa kaming nagchikahan sa bahay hanggang hinatid na nila ako sa Mariano Hotel. Five-star hotel ang venue ng prom namin dahil 'royalty' daw ang peg ng prom.
Oo nga. Royalty. Ang royalty din ng bayad, e.
Ang daming tao sa lobby pagkarating namin. Nakita ko sila Ellaine at Belle na busy sa pag-aasikaso. Nag-picture kami ng mga kaklase ko dahil napakalaking paparazzi ni Papa.
Facepalm na lang ang na-react ko nang mapansing pinagtitilian ng ilang babae si Kuya Eos.
Tumili at nagngitian naman ang ilang mga babae, isama pa si Ellaine kaya alam ko na kung sinong dumating. Paglingon ko sa entrance, nalaglag ang pant—este panga ko sa nakita ko.
Si Art. Naka-three piece suit na kulay black. Naka-brush-up ang buhok. Ang ayos-ayos ng itsura niya at bakit ito na naman ako at kinakabahan sa presensya niya?
"Hindi ba siya 'yung lalaking nasa boarding house?" tanong ni Kuya Eos.
"Magsi-CR lang ako, bye," pagpapaalam ko.
Sumama sa akin si Ate Nuriko sa CR. Hindi talaga ako naiihi pero gusto ko lang umalis.
"Siya ba?" nakangiting sabi ni Ate. "Siya ba 'yung lalaki na, you know?"
"I know?"
"Ayiee!"
Pinanlakihan ko ng mata si Ate pero tumawa lang siya. May kinuha siya sa bag niya at sinuot sa braso ko ang isang silver charm bracelet. "Ayan, bagay na bagay."
"Hala anong meron?"
"Bigay 'yan ng Kuya mo, ibigay ko raw sa'yo. For lucky charm, I guess?"
Napangiti ako nang makita ang nakasulat sa nag-iisang heart shape na charm sa bracelet. Wag kang pacute. Maganda ka na nga.
Pagbalik namin, kinukulit ko si Kuya Eos at inaasar siya.
"Babawiin ko na!"
"Neknek mo, wala nang bawian!" sabi ko.
After ilang minutes, nagsimula na ang pagpasok sa loob ng event.
Ang haba ng event na nangyari. May contest pa para sa Prom King and Queen pero ang pinakapaborito kong segment ay ang pagkain. Ang sasarap ng pagkain! Royalty na royalty! Masayang-masaya ako sa piling ng mga pagkain sa table nang pumunta sa stage si Migz Haleco na kaklase ko nung grade six.
May dala siyang gitara at nagsimulang kumanta.
https://youtu.be/P8FCqm8kV2M
Would you look at me?
I am frustrated
I am sick and tired of things I love to do
Nag-alisan na ang mga kasama ko sa table at nag-slow dance na sa gitna. Busy ako sa pagkain nang may tumabi sa akin.
"Pwede ba kitang maisayaw?"
Si Nate.
Gusto kong humindi at tumakbo palayo pero bakit pumayag ako? Bakit nasa gitna na rin kami at nag-iisway kasabay ng kanta?
Would you look at me now
I am tired of hearing this
Tahimik kaming sumasayaw. Umiwas ako ng tingin pero hindi ako kinakabahan. Ang kalmado ko lang na parang wala lang.
"You're so great" but I don't know if it's true
But one day I'll be coming back to you
"Hindi mo na ba kayang tumingin pabalik sa akin?"
Napatingin ako sa kanya at napansing nangingintab ang mga mata niya.
"Anong pinagsasasabi mo?" natatawa kong sabi. "Ano bang trip mong mangyari?"
Gulong-gulo na rin kasi ako.
"Hindi ko rin alam."
Ah.
Okay.
Would you talk to me?
I am rusticated
I am sick and tired of words you say to me
Hindi mabilis ang tibok ng puso ko pero naninikip ang dibdib ko. Sa sakit? Hindi. Sa galit? Hindi rin. Parang feeling ko, nakakasakit ako ngayong kasayaw ko si Nate.
Ngumiti ako at hinawakan ang pisngi niya. "Okay lang bang tama na?"
Natigil kami sa pagsayaw. Hindi ko ma-gets kung anong pumapasok sa isip niya. Parang nablangko ang itsura niya sa sinabi ko.
Would you talk to me now
I am tired of reading this
Tumalikod na ako kay Nate at palakad na nang kabahan ako dahil papalapit sa akin si Art. Tumingin muna siya kay Nate at ngumiti sa akin.
Nilahad niya ang kamay niya sa harap ko. Hindi na ako nag-isip na kinuha ang kamay niya. Inalalayan niya akong maglakad hanggang sa makalayo na kami sa gitna.
"It's okay" but I don't know if it's true
But one day I'll be coming back to you
Sobrang kinakabahan ako nang hawakan niya ang baywang ko. Ramdam na ramdam ko ang init ng palad niya kahit may tela sa pagitan ng balat niya at balat ko. Pinatong ko ang dalawang kamay ko sa balikat niya.
Nag-sway kami nang sobrang bagal at pinapatay na ako ng tibok ng puso ko.
Coz baby you're my sweetest
And baby you're my dearest
And I don't wanna walk away and be this again
Naiilang akong tumingin sa kanya at ngumiti. "Nagpupunta ka pala sa prom," natatawa kong sabi at hinawakan ang buhok niya. "Nag-ayos ka pa."
Tumitig siya sa akin.
Hindi ko na maiwas ang tingin ko sa mga mata niya na parang hinihigop ako. Nakakaloko. . . pero feeling ko nagloko ang buong sistema ko nang marinig ang sinabi ni Art.
"Ang ganda mo."
Boom. Sabog.
Sumabog na ako.
Naiihi na natatae na nauutot na ata ako sa nararamdaman ko. Pinapatay na ako. Help.
Natulala ako nang mapansin kong palapit nang palapit ang mukha ni Art sa akin. Hindi ako makakibo. Nakatingin lang ako sa mga mata niya habang nag-eexpect.
Naramdaman ko na lang na hinalikan niya ako sa pisngi, malapit sa dulo ng labi ko.
PSHAW PSHEW PSHIW PSHOW PSHUW
Weird man pero parang may fireworks akong narinig sa puso ko. Dapat lumalayo na ako sa kanya ngayon. Dapat nasuntok ko na siya pero hindi ako makagalaw.
"Gusto kong pigilan pero hindi talaga kaya," bulong niya. "Bigyan mo ako ng isang buwan. Papatunayan ko sa 'yo ng isang buwan."
"Ang a-alin?"
Tumingin siya sa mga mata ko at seryosong sinabi ang, "Gusto kita, Ianne. Gustong-gusto kita."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top