17-A [ fragmented glass ]


MABILIS ding nakalimutan ng mga tao ang papansing soulmate activity. Hindi ko alam kung kinuha ni Emotionless Guy 'yung pera. Bahala na siya.

Mabilis lumipas ang araw hanggang sa ayun, bakasyon na.

May problema nga lang: sila Mama at Papa.

Hindi ko alam kung kailan nagsimula at kailan matatapos ang away nila pero isa lang ang alam ko: palala nang palala ang away.

Isang linggo. . . dalawang linggo. . . sobrang bigat sa loob. Lagi silang nag-aaway, nakakarindi na.

Habang naghahapunan kami, nag-away sina Mama at Papa tungkol sa tuition fee ni Kuya. Ang isang maliit na bagay, lumaki nang lumaki hanggang sa hindi na siya nakontrol nang lahat.

"Tumigil na nga kayo!" sigaw ni Kuya.

Walang humabol kay Kuya nang lumabas siya ng bahay. Umiyak ako. Naluha si Mama. Nangintab ang mata ni Papa.

Sigawan lang sila nang sigawan. Walang palya. Minsan, hihintayin ko silang mapagod at tumigil bago ako lalabas ng kwarto. Kadalasan, hindi na ako lumalabas ng kwarto. Natatakot kasi akong makita silang nagsasakitan.

Isang gabi, nagsisigawan ulit sila pero may naririnig na akong pinag-aawayan nila: isang babae.

"Kung may babae ka, sabihin mo!"

"Wala nga akong babae!"

"Eh sino 'yang nagte-text sa'yo? Best friend mo? Alas-dose na ng madaling araw, 'wag mo akong pinaglololoko!"

Natigilan si Papa. "H-Hindi."

At ako? Hindi ko napigilan. Napasigaw na ako. "Umamin ka na kasi, Pa! Nahihirapan kami."

Akala ko makokonsensya si Papa. Ganun naman kasi dapat. Konsensya ng mga magulang ang anak. Para sa anak nila, magpapakumbaba silang dalawa. Pero ang natanggap ko? Isang malakas na sampal galing kay Papa.

"Wala kang karapatan pagsabihan ako," sigaw niya. "Anak lang kita!"

Wala akong naramdaman physically. Namanhid ako eh. Pero emotionally? Sobrang sakit. Isang sentence lang pero tumagos na sa puso ko.

Yayakapin sana niya ako pero tumakbo ako palayo. Umalis ako ng bahay habang hawak ang pisngi kong nasampal. Pakiramdam ko namamaga ang pisngi ko pero parang wala ang sakit kumpara sa puso kong mawawasak na. Hindi dahil sa heartbroken ako—kundi dahil sa pamilya. At mukhang magiging broken family pa.

Pinagtinginan ako ng mga tao dahil nakapambahay akong sumakay ng jeep, bumaba at naglakad papunta sa bahay nina Nate.

Alas-dose na ng madaling araw pero kumatok pa rin ako sa bahay nila.

"Ianne?"

Ngumiti ako kay Cloud. Mukhang antok na antok siya. Napansin ko ring suot niya ang necklace na ulap na binigay ko pero nalawa na rin naman ang inis ko sa kanya.

Isang tao lang ngayon ang kailangan ko sa gabing ito.

"Si Nate?"

"Okay ka lang?" Hinawakan ni Cloud ang pisngi ko pero ngumiti ako lalo.

"Nasaan si Nate?"

Nakita kong pababa si Nate ng hagdan at nagulat nang makita ako. Lumapit siya sa akin at inobserbahan ako habang tumutulo ko ang luha kaya niyakap niya ako. Hinigpitan ko ang yakap sa kanya.

Kahit papaano, gumaan ang pakiramdam ko.

"Anong nangyari?" pagtataka niya.

Ibinaon ko lang ang mukha ko sa dibdib niya.

"Ianne. . ."

"A-Ang sakit eh."

Hinawakan ni Nate ang magkabilang pisngi ko at pinunasan ang luha sa mukha ko. 

"You want to eat? I'll cook for you," sabi ni Cloud at pumunta sa kusina.

Niyaya ako ni Nate umupo sa sofa. Pinainom niya ako ng tubig para mahimasmasan. Tahimik lang kaming dalawa nang ilang minuto nang bumaba yung parents ni Nate. Hinayaan na muna nila ako at sinabihan sina Nate at Cloud na after ko mag-release ay samahan akong umuwi agad dahil baka hinahanap na ako ng parents ko.

"Anong nangyari sa'yo?" tanong ulit ni Nate.

Naalala ko na naman ang galit ni Papa nung sinabi niyang anak lang niya ako. Naalala ko ang pag-iyak ni Mama sa ayaw pag-amin ni Papa. Ayun, naiyak na naman ako.

"S-Sina Mama kasi."

"Ano?"

"Palaging nag-aaway."

Inakbayan ako ni Nate at hinalikan ako sa ulo. "Ano ka ba, natural 'yun sa mag—"

"Dahil sa babae." Hindi ko na pinatapos si Nate sa sasabihin niya.

Natahimik silang dalawa ni Cloud na kalalapag lang ng pagkain.

"Ow."

Kinuwento ko sa kanila ang lahat.

"Kailan pa ba nagsimula?" tanong ni Nate.

"'Yung away? February pa."

Kumunot ang noo ni Nate. "Bakit ngayon mo lang sinabi? Tingnan mo, hirap na hirap ka."

"K-Kasi. . ."

Hinawakan ni Nate ang ulo ko at isinandal sa balikat niya. "Dapat sinabi mo sa akin. Boyfriend mo ako, hindi ba? Tulungan tayo. Kapag may problema, sabihin mo."

"Ehem."

Napatingin kami ni Nate kay Cloud na nagpapansin. Nagkatinginan sila ni Nate nang seryoso na parang nag-uusap sa mga mata.

"Nate's right," sabi niya sa akin pero kay Nate nakatingin. "Dapat n'yong sabihin ang mga problema n'yo," pagdidiinan niya. "Maiintindihan n'yo naman ang isa't isa, tama?"

Nakasimangot akong tumingin kay Nate. "S-Sorry. Akala ko kasi magiging okay lang ang lahat."

Ngumiti siya at hinalikan ako sa noo. "Okay lang. Tara, uwi ka na namin."

Hinatid na nila ako sa bahay. Sinalubong ako ni Mama sa gate pa lang at niyakap. Nag-dial siya sa cellphone at sinabing nandito na ako. Si Papa ang kausap niya.

"Saan ka ba nagpupupunta?" Hinawakan ako ni Mama sa mukha tapos niyakap niya ulit.

Ilang minuto lang ang lumipas, dumating sina Kuya at Papa na hingal na hingal. Tiningnan nila ako sandali pero kaagad ding lumapit si Kuya at kinurot ako sa pisngi.

"Tae ka talagang babae ka, pinag-alala mo kami," iritableng sabi ni Kuya.

Natakot ako nang lumapit sa akin si Papa. Gusto ko sana lumayo dahil sa takot. Akala ko sasampalin niya ulit ako nang itaas niya ang kamay niya. Napapikit ako pero nagulat din nang yakapin ako ni Papa.

Niyakap ako ni Papa. For the first time.

"Pagpasensyahan mo na ako," bulong sa akin ni Papa.

Tumango lang ako at niyakap siya pabalik.

Akala ko, okay na ang lahat sa amin kasi nag-sorry-han na at nagkaiyakan. Pamilya eh. Ang kaso, may hindi pala ako nalalaman.

Sa isang sikreto, pwedeng masira ang lahat ng pinaghirapan.

NAKAUPO ako sa tabi ni Mama, kinakabahan habang nakatingin sa babaeng katabi ni Papa. Ang ganda niya. Siguradong nai-insecure si Mama. Gusto ko sumigaw ng 'itigil ang kasal' pero wala namang ikakasal.

"Ianne," panimula ni Papa, "wala na akong trabaho."

First kill. Masakit.

"Na-bankrupt ang kumpanya. Sinubukan kong itago at sabihin na lang kapag nakahanap ako ng panibagong trabaho pero hindi ako natatanggap."

Second kill. Medyo masakit.

"S-Sinangla ko ang bahay para sa pang-tuition ninyo ni Eos ngayong school year."

Third kill. Sobrang masakit.

"Kuya, tama na. . ." sabi ng babaeng maganda kay Papa. Tumingin sa akin 'yung babae at ngumiti. "I'm Joey, pinsan ako ni Kuya. Galing akong States pero dahil nalaman ko ang problema, umuwi muna ako."

Nagkagulo ang utak ko hanggang sa na-realize kong hindi siya 'babae' ni Papa.

"Tinulungan niya ako noong wala akong mapuntahan kaya tutulungan ko rin ang anak niya. Ianne, sa akin ka muna titira."

"A-Ano?"

Napatingin ako kay Kuya na tahimik. Tahimik din si Papa. Pagtingin ko kay Mama, niyakap niya agad ako.

"Ianne, anak. . ."

Naiyak ako dahil ngayon lang niya ako tinawag na Anak.

". . . Pasensya na pero kailangan na muna nating maghiwalay."



chapter dedicated to DaydreamerStarr for this comment! this chapter is not on the wattpad version dati. book revision po itong struggles at nakakataba ng puso mabasang natuwa ang dating wattpad reader sa book revision at wattpad version now. thank youu ~

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top