Kabanata 8


Kabanata 8

Tren

***

"Malulunod yata kami sa iniisip mo, Adrasteia," ani Alden nang madatnan ang dalagang nakaupo sa upuan nito sa labas habang malalim ang iniisip.

"Iniisip ko lang, paano ko malalaman ang katauhan ng isang multo noong nabubuhay pa siya?" sagot nito.

Napakibit-balikat naman ang tatlong duwende.

"Multo? Wala kaming alam diyan. Kung engkanto 'yan, pwede pa," sagot ni Daniel.

Tumango-tango naman si Enrique at kasunod no'n ang pagdating ni Kaps habang humihithit ng tabako kaya naman sinamaan siya ng tingin ni Dia.

"Pagbigyan mo na ako. Ilang araw na akong hindi nakakahithit," anito na tila nagmamakaawa.

Inirapan na lang siya ni Dia.

Simula pa lang hindi na umasa si Dia na matutulungan siya ng mga engkantong tagapagbantay ng bahay niya sapagkat mga engkanto ito at wala itong alam sa mga multo kaya naman pumasok na lang siya sa eskwela at iniwan ang mga ito.

Sa kalagitnaan ng kanyang paglalakad, nasalubong niya si Mang Ernie, ang albularyo na tumulong din kay Jana noong ito'y sapian. Balak niya sana itong iwasan ngunit nagulat siya nang salubungin siya nito.

"Ikaw ang batang may marka," anito.

Hindi naman siya sumagot at tinitigan lang ito. Kahit na anong gawin nito, hindi siya aamin. Bumaba ang tingin nito sa kanyang pulso kaya agad niya itong tinago sa kanyang likuran.

"Pasensya na ho, wala ho akong alam sa sinasabi niyo. Mauuna na ho ako dahil may klase pa ako. Magandang umaga," magalang niyang wika saka ito nilagpasan.

Natigilan naman si Dia nang bigla itong magsalita.

"Apo ka ba ni Divina?" tanong nito na nakapagpatigas sa kanya.

Napalunok siya at tila hindi makakurap nang muling marinig ang pangalang iyon. Lumipas ang ilang segundo, nakahinga na siya ng maluwag at mabilis na umiling saka ito iniwan.

Hindi pa rin mawala sa isipan ni Dia ang tanong ng albularyo. Nakaramdam siya ng galit sa kanyang dibdib nang muling maalala ang pangalang binanggit nito at tila ba nainsulto siya sa tanong ng albularyo.

Wala pa rin siya sa wisyo nang pumasok siya sa kanilang silid. Ni hindi na nga niya napansin si Dentrix na ngayon ay balik na ulit sa dati at parang baliw kung ngumiti ng todo. Blanko lang ang kanyang mukha at naupo sa kanyang upuan.

"Dia," mahinang tawag sa kanya ng nakangiting si Dentrix.

Walang emosyong nilingon niya ito.

"Alam ko na kung sino si Razzle," masayang wika nito.

Tumango na lang ang dalaga saka humarap sa kanyang harapan na siyang ikinataka ni Dentrix dahil ang inaasahan niya'y tatarayan siya nito ngunit hindi at naging matamlay lang ito na parang wala sa sarili. Inisip na lamang ni Dentrix na baka pagod ito dahil araw-araw pa itong nagtatrabaho sa bakery.

Lumipas ang ilang oras at wala pa rin sa sarili si Dia. Habang nagsasalita ang kanilang guro sa harapan, wala siyang maintindihan at ito ang unang beses na mangyari ito. Napagpasyahan niyang magbasa-basa na lang at alam niya sa sarili niyang maiintindihan niya iyon. Para saan pa't naging top 1 siya lagi sa kanilang klase.

Bumaba at napako ang tingin ni Dia sa kanyang pulso at nakita ang kanyang marka na siya lang ang nakakakita at ang kanyang lola. Napaisip tuloy siya, sino kaya ang albularyo na iyon? Sino si Mang Ernie?

Sumasakit ang ulo niya at hindi na alam ang kanyang iisipin. Narinig lang niya ulit ang pangalang iyon, naging ganito na siya. Minabuti niyang ilihis na lamang ang kanyang isip doon dahil sa ngayon, kailangan pa niyang asikasuhin si Razzle at hindi niya alam sa sarili niya bakit niya ito pagtutuonan ng pansin.

"Shoot," ani Dia nang matapos ang kanilang klase.

Nasa garden silang dalawa ni Dentrix at nagtatago sa likuran ng bench habang pinagmamasdan mula sa malayo si Roger.

"Magkapatid si Roger at Razzle," sagot ng binata.

Napalingon naman si Dia sa kanya habang nakataas ang kilay.

"What? Never kong narinig na may kapatid siya at dito pa nag-aral," takang sagot ng dalaga.

"Paano mo malalaman e, wala ka namang pakialam noon," simpleng sagot ni Dentrix.

Pinanlisikan naman siya ni Dia ng tingin.

"Peace," nakangiting sambit ng binata.

Inirapan na lamang siya ni Dia saka nagsalita.

"Bakit ba tayo nagtatago?" inis nitong tanong.

Hindi naman nakasagot si Dentrix kaya napaungol sa inis si Dia at saka tumayo at umupo na sa may bench.

"So, ano nang gagawin natin ngayon?" tanong ni Dentrix saka tumabi kay Dia.

Napaisip naman ang dalaga at napatitig kay Razzle na ngayon ay palapit na sa kanyang kapatid na si Roger na ngayo'y nakahiga sa damuhan at nakatingin sa langit.

Tinitigan lamang ng bata si Roger at nang subukang himasin ang mukha nito, tila ba nakaramdam ng lamig ang binata kaya napahawak sa pisnging hahaplusin sana ni Razzle.

Tumayo ang bata saka tumingin sa kinaroroonan nina Dia. Naglakad ito at lumapit kila Dia. Nang nasa harap na nito ang bata, may laruang tren itong inaabot sa kanya at hindi niya alam kung bakit wala sa sarili niya itong inabot. Lingid sa kaalaman niyang nagliliwanag na ang kanyang marka.

Hindi alam ni Dia kung ano ang nangyari matapos niyang abutin ang laruang inabot sa kanya ni Razzle, biglang nagliwanag ang kanyang paningin at tanging puti na lamang ang kanyang nakikita. Kumurap-kurap siya at unti-unting nakita niya ang kanyang sarili sa corridor ng kanilang eskwelahan ngunit nang pagmasdan ng dalaga ang paligid, nakasisiguro siyang ito ang hitsura ng luma nilang eskwelahan.

"Paano ako napunta rito?" tanong niya sa kanyang sarili.

Nilibot niya ang kanyang tingin at hinanap si Dentrix ngunit bigo siya. Nakarinig naman siya ng boses ng isang bata kaya hinanap niya ito at nagulat na lang siya nang makita si Razzle na umiiyak habang nasa harap nito ang batang Roger na nakapamaywang.

"K-kuya," iyak ni Razzle.

"'Wag mo akong tawagin ng ganyan. Wala akong kapatid," ani Roger habang hawak-hawak ang isang laruang tren.

"K-kuya, 'yung t-toy ko... Bigay mo sa akin. B-bigay ni daddy sa akin 'yan," iyak ulit nito.

Naramdaman naman ni Dia na lalong nagalit ang batang Roger.

"Tss... Bigay sa 'yo 'to ng daddy mo? Pwes, akin na 'to!"

Umiiyak namang lumapit si Razzle sa kanyang kuya at pilit na kinukuha ang kanyang laruan kahit na hindi niya ito maabot sapagkat maliit lang siya kumpara sa kuya niya. Sa inis ni Roger, tinulak niya ng napakalakas ito dahilan upang matumba ito at mapahiga sa sahig.

"Nung dumating kayo ng daddy mo, hindi na ako pinapansin ni mama. Buti na nga lang at wala na 'yang daddy mo at kahit papaano napapansin pa ako ni mama. Kaso masyado kang pabida at gusto mo, sa 'yo lahat. Spoiled brat! Bakla!" sigaw ni Roger dito saka tumakbo.

"KUYA!" sigaw ni Razzle at pilit na tumayo at hinabol ang kapatid niya.

Napahinga ng malalim si Dia at sinundan ang mga ito. Ngunit tila ba nanikip ang kanyang dibdib nang makitang pumasok sa girl's CR si Roger at sinundan ito ni Razzle. Sumunod din si Dia kahit na para bang ayaw niyang makita ang mangyayari.

"K-kuya... s-sorry na. 'Y-yung toy ko," umiiyak na wika ni Razzle.

Punong-puno ng pagmamakaawa ang boses nito sa takot na baka sirain ng kanyang kuya ang tren na natatanging naiwan sa kanya ng kanyang tatay nang mamatay ito.

"Toy mo? Ito, 'yung toy mo. Kunin mo rito," mapang-asar na sambit ni Roger saka hinulog sa drum na may tubig ang laruan dahilan upang mapasigaw sa iyak si Razzle.

Tumawa naman nang tumawa si Roger saka tumakbo at iniwan ito.

Hindi naman tumigil sa pag-iyak si Razzle at dahan-dahang lumapit sa drum. Inabot niya ito ngunit hindi niya ito maabot. Sumisinghot na kinuha niya ang timbang nakita niyang nasa baba at binaligtad ito upang makaakyat siya. Tumuntong na siya rito ngunit hanggang kili-kili niya lang ang drum at ang tubig naman nito ay hindi gaanong puno kaya hindi niya maabot ang kanyang laruan ngunit pilit niya pa rin itong inaabot.

Ngunit dahil sa kaaabot ni Razzle sa kanyang laruang tren, nadulas siya at napasok sa loob ng drum. Pilit niyang pumapasag upang makaahon ngunit hindi niya magawa sapagkat masyadong malalim ang tubig.

Napatakip si Dia sa kanyang bibig at pilit na ginagalaw ang kanyang paa upang lumapit kay Razzle para tulungan ito ngunit tila ba may pumipigil sa kanyang paa sapagkat hindi niya maaaring baguhin ang nakaraan. Bigla namang tumulo ang kanyang luha nang tumigil ang pagpasag ni Razzle na siyang nagbibigay lamang ng kahulugan na wala na ang bata. Wala na si Razzle.

Nalunod ang bata dahil sa pagliligtas nito sa kanyang laruang tren.



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top