Kabanata 6
Kabanata 6
Group Project
***
Balik na sa normal ang lahat nang pumasok sa eskwela si Dia. Nagulat pa nga siya nang bigla siyang lapitan ni Jana. Tinaasan niya ito ng kilay ngunit nakangiti lamang ang dalaga sa kanya.
"Wala akong alam sa nangyari pero gusto ng nanay kong magpasalamat sa 'yo. Maraming salamat, Dia," anito.
Tumango lang si Dia at nilagpasan ito. Kailan kaya matutong ngumiti ang isang 'to?
Nang pumasok si Dia sa kanilang silid, hindi niya maiwasan ang mapalingon kay Dentrix dahil sa aura nitong akala mo nababaliw na. Ngiting-ngiti lang naman ang binata habang sinusundan siya ng tingin kaya sino ang hindi mag-aakalang may sayad ito.
Umupo si Dia sa kaniyang upuan. Hindi na niya pinansin pa si Dentrix ngunit pag-upo niya agad naman siyang nilapitan ni Liza na kagrupo niya sa kanilang proyektong thesis.
"Napag-usapan na namin nung isang araw na sisimulan na 'yung thesis natin. Sa library ang napag-usapan naming lugar kung saan gagawa mamaya, after class," anito.
Nagtaas naman ng kilay si Dia. Tila ba hindi nagustuhan ang kanyang narinig.
"Napag-usapan NIYO lang? Ni hindi man lang hiningi ang opinyon ko?" mataray niyang sagot.
Napairap naman si Liza na lalong kinataas ng kilay ni Dia. Himala, may pumatol sa katarayan niya sapagkat sa pagkakaalala niya, tanging ang grupo nila Yana ang pumapatol sa kanya.
"Baka nagwalk out ka kasi nung pag-uusapan na. Saka as if namang makikisama ka e, ayaw mo ngang maki-grupo. Since ayaw naman ni Ma'am ng individual, nasa sa iyo na 'yan kung sasama ka ba sa amin o hindi. Basta, welcome ka naman sa group if ever na nagbago na ang isip mo at gusto mo nang maging friendly," mataray namang sagot ni Liza kay Dia at saka ito bumalik sa upuan nito na nasa dulo kung saan katabi nito si Dentrix.
Sinundan naman ni Dia si Liza ng tingin at pinaningkitan niya ng mata. Hindi naman nakaligtas sa kanyang paningin si Dentrix na ngayon at nakanganga at dahan-dahang pumapalakpak.
Humarap si Dentrix sa kanya dahilan upang matakpan nito si Liza at malipat sa kanya ang tingin ni Dia.
"So, pupunta ka mamaya?" mapang-asar nitong tanong.
Inirapan naman siya ni Dia.
Pikon.
***
"Pupunta kaya 'yon?" tanong ni Jerald na katabi ni Dia sa upuan.
Patungo silang apat ngayon sa library kung saan sila gagawa ng thesis ngayon.
"Ewan. Kung umepekto ang pagtataray ni Liza kanina sa kanya, baka oo," sagot naman ni Rhian.
"Ikaw, ano sa tingin mo, Dentrix? Mas close kasi yata kayo ngayon e," ani naman ni Liza.
Nagkibit-balikat naman si Dentrix.
"Malay ko. Alam mo naman 'yun, hindi mo mabasa," sagot nito.
Sabay-sabay naman silang napatango.
"Alam niyo, hindi naman dating ganyan 'yan e," panimula ni Liza kaya napalingon sa kanya ang tatlo.
"Magkakilala kayo dati pa?" gulat na tanong ni Liza.
"Magkalaro kami nung mga bata pa lang kami. Siguro mga five years old pa lang kami no'n. Kaso ang weird niya lang talaga dati kasi minsan may kinakausap siya kahit na wala naman siyang kasama. Pero mabait naman siya tapos friendly pa. Ewan ko kung anong nangyari sa kanya. Nagsimula lang yata siyang maging introvert nung sunod-sunod na namatay 'yung parents at lola niya," kwento ni Liza.
Hindi naman makapaniwala ang tatlo lalong lalo na si Dentrix. Alam ng binata na wala na ang mga magulang nito maging lola nito kaya naman mag-isa na lang ito sa buhay. Pero hindi niya lubos akalaing naging palakaibigan ang dalaga noon na siyang pinapangarap niyang masilayan ngayon.
Saktong pagkatapos ng kwento ng dalaga, narating na nila ang library pumasok na sila at ipagpapatuloy sana ang kwentuhan nang may magsalita.
"Ang tagal niyo naman. Late na kayo. Naumpisahan ko na nga oh."
Sabay-sabay naman silang napatingin sa nilalang na nagsalita at napanganga na lang sila nang makilalang si Dia pala ito.
"K-kanina ka pa rito?" gulat na tanong ni Dentrix.
Napataas naman ang kilay ni Dia.
"Ano sa tingin mo?" sagot nito sabay irap.
***
Dalawang oras na ang nakalilipas nang magsimula silang gawin ang kanilang thesis at tila ba gusto na nilang sumuko maliban lang kay Dia na todo gawa at type lang nang type sa laptop na kanyang dala.
"Ikamamatay ko na yata 'to," ani Rhian.
Inikot naman ni Dia ang kanyang paningin at nakita ang mga nakakunot-noo niyang mga kaklase. Napairap siya at huminga ng malalim.
"Fine. Magbreak na muna tayo sa paggawa then after, start ulit tayo. Uwi na tayo mamayang 4 PM," aniya.
Napasigaw naman sa tuwa ang apat. Mabuti na lang at sila lang ang tao sa loob ng library dahil nagmeryenda ang librarian.
Nag-unat-unat sila at nag-umpisa nang dumaldal si Jerald.
"Naniniwala ba kayong maraming gumagalang multo sa school natin?" paumpisa nitong tanong.
"Sa tagal na nang school natin, baka nga," sagot naman ni Liza.
"Sa lumang girl's CR, nakakatakot mag-CR nang mag-isa ro'n. Feeling ko, ang daming nanonood sa akin na ibang nilalang," ani Rhian.
"Nung nakaraan nga sa boy's CR nung ji-jingle ako, parang may batang tumatakbo. Grabe, hindi na ako nakaihi no'n! Umurong bigla e," kwento naman ni Jerald na ikinatawa ng dalawang dalaga.
Napalingon naman ang binata kay Dentrix dahil sa pananahimik nito at panonood lang sa kanila.
"Takot ka na ba, boy?" pang-aasar ni Jerald.
Natawa na lang si Dentrix at umiling.
'Kung alam niyo lang,' sa isip-isip niya at biglang napalingon sa tabi ni Dia na kung titignan mo e, wala namang tao.
"Nagugutom na ako. Bili naman tayo ng puds!" biglang sambit ni Rhian.
"Kailan ka ba hindi nagutom," pang-aasar ni Liza.
Binelatan naman ni Rhian si Liza at saka ito hinatak patayo upang samahan itong bumili ng pagkain.
"Sama na ako!" ani Jerald.
"Okay. Kayo?" ani Rhian sabay lingon kila Dentrix.
Napataas naman ng tingin si Dia na kanina pa nananahimik at nakatingin lang sa screen ng laptop niya.
"Walang maiiwan sa gamit natin. Bilhan niyo na lang kami," ani Dentrix sabay abot ng pera kay Rhian.
Nilingon naman nito si Dia na agad na umiling saka inangat ang baon niyang ensaymada.
Umalis na ang tatlo at naiwan na lang silang dalawa. Hindi naman alam ni Dentrix ang kanyang gagawin dahil hindi maalis-alis ang mga mata ni Dia sa screen ng laptop nito.
Pero wala na siyang pakialam pa kung pansinin siya nito o hindi sapagkat kating-kati na ang kanyang dila. Aasahan mo pa bang manahimik ang isang Dentrix Casabuena?
"Tinulungan mo si Jana?"
Hindi naman umimik si Dia at nanatili ang mata sa laptop. Inulit ni Dentrix ang kanyang tanong at bigla na lamang sinara ni Dia ang kanyang laptop at hinarap ang binata. Bakas ang pagkainis sa kanyang mukha.
"Hindi ba obvious?" naiirita niyang sagot.
Bigla namang napangiti ng malawak si Dentrix.
"What?" iritadong tanong ni Dia.
Napailing naman ang binata.
"Hindi ba, ang sarap sa pakiramdam na tumulong sa kapwa," nakangiting wika nito.
Napairap naman si Dia.
"Teka, ano nga pala 'yung sinasabi ni Mang Ernie na marka?" nakataas ang kilay na tanong ni Dentrix.
Agad namang binuksan ni Dia ang kanyang laptop at nilipat ang atensyon dito.
"Wala namang marka ah?" dagdag ng binata.
Napairap si Dia at nilingon ito.
"Wala 'di ba? So, pwede ba, manahimik ka na," masungit na sagot nito.
Napanguso naman si Dentrix.
Ilang minuto ring namayani ang katahimikan sa kanilang dalawa nang muling bumuka na naman ang bibig ni Dentrix.
"Tutal naumpisahan mo na namang tumulong gamit 'yung kakayahan mo, bakit hindi mo pa ipagpatuloy?"
Napapikit si Dia at napahilamos sa mukha.
"Ba't ba hindi mo magawang manahimik? Saan ka ba pinaglihi?"
"Sa pagbubunot ng ngipin. Dentista kasi ang nanay ko at do'n niya ko pinaglihi," agad namang sagot ng binata habang nakangiti pa. Tila ba, proud na proud pa siya.
Muling napahilamos ng mukha si Dia.
"So, ipagpapatuloy mo na ba?" muling tanong ng binata.
"At sino namang tutulungan ko, aber? May sinasapian ba ngayon? Wala naman, 'di ba?" inis na sagot ni Dia.
Hindi nga alam ng dalaga kung bakit sinasagot niya ang bawat tanong nito. Pwede naman niya itong pansinin ngunit masyado kasi itong makulit at nakaririndi ang paulit-ulit nitong mga sinasabi.
"Ibig sabihin kung meron man, tutulungan mo?" nakangising wika ng binata.
Natigilan naman si Dia dahilan upang mapangisi ng malawak si Dentrix.
"May choice ba akong tumanggi? Well, may choice ako pero nakakarindi ka na kasi, alam mo ba 'yon?" iritang sagot ng dalaga.
"Talaga? O dahil gusto mo rin kasi," mapang-asar na wika ng binata.
Inirapan naman siya ni Dia.
"Ba't mo hindi mo naman subukang tulungan 'yang katabi mo?"
Napataas naman ang kilay ni Dia sa sinabi ni Dentrix. Pumangalumbaba ito at tinitigan lang ang bakanteng espasyo sa kanan ni Dia. Napalingon ang dalaga rito at nakita niya ang batang multo. Napatingin din ito sa kanya kaya naman agad siyang nag-iwas.
"Akala ko hindi ka nakakakita?" tanong ni Dia habang nakataas ang kanang kilay.
"Hindi nga. Pero kanina ko pa siya nararamdaman diyan sa kanan mo. Matagal ko na ring nararamdaman na nakasunod siya sa 'yo na para bang may kailangan siya. Hindi ka ba naaawa? Tulungan natin siya."
Hindi naman umimik si Dia. Natahimik siya ng ilang segundo. Magsasalita na sana ulit si Dentrix nang biglang dumating ang tatlo pa nilang kasama kaya naman bumalik ang tingin ni Dia sa screen ng kanyang laptop.
"Dia, nanlibre si Jerald ng juice oh," ani Liza sabay abot nito kay Dia.
Tinitigan pa muna ito ni Dia at nag-isip kung tatanggapin ba ito o hindi ngunit sa huli, tinanggap na rin niya ito at lihim na lang na napangiti si Liza.
Nang matapos silang kumain, agad silang nagpatuloy sa paggawa ngunit si Dia'ng kanina pa nakaharap sa kanyang laptop ay tila lumilipad ang utak.
Pumatak na ang alas kwatro ng hapon kaya niligpit na nila ang kanilang mga gamit.
"Ano, sa Friday na lang ulit tayo gumawa para kinabukasan, walang pasok. Hirap ng ganito. Kapagod, 'te!" ani Rhian.
Sumang-ayon naman ang lahat maliban kay Dia na hindi naman sumagot. Nagpaalam na sila sa isa't isa at tanging tango lang ang ibinigay ni Dia. Inaya pa siya ng mga ito na magsabay-sabay na ngunit marami pa siyang aayusin kaya pinauna na niya ang mga ito.
Nang matapos siyang mag-ayos nagulat siya nang mag-angat siya ng tingin at naroroon pa pala si Dentrix.
"Ano, tutulungan mo ba siya?"
Napairap naman si Dia at napapikit. Sa pagdilat ng dalaga, bumungad sa kanya ang mukha ng batang multo. Nakita niya ang tumutulong tubig galing sa buhok nitong basang-basa. Napako naman siya sa mga mata nito na nababalutan ng ka-inosentihan.
Napakunot-noo siya at nakaramdam ng awa nang mapagtanto niyang napakabata pa nito para mamatay. Ngunit mayroon pa siyang nabasa sa mga mata nito. Napakalakas ng enerhiyang nararamdaman niya rito. Nababasa niya ritong nais nang magpahinga nito ngunit hindi nito magawa-gawa dahil may bagay itong nais na gawin.
Binanggit ni Dentrix ang kanyang pangalan kaya nalipat ang atensyon niya rito. Tinitigan niya lang ang binata at bakas sa mukha nito ang determinasyong kumbinsihin siya. Gustong-gusto talaga ng binata ang ganito. Masyado itong uhaw na tuklasin at makita ang lahat nang nararamdaman nito ngunit hindi nito magawa sapagkat sixth sense lang ang pinagkaloob dito hindi gaya ni Dia na ibinigay na ang lahat ngunit tila ba wala itong balak na gamitin 'to. Sadyang mapaglaro nga naman ang tadhana.
Muli siyang tinanong ng binata at napairap na lang siya.
"Fine. Whatever!" inis niyang sambit na ikinagulat ni Dentrix.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top