Special Chapter


Special Chapter 

Panaginip

***

Seryosong nakatingin at nakikinig si Dia sa kanilang propesor. Siya ay nasa ikatlong taon na sa kursong Bachelor of Science Major in Psychology at ito na ang huling araw ng kanilang pasok para sa semester na ito. Ngunit kahit na gano'n ay hindi siya magkakaroon ng bakasyon dahil sa pag-aayos niya ng kanilang thesis sa isang subject kaya naman hindi niya alam kung siya ba ay makakauwi sa Amissa ngayong taon o hindi. Nakaplanong sabay silang umuwi ni Dentrix ngayon ngunit maging ang binata ay hindi sigurado dahil mayroon pa itong OJT. Sa pagdaan ng ilang taon na silang dalawa ni Dentrix ang magkasama, naging malapit na rin ang dalawa sa isa't isa ngunit ayaw nga lang aminin iyon ni Dia.

Habang nagsasalita ang propesor sa harapan at sinasabi ang mga huling habilin nito sa mga estudyante ay naputol ang pagseseryoso sa pakikinig ni Dia dahil hindi maiwasan ng dalaga na sundan ng tingin ang isang kaluluwa na pabalik-balik ang lakad sa harapan ng kanilang propesor. Nahihilo na siya rito at naiinis. Isa itong babaeng nakasuot ng kimono at may hawak na pamaypay. Hindi alam ni Dia kung bakit hindi mapakali ang kaluluwang ito hanggang sa may pumasok ang isa pang kaluluwa ng isang lalaking sundalo at ang kaninang 'di mapakaling kaluluwa ng isang babae ay naging isang mahiyain. Binuksan nito ang pamaypay nito at tinakip sa kalahating mukha nito saka pinirmi ang katawan. Nangingiti namang pinagmamasdan ito ng kaluluwang sundalo.

Napairap na lamang si Dia sa senaryong kanyang nakikita. Tila nanonood siya ng isang makalumang pelikula na romansa. 'Di niya lubos akalaing ang mga kaluluwa ay may panahon din upang kumerengkeng. Naputol ang panonood ni Dia sa paglalandian ng dalawang kaluluwa nang biglang tumayo ang kaniyang mga kaklase. Nagpaalam na pala ang kanilang propesor, hindi niya man lang ito napansin. Sinisi na lamang niya ang mga walang kamuwang-muwang na mga kaluluwa. Pasalamat na lamang ito at huling araw na ng pasok nina Dia at wala nang itinuturo pang aralin dahil kung mayro'n man, malamang ay inabangan na ni Dia sa labas ang mga kaluluwa.

Sa loob ng ilang taong pag-aaral ni Dia dito sa kanilang unibersidad na pugad ng mga kaluluwa ay halos araw-araw yata siyang nakikipag-away sa mga ito sapagkat lagi siyang ginugulo ng mga ito. Mabuti na lamang at ang iba ay hindi na siya ginugulo pa ngunit may mga ilan talagang tila may gusto yata sa kanya at pinilit na nagpapansin sa kanya.

"Uy, Dia!" rinig niyang tawag sa kanya ng isang nilalang. Hindi na niya nilingon pa ito sapagkat isang tao lang naman ang may lakas ng loob na tawagin siya sa gitna ng pasilyo, walang iba kung hindi si Dentrix.

Hinabol siya ng binata sapagkat hindi man lang huminto si Dia at nang naabutan siya ay tumabi ito sa kanya at sinabayan siya sa paglalakad.

"Uuwi ka sa Amissa?" tanong nito sa kanya at agad namang nagkibit-balikat si Dia bilang sagot.

"Hindi pa kami tapos sa thesis kay Sir Monte," simple niyang sagot.

"Ha? Eh tapos na ang semester ah. Ibig sabihin, hindi niya pa kayo bibigyan ng grades for finals?" tanong ni Dentrix.

Tumango naman si Dia.

"Pero tatapusin ko rin ito agad. Kailangan kong umuwi," sagot ni Dia.

Lumiko na ang dalawa at nagtungo sa cafeteria upang bumili ng ilang makakain at matapos nito ay didiretso na ng uwi si Dia sa kanilang dorm upang umpisahan nang muli ang kanilang thesis. Nag-umpisa nang kumain ang dalawa ng hamburger habang softdrinks naman ang kanilang inumin. Sumipsip muna si Dentrix sa kanyang softdrinks saka bumaling kay Dia.

"Nami-miss mo na ba ang duwende?" pang-aasar ng binata sa kanya. Sinamaan lang siya ng tingin ni Dia.

"Kailangan ko lang makalanghap ng fresh air. Isa pa, baka mukhang binagyo na ang bahay namin doon gaya nang nadatnan ko no'ng huling uwi ko. Akalain mo nga naman ang mga engkantong iyon, nagparty-party sa bahay namin!" Bakas na bakas ang inis ni Dia. Magkasalubong na ang kilay nito habang namumula ang pisngi at nakayukom ang kamao kaya naman humagalpak sa tawa si Dentrix.

"Teka, ikaw ba? Hindi ka talaga sasabay sa akin? Matatapos na naman ang OJT mo ah," ani Dia.

Agad namang lumapad ang ngiti ni Dentrix kaya naman tila alam na yata ni Dia ang kasagutan dito.

"Boyfriend duties," ani Dia at tila kinilig pa si Dentrix nang banggitin ito ng dalaga.

"Kailangan kong bumawi kay Sena dahil hindi namin na-celebrate ang monthsary namin last month," nakangising sagot ni Dentrix sabay kagat sa hamburger niya.

"At talagang ipinagdiriwang niyo 'yon ah? Ano kayo, high school?" nakataas ang kilay na sambit ni Dia.

Hindi naman siya sinagot ni Dentrix, sa halip ay binelatan na lang siya kaya naman napairap na lang ang dalaga. Hindi niya alam kung paano niya natagalan ang pagkaisip bata ng lalaking ito. Mas lalong hindi naman siya makapaniwalang nagtagal sila ng kasintahan nito. Mag-iisang taon na si Dentrix at Sena sa susunod na buwan.

Inubos na lamang ni Dia ang kanyang pagkain at saka tumayo na rin at sa pagtayo niya ay nakita niya si Sena na paparating. Kumaway ito sa kanya kaya kinawayan niya rin dahilan upang mapalingon si Dentrix at nang makita ang kasintahan ay agad na lumapad ang ngiti nito. Konti na lang, mapupunit na ang labi ni Dentrix sa kakangiti nito nang malapad.

"Uuwi ka na?" bungad ni Sena kay Dia. Tumango naman ang dalaga.

"Pero sa dorm lang. Kailangan kong tapusin ang thesis namin ngayong week para makauwi na talaga ako," sagot ni Dia. Tumango naman si Sena.

"Oh, paano ba 'yan? Magsasama yata kayo ni Dentrix buong bakasyon. Aba, mag-ingat-ingat kayong dalawa," ani Dia dito at pinanlakihan pa ng mata. Agad na pumula si Sena dahil sa nais na iparating ni Dia.

"Wala pa kami sa gano'n!" apila ni Sena. Napataas naman ang kanang kilay ni Dia dahil doon.

"Bakit? Sinabi ko lang naman na mag-ingat kayong dalawa. Maraming masasamang loob dito lalo na kapag gabi. Duwag pa naman 'yan," pagmamalinis ni Dia sabay nguso kay Dentrix.

Aapila na sana ang binata ngunit agad nang nagpaalam si Dia at umalis.

"Goodluck sa thesis!" pahabol ni Sena. Tinaas na lamang ni Dia ang kanyang kamay at kinaway ito.

Nang makalabas si Dia sa kanilang cafeteria ay agad siyang huminto at napahinga nang malalim. Dahan-dahan siyang humarap at sinilip kung nasaan sina Dentrix. Kitang-kita ng dalawa niyang mga mata kung gaano kalapit sa isa't isa ang magkasintahan ngunit hindi iyon ang talagang balak pagmasdan ni Dia kung hindi ang isang kaluluwa ng lalaki na walang mukha na nasa likuran ni Sena.

Unang pagkikita pa lamang ni Dia at Sena ay naramdaman na agad ng dalaga ang matinding enerhiya ng isang kaluluwang patuloy na sumusunod sa kasintahan ni Dentrix. Hindi nga niya lubos maisip bakit hindi ito nararamdaman ng binata. Hindi naman ito masabi-sabi ni Dia kay Dentrix dahil ayaw niyang mag-isip ito at higit sa lahat ay mukhang wala namang balak na masama o manggulo ang kaluluwa at ang nais lang gawin ay sundan si Sena sa kung saan man ito pupunta na tila isang bodyguard ng dalaga. Ngunit hindi pa rin maiwasan ni Dia ang makuryoso sa tunay na pakay ng kaluluwang iyon.

Napailing na lamang si Dia at nagsimula nang maglakad. Wala siyang panahon upang problemahin ang kaluluwang nakasunod sa kasintahan ni Dentrix sapagkat may thesis pa siya na kailangang tapusin.

Dumiretso na si Dia sa kanilang dorm. Ang iba niyang kasamahan sa dorm ay nag-impake na ng mga gamit at uuwi na ang halos lahat mamayang gabi habang siya na lang yata ang matitira rito kaya naman inumpisahan na lang niya ang pagtapos sa kanilang thesis. Binuksan niya ang kanyang email at tinignan ang mga ibinigay sa kanya ng kanyang mga ka-grupo sa thesis upang maayos ang mga ito saka siya tumingin sa orasan, malapit na palang dumating ang mga ka-grupo niya sapagkat dito nila napag-usapang gawin ang kanilang thesis dahil ito ang malapit sa kanilang unibersidad.

Dumating na ang mga hinihintay na panauhin ni Dia at agad-agad din naman silang nagsimula upang tapusin ang kanilang dapat gawin at sa kalagitnaan ng kanilang paggawa, nakaramdam ng enerhiya si Dia na siyang hindi niya nagustuhan. Habang nakaharap sa kanyang laptop ay dahan-dahang inangat ni Dia ang kanyang mga mata upang silipin ang kanyang tatlong kasamang babae at napapikit na lamang siya sa inis nang mapagtantong tama ang kanyang hinala. Ang white lady ng kanilang dormitoryo ay narito sa kanyang kwarto at nakaupo sa tabi ng isa niyang kaklase at nakatitig dito.

"Wala talagang kadala-dala ang white lady na ito," sa isip-isip ni Dias aka siya napairap.

Lilipat na sana ang white lady sa isang kaklase ni Dia ngunit pagharap nito, ang masamang tingin ng dalaga ang bumungad sa kanya. Natigilan ito at mukhang natakot kay Dia. Sinenyasan siyang umalis na ni Dia ngunit balak pa yatang magmatigas ng white lady kaya agad siyang pinanlakihan ng mga mata ng dalaga kaya naman dahil doon, agad na tumakbo paalis ang white lady at napamura na lamang si Dia sa kanyang isipan.

Sa loob ng tatlong araw ay iyon lamang ang inatupag ni Dia at ng kanyang mga kaklase. Sa wakas ay natapos din nila ito at ngayong araw na ito ang kanilang defense. Ngunit hindi man lang nakaramdam ng kaba si Dia sapagkat kampante siyang magagawa niya nang maayos ang kanilang defense.

"Goodluck sa atin!" ani ng kaklase ni Dia. Ngumiti na lamang siya ng tipid at pumasok na sila sa AVR.

Palakpakan ang isinalubong ng lahat ng propesor kina Dia nang matapos ang kanilang defense. Isang tumataginting na uno ang kanilang natanggap mula sa mga ito kaya naman hindi maiwasang magsaya ng lahat.

"Dia, sama ka sa celebration?" ani ng isa niyang ka-grupo. Agad namang umiling si Dia.

"Kailangan kong umuwi na sa amin," sagot niya.

Tumango na lamang ang kanyang mga ka-grupo.

"Sabi sa 'yo hindi sasama 'yan e," rinig ni Dia na bulong ng isa niyang ka-grupo kaya naman napailing na lang siya at umuwi na.

Ang totoo niyan, sa susunod na linggo pa ang balak niyang pag-uwi dahil nais niyang magpahinga muna at sinabi niya lamang ito upang gawing dahilan sapagkat hindi niya talaga hilig na dumalo sa mga ganito. Mas gugustuhin niya pang matulog na lamang sa dorm. Kaya naman pag-uwi ni Dia, 'yon ang ginawa niya. Agad siyang humiga at natulog.

Natagpuan ni Dia ang kanyang sarili sa gitna ng madilim na kagubatan. Hindi niya mawari kung ano ang ginagawa niya rito. Tumingala siya at bumungad sa kanya ang mga namumukadkad sa ganda na mga bituin at nang ibalik niya ang tingin sa kagubatan ay namangha siya sa mga maliliit na liwanag na hatid ng mga diwata. Dahan-dahan siyang naglakad upang hanapin ang kasagutan sa kanyang pagtataka.

Napakadilim ng paligid ngunit hindi siya makaramdam ng takot sa halip ay nakaramdam siya ng pagkapayapa. Naglibot-libot siya upang mahanap ang hangganan ng kagubatan ngunit bigo siya hanggang sa matagpuan ng kanyang mga mata ang isang kumikinang na binhi na nasa isang puno ng Narra na hawig na hawig sa puno na nakatirik sa kanilang bahay.

"Paanong nagkaroon ng ganoon doon?" tanong niya sa kanyang sarili.

Nilapitan niya ito at nang abot kamay na niya ang binhi ay natigilan siya dahil sa boses na kanyang narinig.

"Adrasteia." Isang maamo at nakakaakit na boses na tila nagmula sa langit ang tumawag sa kanyang pangalan. Walang alinlangan siyang lumingon dahil kilala niya ang nagmamay-ari ng boses na iyon.

Bumungad sa kanya ang isang tikbalang na puting-puti ang buong katawan at may napakahabang gintong buhok.

"Ceres!" masaya niyang bati rito.

Isang maaliwalas na ngiti ang isinagot nito sa kanya.

"Anong ginagawa mo sa aking panaginip?" tanong niya rito.

Muling ngumiti ang engkanto. Ikinumpas nito ang kanang kamay nito at tinuro ang gintong binhi.

"Isisilang na siya," makahulugang wika ni Ceres.

Nanlaki ang mga mata ni Dia dahil dito at napatitig sa gintong binhi na singlaki lang ng kanyang hinlalaki.

"Isang maharlika," dagdag ni Ceres.

Humarap si Dia sa kanya at bakas ang tuwa sa mukha nito.

"Isang maharlikang diwata!" masayang sambit ni Dia.

Matapos 'yon ay naglaho ang lahat at natagpuan na lamang ni Dia ang kanyang sarili na nakahiga sa kanyang kama. Nilingon niya ang kanyang orasan at alas diyes na ng umaga. Agad siyang tumayo at nag-ayos. Makalipas ang kalahating oras ay nagpaalam na siya kay Aling Cecille, ang namamahala ngayon sa dorm. Mabilis na siyang lumabas sa dorm dala-dala ang lahat ng kanyang gamit at doon bumungad sa kanya si Dentrix.

"Oh, saan ka pupunta?" gulat na tanong ng binata ngunit nilagpasan lamang siya ni Dia.

"Uuwi na ako! Bye!" sigaw ni Dia habang naglalakad palapit sa tinawagan niyang taxi.

Wala nang nasabi pa si Dentrix at natulala na lamang sa nangyari dahil sa gulat.

"Ay! Happy trip pala sa inyo ni Sena!" pahabol ni Dia bago sumakay sa taxi.

Napakurap na lamang si Dentrix sa bilis ng pangyayari.

"Break na kami," bulong ni Dentrix habang nakanguso dahil hindi na niya ito nasabi pa kay Dia dahil sa pagmamadali nito at sinundan na lamang ng tingin ang taxi na sinakyan nito.

Napaupo na lamang si Dentrix sa gilid ng gate ng dorm nina Dia at pumangalumbaba.

"Iniwan na nga ako ni Sena, iniwan pa ako ni Dia," nakangusong sambit ni Dentrix.


***************************************************

Hi, everyone! Ako nga pala si CG at nais ko lang magpasalamat sa inyong lahat sa pagsuporta sa Adrasteia. Natutuwa po ako sa pagtaas ng ranking nito. Akalain niyo po bang noong nakaraan ay nasa #7 ito tapos ngayon e, #5 na. 

November 2015 nang naisipan ko itong isulat at ngayong May 2017 ko lamang siya natapos. Pasensya na, busy rin kasi sa pagiging estudyante at admin. Nais ko ring ipaalam sa inyo na natagpuan na rin ni Dia ang genre na dapat sa kanya. Char! Paranormal po ang tamang genre sa Adrasteia at hindi Fantasy o Horror. Mayroon din po pala akong good news!

MAY BOOK 2 PO! Yes, yes. At ang special chap na ito ay ang teaser para do'n. KASO, hindi na po si Dia ang magiging bida pero magpapakita pa rin naman siya roon. May mahalagang karakter si Dia sa book 2. Ano ang title? ASTRAEA.

Sana ay suportahan niyo po ang Astraea kapag ito ay na-post na. May mga draft na po ako no'n kaso hindi ko pa ma-post dahil hinihintay ko ang book cover nito. Para sa mga interisado, hintay na lang po kayo ng update dito at i-a-announce ko po kung posted na ang Astraea. 

So saan tungkol ang Astraea? Ito po ay tungkol sa kwento ng kauna-unahang maharlikang diwata. Iyon lang po muna sa ngayon. Charr. Huwag kayong mag-alala, dahil mangungulit pa rin sa Astraea ang mga heartthrob na duwende, si Daniel, Enrique at Alden. Maging si Kaps ay naroon din!

Kaya naman sana ay abangan niyo ito at suportahan gaya ng pagsuporta niyo sa Adrasteia!

Bago matapos ang lahat, nais ko rin pong ipaalam na isa na akong Wattpad Filipino Ambassador kaya naman kung may mga problema kayong nararansan sa Wattpad, huwag kayong magdalawang-isip na lumapit sa akin.

'Yon lang po! Maraming salamat :) 

***

FB: CG Threena Valentine
Twitter: cgthreena



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top