Aeterno
Limang taon pa lamang si Gabriel noong siya ay aking nakilala. Siya ang lumapit sa akin at kaagad akong tinitigan bago niya sabihin sa kanyang mga magulang ang mga katagang, "Gusto ko, mama."
Simula noon, naging malapit ako sa kanya at mas lubusang nakilala ang kanyang pamilya. Mayaman ang kanilang pamilya sapagkat ang ina'y isang sikologo at ang ama nama'y isang kilalang negosyante. At si Gabriel... kahit gaano kagaan at karangya ang kanyang buhay ay may kakaiba sa kanya. Hindi mo aakalain na sa kanyang katauhan at itsura, ang tinatago niyang kaibahan sa ibang tao ay ang kanyang pagiging mentally-challenged.
Asperger's Syndrome. Isang klase ng autism na dahilan upang mahirapan si Gabriel makipagkaibigan, at madalas ay naayon sa iba ang atensyon. Kaya naiintindihan ko kung bakit ako ang kanyang napili at nagawa pang sabihan na "gusto ako" sa kanyang ina.
Dahil naman sa trabaho ng nanay ni Gabriel, maaga niyang naintindihan ang kanyang kaibahan at mas lalo niya iyong natanggap. Kung tutuusin, kung hindi mo alam ang katotohanan tungkol sa kanya, ay hindi mo aakalain na may tinatago siyang kaibahan. Sa madaling salita ay napalaki siyang matino at tulad ng isang ordinaryong bata na naayon sa kanyang edad. Pwera lang sa katotohanan pagdating sa pakikitungo sa ibang tao at ang kanyang 150 na intelligence quotient sa edad na pitong taong gulang lamang.
Subalit, hindi mo aakalain din na bata pa lamang ay mas hilig na niya ang kahit anong bagay na maiuugnay sa kotse. Naging libangan niya ang mga ito hanggang makatapos siya ng sekondarya. At imbis na tumuntong sa kolehiyo ay minabuti at pinagpasiyahan niya na magtayo ng sarili niyang talyer. Sumang-ayon naman ang kanyang mga magulang at nakita nilang doon siya masaya, at malakas din ang naging kita ng negosyong kanyang tinayo.
Simula noon, naging bihira na rin ang aming pagkikita.
Kahit ganoon ay marami pa rin akong naririnig tungkol sa kanya. Madalas siyang napag-uusapan ng kanyang mga magulang, higit sa lahat ng kanyang ina, kapag ako'y nakakasama. Kahit sa ganoong paraan lamang ay masaya na ako.
Magsasampung taon na ang negosyong tinayo ni Gabriel noong nalaman ko na may nakilala siyang isang dalaga na tuluyang nagpahulog ng kanyang kalooban. Higit pa noong kami'y unang nagkita.
# # #
Isang araw, sa kasukdulan ng tag-init, katulad ng mga nakaugalian na mga araw kung saan ay laging madaming kliente, ay nakilala ni Gabriel ang mayaman at magandang babae na nag-aaral ng kurso sa medisina. Nasiraan ang estudyante habang papunta sa kanyang unibersidad sa Maynila, at ang talyer naman ng binata ang pinakamalapit puntahan.
Kilala ko rin ang babae—Raphaelle ang kanyang pangalan. Naalala kong nakilala ko na rin siya noong siya'y bumisita, kasama ang kanyang mga magulang, para sa ika-sampung kaarawan ni Gabriel. Siya ang nag-iisang anak ng kasosyo ng ama ng binata kaya maari kong masabi na baka talagang pinagtatagpo sila ng tadhana.
"Hindi ko alam kung ano ang pwedeng maging dahilan kung bakit ako nasiraan," sambit ni Raphaelle, medyo nahihiya noong nagkaalaman na matalik na magkaibigan ang kanilang mga ama. "Ito rin ang pinakamalapit na talyer mula kung saan ako nasiraan kanina."
Nakatitig namang maigi si Gabriel sa kanya, at bahagyang nagulat ang dalaga noong nagkatitigan sila. Pansin sa kanilang mga mata ang interes sa isa't isa, pwera lamang na may halong pagtataka sa mga mata ni Raphaelle na parang may pinipilit maintindihan mula kay Gabriel.
Kaagad namang linihis ng binata ang kanyang paningin at tinuon ang atensyon sa kailangan niyang gawin. Sinimulan niyang tignan ang makina ng kotse at nasabi niya habang gumagawa, "Konting ayos lang ang kailangan nito. At baka mamayang hapon ay tapos na rin. Pwede mong iwan dito sa amin at mas importanteng tumungo ka na sa iyong unibersidad para makahabol sa iba pang klase."
Sa panahong nabalitaan ko ang ganitong eksena, hindi ko lubos maisip kung ano ang gumugulo sa kanilang mga isipan. At mabuti na lamang ay ginawang iklaro ng ina ni Gabriel kung ano ang sumunod na nangyari.
Kaagad akong nagkakutob na tuluyang nahulog ang loob ng dalawa sa isa't isa para mag-alok si Gabriel kay Raphaelle. "Kung ayaw mo naman, puwede mo namang hintayin ito matapos."
At iyon nga raw ang nangyari. Napagdesisyunan ng dalaga na manatili upang hintayin matapos ang paggawa ng kanyang sasakyan. Paliwanag pa raw ng dalaga ay isa lamang ang klase niya sa araw na iyon, at kahit anong pilit niyang habol ay mahuhuli lang din siya.
Habang inaasikaso naman ni Gabriel ang problema sa sasakyan ay patuloy ang pagtatanong ni Raphaelle ng iba't ibang bagay tungkol sa kanya. Si Gabriel naman ay walang duda kung sumagot sa mga katanungan nito. Dahil doon ay naging malapit sila kaagad—mas malapit kumpara dati na nagkikita lamang sila dahil naiimbitahan ang pamilya ng isa't isa sa mga okasyon.
Ilang ulit ko na lamang sinasabi sa sarili ko na maligaya akong mapag-alaman na masaya si Gabriel. Masaya ako na sa kabila ng lahat, lalo na ng kanyang kaibahan, ay napapatunayan niyang nararapat din siyang umibig at magmahal. Panatag naman ang aking loob kung si Raphaelle ang magiging sentro ng lahat-lahat. Okay lang; hindi ko kailangan masaktan.
# # #
Lumipas naman ang isang taon at mas napag-alaman kong naging malapit sila sa isa't isa na kulang na lamang ay patibayin ng matamis na "oo" ni Raphaelle upang pormal na maging magkasintahan silang dalawa. Maraming nagsasabi na bagay sila, at halata rin sa kanilang mga mata at ngiti ang ligaya at pagmamahalan.
Nabalitaan ko naman na ngayo'y may lakas na ng loob si Gabriel na aminin ang kanyang nararamdaman sa dalaga. Ramdam ko ang takot niya na baka hindi tanggapin ni Raphaelle ang kanyang pag-ibig o malaman ng dalaga ang kanyang kapansanan. Wala naman akong magawa kung hindi ay ipagdasal na bigyan siya ng lakas na tanggapin kung ano man ang magiging kahihinatnan. Sapagkat, sinabihan siyang maigi ng kanyang ina na, kung naisin man niyang umamin, ay hayaan akong tumulong.
Handa akong tumulong. Lagi naman. Basta para kay Gabriel. Sa kasiyahan niya, handa ako.
Kaya nama'y hindi na rin siya nagdalawang-isip na puntahan ang dalaga sa unibersidad. At kahit sa lawak ng lugar ay nagawa pa rin nilang magkita; na siyang ikinagulat naman ng dalagang makita siya roon.
"A-Ano... Ano ang ginagawa mo rito, Gabriel?" tanong ni Raphaelle.
Kaagad niyang linapitan ang dalaga at tinatapatan ito ng tingin. Hindi nalalaman ni Gabriel ang kanyang angking gwapo at talino upang magpatotoo na natatangi siya. Mas lalo naman siyang kinabahan noong siya'y nagsalita, "May gusto sana akong sabihin sa iyo."
Hinintay naman siya ni Raphaelle magpatuloy sa kanyang sasabihin.
Napalunok ng malalim ang binata. "Gusto kong malaman mo na..." Hindi siya mapakali; halata sa kanyang mga daliri na para siyang batang natatakot umamin ng totoo. Pero mabuti na lamang at alam niya na baka hindi na dumating ang ganitong pagkakataon ulit. Kaya, patuloy niyang sambit, "Na mahal kita, Raphaelle."
Kung nabigla man ang dalaga ay hindi niya ito pinakita.
"Simula pa lamang noong nagkita ulit tayo sa talyer. Alam ko at sigurado ako sa nararamdaman ko para sa iyo," dagdag ng binata, at hinintay niya naman ang isasagot sa kanya.
Ngunit, walang sinabi si Raphaelle.
Nabigla siya. Hindi niya alam kung nagsasabi ako ng totoo, giit ni Gabriel. Nasabi ko na. Iyon ang importante.
Siguro ay dahil na talaga sa sobrang pagkakaba kaya hindi na matiis ni Gabriel na hintayin pa ang magiging sagot. Pwinersa niya naman ang kanyang sariling ngumiti kaagad. "Ah! Oo nga pala. Kailangan ko na rin umalis. Baka hinahanap na rin ako sa talyer." Paalis na sana siya noong naalala niyang may kailangan siyang ibigay. Hinawakan niya ang kamay ng dalaga at ibinigay ang nais niyang iregalo. "Bago ko nga pala makalimutan... para sa iyo."
Sa palad ni Raphaelle ay naiwan ang isang cuff bracelet. Gawa ito sa puting ginto na may mga nakabaong diamanteng kumikinang kapag natatamaan ng liwanag. Halatang mamahalin at mas lalo lamang walang nabanggit ang dalaga dahil dito.
Tinapatan ulit siya ng tingin ng binata at sinabi, "Hihintayin ko ang sagot mo."
# # #
Kaya ni Gabriel na hintayin ang magiging sagot ni Raphaelle kahit gaano pa ito katagal. Noong nagawa niyang sabihin ang nais niya ay medyo gumaan na rin ang loob niya na tanggap niya na rin kung siya ma'y sabihan na hanggang kaibigan lamang ang tingin niya sa kanya. Handa na siya sa lahat ng iyon.
At handa rin si Raphaelle sa kung anong maaaring mangyari. Inaabangan niya ang panahon na umamin ang binata, at ramdam ko ang kanyang galak at pagkasabik. Kaya siya mas lalong naghanda at nag-ayos para sa isang pormal na okasyong gaganapin sa gabing iyon din; kung saan alam niya na sila'y magkikita. Kaya ganoon na lang din kadali niyang tinanggap ang regalong pulseras at hindi kinalimutang suotin upang ipaalam kay Gabriel kapag nagkita sila ang kanyang sagot.
Na "oo". Mahal niya rin si Gabriel. Aaminin niyang mas matagal na siyang umiibig sa binata; simula pa lamang noong una silang nagkakilala noong sila'y mga bata pa. Aaminin niya rin na ganoon na lamang ang kanyang pagkakilig noong sila'y nagkita ulit sa talyer, at naging mas malapit sa nakalipas na taon.
Kaya naman noong nagkita sila sa salu-salo na iyon at nagawang magkausap ng sila lamang, hindi na nag-aksaya si Raphaelle na sabihin ang lahat-lahat. Pruweba ang pulseras na suot-suot niya ngayon na senyales na tinatanggap niya ang pagmamahal ng binata. Kasiyahan at pag-iibigan na bakas sa kanilang mga mukha habang magkasama at sumasayaw.
Hindi doon nagtatapos ang lahat. Sapagkat, kaagad namang nasundan ng mas lalo nilang madalas na pagkikita. Na sa unang beses nilang opisyal na mag-date bilang magkasintahan ay nasaksihan ko ang pagkakilig ni Raphaelle na makatanggap ang kanyang paboritong bulaklak—carnation na kulay rosas—na ibinigay ni Gabriel sa kanya.
"Pasensya na at nahuli ako," nahihiyang sabi ng binata bago naupo sa kapihan na siyang magiging madalas nilang tambayan at kitaan. Bahagya naman siyang ngumiti. "Ang dami-dami pang sinabi nung nagtitinda tungkol sa mga kahulugan ng bulaklak."
"Alam ko," diin ni Raphaelle noong linapit niya ang mga bulaklak sa kanyang ilong upang amuyin ang mga ito. "Hindi kita makakalimutan. Iyon ang kahulugan ng mga rosas na kulay ng carnation. Kahit ganoon pa ma'y paborito ko ang mga ito."
"Mas gusto ko ang kahulugan nung pula at puti," saad ni Gabriel. "Sabi nung tindera, yung pula raw ay nangangahulugan ng tunay na pagmamahal. Parang rose. Samantalang ang puti naman ay tunay o purong pagmamahal."
Dahan-dahan na ibinaba ng dalaga ang mga bulaklak sa mesa at ngumiti. "Kapag naman pinagsama sila ay magiging kulay rosas na rin. At dahil doon, mas puwede nating isipin na mas malalim ang kahulugan ng carnation na ganito ang kulay. Dahil kapag pinagsama mo ang kahulugan para sa pula at sa puti, iyon na panigurado ang pinakamataas na uri ng pagmamahal. At sa ganoong palagay..." Bahagya siyang napatawa. "Tama lang na ang ibig-sabihin ng mga kulay rosas ay 'Hindi kita makakalimutan'. Para sa akin, iyon na ang uri ng pagmamahal na hindi masisira nino man."
At dahil doon ay napansin kong nagustuhan na rin ni Gabriel ang mga bulaklak na iyon. Na sa bawat nilang pagkikita ni Raphaelle ay laging may bitbit-bitbit itong tungkos ng mga iyon. Padami nang padami ang bilang na kahit hindi bilangin nino man ay pansin ko kaagad.
Maswerte nga raw sila sa isa't isa, sabi ng mga taong nakapaligid sa kanila. Pero walang ibang makakaalam na lubos pa roon ang turingan nila sa isa't isa. At ako lamang ang makakapagsabi na tunay ngang sila ang tinadhana.
Halong emosyon naman ang nararamdaman ko habang nalalaman ko ang mga ito. Natatawa akong alalahanin kung gaano sila hiyang-hiya noong una nilang nahalikan ang isa't isa; akala mo'y parang mga batang naglalaro at nagsusuyuan pagkatapos mag-away. Naiiyak akong gunitain ang araw na linakasan ulit ni Gabriel ang loob niya upang aluking tuluyan ng kasal si Raphaelle sa harapan ng kanilang mga pamilya at malalapit na kaibigan. At tawa't iyak naman akong isaalaala ang kanilang pag-iisang dibdib sa altar.
Tanggap ko na. Una pa lamang, alam kong darating sila sa yugtong iyon. Masaksihan lamang lahat ng iyon ay sapat na. Maging tagapag-alala kung paano naging malupit ang tadhana para sa kanilang dalawa.
# # #
Ramdam ko ang takot at duda ni Raphaelle habang siya'y nagmamaneho patungo sa kanyang destinasyon. Kakabili niya lamang ng mga bulaklak—kulay rosas na carnation gaya ng nakaugalian niya.
Sa bilis ng panahon ay hindi ko namalayang tatlong taon na ang nakalipas noong nagkakilala muli si Gabriel at Raphaelle sa talyer; dalawang taon noong iniwan ng binata ang pulseras sa kanya, na napag-alaman naman ng dalaga na pagmamay-ari ng ina ni Gabriel bago ibigay sa kanyang anak upang iregalo sa panahong sagutin ang pangliligaw; at isang taon na noong nalaman niya ang naging dahilan kung bakit biglang nagbago ang lahat.
Binabalita naman ngayon sa istasyon ng radyong pinapakinggan ni Raphaelle sa kanyang sasakyan ang tungkol sa panibagong gamot na tuluyang naaprubahan ng WHO kamakailan lamang. Ayon sa kasalukuyang sinasabi ng DJ ay: "Sabi ng mga eksperto at ng mga doktor na maituturing nilang pambihirang tagumpay ang gamot na ito. Mas lalong tumaas ang pag-asa na gumaling ang mga pasyenteng may kanser sa utak. Lalong-lalo na para sa mga may glioblastoma na siyang tinuturing na pinakamalalang uri ng tumor."
Pinatay naman kaagad ni Raphaelle ang radyo. Hindi dahil sa inis niyang makarinig ng balita sa halip na mga kanta ang patugtugin. Narating niya na kasi ang kanyang destinasyon at habang pinapatay ang makina ng kanyang sasakyan ay naibulong niya sa kanyang sarili, "Huli na ang lahat. Magaling na siya."
Dala-dala ang kanyang slingbag at ang biniling bulaklak, lumabas siya ng kanyang sasakyan at tinungo ang daan patungo sa kanyang paroroonan. Sigurado siyang hindi siya maliligaw sapagkat hindi ito ang unang beses niyang tatahakin ang daan na ito. Sapagkat, sa loob ng isang linggo ay sinisigurado niyang makakapunta siya.
Napadpad naman siya sa tahimik na lugar. Walang ibang tao maliban sa isang lalaking naglilinis at isang matandang babae na naglalakad patungo sa labasan. Napatigil siya sa kanyang paglalakad noong bumungad ang tuyong mga bulaklak na nakalatag, at ang malapad at makinis na itim na marmol kung saa'y nakaukit ang ginto at eleganteng mga letrang: GABRIEL ALCAZAR.
Hindi napigilan ni Raphaelle ang kanyang mga luha at napaluhod na lamang sa harapan nito.
"P-Pasensya na kung dumadalaw ulit ako, Gabriel," saad ng dalaga habang pinupunasan ang kanyang mga luha. "Hindi... hindi ko pa rin magawang matanggap sa sarili ko ang lahat ng nangyari. Lalo na ngayon... kung kailan tinanggap na nila ang gamot na sana'y nakapagpagaling sa iyo. Hindi mo na rin talaga kayang hintayin iyon, ano?"
Isang buwan pa lamang ang nakalipas noong namatay si Gabriel dahil sa glioblastoma na tumor sa utak. Ang nakikitang dahilan ng mga doktor ay ang Asperger's Syndrome na bata pa lamang ay nasuri na ng mga eksperto; sapagkat, napag-alaman din nilang pareho ang dahilan ng dalawang sakit na iyon: isang protinang tinatawag nilang NHE9.
# # #
Hindi totoo ang naging masayang wakas ng kanilang pag-iibigan. Iyon ay pawang mga kathang-isip ko lamang na sana'y naging totoo sa ibang mundo o panahon man lang.
Hindi totoo na nagkita sila sa okasyon nung gabing iyong sinagot ni Raphaelle ang pag-ibig ni Gabriel. Maliban na totoong mas nag-ayos ang dalaga, suot-suot ang pulseras na bigay sa kanya, at handang sabihin lahat-lahat ng kanyang nararamdaman; ang tungkol sa kanilang pagkikita at pagsasayaw ay hindi.
Sa halip, iyon ang unang beses na nalaman ni Raphaelle ang katotohanan: tungkol sa sakit ni Gabriel na Asperger's Syndrome. At kaya wala ang pamilya Alcazar sa salu-salo ay iyon din ang araw na sinugod ang binata sa ospital dahil inatake ito.
Simula noong gabing iyon, kailanman ay hindi na muling nakalabas ng ospital si Gabriel.
Dahil doon, hindi totoo na nahuli siya sa kanilang date, at hindi rin siya ang nagbibigay ng mga kulay rosas na carnation para kay Raphaelle. Kabaliktaran ang nangyari: ang dalaga ang siyang nagbibigay ng mga ito simula noong una siyang bumisita.
Nalaman rin ni Raphaelle noong araw na iyon ang tungkol sa glioblastoma, at kahit chemo o opera man ay walang kakayanan na tuluyang makapagpagaling kay Gabriel. At sa araw din na iyon ay nagkataon naman na isa iyon sa mga araw na unti-unti nang nahihirapan magsalita ang binata.
Kaya nama'y kahit umiiyak ay pinili na ang pagkakataon na iyong sabihin ang lahat-lahat ng nais niyang malaman ng binata; at walang nagawa si Gabriel kung hindi ang makinig at sabayan din siyang umiyak. Sa ligayang sila'y nagmamahalan, at sa lungkot na sasapitin kalaunan.
Yung unang halik nila? Hindi ako natatawa noon.
Sa totoo, nasasaktan ako para sa kanilang dalawa. Iyon ang araw na bumisita si Raphaelle, mga limang buwan na simula noong sinampal sila ng katotohanan, at tuluyan ngang lumalala ang kondisyon ni Gabriel.
Mas lumalala ang sakit ng kanyang ulo; madalas ay hirap siyang makakita, makapaglakad, makapagsalita at makaalala; walang gana sa kahit anong pagkaing ihanda, o 'di kaya'y sumusuka ng kahit walang kinakain; at pabago-bago ang lagay ng kanyang loob.
Noong bumisita si Raphaelle noong araw na iyon, tumambad sa kanya na hirap siyang kilalanin ni Gabriel kahit nagiging araw-araw na ang kanyang pagbisita na minsa'y siya na rin ang nagbabantay sa binata tuwing gabi. Sinamahan pa, noong araw na iyon, na hirap siyang makakita. At ang tanging nagawa ng dalaga ay halikan siya upang pakalmahin, at ipapaniwala na siya si Raphaelle Ventura: ang babaeng mahal siya at minamahal niya ng buong-buo.
Wala rin ang pag-aalok ng binata sa kasal. Sa halip, imbis na singsing ang ibigay sa harapan ng kanilang pamilya at malalapit na kaibigan; huling habilin ang siyang narinig ng mga mahal ni Gabriel sa buhay.
At ang kasalan ay nauwi sa paglilibing.
# # #
Kagaya nga ng sinabi Raphaelle. Hindi na nagawang hintayin pa ni Gabriel ang naipasang bagong medisina.
Kung tutuusin, kahit ma'y nahintay niya ay malabo na ang pag-asang tuluyan siyang gagaling sa bilis ng paglala ng tumor. Mag-iisang taon pa lamang at tuluyan nang napagod si Gabriel sa pakikipaglaban sa kanser.
Madami-dami pa ang sinabi ni Raphaelle sa harapan ng lapida ng binata. Kwinento ang mga nangyari sa kanya sa loob ng nakalipas na isang linggo simula ng kanyang huling dalaw. Medyo kumalma rin siya sa pag-iyak at bago tuluyang umalis ay sinigurado niyang pinunasan niya ang kanyang mga luha. May binulong siya sa hangin ng may malumanay na ngiti.
Bahagya namang umihip ang hangin noong simulan niya na maglakad pabalik, at sa hangi'y narinig niya ang mga salitang huling sinambit ng kanyang dinalaw bago lisanin ang mundong ibabaw: "Mahal kita, Raphaelle. Hanggang sa huling araw."
Napangiti naman ang dalaga sa kanyang sarili, pinikit ang kanyang mga mata saglit at bahagyang hinalikan ang suot-suot na pulseras na simula noong kanyang natanggap ay hindi na napahiwalay sa kanya, bago magpatuloy sa kanyang paglalakad.
# # #
Kagaya ng mga kulay rosas na carnation ay totoong hinding-hindi niya makakalimutan si Gabriel. Pero nararamdaman kong kakayanin ni Raphaelle ang magpatuloy sa buhay. Hindi man sila magkasama, ay kakayanin niyang mabuhay para sa kanilang dalawa. Dala-dala ang alaala habang kasama ako.
Akong siyang naging saksi sa kanilang pag-iibigan. Natutunan ko ang halaga ng tunay na pagmamahalan. Kahit minsa'y nararamdaman ko ang kaguluhan ng kanilang damdamin, ang mahalaga'y alam kong minahal at mamahalin nila ang isa't isa hanggang sa huling araw.
Testigo ako at ang tanging magpapatotoo hanggang sa wakas.
Dahil, kahit noong nabigyan ako ng pangalan—Aeterno—simula noong una, ay simbolo lang ako.
Isa lang akong pulseras.
————————————————————
"(Ab) aeterno" means "(from) eternity" in Latin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top