Kabanata 20
Happy 12.9k reads <3
-CG
***
Kabanata 20
Larawan
***
Pagpasok ni Dia sa gate ng kanilang paaralan, natanaw niya sina Liza na nagmamadaling tumakbo habang may hawak-hawak na dustpan, mukhang nagtapon ito ng basura. Kasunod nito ay si Rhian na may hawak namang walis. Nang mapalingon ito sa kanya, agad na lumapit ang dalawa at hinala siya kaya walang nagawa si Dia kung hindi ang tumakbo na lang din.
"B-bakit?" taka niyang tanong habang hila-hila siya ng mga ito.
"'Yung class picture! Dumating na," sigaw ni Rhian.
Napairap naman si Dia dahil doon. Nang makarating sila sa kanilang silid ay binitawan na rin siya ng dalawa at dire-diretsong nagtungo sa kanilang guro na nasa kanilang silid na at pinamimigay na ang mga larawan.
"Akala ko naman may namatay na naman," inis na bulong ni Dia.
Naputol na lang ang pagkainis niya sa dalawa nang marinig niya ang tili ni Liza habang tinitignan ang kanilang class picture. Agad siyang napalapit dito dahil tila may hindi magandang nakita ang dalaga. Kinuha niya ang class picture sa kamay nito at pinagmasdan habang nakakunot-noo. Sa gilid niya ay napapaiyak na si Liza kaya lalo siyang nagtaka.
"Wala namang kakaiba rito ah?" sambit ni Dia at napalingon sa umiiyak na dalaga.
Agad namang humagalpak sa tawa si Rhian kaya napataas ang kanang kilay ni Dia.
"Tignan mo kasi itsura niya, Dia. Nakapikit siya sa class picture!" natatawang wika ni Rhian kaya napatingin ulit si Dia sa larawan.
"Nagpaganda pa ako nung araw na 'yan tapos 'yan lang pala ang kalalabasan!" reklamo ni Liza saka umupo at nginudngod ang mukha sa lamesa ng kanyang upuan. Natatawa namang umupo si Rhian sa kanyang tabi at hinimas na lang ang likod ng kaibigan. Napailing na lang si Dia sa dalawa.
Patungo na sana si Dia sa kanyang upuan nang makita si Yana na malungkot na nakatitig sa class picture. Nilapag niya ang kanyang mga gamit saka nagtungo sa dalaga. Nitong mga nakaraang araw, sinasama-samahan ni Dia si Yana sapagkat hanggang ngayon ay hindi pa rin pumapasok sina Jes at Shane dahil kailangan pa nitong magpagaling ngunit nang kinuhanan sila ng larawan para sa kanilang class picture ay pumasok ang dalawa.
"Oh, bakit malungkot ka?" tanong ni Dia rito nang siya'y makalapit.
Napaangat ng tingin si Yana rito at malungkot na ngumiti. Muling bumaling ang dalaga sa class picture at hinimas ang larawan sa parte kung nasaan siya at ang dalawa nitong kaibigan.
"Mas maganda at masaya siguro kung kasama natin sina Pat at Lena rito," malungkot na wika nito.
Napangisi naman si Dia dahil doon. Kinuha niya ang class picture sa kamay ni Yana at muli itong pinagmasdan.
"Nagkakamali ka," aniya. Napatingala si Yana kay Dia dahil do'n.
"Nandito sila at masayang nakangiti," ani Dia
"Nakikita mo sila rito?" gulat na tanong ni Yana.
Tumango naman si Dia.
"Nasa bandang taas sila, sa likod niyong tatlo. Maaliwalas ang mukha at masayang nakangiti."
Naipon ang tubig sa mga mata ni Yana dahil do'n at nang siyang mapangiti dahil sa tinuran ni Dia ay nag-unahan nang tumulo ang mga ito. Hinimas naman ni Dia ang balikat nito saka muli niya itong nginitian.
Ang bawat larawan ay may iba't ibang emosyon at alaalang nakapaloob. Ito ang nagpapaalala sa lahat ng iyong mga karanasan noon. Kinuha ni Dia ang kanilang class picture na inabot sa kanya ng kanilang guro at pinagmasdan lang ito. Ang larawang ito ang magpapaalala sa kanya na sa huling taon niya sa hayskul, maraming naganap. Sa loob ng ilang taon niyang pagtatago sa lahat at pagtakas sa kanyang kakayahan, napagtanto niya ring harapin na ito at ito ay dahil sa lahat ng taong naririto sa class picture na kanyang hawak. Sa larawang ito nakapaloob ang lahat ng masasakit na alaala dahil sa mga nawalang tao at masasayang alaala dahil sa mga taong kanyang natulungan.
Dumating ang araw ng Sabado at tila naging payapa na ang kanilang buong bayan. Ngunit hindi pa rin nahahanap kung sino ang pumatay kay Mang Banjo kaya naman kahit na anong gawin ni Dia, nangangamba pa rin siya sapagkat alam niyang sa mga susunod na araw, muling magpaparamdam ang mga halimaw na umatake kapag ito'y nagutom nang muli. Ang pinagtataka lang ni Dia ay sa kung paano nakalalabas ang mga ito. Sigurado siya, may nangyayaring kakaiba sa loob ng kagubatan ngunit wala siyang balak mangialam doon dahil may ibang nilalang na nakatalaga roon.
Tumayo si Dia sa duyan na kanyang inuupuan. Pinagmasdan lang niya ang tatlong duwende na nakikipaglaro sa mga maliliit na diwata habang si Kaps ay natutulog lamang sa tabi ng puno ng Narra. Napatingala si Dia sa kanilang gate na sadyang napakataas at pader nitong ganoon din ang taas. Tila sinadya upang walang sinuman ang makasisilip sa kung anumang mga nilalang ang naririto rin sa kanilang tirahan. Napahinga siya nang malalim at pumasok na sa loob.
Nagtungo siya sa kanyang kwarto at bumungad sa kanyang ang larawan nila ng kanyang pamilya. Maliit pa siya roon, siguro ay nasa tatlo o apat na taon; kasama niya ang kanyang ama, ina at ang kanyang lola. Ito iyong mga panahon na sa kabila ng kanyang pagkatakot sa mga iba't ibang nilalang na nakikita niya ay masaya siya sapagkat nariyan ang kanyang pamilya na handang samahan siya at iligtas siya lalo na ang kanyang lola.
***
"Kumusta na kayo riyan, lola, mama at papa?" ani Dia matapos ilapag ang mga bulaklak na kanyang dala.
Nilinisan niya ang puntod ng mga ito saka naglatag ng tela saka umupo rito.
"Si Dia po ito at ilang linggo na lang ay ga-graduate na ako. Matapos po ang graduation ay tutungo na po ako agad sa Maynila para ayusin naman po 'yung tutuluyan ko ro'n kaya baka 'di ko na po kayo madalaw nang madalas," aniya saka hinawakan ang bulaklak na nakalapag sa lapida.
"Buti na lang po at nandyan si Kuya Micky at handang tumulong po sa akin para makakuha ng scholarship," dagdag niya saka ngumiti.
Nanatili pa roon si Dia at nagmuni-muni sa loob ng isang oras. Kinuwento niya sa kanyang pamilya ang lahat ng mga naranasan niya magmula sa pagligtas niya kay Jana hanggang sa pagresolba niya sa totoong pumatay kay Lena at Pat. Nang lumipas na ang isang oras, nagpaalam na siya saka tumayo. Inumpisahan na niyang baybayin ang napakalawak na lupain hanggang sa mapatigil siya dahil sa may namukhaan siya. Isang lalaki ang ngayo'y patayo na sa kinauupuan nito at tila katatapos lang ding kausapin ang mahal sa buhay nitong namayapa na rin.
"Dentrix?" aniya.
Napalingon ang lalaki sa kanya at tama nga siya, si Dentrix ito. Gulat na napatingin sa kanya ang binata ngunit ilang sandali lang ay ngumiti na rin ito agad.
"Sinusundan mo ba ako?" mapang-asar na wika nito.
Inirapan naman siya ni Dia.
"Ito naman, 'di ka mabiro. Anong ginagawa mo rito? Sinong dinalaw mo?" sunod-sunod na wika ng binata.
Humalukipkip naman si Dia at humakbang ng isang beses dahil masyado silang malayo sa isa't isa.
"Ang pamilya ko, dito sila nakalibing. Ikaw?" sagot niya.
Tumango naman si Dentrix saka tinuro ang puntod ng kanyang dinalaw.
"Dinalaw ko ang mommy ko, magbi-birthday na kasi ako sa susunod na araw."
Napalingon naman si Dia roon saka tumango.
"Nga pala, punta ka sa susunod na araw sa amin ha? May konting handaan. Pupunta rin naman sina Jerald, Liza at Rhian. Tayo-tayo lang din naman," pag-imbita ng binata.
Dahil do'n, napabaling ang atensyon ni Dia sa kanya. Pinag-isipan niya pa kung papayag siya o hindi pero sa huli, tumango na lang siya dahil sigurado siyang ito na rin talaga ang huling beses na magkakasiyahan silang lima sapagkat magtutungo na siya agad sa Maynila matapos ang kanilang graduation.
Sabay nang umuwi ang dalawa kaya naman rinding-rindi na naman si Dia sa lahat ng pinagsasabi ni Dentrix. Wala naman siyang magawa kung hindi making na lamang kahit na ayaw niya talaga. Laking pasalamat na lang ni Dia nang maghiwalay na sila ng daan. Balak pa sana ni Dentrix na ihatid niya ang dalaga hanggang sa bahay nito ngunit ginawa lahat ni Dia ang lahat upang hindi ito matuloy dahil mauubos na ang kanyang pagtitimpi.
"Utang na loob, ang sakit na ng tainga ko sa 'yo," inis na sambit ni Dia sa kanya.
"Ito naman! Mami-miss mo rin ako!" asar ni Dentrix sa dalaga.
Nangasim naman ang mukha ni Dia dahil doon at iniwan na ang binata. Habang papalayo ay narinig niya itong humahalakhak kaya naman napairap na lang siya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top