Kabanata 22
Hi, everyone! Sorry sa matagal na update. Super busy kasi e, dahil magfa-finals na. Kaya naman, handog ko sa inyo ang isang napakahabang update.
Recap: Nalaman ni Dia na ang lola ni Dentrix ay si Divina kaya naman tumakbo siya palabas ng bahay nina Dentrix ay doon nagbalik ang mga alaalang hindi na niya nais pang balikan.
Note: Baka po malito kayo, ang chapter na ito ay ang NAKARAAN po.
'Yun lang, thank you sa paghihintay at sa support. Tatlong kabanata na lang, epilogo na. :'(
-CG
***
Kabanata 22
Nakaraan
***
Mabilis na tumatakbo ang isang babaeng nagngangalang Amari sa kagubatan habang yakap-yakap ang isang lalaking sanggol. Iyak na nang iyak ang sanggol ngunit walang nagawa ang babae upang patahanin ito sapagkat sa oras na sila'y huminto, hindi na niya alam kung anong mangyayari sa kanila.
"P-patawad, anak ko. Pangako, ililigtas kita," bulong nito sa sanggol habang hinihingal dahil sa patuloy na pagtakbo. Isang milagro na biglang tumahan ang sanggol nang marinig ang tinig ng ina nito.
Ngunit agad na napahinto si Amari dahil sa kakaibang hangin na kanyang nadama. Ang mga nagsasayaw na dahon ay kataka-taka dahil umiikot ang mga ito sa kanila ng kanyang anak. Tila kinukulong sila upang pigilan.
"Hayaan mo na kami!" sigaw ni Amari saka mahigpit na niyakap ang kanyang anak.
"Parang awa mo na!" dagdag niya.
Isang halakhak ang kanyang narinig. Halakhak na may bahid na pait.
"Bakit, Amari, naawa ka ba sa akin nang inagaw mo ang lalaking pinakamamahal ko?"
Napalingon si Amari sa buong paligid at tanging ang madilim na kagubatan lang ang bumungad sa kanya ngunit nang ibalik niya ang kanyang tingin sa harap ay agad siyang napaatras dahil nasa harap na niya ang nilalang na kanyang hinahanap.
"D-divina," aniya saka tinago ang kanyang anak na walang tigil sa pag-iyak.
Tinignan niya mula ulo hanggang paa ang nilalang na nasa harap niya ngayon. Hindi na niya ito makilala. Hindi na ito ang kinilala niyang kaibigan noon. Nakasuot ito ng mahabang bistidang kulay itim na sira-sira na nga ang bandang dulo at ang buhok nito ay napakahaba at tila buhol-buhol na. Ang ngipin nito ay nangingitim na rin. Malayong-malayo sa nakilala niyang Divina na napakalinis sa katawan at hinahangaan dahil sa taglay nitong alindog.
"Kalimutan na natin ang nakaraan, Divina. Magbagong buhay na tayong lahat," pagmamakaawa ni Amari.
Matalim siyang tinignan nito saka hinawakan ang kanyang panga.
"Kalimutan? Sa tingin mo, madali lang 'yon? Madali lang kalimutan ang kataksilan na ginawa niyong dalawa ni Matteo sa akin?" punong-puno ng galit na wika nito habang sinasakal na ngayon si Amari.
Natigilan ang dalawa dahil sa pag-iyak nang malakas ng anak ni Amari. Napahinto si Divina at dahan-dahang napayuko. Mas lalong tinago ni Amari ang kanyang anak sa takot na baka kung ano ang gawin ni Divina rito. Unti-unting kumurba ang labi ni Divina at dahan-dahang binitawan ang leeg ni Amari. Hahawakan na sana niya ang sanggol ngunit agad itong iniwas ni Amari.
"Huwag, Divina!"
Napataas ang kilay nito at tila nasisiyahan pagmasdan kung paano matakot sa kanya si Amari. Tama nga siya, ang kahinaan talaga nito ay ang anak nito.
"Iyan ba ang bunga ng pagtataksil niyo sa akin?" nakangising wika ni Divina ngunit may bahid na pait ang kanyang boses.
Dahan-dahang lumapit si Divina sa mag-ina at natutuwa siyang panoorin kung paano unti-unting tumutulo ang luha ni Amari.
"Parang awa mo na, Divina. Huwag mo nang idamay ang anak ko," pagmamakaawa nito.
"Ako na lang, Divina. Ako na lang!" dagdag nito.
Napahalakhak si Divina dahil doon saka tinitigan ang bata.
"Binabasbasan ko ang batang ito," pag-uumpisa niya.
Nanlaki ang mga mata ni Amari dahil doon.
"Huwag, Divina. Huwag!"
Napataas ang kilay ni Divina dahil doon. Tila mas nasisiyahan sa nangyayari kaya naman dumipa siya at tumingala saka pinagpatuloy ang kanyang sasabihin.
"Binabasbasan ko ang anak ni Amari at Matteo, ang batang ito ay lalaking matalino at mapagmahal," ani Divina.
Nanlaki ang mga mata ni Amari dahil sa gulat at pagtataka.
"Lalaking may magandang buhay ang batang ito," dugtong ni Divina.
"D-divina," ani Amari. Napalingon si Divina sa kanya dahil doon saka ngumisi. Lumakas ang hangin at tila nagwala ang lahat ng dahon na nasa puno. Kasunod no'n ay ang pagkulog at kidlat ngunit walang ulan na bumagsak. Napayakap si Amari sa kanyang anak dahil doon.
"Ngunit isinusumpa ko ang magiging anak ng sanggol na ito! Ang anak nito ang siyang makararamdam ng aking galit at pighati!" sigaw ni Divina.
Natigilan si Amari sa kanyang narinig at tila hindi maproseso ang tinuran ng dating kaibigan.
"Magdurusa ang magiging anak ng iyong anak, Amari! Ipinapasa ko sa kanya ang aking kakayahan. Hindi siya lalaking normal gaya ko at makakikita siya ng iba't ibang nilalang hindi lamang mga engkanto kung hindi pati mga nilalang na namayapa na. Sisiguraduhin kong hinding-hindi niya matatakasan ang lahat ng ito! Ang apo mo ang sasalo ng lahat ng aking galit at iyon ay pagsisisihan mo hanggang sa ikaw ay mamatay, Amari," ani Divina.
Nanatiling tahimik si Amari at napayuko na lamang.
"Hanggang sa muli, aking kaibigan." At kasunod no'n ang paglaho nito.
Napaluhod si Amari nang umalis si Divina at napayuko lang sa kanyang anak. Unti-unting tumulo ang kanyang luha at napayakap sa kanyang anak.
"Patawarin mo 'ko aking anak. Patawarin mo 'ko aking magiging apo," iyak niya.
Dahil sa pag-iyak ni Amari, hindi na niya namalayan ang nilalang na nasa kanyang harapan ngayon. Nakatitig lamang sa kanilang mag-ina.
"Aletheia Maria," tawag nito sa kanya.
Napaangat siya ng tingin at nanlaki na lamang ang kanyang mata ng makita ang isang nilalang na may kakaibang itsura. Ang buong mata nito ay kulay itim habang ang balat nito ay puting-puti at ang buhok nito ay sobrang haba at kulay ginto naman. Ang binti nito ay katulad na katulad ng binti ng isang kabayo, ang pinagkaiba lang ay dalawa lang ang paa nito at wala itong buntot. Ang mahabang buhok nito ang siyang nagtatakip sa likuran nito. Sigurado siya, kilala niya ito; nakita niya itong kausap minsan ng kanyang ama noon.
"C-ceres," aniya.
"Ako nga. Halika at sumama ka sa akin, ililigtas ko kayo," anito.
Dahan-dahang tumayo si Amari at tumitig kay Ceres.
"Hindi mo ako maliligtas," matigas niyang sambit.
"Walang sinuman ang nakatatakas sa sumpa ng isang mangkukulam na may itim na mahika," mariin niyang wika.
"Ipinapangako ko, babantayan ko ang pamilya mo gaya ng pangangalaga ng iyong ama sa amin," ani Ceres.
Nagdaan ang ilang taon, lumaking may magandang buhay si Ephraim, ang kaisa-isang anak ni Amari. Nakapagtayo sila ng negosyo at namuhay sila ng marangya ngunit nang dumating ang araw na kinatatakutan ni Amari, hindi na niya alam kung ano ang gagawin niya. Bumuo na ng sariling pamilya si Ephraim at ngayon ang araw na isisilang ang anak nito at ang apo ni Amari.
Hindi mapakali si Amari sa kanyang kinatatayuan at tila mas kabado pa kay Ephraim. Gusto niyang matuwa ngunit hindi niya makalimutan ang sumpa ni Divina kaya lubos-lubos na ang paghingi niya ng tawad sa sanggol kahit na hindi pa man ito nailalabas ni Agatha, ang asawa ni Ephraim.
Ngunit nawala ang lahat ng kanyang pangamba nang marinig niya ang unang iyak ng kanyang apo. Agad na nawalan ng malay si Agatha kaya naman inabot ng kumadrona kay Amari ang sanggol. Pinagmasdan niya ito at tila nabighani sa ganda ng kanyang apo. Lumapit sa kanya ang kanyang anak kaya naman inabot niya ito rito. Naipon ang luha sa gilid ng kanyang mga mata dahil sa tuwa.
"Anong ipapangalan mo sa kanya?" tanong ng kumadrona.
Napalingon si Amari rito at nang magtagpo pa lang ang kanilang mga mata, alam na niyang hindi tao ang nasa harapan nila. Ito ay walang iba kung hindi si Ceres na siyang tumulong sa kanyang itayo ang kanilang bahay sa bungad ng kagubatan at ito rin ang nagbabantay sa kanila sa loob ng ilang taon.
"Wala pa kaming naiisip ng asawa kong pangalan para sa kanya dahil nais naming si Inay ang magpangalan," sagot ni Ephraim.
Bakas ang gulat sa mukha ni Amari ngunit agad ding ngumiti at lumapit sa sanggol. Maingat niyang hinimas ang sanggol.
"Adrasteia... 'Yon ang gusto kong ipangalan sa kanya," sagot niya habang nakangiti nang wagas.
Ngunit bakas ang gulat sa mukha ni Ceres na nagtatago sa katauhan ng isang kumadrona sapagkat alam niya ang ibig sabihin nito.
"Napakagandang pangalan, 'nay," ani Ephraim.
Nang magising si Agatha, inabot ni Ephraim ang sanggol sa kanyang asawa at iniwan na sila ni Amari at Ceres doon.
"Sinadya mo bang iyon ang ipangalan sa 'yong apo?" tanong ni Ceres kay Amari nang sila'y makalabas ng bahay at kasunod no'n ang mabilis na pagbabalik anyo ni Ceres sa tunay niyang itsura. Hindi sumagot si Amari sa halip ay nagtungo siya sa puno ng Narra na nasa labas ng kanilang bahay nang makita ang tatlong 'di pangkaraniwang binhi dahil sa laki nito.
"Ano iyan, Ceres?" takang tanong ni Amari.
Sasagutin na sana siya nito ngunit agad na bumuka ang tatlong binhi at nilula nito ang tatlong duwende na hindi pangkaraniwan ang laki at mga walang saplot.
"Sila ay mga bagong silang na kakaibang uri ng duwende. Sila na lamang ang natitirang malalaking duwende sa kagubatan at niligtas ko sila mula sa mga mapang-aping mga tao. Ang tatlo ring ito ang makakasama ng iyong apo sa kanyang paglaki upang gabayan ito sa mga engkanto," ani Ceres.
Nilapitan ni Amari ang mga duwende saka ngumiti.
"Nawa'y magabayan niyo ang aking apo," sambit niya.
Nakarinig si Amari ng kaluskos kaya naman siya ay napatingala at bumungad sa kanya ang isang kapreng pababa ng puno.
"Tama nga akong may kapreng naninirahan sa aming puno," nakangiting wika ni Amari.
"Siya rin ang isa sa gagabay kay Adrasteia pagdating ng araw," ani Ceres kaya naman napalingon si Amari rito ngunit agad ding napaharap sa kapreng nakababa na at ngayon ay yumuko kay Ceres upang magbigay galang.
"Maaasahan niyo po ako," ani ng kapre.
Nagdaan ang ilang taon ngunit habang lumilipas ito, hindi nagiging madali ang pamumuhay ng pamilya ni Amari.
"M-mama," iyak ng isang batang babae nasa limang taon na ang gulang. Nasa harap niya ngayon ang kaluluwa ng isang babae na pilit siyang nilalapitan. Umatras ang bata at patuloy na umiiyak. Tumakbo siya ngunit hinarangan siya ng isang itim na nilalang. Sumigaw ang bata dahil sa takot, 'di na alam kung saan pupunta.
"Adrasteia!" tawag sa kanya ni Amari. Tila nabuhayan ng loob ang bata at nilingon ang matanda.
"Lola!" sigaw niya saka tumakbo rito. Niyakap siya ni Amari at sinamaan nito ng tingin ang engkantong humarang sa kanyang apo.
"Sinabi ko naman kasi sa 'yong, huwag ka nang lumabas pa!" ani ng matanda. Napasinghot ang bata at sininok dahil sa pag-iyak.
Iginaya ni Amari papasok ang bata sa loob ng kanilang bahay. Nawala na ang takot na nararamdaman nito dahil kasama na nito ang kanyang lola. Magmula pa lang na isinilang si Dia – ang palayaw na ibinigay nito rito – ay nakakakita na ito ng iba't ibang nilalang kaya naman palipat-lipat ng bahay ang kanyang mga magulang ngunit napagdesisyunan ng mga itong pumirmi na lamang sa bahay ng lola ni Dia o ina ng kanyang ama dahil mas mapapangalagaan nito si Dia sapagkat may kakayahan itong makipagkomunikasyon sa ibang nilalang.
Lumaki si Dia kasama ang tatlong duwende na walang pangalan maging ang isang kapre, ito ang kalaro niya araw-araw. Sa t'wing tinatanong niya sa kanyang ina kung saan nanggaling ang mga ito, ang tanging sinasagot lang nito ay regalo sa kanya ito ng reyna ng kagubatan.
Isang gabi, iyak na naman nang iyak si Dia dahil sinundan siya sa loob ng bahay ng itim na engkanto. Agad na kinulong ng kanyang lola sa isang bote ang aninong iyon. Kitang-kita ng dalawang mata niya kung paano ito ginawa ng kanyang lola at magmula ng araw na iyon, inidolo na niya ito. Aniya, magmula ng gabing 'yon, magiging matapang na rin siya gaya ng kanyang lola.
Buhat-buhat siya ngayon ng kanyang ina. Buhay na buhay ang kanilang bahay dahil sa nangyaring gulo. Nilagyan ng proteksyon ng lola ni Dia ang buong bahay upang hindi na pasukin ng mga engkanto at kaluluwa. May kung ano-ano itong sinabit at kinalat. Pinapanood lang ito ni Dia habang nakaupo sila ng kanyang ina sa sofa at yakap-yakap siya nito.
"Mama, bakit po ako nakakakita ng ganoon?" inosente niyang tanong sa kanyang ina.
Huminga nang malalim ang kanyang ina saka siya tinignan sa mata.
"May kaibigan noon na mangkukulam ang iyong lola," pagsisimula ni Agatha, may bahid na galit sa boses nito.
Tahimik naman na nakinig si Dia rito.
"Ang pangalan niya ay Divina ngunit nagalit siya sa iyong lola. Naging makasarili ito at ibinigay sa 'yo ang kakayahan niyong makakita ng iba't ibang nilalang. Masama siya, anak. Masama! Kaya huwag na huwag mo siyang tutularan," ani Agatha tila nagpipigil ng galit.
"Agatha!" sigaw ni Amari nang maabutan ang tinuran nito kay Dia.
"Bakit, 'nay? Totoo naman," sagot niya.
"Hindi mo dapat sinasabi 'yon sa bata. Limang taong gulang pa lang si Adrasteia!" galit na wika ng matanda.
Napapikit si Agatha saka binitawan si Dia at tumayo. Yumuko ito, tila pinipigilang umiyak.
"Patawad, 'nay. Pero hindi mo 'ko masisisi, tunay na napakasama ni Divina para idamay niya pa ang anak namin ni Ephraim dahil sa galit niya sa inyo, dahil lamang sa selos at inggit," humihikbing wika ni Agatha.
Lumapit si Amari dito saka ito niyakap habang si Dia ay nakatingin lamang sa kanila. Kahit na limang taong gulang lang siya, naintindihan na niya ang tinuran ng kanyang ina. Si Divina, 'yon ang may kasalanan ng lahat at hanggang sa paglaki niya ang itatanim niya ito sa kanyang utak at puso.
Lumipas ang araw at hindi rin nagtagal ang pamilya ni Ephraim sa bahay ng kanyang ina dahil kinailangan niya itong dalhin sa Maynila dahil sa kanyang trabaho. Masayang namuhay ang mag-anak doon ngunit dumating ang araw na kailanman ay hindi inaasahan ng kahit na sino sa kanila.
Isang kaluluwang duguan ang nasa harap ngayon ng anim na taong gulang na si Dia. Isang taon na siyang hindi nakakakita ng mga ganito kaya inakala niyang payapa na ang kanyang buhay ngunit nagkamali siya. Parami nang parami ang mga kaluluwa, mukhang pugad ng mga multo ang bago nilang nilipatan na bahay. Nag-unahan sa pagtulo ang kanyang mga luha, dahan-dahan siyang umatras ngunit nang papalapit na sa kanya ang ito ay agad siyang napasigaw. Napalabas ang kanyang ina na galing pa sa likod ng kanilang bahay at tila naglalaba.
"Anong nangyari, anak?" natatarantang wika nito.
Ngunit hindi siya napansin ni Dia dahil sa mga papalapit na duguang multo sa kanya kaya naman agad siyang tumakbo. Mula sa gilid ng kanyang mga mata, nakita niyang sinusundan siya ng mga ito kaya naman lalo siyang napaiyak.
"Dia! Dia!" tawag sa kanya ng kanyang ina ngunit hindi siya huminto o lumingon man lang.
Naipikit niya ang kanyang mga mata habang tumatakbo upang hindi na makita ang mga multo ngunit nakarinig siya ng malakas na busina, napadilat siya at napatigil. Bumungad sa kanya ang isang truck na ngayon ay iniiwasang mabangga siya at nagtagumpay nga ito. Agad siyang lumingon sa kanyang likuran at nakita ang kanyang ina na tila nahihirapang igalaw ang mga paa nito. Malinaw na malinaw sa kanyang mga mata ang pagpigil ng multong humahabol sa kanya kanina sa kanyang ina upang huwag itong makaiwas sa truck.
"'Wag!"
Tatakbo na sana si Dia ngunit huli na ang lahat, sumalpok ang truck sa eksaktong kinatatayuan ng kanyang ina.
"Agatha!" rinig niyang sigaw ng isang nilalang. Nilingon niya ito at nakita ang kanyang ama. Agad siyang binuhat nito at tumakbo patungo sa kanyang ina.
Nang makalapit sila ay agad siyang naibaba ng kanyang ama. Napaupo sa semento si Dia at umiyak lamang nang umiyak. Hindi niya matanggap na makita ang kanyang ina na naliligo sa sarili nitong dugo. Nang tumingala siya ay bumungad sa kanya ang multong humahabol sa kanya kanina at sinamaan ito ng tingin.
"Masama ka! Masama ka!" sigaw niya rito.
Napatingin sa kanya ang lahat ng tao na dumating upang tignan ang nangyari. Takang-taka ang mga ito kaya agad na napayuko si Dia at pinagmasdan na lamang ang kanyang ina. Lingid sa kaalaman niya, nagliliwanag na ang kanyang marka sa pulso. Nakaramdam ng malamig na hangin si Dia at tila yumakap ito sa kanya dahilan upang manlaki ang mga mata niyang nakatingin sa kanyang ina.
"M-mama," mahina niyang sambit.
Nakarinig ng sigaw si Dia dahilan upang malihis niya ang kanyang tingin kay Agatha. Sinundan niya kung saan nanggaling ang sigaw na iyon at nakita na lamang ang kanyang ama na nakahawak sa dibdib nito.
"P-papa," aniya saka dahan-dahang tumayo.
Lalapit na sana siya ngunit biglang bumagsak ang kanyang ama. Agad na lumapit ang mga tao at tinulungan itong buhatin.
"Nasaan na ang ambulansya?" rinig niyang sambit ng mga taong naroon.
"Papa! Papa!" sigaw niya.
Lalong napaiyak si Dia at nagpabalik-balik na lamang ang kanyang tingin sa kanyang ina at sa kanyang ama. Hindi na niya ang kanyang gagawin hanggang sa makaramdam na lamang siya ng panghihina at unti-unti ay nawalan na siya ng malay.
Paggising ni Dia, bumungad sa kanya ang nakangiting mukha ng kanyang lola ngunit bakas ang lungkot sa mga mata nito.
"L-lola," aniya.
Agad siyang niyakap ng kanyang lola.
"Sila mama at papa po?"
Mas lalong humigpit ang yakap ni Amari sa kanyang apo dahil doon. Bumitaw ito sa yakap saka hinarap ang apo.
"Wala na sila, Adrasteia," sambit ni Amari.
Tila gumuho ang mundo ni Dia dahil doon.
"Saan sila pumunta, lola?" naiiyak niyang tanong.
"Iniwan na nila ako?" dagdag niya.
Wala nang nagawa si Amari kung hindi ang muling yakapin ang kanyang apo.
Muling umuwi si Dia sa kanilang probinsya at lumaki sa piling ng kanyang lola at sa matalik na kaibigan nitong si Aura. Mayroon silang bakery doon at tinuturuan siya lagi ng kanyang lola kung paano gumawa nito dahil siya raw ang magpapatuloy nito baling araw.
Lumipas ang panahon at unti-unti ring natanggap ni Dia ang pagkawala ng kanyang mga magulang. Sinisi niya ang mga multo ngunit napag-isip-isip niyang ano o sino ba ang puno't dulo nito. Hindi siya bibigyang pansin o paglalaruan ng mga multo at engkanto kung alam nilang hindi siya nakikita ng mga ito kaya naman napagtanto niya na ang kakayahan niya ang may kagagawan. Sumpa itong kakayahang binigay sa kanya at ang tanging sinisisi niya ay si Divina, ang nilalang na sumumpa sa kanya.
Sampung taong gulang na si Dia ngunit hanggang ngayon, nakakikita pa rin siya ng ibang nilalang dahilan upang lumayo ang ibang mga bata sa kanya dahil kung minsan daw ay may kinakausap siya kahit na wala naman talaga ngunit ang totoo ay nakikipag-usap lang naman siya sa isang multo o kaya'y engkanto. Hirap na hirap na rin sa pag-aaruga si Amari sa kanya sapagkat gabi-gabi ay nagwawala ang bata dahil sa masasamang panaginip nito. Ngunit wala naming nagawa ang matanda kung hindi ang damayan ang apo.
Nakaupo ngayon si Dia sa kanilang sofa at pinagmamasdan ang larawan ng kanyang lola at ng kaibigan nitong si Divina. Nakayukom ang kanyang kamao habang pinagmamasdan ito.
"Ikaw ang may kasalanan ng lahat," aniya, tila nanggigigil.
"Tama si mama, masama ka," dagdag niya.
Biglang umihip ang malakas na hangin at nilipad ang larawan na kanyang hawak at kasunod no'n ay ang isang malakas na kalabog, tila may malaking bagay na bumagsak. Napatayo siya upang tignan kung ano ito ngunit hindi pala ito isang bagay dahil ito ay walang kung hindi ang kanyang lola na ngayon ay nakahiga sa sahig.
"Lola!" sigaw niya.
Lumuhod siya at hinawakan ang mukha nito. Ngumiti sa kanya si Amari, isang matamis na ngiti.
"Paalam, apo," nahihirapang sambit nito. Mabagal na lamang ang paghinga nito, tila pinipilit na lang magkamalay upang makapagpaalam sa kanyang pinakamamahal na apo.
Nanlaki ang mga mata ni Dia dahil sa tinuran nito. Agad na tumulo ang kanyang luha saka siya nagmakaawa sa kanyang lola na huwag siyang iiwan.
"'Wag po, lola. 'Wag niyo akong iwan!" aniya at napasigaw na lamang nang tuluyan nang pumikit ang kanyang lola.
Agad siyang tumayo at tumakbo palabas, hindi pinansin ang mga engkantong humaharang sa kanya. Tumakbo siya at nagtungo kila Aling Aura upang humingi ng tulong. Ngunit sa huli, wala ring nagawa si Dia upang iligtas ang mga mahal niya sa buhay. Tuluyan nang namaalam ang kanyang lola. Matagal na palang may sakit ito at hindi lamang pinaalam sa kanyang apo dahil alam nitong malulungkot ito at ayaw na niyang dagdagan pa ang iniisip nito kaya naman nang bawian na ng buhay si Amari, malugod niya itong tinanggap dahil bago siya lumisan, inayos niya muna ang mga kakailangan ng kanyang apo upang mamuhay nang maayos kahit na wala na siya.
Ngunit si Dia, kailanman ay hindi ito matatanggap. Tanging ang lola na lang niya ang kasama niya sa kanilang bahay. Ito na lamang ang natitira niyang kamag-anak at higit sa lahat, mahal na mahal niya ito.
Simula sa araw ng pagkawala ni Amari, ikinulong ni Dia ang kanyang sarili. Walang sinuman ang nakakakausap sa kanya kahit sa paaralan at tanging si Aling Aura lamang ngunit tipid lang din ang kanyang mga salita. Tahimik siyang nanirahan sa kanilang bahay na malayo sa ibang kabahayan at kung saan isang hakbang lang ay kagubatan na. Doon, tumira siya kasama ang isang kapre, tatlong duwende at mga maliliit na diwatang nagbibigay kulay sa paligid ng kanilang bahay na may galit sa kanyang puso.
"Bakit tila hindi ka na yata lumalabas, Adrasteia?"
Tatlong taon magmula nang mamatay si Amari, nagpakita si Ceres kay Dia. Napakurap-kurap si Dia at napatayo sa kanyang kinauupuan. Kanina pa siya nakaupo rito at pinagmamasdan ang tatlong duwendeng naglalaro.
"Ikaw si Ceres," aniya.
Ngumiti ito saka tumango.
"Mukhang naikwento na ako sa 'yo ni Aletheia Maria," anito.
"Oo, ikaw ang reyna ng mga engkanto," aniya ngunit tila walang gana ang boses.
"Subukan mong lumabas, Adrasteia at doon makikilala mo ang isang taong makakapagpabago ng iyong pananaw. Doon, matututo kang magpatawad. Lahat ng bagay ay nangyari hindi lamang dahil isinumpa ka, lahat ng ito ay naganap dahil may dahilan," ani Ceres saka iniwan si Dia.
Iyon na ang una at huling beses na nakita nito ang engkantong maharlika. Napaisip siya sa tinuran ni Ceres at saka natawa.
"Ang kailangan ko lang malaman sa labas ay kung nabubuhay pa ba si Divina nang makaganti ako sa kanya," aniya habang nakayukom ang kamao.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top