Kabanata 3
Kabanata 3
Ang kapre at ang tatlong duwende
***
Maaga pa lang, natungo na si Dia sa plaza upang tumulong sa kanilang bakery. Linggo kasi ngayon at puno ng tao ang plaza dahil sa mga nagsisimba. Mabenta pa naman ang kanilang mga tinapay dahil sa kanilang pwesto sapagkat dito dumaraan ang lahat ng papuntang simbahan at pauwi. Higit sa lahat, napakasarap din naman kasi ng kanilang mga tinapay lalo na ang kanilang pandesal na kahit kape lang at walang palaman, swak na swak na.
"Nakakain ka na ba? Hindi ba't nagsimba ka pa?" bungad na tanong sa kanya ng tanging pinagkakatiwalaan niyang tauhan nila sa bakery na si Aling Aura.
"Opo. Bumili ako ng bibingka kanina at kinain ko sa daan habang papunta sa simbahan," sagot niya habang nagsusuot ng apron.
"Mabuti naman. Kung hindi malalagot ka sa kuya mo," anito at tumawa.
Napailing na lang si Dia at pinusod ang kanyang buhok saka nagsuot ng hairnet.
Matagal nang nagta-trabaho si Aling Aura sa kanilang bakery at ito rin ang pinagkakatiwalaang katulong ng kanyang pamilya noon ngunit ngayon, hindi na ito namamasukang katulong sapagkat nag-iisa na lang naman si Dia at higit sa lahat, ayaw na ng dalaga sapagkat nais nitong mabuhay ng mag-isa.
Bukod nga sa kanilang angkan, isa rin ito sa nakakaalam ng kanilang secret recipe na sadyang nagpapasarap sa kanilang mga tinapay. Maging ang sikreto ng kanilang pamilya, alam nito.
Naging abala ang lahat nang maglabasan na ang lahat ng tao sa simbahan at nagsipuntahan na sa kanilang bakery upang bumili ng tinapay. Dahil do'n, lumabas na rin si Dia at hinayaan na ang iba nilang trabahador na gumawa ng tinapay at tumulong na sa pagtitinda.
"Adrasteia?"
Napalingon naman siya sa tumawag sa kanya.
"Anong bibilhin mo?" walang emosyong tanong niya rito.
Natigilan naman ito kaya napataas ang kilay ng dalaga.
"Pakibilisan, Dentrix. Ang daming bumibili," aniya.
Natauhan naman ito kaya sinabi agad ang nais nitong bilhin. Habang kinukuha ni Dia ang iba't ibang uri ng tinapay na tinuro nito ay panay naman ang salita ni Dentrix.
"Ngayon lang kita nakita rito ah. Lagi kasi akong bumibili rito dahil paborito ng tito ko 'tong mga tinapay niyo. Part-time job mo ba 'to?" ani Dentrix.
Hindi naman siya pinansin ni Dia at inabot lang sa kanya ang supot na may lamang tinapay. Nilahad ng dalaga ang kanyang palad at wala na namang nagawa ang binata kung hindi ang ipatong ang bayad nito. Napahinga na lang ng malalim ang binata nang agad na umalis si Dia.
"Mahirap talagang makuha ang atensyon niya," bulong niya saka kumuha ng isang tinapay at kinagat ito.
Nang magtanghali na, pinauwi na ni Aling Aura si Dia kahit na ayaw pa ng dalaga sapagkat gagawa pa raw ito ng tinapay dahil hindi niya nagustuhan ang timpla ng kanilang trabahador.
"Ako na ang bahala riyan. Magpahinga ka na't gumawa ng mga assignments mo, aba," ani ng ginang.
Wala na namang nagawa si Dia kung hindi ang sumunod dito.
Nang siya'y makauwi, agad niyang hinagis ang supot na may lamang mga tinapay sa tagapagbantay ng kanilang bahay.
"Ang sarap talaga ng tinapay niyo!" sabay na wika ng tatlong duwende.
"Sigarilyo?" ani ng kapre ngunit agad ding sumubo ng tinapay nang samaan siya ng tingin ni Dia.
Pinagmasdan ni Dia ang apat at bigla siyang napaisip. Hindi pa man siya buhay, nagbabantay na ng kanilang bahay ang mga ito sapagkat nakatira ito sa malaking puno na nasa tabi lang ng bahay nila ngunit wala siyang naitatawag dito magmula nang matutuhan niyang makausap ang mga ito sapagkat hindi naman sinabi ng mga ito ang kanilang mga pangalan.
"May mga pangalan ba kayo?" tanong ni Dia sa mga ito.
Sabay-sabay namang nag-angat ng tingin ang mga ito at tumingin kay Dia at umiling.
"Bakit?" nakakunot noo niyang tanong.
"Wala naman kaming nanay na magbibigay ng pangalan sa amin e," sabay na sambit ng tatlong duwende.
Napalingon naman si Dia sa kapre at bigla naman itong tumango upang ipaalam na iyon din ang sagot niyo.
"Eh bakit 'yung ibang mga engkanto, may pangalan?" takang tanong niya.
"Syempre, may mga magulang 'yung mga 'yon. Eh kaming tatlo, iniwan lang kami sa ilalim ng puno nung binhi pa kami. Diyan pa nga mismo sa malaking puno sa tabi ng bahay niyo," ani ng isang duwende.
"Eh ikaw?" tanong naman niya sa kapre.
"Gano'n din," tipid nitong sagot.
Dahil do'n, napahilamos si Dia sa kanyang mukha sapagkat siya pa yata ang magpapangalan sa mga ito.
"Hindi pwedeng wala akong itawag sa inyo kaya bibigyan ko na kayo ng pangalan," aniya.
Nagliwanag naman ang mukha ng mga ito.
"Talaga?" sabay-sabay nilang sambit.
"Oo nga. Sandali, mag-iisip na ako," aniya.
Napahawak si Dia sa kanyang noo at hinilot-hilot ito habang nag-iisip ng ipapangalan sa mga ito ngunit walang matinong pumapasok sa kanyang isip.
"Ano... Ikaw kapre, Kaps ka na lang! Ikaw si Duwende One, Duwende Two at Duwende Three," aniya ang tinuro ito isa-isa.
"ANO BA NAMAN 'YAN!" sabay-sabay na reaksyon ng tatlong duwende.
"Ayos na ako sa 'Kaps' dahil ang tapang ng dating," maligayang sambit ng kapre.
Napahinga naman ng maluwag si Dia at biglang napatingin sa tatlong duwende.
"Punyeta. Anong gusto niyo?" inis niyang sambit dahil wala talaga siyang maisip.
"Daniel sa akin!" ani ng duwendeng may malaking mata.
"Sa akin, Alden!" ani naman ng duwendeng may kalakihan ang tainga.
"Ako naman si Enrique!" ani naman ng kalbong duwende ngunit may mahabang balbas.
"Aba, ang kakapal naman ng mga pagmumukha niyo!" singhal ni Dia sa mga ito.
Pinanlisikan niya ito ng mata ngunit sabay-sabay lang itong nagkamot ng ulo habang nakangiti kay Dia. Napahilamos sa mukha si Dia at inis na hinarap ang mga ito.
"Fine! Daniel, Alden at Enrique. Punyeta!" aniya sabay padabog na pumasok sa kanilang bahay.
Naiwan naman niyang naghahagikgikan ang mga ito.
***
Lunes na naman at tila ba walang ganang pumasok si Dia ngunit pinilit niya dahil hindi siya pwedeng um-absent. Running for valedictorian kasi siya at gustong-gusto niya itong makamit upang madali siyang makakuha ng scholarship kapag siya'y magko-kolehiyo na.
Sumalubong sa kanya paglabas ng kanyang bahay ang tatlong duwende habang natanaw naman niyang pababa ng puno si Kaps.
"Good morning, Adrasteia," bati ng mga ito sa kanya. Tila ba good mood ang mga ito.
Inirapan sila ni Dia saka nagtungo sa gate ngunit bago niya ito buksan pinaalala niyang bantayan nito ang bahay. Masigla naman ang mga itong nagpaalam sa kanya.
Napailing na lang siya. Tuwang-tuwa talaga ang mga ito sa kanilang pangalan dahil habang naglalakad siya palayo, rinig na rinig niya ang paulit-ulit na pagsabi ng mga ito sa kanya-kanyang pangalan. Tila ba bawat sasabihin ng mga ito e, babanggitin ang kanilang pangalan.
Nang nakarating siya sa kanilang eskwelahan, nakarinig na naman siya ng mga bulong-bulungan. Naulinigan niyang tungkol na naman ito kay Jana na siyang ikinataka niya sapagkat matagal-tagal na rin siyang walang balita rito magmula nang pumasok na ulit ito.
Nasalubong naman niya ang batang multo at muli, nakasunod na naman ito sa kanya. Hindi na lang niya ito pinansin dahil kahit na anong pigil niya rito, hindi naman ito tumitigil kaya hinayaan na niya.
Nang makaupo siya sa kanyang upuan, agad tumabi sa kanya si Dentrix kaya naman kinunutan niya ito ng noo.
"Sinapian daw ulit si Jana," anito.
Tinaasan naman siya ng kilay ni Dia.
"Pakialam ko?" sagot niya.
Napanguso naman si Dentrix dahil sa sagot nito.
"Lumapit na sa mga albularyo ang nanay ni Jana nang sabihin ng doktor na wala namang diperensya ang kanyang anak. Pero ang dami na ring albularyo ang sumuko dahil ang lakas daw ng sumasapi kay Jana. Nililigawan daw ito ng engkanto," biglang salaysay ng binata.
"Kailangan ba may pakialam ako?" sarkastikong tanong ni Dia kay Dentrix.
"Gusto ko lang i-share. Baka sakaling gusto mong tulungan si Jana. Tulungan natin siya!" nakangiting sambit ng binata.
"Tulungan? Bakit at paano ko naman siya tutulungan? Isa lang akong normal na mag-aaral na mas kailangang mag-aral kaysa makialam sa problema nila Jana," ani Dia.
Nanahimik naman si Dentrix dahilan upang mapalingon si Dia sa kanya.
"Hindi ka normal," ani ng binata na tila ba siguradong-sigurado.
"Espesyal ka," dugtong nito. "At kung anumang kakayahan mayroon ka, sana gamitin mo ito para tumulong sa kapwa kasi ako, gustong-gusto kong tumulong pero hindi sapat ang kakayahan ko. Nararamdaman ko lang sila, 'yon lang ang kaya ko pero ikaw, alam kong espesyal ka. Marami kang kayang gawin at ikaw lang ang makatutulong sa kanila," seryosong wika ng binata saka bumalik sa upuan nito.
Natulala naman si Dia ng ilang segundo sabay nagpakawala ng isang ngiti na punong-puno ng pait.
"Espesyal? Kasumpa-sumpa ang magkaroon ng kakayahang taglay ko. Kasumpa-sumpa," aniya sa kanyang isip.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top