Kabanata 4
Kabanata 4
Inescapable
***
Muling nakarinig si Dia ng balita tungkol kay Jana at nagmistulang bingi na lang siya sa lahat ng sinasabi at pangungumbinse sa kanya ni Dentrix na silipin si Jana at baka sakaling may maitulong siya.
Nang mag-uwian sila, mabilis na niligpit ni Dia ang kanyang mga gamit at lumabas na ng kanilang silid upang takasan na ang kakulitan ni Dentrix sapagkat sigurado siyang kukulitin na naman siya nito.
Nakita niya pa ang batang multo na susunod pa sana sa kanya ngunit hindi siya nito naabutan dahil sa bilis niya. Hanggang ngayon, sunod pa rin ito nang sunod sa kanya.
"'Ba 'yan! Ang bilis niya," inis na sambit ni Dentrix pagkalabas niya ng kanilang silid at hinanap si Dia.
Naramdaman niyang dumaan sa kanya ang batang multo kaya sigurado siyang nakaalis na nga ito.
Ngunit hindi pa rin sumuko ang binata at nagtungo siya sa bakery kung saan niya nakita si Dia na nagbebenta. Nagbabaka sakali siyang makita niya itong nagbebenta rito kahit na weekdays.
May mga ilang lamesa at upuan ang bakery na ito kaya nagtungo siya sa isa sa mga ito at bumili ng ensaymada at softdrinks habang pasilip-silip siya sa loob.
Lumabas ang isang ginang at naglinis sa ilang mga lamesa roon. Napansin nito ang paghaba ng leeg ni Dentrix kaya nilapitan niya ito.
"May hinahanap ka ba, apo?" anito.
Ngumiti naman si Dentrix at biglang napakamot sa ulo sabay tango.
"Aba'y sino?"
"Ah, may nagta-trabaho pong dalaga rito na kasing edad ko lang po, 'di ba?"
Napangiti naman ang ginang sabay tango.
"Si Adrasteia - este Dia ba?"
Tumango naman si Dentrix.
"Opo. Hindi po ba nagta-trabaho siya rito? Bakit parang wala po siya ngayon? Tuwing Sunday lang po siya rito? Ba't po siya nagta-trabaho rito? Part-time job?" sunod-sunod na tanong ng binata dahilan upang matawa ang ginang.
"Naku, apo. Hinay-hinay lang. Tuwing Linggo, narito si Dia upang tumulong. Lagi rin siyang dumaraan dito pagkagaling niya sa eskwela o kaya naman ay uuwi muna siya at pupunta rito upang gumawa ng tinapay. Siya ang may-ari nitong bakery. Pinamana sa kanya," salaysay ng ginang.
Natigilan naman si Dentrix. Hindi siya makapaniwala na ang paborito nilang bilhan ng tinapay ng tito niya ay si Dia ang may-ari. Sa tagal nilang bumibili rito, wala talaga siyang kaalam-alam.
"Kaano-ano ka ba niya?" tanong ng ginang.
Dahil do'n, natauhan si Dentrix. Ngumiti siya sa ginang upang itago ang gulat sa kanyang mukha.
"Kaklase niya po ako. Hinahanap ko po kasi siya e. Kaso hindi ko po alam ang bahay niya at dito na lang po ako nagtungo dahil nakita ko siya rito noong nakaraang linggo," sagot niya.
Tumango naman ang ginang at ngumiti.
***
Imbis na dumiretso sa bakery, dumaan muna si Dia sa bahay nila Jana dahil nilamon na siya ng kuryosidad sa kung anumang nangyari sa dalaga. Ikaw ba naman kasi ang ulanin ni Dentrix tungkol dito, sinong hindi magiging interisado kung anuman ang kalagayan nito ngayon.
Pagkarating ni Dia sa tapat ng bahay nito, nagulat siya nang marinig niya ang nanay ni Jana na tila ba umiiyak. Maya-maya'y lumabas ang isang lalaki na may katandaan na. Dahil sa mga bitbit nitong kung ano-ano, napagtanto ni Dia na isa itong albularyo.
"Parang awa mo na, tulungan mo ang anak ko!" iyak ng nanay ni Jana habang pinipigilan nitong lumabas ng bahay nila ang albularyo.
"Patawad po. Hindi ko kayang labanan ang engkantong sumasakop sa inyong anak. Baka buhay ko pa ang maging kapalit no'n," ani ng albularyo saka pumiglas.
Wala namang nagawa ang nanay ni Jana kung hindi ang umiyak habang pinagmamasdang umalis ang albularyong tanging makatutulong sa kalagayan ng kanyang anak.
Nang papasok na sana ito, agad na lumapit si Dia kaya nagulat ang ginang.
"Magandang araw po. Ka-eskwela ko po si Jana. Nais ko lang pong kumustahin ang kalagayan niya," aniya.
Pinatuloy naman ng nanay ni Jana si Dia nang walang pag-aalinlangan.
"Noong nakaraang linggo, maayos na ang lagay niya matapos niyang masapian tapos kahapon, para bang nawawala na siya sa kanyang sarili. Sabi niya may itim na nakayakap sa kanya. Gustong-gusto raw siya nitong ilayo sa amin. Awang-awa na ako sa anak ko," salaysay ng nanay ni Jana.
Hindi makapaniwala si Dia nang makita niya si Jana na ngayo'y nakahiga sa higaan nito at natutulog. Ibang-iba na ang hitsura nito. Nangingitim ang mga balat nito lalong lalo na ang kamay nito na panigurado siyang ang engkanto ang may kagagawan.
"Una na kaming lumapit sa mga doctor ngunit sabi nila, wala naman daw silang nakikitang diperensya sa aking anak. Baka raw dahil lang ito sa stress. Ilang pari na rin ang pinakiusapan kong dasalan ang anak ko, naso-solusyunan naman nila ngunit sa sandaling panahon lang dahil bumabalik din siya sa dati gaya nga nung nangyari ngayon. Nakailang albularyo na rin ako ngunit hindi nila magawang gamutin ang anak ko. Ang sabi nila, masyadong malakas ang engkantong nanliligaw sa anak ko. Hindi ko na alam ang gagawin ko."
Hinagod naman ni Dia ang likod ng ginang habang sinasalaysay ito. Oo, mataray at suplada siya ngunit may hangganan din naman lalo na sa ganitong sitwasyon.
"Ngayon na lang ulit may dumalaw sa kanya dahil natatakot na ang iba niyang ka-eskwela kaya maraming salamat sa 'yo, ineng."
Tumango lang si Dia at pinagmasdan ulit si Jana. Hindi niya alam kung anong gagawin niya. Noong una, ayaw niyang mangialam pero ngayon, hindi niya alam kung ano 'tong nararamdaman niya.
Nagpaalam na siya sa nanay ni Jana. Pagkalabas niya ng bahay nito, saglit siyang natulala. Napahinga siya nang malalim at saka nagsimulang maglakad.
Kinabukasan nang pumasok siya sa kanilang eskwela, usap-usapan pa rin si Jana maging sa pagpasok niya sa kanilang silid ngunit hindi pa rin makaliligtas sa kanyang tainga ang pagpaparinig sa kanya ng grupo ni Yana.
Nang maupo siya, wala sa sariling napalingon siya sa kanyang kaliwa dahil sa presensyang naramdaman niya at bumungad sa kanya ang ngiting-ngiti na si Dentrix na nakatingin sa kanya. Kinunutan niya ito ng noo dahil nawi-wirduhan siya rito ngunit tumawa lang ang binata.
"Sabi na nga ba, may sayad ito," bulong niya.
Nang pumasok ang kanilang guro, natigil na muna nang panandalian ang pagchi-chismisan ng mga estudyante tungkol kay Jana.
Nagsalita ang guro at sinabing magkakaroon ng group work sila Dia kaya magkakaroon sila ng grupo. Dahil do'n napairap si Dia sapagkat ayaw na ayaw niya ng group work. Mas gusto niyang mag-isang gumawa.
Napamura naman si Dia at lalong hindi sumang-ayon sa group work dahil ang grupong ginawa sa kanila ay kung sino na lamang ang magkakalinya at sa kasamaang palad, ka-linya niya si Dentrix kaya mas lalo niyang inayawan.
Nagtaas siya ng kamay at agad naman siyang tinawag ng kanilang guro.
"Yes, Miss Laxamana?"
"Ma'am, pwede po bang individual na lang ako gumawa?" matapang niyang tanong.
Agad namang umiling ang guro.
"Kailan pa naging individual project ang group project?" Binato naman si Dia ng tanong bilang sagot.
Walang nagawa si Dia kung hindi ang pumayag.
"Pasikat talaga," rinig niyang pang-aasar ni Yana. Umirap na lang siya.
Pinaliwanag na ng kanilang guro ang kanilang gagawin. Gagawa pala sila ng thesis na hindi naman mahirap para kay Dia'ng gawin. Matapos magpaliwanag ng kanilang guro binalingan siya ng lalaking katabi niya na magkakaroon sila ng meeting mamaya pagkatapos ng klase.
Nang matapos nga ang kanilang klase, agad na niligpit ni Dia ang kanyang gamit dahilan para mapatingin sa kanya ang kanyang mga ka-grupo.
"Dia, may meeting pa tayo," ani ng kagrupo niyang babae.
Huminga siya ng malalim at hinarap ang mga ito.
"Ibibigay ko na lang sa inyo bukas ang mga gagawin. May naisip na ako para sa thesis natin. Ililista ko na lang kung ano-ano ang mga i-se-search niyo. Huwag na tayong magsabay-sabay pa ng gawa. Kanya-kanya na lang at i-compile na lang natin. Madali lang naman ito o kaya naman kung gusto niyo, kayo-kayo sabay na gumawa at magtulungan," aniya.
"Group work nga, ba't magkakanya-kanya," ani ng isa niya pang kagrupong babae.
"Sabihin mo na lang kaya na ayaw mo talaga kaming ka-grupo kasi gusto mong individual," ani naman ng katabi niya sa upuan na lalaki.
Hinawakan naman ito sa balikat ni Dentrix upang pakalmahin.
Huminga naman ng malalim si Dia at seryoso silang tinignan.
"Oo. Kaya ko naman kasing mag-isa."
Matapos niyang sabihin ito, agad siyang lumabas bitbit ang kanyang mga gamit ngunit agad siyang naabutan ni Dentrix.
"Adrasteia!"
Naiiritang hinarap naman niya ito.
"Ano? Sinabi ko na ngang ibibigay ko na lang 'yung mga gagawin niyo e. Ayaw niyo no'n, mapapadali pa ang buhay niyo?" inis niyang sambit.
"Nakita kita kahapon. Galing ka sa bahay nila Jana," ani ni Dentrix.
Natigilan naman si Dia dahil do'n.
"Tutulungan mo na ba siya?" tanong nito.
Inirapan siya ni Dia at saka mabilis na naglakad. Mababangga niya sana ang batang multo ngunit agad niya itong iniwasan kaya nagtaka ang binata sapagkat wala naman itong nakikita at tanging ang dalaga lang.
"Adrasteia!" sigaw nito.
Napapikit ang dalaga dahil sa inis.
"Dia, okay? Dia!" sigaw niya habang mabilis pa rin ang lakad.
"Okay, fine. Dia!"
Hindi niya pa rin ito pinansin.
"Uso mag-excuse," inis na sambit ng nabangga ni Dia.
Natigilan naman si Dia at tinaasan ng kilay ang kanyang nabangga.
"Uh, excuse me. Masaya ka na?" aniya at saka ito inirapan at iniwan.
Nagmamadaling naglakad ulit si Dia ngunit hindi nakaligtas sa kanyang tainga ang paghingi ng pasensya ni Dentrix sa babaeng nabangga niya. Napairap tuloy siya.
Malapit na siyang makalabas nang kanilang eskwelahan nang biglang may humawak ng kanyang braso at hinarap siya.
"Ano ba, Dentrix!" sigaw niya.
Lumingon muna sa buong paligid si Dentrix at nang napansing wala nang tao, nabuhayan siya ng loob sapagkat kung mayroon man, baka akalain ng mga ito na may kung ano siyang ginagawa sa babaeng ito dahil sa lakas nitong sumigaw.
"Bakit ba ang sungit-sungit mo?"
Inirapan naman siya ni Dia.
"Wala akong panahong makipag-usap sa 'yo. Pwede ba, lubayan mo ako!" sagot nito.
Napailing naman si Dentrix dahil sa inasta at sinagot nito.
"Bakit ba pilit mo kaming nilalayo sa 'yo?" seryosong tanong ni Dentrix dahil sa kuryosidad na bumalot na sa kanyang isip.
"Ultimo simpleng group work lang, ayaw mo pa," dagdag ni Dentrix.
Sumeryoso naman ang mataray na mukha ni Dia.
"Kasi hindi ko naman kayo kailangan," seryoso niyang sagot.
Napakunot-noo naman si Dentrix dahil dito.
Tinalikuran na ni Dia si Dentrix at hindi naman siya pinigilan nito.
"Bakit?" tanong ni Dentrix nang makailang hakbang na si Dia.
Natigilan naman si Dia at dahan-dahan siyang humarap kay Dentrix. Tinignan niya ito sa mata nang napakaseryoso. Inis na inis na siya at kaunti na lang, sasabog na siya.
"Gusto mo malaman?"
Hindi naman sumagot si Dentrix at tumitig lang sa kanya.
"Fine! Tama ka. Tama ang lahat ng alam mo tungkol sa akin. May iba akong kakayahan. May nakikita akong hindi nakikita ng ibang tao. Oo, tama ang nararamdaman mong may nakasunod sa aking nilalang na minsan nga e, hanggang classroom nakadikit siya sa akin. Nandiyan nga ang batang multo sa likod mo ngayon oh. At ang engkantong nanliligaw kay Jana? Oo, nakikita ko siya. Kilala ko pa nga e. Hindi ako normal, Dentrix. Nasagot ko na ba? Makaalis na ba ako? Please lang, lubayan mo na ako," pagsabog ni Dia saka ito tinalikuran.
Bago pa man siya makahakbang ulit, pinigilan na siya ng binitawang salita ni Dentrix.
"But you're Adrasteia and it means inescapable. Therefore, you're unable to be avoided."
Natigilan si Dia sa sinambit nito. Napapikit ito at napayuko.
"But I'm still trying my best to avoid all of you. I still try my best to escape eventhough it's inescapable," aniya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top