06 [ mystery of go ]
SABI nila, masaya kapag na-e-excuse sa klase.
Hindi naman masaya to, e!
Nagsimula na ang delubyo ng pagkatao ko - ang review. Ilang araw nang lusaw ang utak ko dahil panay pagbabasa at mock question and answer ang ginagawa. Medyo masaya rin namang may mga tanong akong nasasagot, pero karamihan, parang tumatagos lang sa utak ko yong mga nababasa at naririnig ko.
Itong si Sir Lasam, mukhang walang pakialam na nalulutang na ako.
Si Emotionless guy naman, kung hindi tulog, nawawala.
Isang beses lang ata kami nagkasabay na trinain ni Sir. At minsan, napapatitig ako sa kanya. Minsan din, napapaisip ako kung ano na kayang nangyari sa kanila ni Irene.
Gusto ko maki-chismis!
Akswali, ito na nga lang talaga ang pampalubag ko ng loob. Ang mag-imagine kung anyare na sa kanila ni Irene. Sila na ba? Natuloy kaya yong . . . , kasi minsan, sumisilip din si Irene sa library. Mukhang sinisilip si Emotionless Guy.
Kulit kasi, e. Sinong mag-aakalang may love story pala itong si Emotionless Guy?
Tho, hindi na rin ako nagtataka. Paano, sa tagal ko ring nagpapalamig sa library kasama siyang natutulog at si Sir Lasam na busy sa ka-chatmate sa omegle, may pangilan-ngilang babae ang dumadalaw sa kanya.
Minsan, kakatok, magbibigay daw ng pagkain. One time, tinanong siya ni Sir kung sino 'yong nagbigay. Nagkibit-balikat lang si Emotionless Guy.
Hindi na rin ako nagulat na hindi niya kilala 'yon. Sikat naman din kasi talaga siya. Ngayon ko lang talaga napatunayan, lalo na't nasa pinaka dulo at pinaka sulok na siya ng library, nahahanap pa siya ng mga fangirls niya.
Lunch, pinabalik kami ni Sir Lasam sa kanya-kanya naming room kaya naman natuwa ako at nabuhayan nang makita at makasama si Nate. Nang mag-uwian, nagtaka ako sa paghatak sa akin ni Nate at pinag-stay ako sa katabi niyang upuan.
"Mamaya na tayo umalis," mahina niyang sabi.
Hinintay naming mawala ang mga kaklase namin. Nang makaalis na sila at dumidilim na, hinawakan ni Nate ang kamay ko at hinalikan.
Pinalo ko siya sa gulat, pero ngiting-ngiti lang siya sa akin.
"Pustiso ka ba?"
"Pinigilan mo akong dumiretso sa library para dito? Lagot ako kay Sir Lasam."
"Okay lang yan. Dali na kasi, pustiso ka ba, Ianne? Tanong mo kung bakit."
Ngumuso ako. "Kasi you can't smile without me?"
Nadismaya siya dahil alam ko ang banat niya. Wala pang ilang segundo, naka-recover din agad siya.
"Alam mo bang ang pagmamahal ko sa'yo ay parang electric fan? Yun bang. . ." nag-emote pa siya na para bang napakaseryoso ng sasabihin niya, ". . . steady lang ako, hindi na lumilingon sa iba."
Sumimangot ako. "Hindi ba ang electric fan umiikot? So iikot ka rin?"
"Ano ba yan! Mukhang masamang nagre-review ka do'n sa library, tumatalino ka na, e!
Tumawa ako.
Nagsimula ulit siya sa pagtatanong. "Ano bang course kukunin mo sa college?"
"Hindi ko pa alam, wala akong gusto ko eh. Ikaw ba?"
"BSFIL major in Y," diretso niyang sabi.
"Ha? Ano 'yun?"
"BS Falling In Love Major in You."
Ang korni po ni Nate.
"Matinong tanong." Bakit ba kapag si Nate ang nagsasabi ng 'matino', hindi na ako naniniwala? "Ano ang tanging bagay na hindi magbabago?"
"Ano?"
"Ha? Sigurado kang hindi mo alam?"
Nag-attempt akong sumagot pero puro mali raw.
"Dapat malaman mong hindi magbabago ang pagmamahal ni Nate kay Ianne."
Hindi ko napigilan ang pagtawa ko. Hindi ako natawa dahil nakornihan ako pero sobrang—nakaka-overwhelm na—okay fine, kinikilig na nga ako.
Kumuha siya ng papel at nagsulat. Akala ko banat pero nung pinakita niya sa akin, nawindang ako sa nakita ko.
9x-7i < 3(3x-7u)
Okay, kailan pa kami nahilig sa pag-aaral?!
Tinuro niya kung paano i-solve ang sagot. Nag-away pa kami dahil tanong ako nang tanong kung bakit ganun at bakit ganyan. Ang gulo. Nakakainis hindi ko na ma-gets.
9x-7i < 9x-21u
May sinasabi pa siya pero wala talagang pumapasok sa utak ko. Minsan na-aamaze na lang ako sa galing niya sa Math.
-7i < -21u
"Kailangan nating i-divide both sides sa negative seven para sa simplest form, bali ang magiging sagot dito." Sinulat niya ang pinakasagot ata. "I is less than three U."
Napatitig ako sa equation. Ang sarap lusawin, promise.
i < 3u
Nakangiti lang siya sa akin pero natulala lang ako sa pagka-nosebleed sa sinabi niya.
"Anong sagot mo?" tanong niya.
"Nasagot mo na, hindi ba?"
Sumimangot siya at pupunitin na sana ang papel pero agad kong kinuha.
"Teka, titingnan ko." Kaso nahilo ako bigla. "Tara, uwi na lang tayo."
Natawa siya sa sinabi ko at ginulo ang buhok ko. "I less than three you," mahina niyang bulong.
Nag-click sa akin ang sinabi niya. Unti-unti akong napangiti nang ma-realize ko ang lahat. Pinalapit ko siya sa akin at bumulong. "I less than three you rin."
Ngumiti siya at inilapit ang mukha sa akin.
"Namiss kita."
Nang magkatinginan kami, napalunok ako nang mapansing papalapit na nang papalapit ang mukha niya sa akin. Kaunting-kaunti na lang nang . . .
POINK POINK POINK
Natulak ko si Nate at napatayo sa sobrang kaba. Bigla kasing may malakas na bagsak ng isang bagay. Pagtingin ko sa may pintuan, sumilip si . . . Emotionless Guy?
Natahimik kaming tatlo.
Hindi siya nagsalita pero isinara niya ang pinto.
"Badtrip," kunot-noong bulong ni Nate, nakaupo pa rin sa upuan. "Istorbo."
Nagpaalam ako kay Nate para mag-CR pero nagpunta talaga akong CR para mahimasmasan ang kaba ko. Nakita kong pababa na si Emotionless Guy. Bago pa ako makapasok sa CR, nakarinig ako ng tawa ng mga babae.
"—laglag pa ang cellphone ko. Kung hindi lang dumating si Art, magandang scandal na sana 'yun."
Napatingin sa akin ang dalawang babae pagpasok ko. Mukhang mga fourth year. Nakangisi 'yung isang babae sa akin habang 'yung isa, nakasimangot na binubuo ang cellphone na mukhang nalaglag.
Nasa labas si Nate ng room nang makabalik ako habang hawak na ang mga bag namin. Hinawakan niya agad ang kamay ko para makipag-holding hands. Lumingon ako sa bandang CR para tingnan 'yong mga 4th year na lumingon din sa amin.
"Bakit? Anong nangyari sa 'yo? Para kang nakakita ng multo d'yan?"
Pinisil ko ang kamay ni Nate. "Huwag na natin uulitin 'yon."
"Ha? A-Ang alin?"
Ngumiti ako. "Nasa school tayo, e. Tsaka dapat nag-aaral ako ngayon."
Hinalikan niya ang kamay kong hawak niya. "Sige, sige. Sorry. Hindi ko na kukuhanin oras mo sa susunod."
Pagkauwi, paulit-ulit sa utak ko ang senaryong 'yon. Yong dapat hahalikan ako ni Nate sa labi, yong kaba ko don, yong taranta ko sa narinig na pagbagsak ng phone, yong pagkakita ko sa pagsilip ni Emotionless Guy sa amin, yong mga babae sa CR na kakaiba tingin sa akin.
For suspension ang muntik nang mangyari sa amin ni Nate na kiss . . . at mukhang niligtas kami ni Emotionless Guy mula sa paparating na scandal sana.
Kailangan ko ata magpasalamat sa kanya.
MUKHANG hindi na niya naalala 'yong nangyari. O baka super poker face lang talaga siya. Hiyang-hiya at kabado pa naman akong lumapit sa kanya, kalabitin siya, makipagtitigan sa mata niya, at magpasalamat - tapos titingin lang siya sa akin na parang wala lang?
"Ano . . . 'yong last time sa room namin—"
Wala. Wala talaga siyang react!
"Basta." Huminga ako nang malalim at binigay sa kanya ang isang simpleng gawa ko na egg sandwich. "Salamat doon."
Lumabas ako ng library at dumiretso sa CR, umupo sa isang trono sa isa sa mga cubicle.
Sana naman ma-appreciate niya 'yong gawa kong sandwich, di ba?
Hindi naging madali paglimot dun sa nangyari dahil sa tuwing may nakakasalubong akong fourth years, feeling ko nagkakaroon na ako ng takot. Alam kaya nila? Tsinimis kaya nung mga nakasama ko sa CR noon?
Pero nawala rin ang kaba ko dahil nagpatuloy kami sa pag-aaral.
I tried my best, but my best wasn't good enough. Ang sakit-sakit, beshy!
"Art. . ."
Ang kapal na nga ng mukha ko para tawagin siya. Mamamatay na kasi ako at siya lang ang alam kong makakatulong sa akin.
Pero hindi niya ako pinapansin.
Namumuo na talaga ang galit ko sa lalaking 'to, promise. Nakakalimutan ko nang siya ang tumulong sa amin ni Nate.
Kumalma muna ako at kinalabit ko siya sa braso. Napalunok ako nang binaba niya ang hawak niyang libro at tumingin sa akin nang masama. At siya pa ang masama ang tingin?
Hay Ianne, hinga. Relax.
"A-Ano kasi. . ." Hindi pa ako tapos magsalita, tinakpan niya ulit ang mukha niya ng libro.
Kalma. Ang beauty mo.
Napasandal ako sa upuan at tiningnan ang mga librong nakakalat sa lamesa.
"Hindi ko na kaya. . ." pagmumukmok ko.
DINGDONG *dantes* DINGDONG *dantes*
Napangiti ako nang makita ko ang pangalan ni Nate sa screen ng phone ko. Pagkasagot at pagkarinig ko ng boses niya. . .
"Hi."
. . . kumalma na ako.
"Nate. . ." Kahit na kumalma ako, hindi pa rin maaalis na nahihirapan na ako. ". . . nahihirapan na ako."
"Ha? Saan?"
Sumimangot ako lalo nang mapansin kong nakatingin si Emotionless Guy sa akin.
Chismoso!
Tumayo ako at lumayo, masama ang tingin sa kanya.
"Sa pagre-review. Hindi ko na talaga kaya, mababaliw na ata ako, e." Kinikimkim ko lang kasi 'to dahil nahihiya rin ako kina Mama. Nag-eexpect sila sa akin. Haist, hirap ng expectations.
"E, teka, umiiyak ka ba?"
Sa tanong ni Nate, nararamdaman kong namumuo na ang tubig sa mga mata ko. Pressure ba tawag dito? Ayaw ko na talaga!
"Kasi . . ."
"Gusto mo makatakas?"
Napalingon ako sa sinabi ni Emotionless Guy. Nakapamulsa siyang nakatayo sa likuran ko. Tumingin ako sa paligid para alamin kung sinong kausap niya pero nakatingin siya sa akin.
"—ello, Ianne? Nandyan ka pa?"
"Ah, teka. . ."
"Gusto mo umalis sa competition?" patuloy ni Emotionless Guy.
Nawala ang atensyon ko kay Nate kaya nagpaalam na muna ako sa kanya at tumingin kay Emotionless Guy.
"B-Bakit?"
"Tutulungan kita."
Napangiti ako at muntikan ko na siyang yakapin sa sobrang saya nang mapatigil ako sa sunod niyang sinabi.
"Bayaran mo ako."
"Ha?"
"Five thousand, pagtapos ng Christmas break."
Hindi na niya hinintay na sumagot ako. Napatulala ako nang umalis na siya ng library at bumaba ng hagdan.
Five thousand?
Aanhin niya ang five thousand?
At ang pinaka importante - saan ako kukuha ng five thousand?!
~
rayne's note: as always, thank you for reading and waiting for the chapters! despite me losing interest in editing, kayo dahilan bakit ko pinupush ang sarili ko to make this work.
yay!
this will be dedicated sa pinaka nakakaaliw na comment para sa chapter na ito. salamat!!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top