03 [ john michael cruz ]


Bothered ako kahit ilang araw na ang lumipas. Hindi ko pa rin kasi alam ang sagot sa tanong. Mahal ko ba si Nate? Gusto? Crush? Sinagot ko siya, eh. So bakit ko siya sinagot kung sa umpisa pa lang, hindi ko naman din siya crush? Hindi ko rin naman siya gusto noon pa?

Ang hangin-hangin kaya niya. Bakit ko magugustuhan sa umpisa pa lang ang mahanging lalaki? Wala rin naman akong pakialam sa kanya noong umpisa. Alam ko lang, siya 'yong vocalist ng Burning Thunder.

Pero . . .

Deep down ba sa puso kong walang pakialam, gusto ko pala talaga magka-boyfriend? May landi ba akong tinatago? O kaya ko ba siya sinagot dahil curious lang akong magka-boyfriend dahil nagliligawan din mga batchmates ko?

Eh, ano bang dahilan bakit sinasagot ng mga babae ang lalaki? Bakit din ba nanliligaw ang mga lalaki sa babae?

Paano ba masabing mahal na nga?

Eh ako ba, mahal ba talaga ako ni Nate?

Paano niya nasabing mahal nga niya ako?  

At mahal agad?!

Tanungin ko ba?

Yikes, hindi ko kaya. Yaan ko na nga muna. Darating naman siguro kami sa parteng 'yon . . .?

Si Alex naman kasi! Kainis din minsan, eh! Ilang araw na pero paulit-ulit 'yong boses sa utak kong nagtatanong kung mahal ko ba.

Wala pa kaming isang buwan ni Nate, dapat i-enjoy ko lang. Oo, ito dapat gawin kasi bata pa ako, at bata pa kami. Marami pang mangyayari sa ilang months ng 3rd year, tapos may 4th year pa. At may college pa! Siguro kung sasabihin ko ang katotohanan ng puso ko, ang hindi ko lang ma-enjoy sa ngayon ay ang discussion ni Sir Mike kaya antok na antok na ako . . .


NAATASAN kaming III-Obedience na mag-stay sa gym para ayusin ang Halloween party sa school. Bawal daw humindi dahil dito kukunin ang grade para sa T.L.E. Magkasama kami ni Nate dahil hindi na siya mahiwalay sa akin. Sobrang clingy boyfriend. Wala na rin akong magawa dahil 'can't-resist-the-cuteness-of-Ianne' ang sakit niya.

"Ianne, tamang-tama." Nilingon ko si Ate Alie, senior student na guide ng klase namin. "Okay lang bang kuhanin n'yo ni Nate 'yong mga paint sa T.L.E. room? Thank you!"

Hindi pa ako um-oo!

"Tara?" Hinatak ako ni Nate palabas ng gym.

Nagtaka ako sa buong field at tumingala. Madilim na pala? Bakit parang kanina, tanghali pa lang at tirik na tirik ang araw?

"Ianne, natatakot ako . . ."

Hindi ko masyadong makita ang itsura ni Nate dahil sobrang dilim talaga, ang OA na ng dilim.

". . . natatakot akong mawala ka bigla. Makulit ka pa naman. Akin na nga 'yang kamay mo."

Napangiti ako nang hawakan niya ang kamay ko habang naglalakad. Gabi na nga't lahat, nagpapaka-cheesy pa rin 'tong lalaking 'to.

Madilim at medyo nangangapa kami pagkarating sa T.L.E. room. Pagpasok, binuksan ni Nate ang ilaw at napalingon ako sa may labas sa biglang malakas na sigaw ng lalaki. Lumamig ang pakiramdam ko at nakaramdam ng kaba. Napapisil ako sa kamay ni Nate.

"Nahulog ata kaklase natin," sabi niya, "bilisan na natin."

Tumango ako. Habang kumukuha ng supplies, naririnig ko ang napakalakas at napakalalim na paghinga ni Nate sa likod ko.

"Ano ba, Nate, bakit ka humihinga nang malalim—"

Paglingon ko, kinilabutan ako. Ang layo niya sa akin.

"Humihinga nang malalim?"

Kinilabutan ako nang marinig ko ulit ang malalim na paghinga at nasa likuran ko pa rin! Gusto kong pumikit pero natatakot akong baka pagdilat ko, hindi ko gusto ang makita ko. Naglakas-loob akong lumingon pero nawala 'yong paghinga.

"S-Sino 'yon?"

Nagmadali akong lumabas kaya nataranta si Nate. Nang isara niya ang ilaw ng kwarto, kinilabutan ako sa narinig ko.

TOINK TOINK TOINK

Talbog ng bola.

Bago pa maisara ni Nate ang pinto, tumaas ang lahat ng balahibo ko sa katawan dahil may bolang gumulong palabas ng T.L.E. room!

"N-Nate, s-sa-an galing 'yon—'yong—"

"Alin?"

Tinuro ko ang bolang kulay apple green sa may pintuan. "A-Ayan, 'y-'yong bola!"

"Anong bola?"

Lalong nagsitaasan ang mga balahibo ko sa tanong niya. Anong kalokohan 'to? Nakatingin siya sa tinuturo ko pero bakit hindi niya makita?

"Hindi—hindi mo n-nakikita?"

Tinaasan lang niya ako ng kilay. Pagbalik ko ng tingin sa bola, tumalon na ata ang puso ko palayo sa akin. Nawawala na 'yong bola!

Mabilis akong umalis ng building. Pakiramdam ko mahihimatay na ako lalo na nang lumakas ang ihip ng hangin. Hindi ko alam kung bakit lumingon ulit ako sa may building—pero! Tumatalbog ulit 'yong bola!

"N-Nate. Na-nakikita mo ba 'yon?" Hinawakan ko ang braso niya at tinuro ang bola.

"Saan?"

Ano ba, duling ba siya? Bakit hindi niya makita?

"'Yong bola, ayun, 'yong bola, tumatalbog mag-isa!"

Ginulo niya ang buhok ko at ngumiti. "Imagination mo talaga. Itigil mo na nga panonood ng mga horror. Naniniwala ka na, eh."

Inakbayan niya ako kaya napatingin ako sa mga kamay namin. Teka? Nasaan 'yong paint na dala namin? Natigil ako na pinagtakahan ni Nate. Paglingon ko ulit sa building ng T.L.E. room, nagsitaasan na naman mga balahibo ko sa katawan!

May batang lalaki! Kumakaway! Hawak 'yong bola! Sa amin! Ngumiti sa akin!

Napasigaw ako sa sobrang takot!

Paglingon ko sa harap, napaatraas ako at napatingin ulit sa paligid. Nasa loob na kami ng gym . . . nakaupo kaming lahat pabilog at kumakain kami?

"Alam n'yo ba . . ."

Sabay-sabay kaming napatingin kay Ana, kaklase namin.

"May iba tayong kasama rito."

Kinilabutan ako sa paglingon niya sa akin.

"Ianne," sabi niya, ngumiti, "nasa likuran mo siya."

Mommy!

Napakapit ako nang mahigpit sa braso ni Nate at napapikit. 

Ayaw ko na. Natatakot na ako!

"Oy, 'wag ka ngang nananakot," saway ni Nate. "Wala namang tao sa likuran ni Ianne."

"Hindi siya tao. Kaluluwa na lang siya, pagala-gala."

"Hoy, umayo—"

"John Michael Cruz Jr." 

Napadilat ako at napatingin kay Ana. Michael? Cruz? Si Sir Mike?

"Hindi siya ang teacher natin, anak siya ni Sir."

"Anak? Hindi ba kaka-graduate lang ni Sir? At wala siyang asawa," sabi ni Francis.

"Siya ang anak ni Sir Michael. Five years old, namatay mismo sa school. Sa T.L.E. room."

Aaahhh, ayaw ko na! Tama na!

"Last year, eleven ng gabi, nagtatrabaho pa si Sir Mike sa faculty."

Tama na po, please.

"Hindi ba this year lang—"

"Kasama niya ang anak niya pero naglibot si John sa T.L.E room. Hindi alam ng guard, may pumasok na magnanakaw. Nakita na lang ang katawan ni John na duguan at maraming saksak sa katawan."

Please, tama na po. Ikakamatay ko 'to.

"Sabi sa balita, may bolang nilalaro si John pero hindi na nakita nung nag-imbestiga."

"Bola?"

"Bola, kulay green," sabi ni Ana.

Tumigil ang pagtibok ng puso ko.

"At Ianne, kailangan ka niya . . ."

Umihip ang malakas at malamig na hangin sa likuran ko. Paglingon, nawala na ata ako sa katinuan.

"Tulong po."


BAKIT ako? Bakit nandito ako sa harap ng pinto ng bahay ni Sir Mike para lang 'tulungan' si John? Ang gulo talaga.

Kahit natatakot, kumatok ako sa pinto ng bahay ni Sir habang nagtataka kung paano nga ba ako nakapunta rito. At bakit alam ko kung saan siya nakatira?

"Sino 'yan?"

Kinilabutan ako sa boses Sir. 

Pagbukas ng pinto, alam kong may something wrong agad pero hindi ako makatakbo palayo.

"Oh, Ianne—pasok ka."

Bawat paghakbang ko papasok, nakakaramdam ako ng kaba. Pinaupo niya ako at binigyan ng juice.

"Ano bang itatanong mo at ang aga mong pumunta rito?"

Teka, alam niyang magtatanong ako?

"Uhm, Sir, may asawa ba kayo?"

Napatingin siya sa akin kaya lalo akong kinabahan.

"Ah, hindi n'yo po kailangan sagutin, aalis na lang po ako." Patayo na sana ako para makalabas nang mapatigil ako sa sinabi ni Sir.

"Meron. She died. Last year." Lumungkot ang mukha ni Sir.

"I'm sorry, Sir," nakayuko kong sabi.

Nginitian niya ako at pinaupo niya ako ulit sa sofa.

"M-May . . . m-may anak po ba kayo?"

Napansin kong napangisi siya sandali bago nawala 'yong ngising 'yon. "Meron. Pero namatay siya, last year din."

Totoo nga ang lahat ng sinabi ni Ana?

"S-Sorry Sir, dalaw—"

"Don't be sorry, gusto ko rin 'yon."

"Po?"

Nanlamig agad ako nang hindi na maitago ni Sir ang ngisi niya.

"Pinatay ko siya," mariin niyang sabi.

Nanlaki ang beautiful kong mata sa takot.

"Siya ang may kasalanan kung bakit namatay ang pinakamamahal kong asawa. Kung hindi dahil sa pesteng bola niyang hinabol ng asawa ko . . ." sumigaw siya, "hindi mamamatay ang pinakamamahal ko!"

Napatayo ako sa sigaw. "S-Sir . . ."

"Ang kapalit ng buhay ay buhay rin kaya kinuha ko ang buhay niya kapalit ng buhay ng asawa kong kinuha niya!"

Tumaas na ang lahat ng pwedeng tumaas na balahibo sa katawan ko nang tumawa si Sir.

Tiningnan niya ako at naguluhan na rin ako dahil tumutulo ang luha niya. "Walang magnanakaw noong gabing 'yon. Ako lang ang nagsabing magnanakaw ang pumatay para hugas-kamay ako. Ako talaga ang pumatay sa batang 'yon, sinunog ko pati ang pesteng bola niya! Ang bolang pumatay sa minamahal ko!"

Nababaliw na ba si Sir?!Sinasabunutan niya ang sarili niya!

Lumayo ako nang lumayo pero napansin kong pader na ang nasa likuran ko.

"Uhm, salamat po sa info . . ." nanginginig kong sabi.

"Anong info 'yang pinagsasasabi mo?" Tumitig sa akin si Sir. Nanlalaki rin ang butas ng ilong niya. Scary po! "Ngayong alam mo na ang lahat, hindi pwedeng makaalis ka ng pamamahay ko na gumagalaw pa, hindi ba?"

"Hindi na lang po ako gagalaw, Sir!" nagmamakaawa kong sabi.

Napanganga ako nang may kinuha siyang kutsilyo mula sa likuran niya. Waw. Magician! Okay, joklang. Mamamatay ka na, Ianne. Nakuha mo pang mag-joke.

"S-Sir, hindi ko po ipagsasabi. Promise po, secret lang natin 'to."

"Ano ka, sinuswerte?"

"Hindi po ba?" tanong ko pero natawa lang siya.

Tatakbo na sana ako nang hawakan niya ang braso ko.

"Mamatay ka!" Sinunggaban ako ni Sir sabay saksak sa binti ko.

"Ahhh!"

Napatitig ako sa binti ko na sobrang daming dugo. Napahiga ako sa sobrang sakit na naramdaman ko. Sinubukan kong lumayo kahit na nahihirapan ako.

Katapusan ko na ba 'to? Mamamatay na ba talaga ako? Magmumulto na rin ba ako? 'Wag muna ngayon! Bata pa ako! Bukas na lang!

Sinipa-sipa ko si Sir kahit sobrang sakit ng binti ko. Lumalayo ako pero lumalapit siya. Nanghihina na ako, hindi ko na kaya . . .


NAGISING akong nakatayo sa tapat ng isang puntod. May hawak akong apple green na plastic na bola. Pagtingin ko sa puntod, kinilabutan ako sa nabasa ko. John Michael Cruz Jr. Hindi ko alam kung paano ako nakapunta rito pero nilapag ko ang bola.

Nang lumakas ang ihip ng hangin, nakarinig ako ng boses ng bata na bumulong sa tainga ko. "Salamat po."

Napangiti na ako pero nanlamig ako dahil sa umakbay sa akin. Paglingon, mas gusto ko pa atang magka-heart attack ngayon mismo at tumabi na lang kay John.

Pero joke lang, scary din 'yon.

"S-Sir."

Ngumiti siya nang nakaloloko habang mahigpit na hawak ang balikat ko. May matalim na bagay na itinutusok siya sa leeg ko.

"Paalam, Ms. Santos," nakangising sabi ni Sir. "Don't forget your assignment."

"Aaahhh!" sigaw ko sa tusok niya ng matulis na bagay sa leeg ko. "Papatayin mo na lang ako Sir, assignment pa rin papaalala mo sa akin?!"



~

rayne's note: hahahaahaha after ilang years at rewrites, kinikilabutan pa rin ako dito! hahaha simpleng take lang to sa horror genre paano pa kaya kapag nag-full blown horror ako? huhu d q kaya teh chz. pangarap ko rin talaga magsulat ng genre na may comedy para kyotie. ito na ang simula! harhar.

no'ng nilagyan ko ng ~ text ~ tong photo, natawa ako sa itsura. horror na horror naman talaga ang paggawa ng assignment, ano po? hahahahayst, buti na lang talaga graduate na ako sa school. tapos na ako sa horror ko. :))

aral well, mga beh. don't forget your assignment! ♥


sorry pala kung antagal ng update na 'to. kinain ako ng buhay ng responsibilities sa ~work kaya kinailangan ko munang tapusin yon. akswali hindi pa nga tapos, siningit ko lang to.

buuuttt, kilig ako sa mga naghahanap ng update!

thank you!


dedication: to y0uluh! i remember your username vividly dahil sa LS4N1. tapos hanggang sa afgitmolfm. yiee. thank you! thank you for discovering me and letting me stay sa iyong layf since 2014. goodluck sa iyong college life, mahirap, horror talaga (haha), pero huwag kang mag-alala dahil pagkagraduate, mas mahirap lalo. pero sana maging pahinga ang stories ko sa 'yo :D

salamat ulit sa mga nakaka-touch na comments!

( dedications are given to awesome people who leave awesome comments. iwasan po itong hingin dahil kusang binibigay ang deserve. be yerself lang! :D )

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top