09 [ wreck relationship ]


BAKIT ang gulo ng magpinsang Nate at Cloud? Magulo ba sila o ako lang ang naguguluhan?

Tumahimik na rin ang buhay ko pagkatapos ng pangyayaring hinatid ako ni Cloud. Hindi ko na rin alam at malaman kung anong ibig sabihin ng sinabi niya at ng sinulat niya. Pero si Nate? Pinagtatakahan ko talaga ang mga life-changing decision niya.

Naglalakad kami sa grounds papunta sa GYM.

"May banda ka na ah, bakit gusto mo pa mag-varsity?"

"Para hunk ako. Alam mo 'yun, habulin ng girls," nakangiti niyang sagot.

"Anong pinaglalaban mo?" pagtataka ko.

"Basta. Para maraming mainggit sa 'yo."

Hindi ko nage-gets ang logic, pramis.

"Mainggit? Eh 'di maraming magagalit sa akin? Maraming mababadtrip? Magkakaroon ako ng mga death threat?"

Tumawa siya at hinila na ako papasok ng GYM. "Ayaw mo ba? Para exciting buhay natin."

Tiningnan ko siya nang masama habang umuupo sa bleacher. "Ikaw kaya i-shoot ko sa ring para exciting buhay mo?"

"Okay na akong ma-shoot sa puso mo."

"Korni mo."

Natawa lang siya sa akin at hinalikan ako sa noo. Kumuha siya ng damit tsaka nagpaalam para magbihis.

Ang daming tao sa GYM. Puro babaeng nagdadaldalan at mukhang manonood ng try-outs ang nasa bleachers. Ang daming lalaking nakapang-basketball shirt. Ano bang meron sa basketball at gustong-gusto ng mga lalaki? At babae?

Nagsimula na ang try-outs at hilong-hilo na ako sa dami ng takbuhan, pasahan ng bola at ingay ng mga babaeng kinikilig at nagsisisigaw.

"Go, Papa Nate!"

Napabalikwas ako ng upo at tumingin sa sumigaw. Panliliitan ko sana ng mata ko nang makita ko si Humi, at ang headband niyang may malaking ribbon, na nagtatatalon at nagsisisigaw.

Last time, si Emotionless ang gusto niya tapos ngayon si Nate?

Ang tagal din nilang naglokohan sa court nang pumito ang coach at nag-disperse sila. Bumalik sa akin si Nate na sobrang pawisan.

"Ang galing ko, 'no?"

Um-oo na lang ako dahil wala rin akong na-gets. Nagpunas siya ng pawis at gusto ko sana ibuhos sa kanya 'yung tubig para fresh pero nakapanghihinayang ang tubig.

Sobrang laki ng lagok ni Nate sa tubig na kulang na lang pati bote, inumin niya. Bago bumalik si Nate sa court, bumulong muna siya sa akin at nagpapogi. 

"Kapag na-shoot ko 'to, magde-date tayo."

Pero ang ending ng payabang niya . . .

"Sige na Ianne, please. Mag-date na tayo."

Kanina pa kami pinagtitinginan ng mga tao sa paligid. Mag aalas-syete na rin dahil katatapos lang ng try-outs.

"Hindi mo na-shoot eh. Hindi ba 'yun ang usapan?"

Sumimangot siya. "Na-distract kasi ako sa 'yo."

"Ako pa sinisi mo?"

"Ang ganda mo kasi kaya kinabahan ako."

Ngumiwi ako. "Good. But not enough. Uwi na ako."

Naglakad na ulit ako at palabas na ng school gate nang mapatigil ako sa pagsigaw niya.

"Libre ko!"

Dalawang salita lang. . . dalawang salita at napatigil ako.

"Saan tayo?" Nilingon ko siya at hinatak palabas. "Tara na."

Tumawa siya at inakbayan ako. Hindi rin kami lumayo dahil sa kainan malapit sa school kami kumain. Kwentuhan at lokohan. Pinagtawanan ko rin siya sa pagiging fail niya sa basketball.

Habang kumakain, kinakalkal niya ang bag ko nang mapatigil siya.

"Bakit?" tanong ko.

Kinuha niya ang papel na sinulat ni Cloud sa may bulsa ng bag ko. Nakakunot ang noo niya nang ipakita niya sa akin ang papel. "Ano 'to?"

Kinabahan ako kahit hindi ko alam kung bakit. "H-Hindi ko rin alam eh."

"Sinong nagbigay?"

Sasagutin ko na sana nang may tumulak sa akin para makapagbigay ng space sa kanya sa upuan.

"Yo," bati sa akin ni Cloud. Naupo siya sa tabi ko at ngumiti. "Ianne."

Sumeryoso ang mukha ni Nate. "Anong ginagawa mo rito?"

Nakangiti lang si Cloud habang kinukuha ang papel na hawak ni Nate. Lumayo ako nang kaunti pero lumapit din sa akin si Cloud. Nagkatitigan sila ni Nate kaya parang kinabahan ako.

"Mukha siyang anime!"

Sabay-sabay kaming napalingon sa tumiling babaeng schoolmate namin at mukhang lower year. Kilig na kilig sila habang pasulyap-sulyap sa amin. Nagtatawanan at nagtutulakan pa.

"Yo." Tinanguan ni Cloud 'yung babae sa kabilang table. "Arigatou, pretties."

Napangiwi ako sa lalong pagtili ng mga babae sa inasta ni Cloud. Ang lakas maka-playboy, please.

"Oy, bakit ka ba nandito?" pagkuha ni Nate sa atensyon ni Cloud. "Dapat sa bahay ka lang, ah?"

Nawala sandali ang ngiti ni Cloud pero ibinalik niya nang tumingin siya sa akin. Nagulat ako nang inakbayan niya ako at inilapit sa katawan niya. "I just missed Ianne."

Ngumiwi si Nate. "Pakialis nga ang kamay."

Itinaas ni Cloud ang kamay niya sa ere habang natatawa. "Sorry. Ang possessive."

Natahimik kaming tatlo sandali. Napatingin ako sa kanilang dalawa na nakakatakot ang mga itsura. Nakakaramdam na rin ako ng tensyon. Parang gusto ko na lang tumayo at tumakbo palayo sa magpinsang 'to.

Nanlaki ang mga mata ko nang maramdaman kong hinawakan ni Cloud ang kamay ko sa ilalim ng table. Ibinigay niya sa akin ang papel na kinuha niya kay Nate. Inilapit niya ang ulo niya sa akin at bumulong ng. "Don't let Nate see this again."

"Cloud."

Napatingin kami ni Cloud kay Nate na nasa tapat ko. Tinanggal ni Cloud ang kamay niya sa kamay ko at tsaka tumayo.

"Aalis na nga po," natatawang sabi ni Cloud. "Bye, Ianne."

Nagtilian ang mga babae nang maglakad malapit sa kanila si Cloud at hindi pa makapagtimpi dahil nagpa-picture na sila. Nang makaalis si Cloud, nagkatinginan kami ni Nate.

"Tara, uwi?" yaya ko.

Hindi na niya ako kinulit at naramdaman kong sumeryoso si Nate. Mukhang may malalim siyang iniisip. Niyakap ko ang braso niya pero wala akong nakuhang ngiti. Napasimangot na lang ako. Ay, ewan. Bahala na.


FOUNDATION Week na next month kaya maraming nagmamadali dahil mukhang maraming activities ang mangyayari this year. Pinapunta kaming mga third year sa auditorium at nag-announce na play ang gagawin namin this year.

"Para ito sa charity, Third Years," announce ni Ms. Soquilla. "Dalawang kwento ang pagpipilian niyo."

Kinuwento ni Belle, vice-president ng Student Council, ang dalawang kwentong pagpipilian. Salita siya nang salita pero wala rin akong na-gets. Wala rin akong pakialam sa mga ganito. Haist. When will this end?

Pinaboto kami ng story na gusto namin. May mga box at ballot pa silang ginawa. Anong binoto ko? Neither. Hindi ko maalala ang title ng mga sinabi nila at wala rin akong maalala sa mga kwento.

Pinaalis muna kami ng auditorium para mag-early lunch. Dapat hindi na kami babalik ni Nate sa auditorium pero nahuli kami ni Belle. Pagkabalik, nakasimangot si Ms. Soquilla sa harap.

"Third Years, alam kong wala kayong pakialam masyado rito pero 'wag n'yo naman lokohin ang botohan."

Gusto ko na matulog.

"Sa ngayon, palalampasin ko ang nagsulat ng 'Spongebob Squarepants' sa voting paper."

Nagtawanan ang mga ka-batch ko at napaupo ako nang maayos.

Tiningnan ako ni Nate na nanliliit ang mga mata. "Ikaw ba 'yun?"

"Hindi ako 'yun."

Aymsosarreh. Hindi ko kasi maalala ang mga title kaya 'yun na lang sinulat ko. Aymsarreh.

Buti na lang hindi na nila masyadong ginawang big deal. Nagdesisyon na sila para sa play: The Demon and The Maiden daw? May kung ano-ano silang sinabi na hindi ko na-gets. Napahikab ako at napatingin sa katabi kong tulog na rin at mukhang masaya ang panaginip dahil nakangiti.

Napansin kong naglibot ang mga mata ni Belle sa buong auditorium. Kinabahan ako nang magtama ang tingin naming dalawa tapos ngumiti pa siya.

Lumingon ako sa likuran para tingnan kung sinong tinitingnan ni Belle. Pagbalik ko ng paningin sa kanya, nakangiti pa rin siya. As in nakakatakot ang ngiti niya.

"Sweetest couple?"

Nanlaki ang mga mata ko nang halos buong batch ang tumingin sa amin ni Nate. Sa sobrang kaba ko, napaupo ako nang maayos kaya nalaglag ang ulo ni Nate.

"Ah—anyare?" Nagkakamot ng batok si Nate habang tumitingin sa paligid.

"Nate, Ianne?"

Nagkantiyawan ang mga kaklase namin. Wait, no. Hindi. Ayaw ko. Anong nangyayari?

"Ano 'yun?" tanong ni Nate.

Lumapit sa amin si Belle at Ma'am Soquilla. Nanghihina ang mga tuhod kong tumayo. Pwedeng mag-collapse?

"B-Belle." Tiningnan ko si Belle with paawa effect. Nakasimangot pa ako.

Hinawakan ako ni Ma'am Soquilla sa balikat at ngumiti. "For the charity, Miss Santos?"

Hala, blackmailing?

Pagtingin ko sa katabi kong si Nate, nanlaki ang mga mata ko nang nakikipag-apir na siya kung kani-kanino. Okay na agad sa kanya? At teka lang, kailan pa kami naging sweetest couple?

"Eh Ma'am. . ." Napapangiwi ako.

Tiningnan ko ang buong auditorium. Nakatingin sa amin halos lahat ng mga ka-batch namin at chini-cheer na kami. Nabibingi na ata ako. Pwede na ba akong lamunin ng sahig?

Pinilit pa nila ako. May kung ano-ano silang pinagsasasabi sa akin pero tibok ng puso ko lang ang naririnig ko. Ngiting-ngiti sila sa akin. Napatingin ako kay Nate nang hawakan niya ang kamay ko at tumango.

Napabuntonghininga ako. "Sige na nga."

Ngumiti si Belle sa akin at nagpalakpakan na ang mga ka-batch ko.

"Great! Let's begin the preparation."


IN-ASSIGN sa iba't ibang klase ang mga gawain. Klase namin ang gaganap sa play dahil kami ni Nate ang bida. Klase nina Roxanne ang para sa props. Kina MC ang sa damit. Grupo nina Jyonicka at Kelly ang pag-paint ng background at kina Sherilyn at Rizza ang para sa mga make-up at paint. Man work ang sa grupo nila Neil. By next month, dapat tapos na ang lahat.

First years ang bahala sa mga booth. Horror house ang sa mga second year. May kakaibang activity ang sa fourth year. Mini-event at parang may party ata.

Isa lang ang masaya para sa akin: more time with Nate. Nagpa-practice kami ng lines kahit saan kami magpunta. Marami kasi kaming lines pero more on natural na pag-uusap lang. Pwede nga raw mag-adlib basta related sa play.

So far, so good.

The next Saturday, nagtaka ako nang i-text ako ni Nate na pumunta raw ako sa bahay nila para mag-practice. Dahil uto-uto ako, nagpunta ako sa bahay nila.

Pagkarating ko sa kanila, imbis na matangkad na lalaki ang makita ko, nakangiting mukhang anime ang tumambad sa akin.

"Yo."

Napangiwi ako. "S-Si Nate?"

Ngumiti siya nang malawak kaya kinabahan ako. "Ow, wala siy—"

"Ah sige, bye." Tumalikod na ako at paalis na nang hatakin niya ako papasok ng bahay nila.

Titig na titig siya sa akin nang isinandal niya ako sa pader at kinorner. Sobrang lapit niya na kulang na lang magpalitan kami ng mukha.

Ngumisi siya. "Pa-hard to get?"

"A-Ano?" Kinabahan ako.

Nagkatinginan kami. Ang ganda ng mga mata niya pero mas maganda ang mata ni Nate.

"Hindi pa ba obvious?" Lalong lumapit si Cloud sa mukha ko. Halos mahalikan na niya ang pisngi ko nang bumulong siya. "I like you, Ianne."

Nanlaki ang mga mata ko sa narinig ko. Tinulak ko siya pero ang lakas niya. Nakakulong pa rin ako sa katawan niya.

"P-Pinsan mo si Nate."

"And so?"

"Girlfriend niya ako."

"So?"

Anong problema ng lalaking ito?!

Napatingin ako sa paligid. Wala bang tao sa bahay nina Nate? Bakit si Cloud lang ang nandito? At akala ko ba pinapupunta ako ni Nate sa bahay nila?

"That doesn't mean I can't like you, right?"

Lalong nanlaki ang mata ko nang maramdaman kong hinalikan niya ako sa may tainga. Tinulak ko siya nang malakas at dun siya napaatras. Ngumisi siya habang nakatingin sa akin. 

Aaahhh, nanghihina ako.

Nakakita ako ng cross sa lamesa sa tabi ko. Kinuha ko 'yun at itinapat kay Cloud.

"'Wag kang lalapit sa akin!"

Tumawa si Cloud at lumapit.

Sinabing 'wag lalapit, eh?

Umatras ako pero pader na ang aatrasan ko. Pinilit kong itapat sa kanya ang cross. Ano ba 'to, nasaan ba si Nate?

"Ianne, hindi mo ako mapapaalis gamit 'yan." Kinuha niya ang cross na hawak ko at hinawakan ang dalawang kamay ko. Pinilit kong kumawala pero sobrang lakas niya. 

OMG anong gagawin niya sa akin?

Wait, hindi pa ako ready maging batang ina!

Wait ulit. Ang futuristic ko dun, ah. Batang ina agad?

Anway.

Lumapit sa akin si Cloud at umakmang hahalikan ako sa labi nang tumigil siya. Sayang. Este, mabuti naman. Pero ngumiti siya pagkatingin niya sa may bintana at lumayo.

"Nate's here."

Iniwan niya akong nakatayo sa pintuan at umupo sa sofa na parang walang nangyari. Nanlaki ang mata ko nang makita kong nilabas niya ang cellphone ni Nate sa bulsa niya at nilapag sa lamesa. So siya ang nag-text?

Nakarinig ako ng tawanan nang bumukas ang pinto. Masaya na sana ako dahil naligtas na ako pero natigil ako sa nakita ko.

Isang babae . . . at si Nate.

Napalingon sa akin si Nate. "B-Bakit ka nandito?"

Tiningnan ko mula ulo mukhang paa ang babaeng kasama niyang tiningnan din ako mula ulo hanggang paa. Long hair, chinita, maputi, makinis ang balat at mala-anghel ang mukha. Kitang-kita ang pink na bra sa white shirt at hindi sa nagja-judge ako pero kulang na kulang sa tela ang damit niya.

"Sino 'yan?"

Tumaas ang kilay ko.  'Yan?'Hindi ko trip ang tabas ng dila ng babaeng 'to. Nanlisik ang mga mata ko nang mapansin kong nakahawak siya sa braso ni Nate. Ang close nila, ah? Sobra.

"Ianne, girlfriend ni Nate," pagpapakilala ko sa sarili ko.

Napa 'o' 'yung babae at ngumiti sa akin. "Ikaw pala 'yun," sobrang saya niyang sabi. "I was expecting someone . . . beautiful."

Nagpanting ang tainga ko sa bulong niya. Hindi nga mukhang bulong dahil sinasadya niya atang marinig ko. Nakangiti pa rin ako dahil hindi nawawala ang ngiti sa labi niya. Ang plastic, nakakairita.

"Ako nga pala si Lemaris, it's very nice to meet you."


NO SPOILERS | NO TOXIC COMMENTS PLS! Thank you! :)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top