24 [ lost ]


To HIM
Mag usap tayo. Lunch time. Rooftop. Please.


Pagpasok ko sa school, may kakaibang tingin sa akin ang mga kaklase ko. Nakangitian ko si Jek na kasama ang dalawa pang itlog sa hallway. Nang tumingin sa akin ang dalawa pang itlog, ngumiti sila at pumasok na sa classroom nila.

Tahimik lang ako pagpasok ko sa room. Napansin ko si Emotionless Guy na nasa dulo na natutulog habang nagdi-discuss 'yung teacher namin.

Buti pa siya, patulog-tulog na lang.

Kahit hindi nag-reply si Nate, dumiretso pa rin ako sa rooftop nang mag-lunchtime para hintayin siya. Pero kahit isang oras na ang nakalipas, wala pa rin siya.

Binabalot na ako ng lungkot habang nakatitig sa pinto. Naupo ako sa gilid at naghintay lang.

Darating siya. Siguradong darating siya.

Nagsimula na siguro ang klase dahil nag-ring na ang bell pero hindi na ako pumasok. Nawalan na ako ng pag-asa kaya tumulo na ang luha ko habang tinatanong sa sarili ko kung ano bang nangyayari ngayon.

Nabuhayan ako ng loob nang magbukas ang pinto pero nawala rin agad dahil hindi si Nate ang nakita ko. Si Humi na mukhang nagtataka dahil nandito ako.

"Ate Ianne, anong ginagawa mo rito?"

Nagpunas muna ako ng luha at tsaka ngumiti. "Nagpapagupit, ikaw?"

Umupo siya sa tabi ko. "Pinaalis ako sa classroom eh. Umiiyak ka ba, Ate?"

"Hindi, nananahi ako."

Hindi niya pinansin ang mga sagot ko pero natahimik lang kami habang nakatingin sa kawalan.

"Si Papa Nate ba?" tanong niya. Tahimik lang ako pero sa pangalan pa lang niya, nasasaktan na ako. "'Wag mo na sabihin sa akin kasi siguradong magagalit ako kay Papa Nate at hindi ko rin alam ang side niya."

Naramdaman kong naluluha ako habang nare-realize na wala pala akong masabihan ng problema ko. Si Erin? Masaya na siya. Si Ellaine? May Emotionless fandom. Si Kuya? Malayo sa akin. Si Kuya Angelo? Busy.

Wala akong best friend. 

Nabuhay akong nakakausap ang karamihan sa kalokohan pero kapag personal na, wala. Ay wait, meron pala. Si Nate. Pero umikot na ang mundo ko sa kanya at ngayong nangyayari 'to, wala na akong mapuntahan.

Nagtaka ako nang humihikbi na si Humi sa tabi ko. Nagmumukmok na siya.

"Bakit ka umiiyak?"

Suminghot-singhot siya at pinunasan ang ilong. "H-Hindi ko rin alam, Ate."

"H-Ha?"

"Nakikibagay lang ako sa senaryo natin, ahuhuhu. Ang lungkot-lungkot kasi. Ahuhuhuhu!"

Natawa ako at hinawakan ang balikat niya. "Salamat, ah?"

"Huh? Bakit?"

Nginitian ko siya. "Dahil sa'yo, naisip kong normal pa pala ako."

Nagkatinginan kami sandali at sabay na tumawa. Pinalo-palo pa niya ako sa balikat at medyo masakit 'yun. "Ikaw talaga, Ate. Medyo nakakasakit ka, ah?"

"Hindi ba't the truth hurts talaga?"

"Kaya pala ansakit-sakit. Ahuhuhu!" emote niya habang hawak ang dibdib niya.

Hindi ko akalain na mapapatawa ako ngayon at ni Humi pa. Kahit wala siyang alam. . . kahit hindi niya gustong alamin ang nangyari, nagawa pa rin niyang pagaanin ang nararamdaman ko.

Pero hindi nagtagal ang gaan sa pakiramdam ko.

Pag-alis ni Humi, bumalik ang nakabalot na lungkot sa akin. Hindi na rin ako pumasok. Naupo lang ako hanggang sa nagbukas ang pinto. Huminto ang tibok ng puso ko nang makita ko siyang parang nagulat din na makita ako.

"Pumunta ka. . ." naluluha kong sabi.

Tumayo ako at lumapit sa kanya. Akala ko okay na kami. Akala ko pwede ulit kami pero natigilan ako nang magsalita siya.

"Ano bang kailangan mo sa akin?" Nakatingin siya sa akin na para bang hindi niya ako kilala.

Sino 'tong lalaking nasa harapan ko?

"N-Nate?"

"Ano nga?"

Nahihirapan akong huminga. Napatakip ako ng bibig dahil nanginginig na ang mga labi ko. Nanlalabo na rin ang paningin ko dahil sa mga luhang namumuo.

"Kung wala kang sasabihin, aalis na ako."

Tumalikod siya sa akin at napako ako sa kinatatayuan ko. Bago siya lumabas, nagsalita pa muna siya nang hindi nakatingin sa akin. "'Wag mo na ako kausapin. Kahit kailan."

Durog ako nang iwan niya ako. Napaupo ako sa sahig sa panghihina. Nasa rooftop lang ako habang naghihintay mawala ang sakit. Mawala ang luha. Mawala ako.

Pero walang nawala. Kahit isa.

Uwian na nang bumalik ako sa room. Pinagtitinginan pa ako ng mga kaklase ko. Nagtaka ako nang makitang wala ang bag ko sa upuan ko.

Nanlalanta kong tinawag si Leah na naglilinis. "Nasaan mga gamit ko?"

Pagtingin ko sa tinuro ni Leah, nakita ko si Emotionless Guy na nakatingin sa akin habang nakasukbit ang backpack ko sa balikat niya.

Gusto ko sana magreklamo pero wala akong lakas. Kinuha ko sa kanya ang bag ko nang hindi nagsasalita. Hindi rin siya nagsalita. Dumiretso ako sa paglalakad hanggang makauwi ako at makarating ng kwarto.

Buong gabi, nag-exercise ako.

Exercise ng pag-iyak.

In fairness, nakakapagod at nakakapawis.

Baka pumayat pa ako dahil dito.


PAGBUKAS ko ng pinto kinabukasan para maligo, napangiti ako nang makitang may Nido soup at note ulit sa tapat ng pintuan.


Alam ko. Masakit pa rin.


Kinain ko na lang 'yun at nanghihinang pumunta sa CR para maligo. Nagulat ako nang may tumulak sa akin at nauna pumasok. Wala ako sa mood pero nairita ako nang makita ko si Emotionless Guy sa loob ng CR.

"Ano bang problema mo?" tanong ko.

Ngumisi siya sa akin at pinagsarhan ako ng pinto. Bumuntong-hininga na lang ako at naghintay.

Hindi pa rin nawala ang bigat ng loob ko pagpasok ng school. Madalas akong lutang at napapatitig sa kawalan at ilang beses na rin akong napagalitan ng mga teachers.

Sa totoo lang, hindi ko na alam ang gagawin ko sa buhay.

First anniversary kasi 'yun, eh. Dapat masaya at okay kami. Dapat magkasama kami ngayon pero anong nangyari? Nawala ang lahat. Kahit pag-online, kinakatakutan ko na dahil natatakot ako sa kung ano man ang makita, malaman o mabasa ko.

Dumarami na nga ang doodles ko sa notebook na broken hearts. Broken hearts everywhere.

Lagi kong naaalala si Nate sa bawat sulok ng mundo ko. Lagi akong umiiyak tuwing gabi. Namamangha na nga ako sa dami ng luhang meron ang pagkatao ko. Kapag nakikita ko ang singsing na binigay niya, sa bawat kinang ng mga bato, tumutusok sa puso ko ang sakit. Walang anesthesia. Walang warning. Basta masakit. Sobrang tagos.

Hindi ko alam kung anong ginawa sa akin ni Nate para maging ganito ang epekto niya sa akin. Hindi ko rin alam kung anong gagawin ko para mawala na ang sakit na epekto niya sa akin.

Sa tuwing papasok ng school, feeling ko naliligaw ako. Nawawala ako.

Nakikita ko ang lahat ng kaklase ko na masaya at nakangiti. Ngingitian ko sila pero hanggang dun lang. Bumagal ang oras. Ang tahimik ng paligid ko. Tumigil ang pag-ikot ng mundo ko nang mawala sa akin si Nate.


SINAMAHAN ako ni Ellaine magpunta ng mall para mahimasmasan na ako. Naglalakad lang kami madalas, kwentuhan at arcade. Naglalaro ako ng Time Crisis III nang magsalita si Ellaine.

"Si Nate ba 'yun?"

Natigilan ako sa sinabi niya. Bumilis ang tibok ng puso ko at naramdaman kong nanlalambot ang mga binti ko. Lumingon ako sandali pero napaiwas din ng tingin.

"Siya nga."

Nakatayo si Nate kasama ang tatlong itlog na sina Troy, Toto at Jek sa hindi kalayuan. Pagkasilip ko ulit, naglalakad na sila. Hindi ko alam kung bakit pero nagpaalam ako kay Ellaine at sinundan sila Nate.

Nakatingin ako sa mga likuran nila. Sa likuran niya.

Mahigpit ang hawak ko sa singsing na binigay niya sa akin. I <3 N 4ever. May forever pa rin ba kung wala na kami? Kailangan ko pa bang ingatan 'to? Kapag kasi nakikita ko ang singsing, pinaparusahan ako sa sakit; which is everyday.

Lumingon si Jek sa akin nag-iwas din ng tingin. Bumulong siya kay Nate at napangisi ako dahil binilisan nila ang paglalakad. Napansin kong iniiwas nila ang tingin sa akin nang bumaba sila sa escalator. Lakad-takbo na ang ginawa ko hanggang sa isang metro na lang ang layo ko sa kanila. Lumingon si Toto sa akin tsaka ngumiti.

Narinig ko ang binulong ni Toto kay Nate. "Nandito pa rin siya."

"Hayaan mo siya."

Nanikip ang dibdib ko sa sinabi ni Nate. Nilingon ako ni Troy na para bang sinasabihan ako na tumigil na ako. Nainis ako and at the same time, nanlalamig. Binilisan ko ang lakad at naabutan ko na si Nate pero hindi pa rin siya tumitingin sa akin.

Pagkatikhim ko, lumingon siya sa akin at nagkunwaring nagulat. Hinawakan ko ang braso niya kaya napatigil kami sa paglalakad. Nanginginig ang mga kamay ko nang kunin ko ang kamay niya at binigay ang singsing.

"Ano 'to?" tanong niya.

"Sa 'yo na 'yan." Tinulak ko siya palayo.

Pagkabigay ko ng singsing sa kanya, binigay ko na rin ang buong pagkatao kong sirang-sira na. Pagbalik ko ng singsing, tinanggap ko na ring wala na kami.

Pero ang sakit.

Tumalikod kaagad ako dahil nahihirapan na akong huminga. Nakailang hakbang pa lang ako, naiyak na ako. Hindi ko na pinansin ang mga tao kahit nabubunggo ko na sila. Nagulat ako nang may humawak sa braso ko at lalong nagulat nang may yumakap sa akin.

Nanghihina akong tumingin sa mukha ng yumakap sa akin. Lalo akong naguluhan at feeling ko nagkaka-hallucination na ako sa sakit ng nararamdaman ko.

Emotionless Guy . . . anong . . . "B-Bakit ka nandito?"



chapter dedicated to vincentmagbutay03 kasi matagal ko na siyang napansin. simple lang mga comment niya pero na-touch lang ako sa message niyang ito.

pasensya na kung makikisama si ianne sa iyong lungkot pero i hope makatulong itong update ~

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top