22 [ happy anniversary ]


At Seven. Up there. 
Night sky and shining stars with the wind blowing. 
See you. 
Together, we'll fly.


KAHIT hindi pumasok si Nate sa klase, may ganito pa siyang surprise note sa locker ko. Dahek, kailan pa siya naging ganito ka-makata?

Hindi ko na napansin ang oras dahil excited ako at masaya all throughout. Nagtaka nga ang mga kaklase ko kung bakit ako masaya. Hindi ko rin hinayaang badtrip-in ako ni Emotionless sa bahay. Hindi rin kasi kami nagpapansinan.

Masaya ako kasi nagtutugma na ang lahat. Nag-aalign na. Wala nang problema lalo na't okay na sina Cloud at Erin.

Ang saya.

Pagdating ng seven, umakyat ako ng rooftop. Pagkabukas ko pa lang ng pinto pa-rooftop, ang lakas na ng hangin. Napangiti ako nang makitang nakaabang si Nate at may lamesa pang may kandila.

Candle light dinner.

Natawa ako dahil nag-play ang playlist ni Nate sa Friendster niya—'yung mga kanta niyang acapella na puro kakornihan. Nagpaka-gentleman pa siya at pinaupo muna ako bago siya maupo sa tapat ko.

"Happy Anniversary," masaya kong bati nang ibigay ko sa kanya ang regalo ko. Couple shirt namin.

Okay, kahit hindi ko ramdam masyado ang isang taon namin, bawi naman siya sa mga paganito niya.

Nagkangitian kami bago niya buksan ang nakatakip na pagkain. Kwek-kwek. Favorite naming dalawa.

"Kain na tayo?"

Kumain kami at nag-usap lang at naglokohan at natawanan. Na-feel ko talagang nawala ang problema sa aming dalawa. Pero may napansin ako kay Nate. . . 'yung ngiti niya. Hindi pa rin umaabot sa mga mata niya.

Nang matapos kami kumain, may inilabas siyang something na naka-plastic.

"Ano 'yan?"

"Flying lantern."

Tumango-tango ako kahit wala akong ideya kung ano 'yun. Kinuha niya ang love jar sa bag niya.

"Bunot ka."

Nagtataka akong sumunod sa kanya sabay basa namin sa nakasulat.


I less than three N. N less than three I. Forever.


"Pang-two hundred and three paper na."

"Seryoso? Binibilang mo talaga?"

"Naman. Ako pa?"

Sinindihan niya 'yung maliit na kandilang nasa ilalim ng lantern. Parang maliit na hot-air balloon tuloy ang itsura.

"Itong flying lantern ang magsasabi kay God ng lahat," sabi niya habang hinihintay na lumubo ang lantern.

"Magsasabi?"

Nginitian niya ako. "Ng forever natin."

Natahimik kaming dalawa at nakaramdam ako ng kaba. Hindi ko alam kung bakit, basta kinakabahan lang ako. Nang um-okay na 'yung lantern, binitawan na ni Nate.

Na-amaze ako nang lumutang sa ere ang flying lantern kasama ang idinikit niyang papel na may sulat kong forever kami. Naghintay lang kami habang hawak niya ang kamay ko. Sobrang higpit nga ng pagkakahawak niya, para bang mawawala ako.

Mula sa view ko, kitang-kita ko ang napakagandang ilaw. Parang malaking bituin sa langit.

"Tae."

Napalingon ako kay Nate nang magsalita siya. Nakatingin lang siya sa harapan kaya pagbalik ko ng tingin sa flying lantern, kinilabutan ako.

Nasusunog 'yung lantern.

"Hala!"

Lumapit kami sa may railing. Wala kaming magawa ni Nate. Nag-panic ako pero ang seryoso ng itsura ni Nate. Bumabagsak na ang lantern sa sementeryo. "Anong gagawin nati—"

Nanlaki ang mga mata ko nang makakita ako ng kidlat.

Tinakpan ni Nate ang tainga ko nang kumulog at hinatak ako palapit sa pintuan pababa. Biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. Nawala ang apoy sa flying lantern at bumagsak kaagad.

Nagmadali kami ni Nate na makalabas ng building. G-in-uide din kami ng guard na mukhang kinausap pa ni Nate para sa planong 'to.

Pagdating namin sa guardhouse, nakaramdam ako ng lungkot. Ang lakas kasi ng ulan tapos hindi namin ma-enjoy ni Nate. Tumahimik na lang si Nate habang nakatitig sa kawalan.

Malungkot si Nate—at dahil sa ulan na 'yan.

I hate you, Ulan.

Kumulog nang malakas kaya napatakip ako ng tainga. Sorry na, hindi na pala kita hate. Nakasimangot akong nakatitig sa ulan nang magkaroon ng very, very bright idea.

"Iwan muna natin bag natin dito," sabi ko kay Nate nang ilapag ko ang bag ko. Kinuha ko rin ang bag niya. Tumingin ako kay Manong Guard. "Okay lang, Kuya? Bukas namin balikan?"

"Ah sige lang, balikan niyo na lang."

"Teka Ianne, ano ba—"

Pinigilan ko na siyang magtanong. "Basta, tara!"

Hinatak ko na palabas si Nate at tumakbo sa ilalim ng ulan. Syempre sa tabi lang kami para hindi masagasaan.

"Teka," pigil sa akin ni Nate pero dahil sa lakas ng ulan, basang-basa na kami agad.

Tumawa ako at niyakap si Nate tsaka ko siya binulungan. "Best day ever."

Natigilan siya at parang nagulat sa sinabi ko. Tulala lang siya nang ilang segundo tapos ngumiti na.

Kahit malamig, nagtatatalon kami ni Nate. Napangiti ako nang tumawa siya sa kalokohan ko. Pinagtinginan na nga kami ng mga tao dahil naka-civilian siya at naka-uniform ako tapos basang-basa kami.

Takbo lang ang ginawa namin at ninamnam ang ulan. Sabi nila, nakakalungkot daw ang ulan dahil umiiyak ang langit pero ngayon? Ang ulan na ata ang simbolo ng saya namin ni Nate. Kung kanina ang lungkot namin dahil biglang buhos ang ulan, ngayon—ang saya na namin.

Napaka perpekto ng gabing 'to.

Wala kaming dalang pera pero hindi kami nahirapan dahil may isang jeepney driver na nagpasakay sa amin. Ang masaya? Libre! Ang mas masaya? Nakaupo muna kami pero nung medyo nagtagal, tumayo kami at sumabit! Sabi pa ni Kuya Driver 'wag daw pero ang tigas ng ulo namin. Mapanganib at nakakatakot pero sobrang hangin at lamig. Ang saya sa feeling!

Tumila rin ang ulan nang makarating na kami sa BH. Nakaupo lang kami sa may labas at tumambay. Basang-basa kami pero nagtatawanan kami ni Nate sa nangyaring adventure.

"Sana maulit ulit 'to," nakangiti kong sabi.

Na-bother lang ako dahil tumahimik si Nate. Nawala ang ngiti ko habang nakatingin sa kanya.

Mas na-bother ako dahil sa pagtanong niya. "Paano kung may kasalanan ka, hindi mo maiwasan. Anong gagawin mo?"

Tiningnan ko siya nang seryoso. Kinakabahan na rin ako. "M-May kasalanan ka ba sa akin?" Ngumiti ako sa kanya. "Papatawarin kita kaagad."

Nginitian niya ako at inakbayan.

"Naniniwala ka ba sa arranged marriage?"

Natawa ako sa mga pinagtatanong niya. Natawa rin siya pero mukhang un-easy. "'Yung sa mga palabas? Totoo ba 'yun?"

Nag-"Ewan" siya at napansin kong pawala nang pawala ang ngiti niya sa labi. "Paano kung. . ."

"Hmmm?"

"Paano kung nagkaroon ako ng iba?"

Napatitig ako sa kanya. Nakatingin siya sa akin at napansin kong namumula ang mga mata niya. Pero hindi. Hindi puwede. Hindi umaamin ang mga lalaki sa kasalanan nila. Walang kasalanan ni Nate.

"Paano kung ako?" nakangiti kong pagbalik ng tanong. "Paano kung magkaroon ako ng iba?"

"Okay lang."

Kumunot ang noo ko. "Okay lang?"

"Kung magmamahal ka ng iba, okay lang sa akin."

Hinawakan ko ang kamay niya. Gusto pa sana niya ilayo pero hinigpitan ko ang hawak at pinilit siyang tumingin sa akin. "B-Bakit? Anong meron?"

Tumingin siya sa mga mata ko Walang kumikibo kaya ramdam na ramdam ko ang bigat ng paghinga ko.

"Kung ikaw ang papipiliin, kasiyahan ng iba pero masasaktan ka o kasiyahan mo pero masasaktan ang iba?"

Nagtataka na ako sa mga seryosong tanong ni Nate. Hindi ko maiwasan ang pag-iisip. Hindi ako makapag-relax. Ang saya na namin kanina tapos ang lungkot na ng aura ngayon.

"Grabe ba ang sakit?"

Napahigpit ang hawak niya sa kamay ko. "Depende."

"Depende rin ang sagot ko."

Tiningnan niya ako. "Hindi nga?"

"Oo, promise. Kasi depende sa sakit talaga. Worth it bang i-sacrifice 'yung saya? Worth it ba ang sakit?" tanong ko. "Ikaw, anong sagot mo sa tanong mo?"

Imbis na sumagot, niyakap niya ako nang sobrang higpit. Ramdam na ramdam ko ang mainit niyang paghinga mula sa leeg kong nanlalamig dahil sa pagpapaulan.

"Hindi ko alam," bulong niya. "Hindi ko rin alam ang sagot, eh."

Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at tiningnan ako sa mga mata. Lumapit siya at hinalikan ako sa labi. Nagtagal ang halik na 'yun. Walang nagsasalita at walang gumagalaw.

Nang magkalayo kami nang kaunti, ngumiti siya sa akin at hinawi ang buhok ko. Pinagmasdan niya ako na para bang kinakabisado niya ang lahat sa akin.

"Tandaan mo. . ." Niyakap niya ulit ako. ". . . mahal na mahal kita."

Imbis na matuwa, nakaramdam ako ng sakit at bilis ng tibok ng puso. Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at hinalikan ako sa noo.

Tumayo siya at nagsimulang maglakad. Patayo na rin sana ako pero pinigilan niya ako sabay ngiti. Nanginginig ang katawan ko sa lamig pero nanginginig din ako sa panghihina.

Nakatalikod siya nang bumulong siya. "Ianne."

Napakagat ako ng labi nang alisin niya ang hawak ko sa kamay niya. Gulong-gulo na ako sa nangyayari dahil ang saya namin kanina pero bakit ngayon? Bakit ganito kabigat ang nararamdaman ko?

Alam kong sosorpresahin niya ako pero hindi ko akalaing ganito pala ang balak niyang panggulat sa akin. Gamit ang mahinang boses, nagsalita ulit siya. Isang mahinang bulong pero rinig na rinig ko lalo na ng puso kong unti-unting nawawasak. Napipiraso. Napipiga. Natsi-chainsaw.

"Break na tayo."

A-Anong nangyari?


. . . to be continued.

***

THIS IS THE LAST PART / ENDING 
OF AFGITMOLFM PART 1: EUPHORIA.


CONTINUE TO NEXT PAGE TO READ
AFGITMOLFM PART 2: NOSTALGIA


NO SPOILERS | NO TOXIC COMMENTS PLS!
Thank you! :)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top