15 [ destined future ]
UMAGANG-umaga, nag-iinit na agad ulo ko pero in fairness sa itsura niya, mas matino na siya ngayon. Hindi na denim panty ang suot. Shorts na hanggang tuhod na. Improving ah, nagkakaroon na ng tela.
Ayaw ko man, pinagbuksan ko pa rin siya ng gate pero nagulat ako nang yumakap siya. Nag-panic ako. Baka mamaya naglagay siya ng bomba sa likod ko eh.
Itutulak ko na sana siya pero nakarinig ako ng hikbi. "I'm sorry, Ianne. Sorry."
"B-Bakit?"
"Kasi. . . kasi. . . inaasar lang talaga kita kasi crush ko si Kuya Moe pero hindi ko akalaing magkakaroon ng ganitong klaseng gulo." Sumimangot siya lalo at parang unti-unting nalulusaw ang puso ko. "I'm really sorry. Patawarin mo na si Kuya Moe, mahal ka niya."
Niyakap niya ulit ako at feeling ko sinasadya niyang basain ang damit ko. Pero napangiti ako kasi nakita kong bata pa talaga si Lemaris. Gumaan ang pakiramdam ko pagkatapos. Parang nabunutan ako ng tinik.
Pinagbihis niya ako at nagtaka ako dahil sa school kami pumunta. Bakit ba kinukulit ako ni Lemaris? Pinatawad ko na siya pero ang feeling close ata niya?
"This song is for my life."
Napatigil ako sa paglalakad sa grounds nang marinig ko ang boses sa speakers.
"For my love, for my soul . ."
Pagkatingin ko sa stage, nandun siya. Nakangiti sa akin.
"For my Ianne."
Maraming nakatingin sa aming estudyante. Naluha ako nang tumugtog na ang tatlong itlog at pagtingin ko kay Lemaris, nakikisinghot. Ay ganun? Siya ang na-touch?
Agh, Ianne, ano ka ba. Mabait si Lemaris.
Sige lang. . .
Tahan na, dahil mahal na mahal kita
Ikaw lang kasi, maniwala ka...
Ah....
Naiyak ako lalo dahil sa ngiti lang ni Nate, nalusaw na ang lahat. Ang galit ko sa lahat ng nangyari, nawala. Ganito pala magmahal. Nakakatanga. Nakakawala ng pride. Nakakabobo. . . pero ang sarap sa pakiramdam.
At kumokorni na rin ako.
Ikaw lang ang nais kong makasama
Wala na akong gusto pang balikan
Kahit ako'y papiliin ikaw ay umasang
Gusto kong makapiling
Sumabay ang buong school body sa pagkanta ng last lines kaya feeling ko kinakantahan nila ako. Ang init-init pero umiiyak ako. Kadiri ko na.
"Ianne. . ."
Naghiyawan ang mga tao pagkatapos ng kanta.
"N less then three I."
Tinulak ako ni Lemaris palapit kay Nate. Tinulak ko rin siya. Ang sakit ng tulak eh. Papalapit na ako nang marinig ko ang sigaw ni Ma'am Carillo.
"Go Ms. Santos!"
Ay, bagets, 'Te?
Nagpunta kami ni Nate sa tagong part ng school para makapag-usap pero tahimik lang kami. Gusto ko mag-sorry dahil ang bilis kong nagselos. Gusto kong mag-sorry dahil iniwan ko siya para kay Cloud. Gusto ko mag-sorry kasi nabulag ako sa selos pero nagulat ako nang yakapin niya ako nang mahigpit.
Tumigil ang tibok ng puso ko at ang paghinga ko sa yakap niya. Hawak lang niya ang ulo kong nakasubsob sa dibdib niya.
"Sorry sa kahapon," sabi niya. "Si Cloud kasi—"
"Anong si Cloud?" nakakunot-noo kong tanong.
"Plano niya kasi ang lahat."
"Anong plano?"
"May problema sa Demon na part. Maraming may gustong si Art ang mag-Demon. . . lalo na 'yung fans niya."
Naalala ko sina Ellaine at Belle na nag-uusap sa labas ng auditorium. Hindi kaya 'yun ang pinag-uusapan nila?
"Anong connect ni Cloud?"
"Teka, ako muna."
Tumahimik ako.
"Kinausap ni Belle si Art pero nanghihingi ng pera si Art."
Nanghihingi ng pera? Na naman? Ano bang meron sa pera?
"Gusto niyang kunin 'yung kaunting kita. . ."
"Hindi ba para sa charity 'yung kita ng play?" pagtataka ko.
Bumuntonghininga ulit si Nate at naupo sa hagdan. "Hindi ko rin nage-gets eh. Pero okay na 'yun. Bumili na ng ticket ang 'fans club' ni Art kaya lang. . ."
"Kaya lang?"
"Kahapon, ang daming nagreklamo. Refund daw ng pera dahil ako ang nakita nilang Demon sa poster."
"Bakit hindi ko alam 'yan?"
"Masyado ka kasing kinakabahan kaya wala ka nang naintindihan sa paligid."
Napa 'oh' na lang ako.
"Kaya humingi ako ng tulong kay Cloud. Pinatawag ko siya para sa emergency. Sabi niya, sabihin ko raw na naospital si Lemaris." Napansin ko ang pagkuyom ng kamao niya. "Oo na lang ako pero takte, hindi ko akalaing may ibang plano si Cloud."
"Pero. . . birthday raw niya kahapon," mahina kong sabi. "Kaya niya ako sinama dahil birthday niya."
Tiningnan ako ni Nate na parang nagtataka. "Gago 'yun ah. May 10 pa birthday ng lalaking 'yun."
May 10? Birthday? Nagpaawa pa siya sa akin kagabi? Sobrang na-guilty pa ako at. . .at. . . hinalikan ko siya sa pisngi. Bumili pa ako ng necklace!
Na-imagine ko si Cloud na nag-evil laugh sa utak ko at gustong-gusto ko na siya sugurin para ako na ang babato sa kanya pabalik ng Japan. How dare he?
"Nagsinungaling siya sa akin!"
Natawa si Nate. "Gagawin niya lahat para makuha ang isang bagay."
Naninikip ang dibdib kong tumingin kay Nate. Lalo akong na-guilty dahil ako ata ang may kasalanan ng lahat. Magso-sorry na sana ulit ako nang yakapin ako ni Nate. "Masaya akong hindi ka niya nakuha sa akin."
Okay, tatahimik na lang ako.
Pero ang Cloud na 'yun, mapapatay ko talaga ang hapon na 'yun!
NAMASYAL kami ni Nate sa mga booth ng first years. Ngayon ko lang na-appreciate ang iba't-ibang booth dahil masyado akong na-focus sa ibang bagay. May mga shooting game, Utos Mo, Gawa Ko na booth, Picture Mo Kami Ni Crush booth, jail booth at kung ano-ano pa.
Nawindang lang ako nang may makita akong pink na tent at may bolang kristal na design sa taas.
"Hi po, gusto n'yo pong magpahula?"
Pinilit ko si Nate pero ayaw niya kaya hinatak ko siya sa loob. Pagkapasok pa lang namin, nagsalita kaagad ang babae na parang alam niyang may taong papasok.
"Nais mo bang malaman ang iyong kapalaran?"
Nasa dulo ang babaeng nagsalita. Lamesa at upuan lang ang nandun.
Hinila ako ni Nate palayo. "Tara na."
"Mamaya. Wait lang."
Lumapit ako sa babaeng nakadamit ng pang-Muslim na may nakatakip na pink na belo.
Umupo ako sa upuan sa tapat ng table.
"Akin na ang iyong palad."
"Ianne," tawag sa akin ni Nate.
Hindi ko pinansin si Nate at inilahad ang palad ko sa babae. Tiningnan niya ang kamay ko at hinimas pa. Nagtaasan ang balahibo ko sa katawan nang tumingin siya sa akin at nagsalita.
"Maganda ang iyong kapalaran, Hija."
Humigpit ang kapit ni Nate sa balikat ko.
"Isang pag-ikot ang magaganap. Saya. Lungkot. Galak. Luha."
Sobrang kinabahan ako sa sinabi nung babae.
Gumuhit siya ng mga bilog sa kamay ko gamit ang hintuturo niya. "Mag-ingat sa mga taong iyong nakilala."
"P-Po?"
"May darating. May mawawala. May aalis. May mananatili."
Hindi ko na napapansin si Nate kahit medyo masakit na ang kapit niya sa balikat ko.
Binitiwan ng babae ang kamay ko at naglabas ng cards.
Napatingin ako kay Nate na nakakunot-noong nakatingin din sa cards.
"Tarot cards?" tanong niya.
"Hindi." Nilapag ng babae ang mga cards. "Pumili ka ng tatlo."
Pumili ako ng tatlong baraha. Kinuha ng babae lahat ng cards at iniwan ang mga pinili kong nakalapag sa lamesa. Kinabahan ako nang buksan niya ang isa. Coin ang naka-drawing sa card.
"Ang buhay mo ay isang sugal. Ginto ay para sa ikasasaya."
Kinikilabutan ako pero gustong-gusto ko malaman ang kasunod kahit hindi ko nage-gets ang pinagsasasabi niya.
Binuksan niya ang pangalawang card. Dalawang lalaking magkabaligtaran. Parang mga prinsipe at nakatingin sa ibaba ang mga mata. Parang magkatinginan.
"Dalawa. Magkaugnay. Hindi magkadugo. Ngunit sabay na makararamdam ng sakit, ng hinagpis, ng pagkamuhi." Tiningnan ako ng babae sa mata. "Dahil sa'yo."
"Tara na, Ianne."
"Teka."
Binuklat ng babae ang huling baraha. Ito lang ang pinakamalinaw sa lahat. Isang puso.
"Pag-ibig. Gugulo ang maayos. Maaayos ang gulo. Ang mga desisyon ay pag-isipan, hindi lang sa'yo kundi sa inyo. Ang pinili at ang pipiliin. Ikaw ay maghanda. Mag-isip. Maghahalo ang lahat. Ang kahulugan. . ." tinuro niya ang puso sa baraha at tumingin sa akin, ". . . ay mag-iiba."
Nagkatitigan kami ng babae. Hindi ko alam kung anong mga sinabi niya. Kung nagme-make sense ba o hindi pero inalis niya ang tingin sa akin at ibinaling kay Nate.
"Ikaw, Hijo. Nais mo bang malaman ang iyong kapalaran?"
NO SPOILERS | NO TOXIC COMMENTS PLS! Thank you! :)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top