Kabanata 7
Kabanata 7
Razzle, ang batang multo
***
"Fine. Whatever!" inis niyang sambit na ikinagulat ni Dentrix.
Kung sa inaakala niyong naging mabilis ang kanyang desisyon, pwes hindi sapagkat kaya lumilipad ang kanyang utak habang gumagawa sila ng thesis nila ay dahil sa pag-iisip kung ito na ba ang panahon upang gamitin ang kanyang kakayahan sa tamang paraan at hindi niya alam sa kanyang sarili kung bakit siya pumayag. Basta, may naramdaman siyang kung ano sa kanyang puso nang titigan ang mga mata ng bata.
Ilang taon ding tinago ni Dia sa kanyang sarili ang kanyang kakaibang kakayahan at ngayon, gagamitin na niya at hindi niya alam kung bakit tila kinakabahan siya. Ngunit ang makita ang mukha ng bata tila ba determinado siyang matapos na ang paghihirap nito.
Nang makabawi si Dentrix sa pagkagulat agad niyang pinaulanan ng tanong si Dia kung ano ba ang nakikita nito. Bakas naman ang pagkairita ni Dia sa sunod-sunod nitong mga tanong.
"He's a little boy na parang basang sisiw. Hanggang tiyan ko lang siya siguro," paglalarawan ni Dia.
"Basang sisiw?" takang tanong ng binata.
"Basang-basa siya and I'm pretty sure na nalunod siya," sagot naman ng dalaga sabay irap.
"Kaya mo ba siyang kausapin?" Binalot naman ng kuryosidad si Dentrix.
"Maybe pero hindi nararapat na dito. Follow me," ani Dia saka tumayo dala-dala ang lahat ng kanyang gamit.
Agad namang sumunod si Dentrix kahit na hindi niya alam kung saan sila pupunta. Ngunit nagsisi yata ang binata nang makarating na sila sa kanilang paroroonan.
"Seryoso ka ba?" gulat na tanong ni Dentrix nang marating nila ang girl's CR.
Natigilan naman si Dia sa pagpasok sa CR at hinarap ito nang nakataas ang kanang kilay.
"Kailan ba ako hindi nagseryoso, aber?" mataray nitong tanong.
"Wala namang nag-c-CR dito magmula nang magparamdam 'yung mga multo rito. Ako na nga lang nag-c-CR dito e. Kaya walang makakakita sa 'yong babae sa loob ng girl's CR maliban sa akin," paliwanag naman nito.
Wala namang nagawa si Dentrix kung hindi ang pumasok na lamang kahit na naiilang siya lalo na't silang dalawa lang at babae pa ang kasama niya.
Nang makapasok si Dentrix sa loob, isang malakas na enerhiya ang kanyang naramdaman. Napansin naman ni Dia na natigilan ang binata kaya napatingin siya rito.
"Maraming multo sa loob ng CR na ito kaya ganyang kalakas na enerhiya ang nararamdaman mo," paliwanag ulit ng dalaga.
Napahawak na lang sa batok si Dentrix at nakapa niya ang balahibo niyang nagsitaasan na. Dahil do'n, nagpasalamat na lang si Dentrix na tanging ito lang ang pinagkaloob na kakayahan sa kanya sapagkat mukhang hindi niya kakayanin kung masilayan ang mga ito.
Lumapit naman si Dia sa isang drum ng tubig kung saan nakatayo ang batang multo habang pinapanood sila kanina pa.
Binaba ni Dia ang kanyang tingin at pinantayan ang bata saka nagsalita.
"Who are you?" tanong niya.
Hindi naman nakapagsalita ito na tila ba naguguluhan.
"Why?" tanong ni Dentrix nang namayani ang katahimikan.
Tumuwid naman ng tayo si Dia at hinarap ito.
"Mukhang hindi niya kilala ang sarili niya. Kadalasan sa mga lumang multo, hindi na nila nakikilala ang kanilang mga sarili. Basta ang alam lang nila, may gusto silang matapos kaya pagala-gala sila. Pero ang lahat ng iyon ay hindi nila alam," paliwanag ni Dia.
"Kung ganoon, paano natin siya matutulungan kung hindi natin siya kilala," takang tanong ni Dentrix.
Nanahimik naman si Dia at tinitigan lang ang bata. Nang may makita siyang kung anong nakadikit sa uniporme ng bata'y agad niya itong tinitigan at binasa.
"Ra... zzle... Razzle. 'Yon ang pangalan niya," aniya habang nakatingin sa nameplate ng bata.
***
Hindi mapakali si Dentrix sa pag-iisip kay Razzle. Binabalot na siya ng kuryosidad kung sino ba talaga ito at lalo pa siyang naging interisado rito nang sabihin ni Dia na nakasuot ito ng uniporme ng kanilang eskwelahan kaya awtomatikong taga-rito lang ito sa kanila.
Hanggang sa paglalakad ni Dentrix pag-uwi, hindi mawala-wala sa isip niya ito. Para kasing pamilyar na sa kanya ang pangalang iyon ngunit hindi niya alam kung saan ba niya narinig.
Dumaan naman si Dentrix sa bakery ni Dia upang doon kumain at magpalipas na rin ng oras ngunit hindi niya akalaing madadatnan niya roon ang dalaga.
"Ang bilis mo naman," gulat na tanong ni Dentrix.
Hindi naman siya pinansin nito at naglagay lang ng mga bagong luto na tinapay sa estante kaya naman naupo na lang si Dentrix doon.
"Tatambay ka lang ba?" mataray na tanong ng dalaga kaya natawa si Dentrix kaya muling tumayo upang mamili ng kakainin.
Binigay naman ni Dia ang mga tinapay na napili nito. Bumili rin ng softdrinks si Dentrix kaya pumasok pa si Dia sa loob upang kumuha at pinaupo na lang muna ang binata.
"So, kumusta ang pangangalap mo ng impormasyon kay Razzle?" tanong ni Dia pagkalapag niya ng softdrinks sa lamesa ni Dentrix.
Bigo naman siyang tinignan ni Dentrix.
"Gaya ng sabi ko sa 'yo, tutulong ako pero ayaw kong maghanap ng impormasyon gaya niyan. Busy ako sa pag-aaral at sa bakery. Napagkasunduan na natin 'yan kaya ikaw na ang bahala riyan," ani Dia saka ito iniwan.
Oo, may kasunduan ang dalawa kaya naman inako lahat ni Dentrix ang paghahanap sa katauhan ng batang si Razzle.
Buong maghapon, 'yon lang ang inisip niya kaya naman nakuha niya agad ang atensyon ng kanyang tiyuhin na si Delfin.
"Oh, anong problema mo?" tanong nito sa kanya.
"May kilala ka po bang Razzle, 'To?" wala sa sariling tanong ni Dentrix.
"Razzle? Ah, wala," takang sagot ng tiyuhin niya.
Napahinga ng malalim si Dentrix saka tumayo at nagtungo na sa kwarto nito. Sinundan na lang siya ng tingin ng kanyang tiyuhin habang takang-taka sa inaakto ng kanyang pamangkin.
"Kabataan... ang hirap niyong espelengin," naiiling na wika ng kanyang tiyo.
***
Inubos ni Dentrix ang kanyang oras sa paghahanap ng impormasyon tungkol kay Razzle. Sinubukan niyang maghanap sa internet -- nagbabaka sakaling naibalita ang nangyari rito ngunit bigo siya.
Kinaumagahan, 'yon pa rin ang iniisip niya hanggang sa eskwelahan kaya naman takang-taka si Dia pagkarating niya nang makitang tahimik at seryoso lang ang binata. Hindi na lang niya ito pinansin dahil hindi nga naman kasi talaga nito ito pinapansin. Nanibago lamang ang dalaga sapagkat lagi siya nitong inaabangan.
Hanggang sa mag-uwian sila, tahimik pa rin si Dentrix kaya naman sinabayan na siya ni Jerald palabas ng kanilang silid.
"Ang tamlay mo naman yata ngayon, brad," anito.
Napangiti naman ng tipid si Dentrix.
"May iniisip lang ako."
Napataas naman ang kilay ni Jerald at unti-unting nagningning ang mga mata.
"May nililigawan ka na 'no!" pang-aasar nito.
Napasimangot naman si Dentrix at napailing.
"Eh, ano?"
"May kilala ka bang Razzle?"
Sasagot na sana si Jerald nang mapansin nitong natigilan sa paglalakad ang isa nilang kaklaseng lalaki na kilala sa pagiging basagulero nito, si Roger.
"Bakit, may kailangan ka, Rog?" takang tanong ni Jerald dito sapagkat nakatingin ito sa kanila.
Pero hindi ito sumagot at tinitigan lang sila. Lingid sa kaalaman ni Jerald, kay Dentrix talaga ito pinakanakatitig.
Umiling ito at saka umalis na kaya muling nagbalik kay Dentrix ang atensyon ni Jerald.
"Razzle? Wala kong kilalang Razzle. Sino ba 'yon?" sagot nito.
"Wala kang kwenta, p're," pabiro niyang wika.
Bumelat lang si Jerald saka nagpaalam na susunduin pa nito at nililigawan. Akalain mo nga naman, may nililigawan pala ito. Kaya naman, umuwi na lang din si Dentrix upang maghanap ulit ng impormasyon ayon kay Razzle.
"Nandito na po ako," sigaw ni Dentrix pagkauwi niya.
Sinilip siya ng kanyang tiyuhin na ngayo'y kinukumpuni ang sasakyan nito. Nakauniporme pa itong pampulis at mukhang kararating pa lamang galing sa trabaho at sasakyan na agad nito ang inatupag.
"Aga mo ngayon, 'To," bati niya.
"Nasira ang jeep e."
Tumango na lang siya. Paakyat na sana siya sa kanyang kwarto nang muli siyang tawagin ni Delfin.
"Nandiyan pala sa lamesa 'yung pagkain. Ininit ko na. Saka 'yung tanong mo pala kahapon, naalala ko nung nakita ko si Rowena kanina. May anak nga pala 'yong Razzle din ang pangalan kaso matagal nang patay. Death anniversary pala ngayon kaya nakita ko siya sa sementeryo nung naglinis ako sa puntod ng mama mo," wika nito.
Natigilan naman si Dentrix. Ilang segundo itong natameme at nang makabawi, agad itong tumakbo patungo sa kanyang tiyuhin.
"Sinong Rowena, tito?"
Nagtataka namang napatingin sa kanya si Delfin.
"'Yung ano... Alam ko nanay rin 'yun ng kaklase mo e. 'Yung kaklase mong laging naga-guidance," takang sagot nito sa kanya.
Napatanga naman si Dentrix at muling naalala si Roger at kung paano siya nito titigan nang marinig nito ang tanong niya kay Jerald tungkol kay Razzle.
Unti-unting may bumbilyang nagliwanag sa utak ni Dentrix kaya naman napangiti siya ng wagas at napaangat ang tingin sa kanyang tiyuhin.
"The best ka talaga, 'To!" aniya sabay fist bump dito.
Wala namang nagawa ang tiyuhin niya kung hindi makipagfist bump kahit na takang-taka na ito. Nang makapagfist bump na sila, agad namang kumaripas ng takbo ang kanyang pamangkin patungo sa kwarto nito.
"Kabataan... tsk!" naiiling na wika ni Delfin.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top