Kabanata 2

Kabanata 2

Batang Multo
***

Habang naglalakad si Dia sa corridor, rinig na rinig niya ang mga usapan ng kanyang mga ka-eskwela.

Ayon sa kanyang mga narinig, pumasok na ulit si Jana matapos ang isang linggo nitong hindi pagpasok dahil sa nangyari.

Dahil wala namang pakialam si Dia, dumiretso na lang siya ng lakad. Ngunit hindi lingid sa kanya na kasabay na naman niyang maglakad ang bata.

Kung saan-saan na siya pumunta at nagpaikot-ikot na ngunit ayaw pa rin siyang tantanan nito. Lumingon siya sa buong paligid at nang makitang walang mga tao, hinarap na niya ang bata.

"Lubayan mo ako," aniya.

Natigilan naman ang batang multo dahil sa pagkausap sa kanya nito. Noong una, akala ng bata ay hindi siya nito nakikita at manhid ito upang hindi siya maramdaman ngunit mali pala. Isa pa, nakakausap siya nito.

Tumalikod na si Dia at nagtungo na sa kanilang classroom ngunit alam niyang nakasunod pa rin ang bata sa kanya.

Sa pangalawang row nakaupo si Dia kaya dumiretso na siya roon at nadaanan niya si Dentrix at pag-upo niya, bigla itong napatingin sa kanya.

Naramdaman ni Dia ang titig ni Dentrix dahil silang dalawa pa lang naman ang nakaupo sa kanilang row. Nag-angat ng tingin si Dia at tinaasan ng kilay si Dentrix.

Agad namang umiling ang binata at nag-iwas ng tingin.

Kumuha ng notebook si Dia upang maihilis ang kanyang atensyon sa bata. Nasa tabi niya kasi ito, nakatayo at nakatitig sa kanya.

Iniiwasan niyang lumingon sa bata kahit na kating-kati na siyang igalaw ang kanyang ulo pakanan sapagkat alam niyang may isa pang lihim na tumititig sa kanya sa bandang kaliwa at 'yon ay si Dentrix.

Nakasisiguro si Dia na alam ng binatang ito na may kasama siyang ibang nilalang at 'yon ay hindi niya aaminin kailanman.

Nang oras na para sa kanilang lunchbreak, agad na nagtungo si Dia sa CR at ni-lock ang pinto. Nakasisiguro siyang nakasunod sa kanya ang bata at tama nga siya sapagkat ilang saglit lang ay lumusot na sa pinto ang bata kahit na nakasara ito.

"Ang bilis mo naman," ani ng bata.

"Sabi ko, lubayan mo ako," mariing sabi ni Dia.

Dahil dito, nagsilabasan ang lahat ng multo sa loob ng CR na 'yon na parang mga chismoso at chismosang nanonood.

Nanlaki naman ang mga mata ng bata.

"Ibig sabihin nakikita mo talaga ako?" Hindi makapaniwalang wika nito.

Napahalukipkip si Dia at tinignan lang ang bata.

"Huwag mo na akong sundan," aniya at bubuksan na sana ang pinto ngunit bigla ulit nagsalita ang bata.

"Parang awa mo na. Tulungan mo ako," anito.

Nanatiling nakatalikod si Dia sa bata at saka huminga ng malalim.

"Lubayan mo ako," tangi niyang sambit at lumabas na ng CR.

Kumain na muna si Dia bago bumalik sa kanilang classroom at pagbalik niya, kumpleto na ang lahat ng kaklase niya at nagdadaldalan na.

"Oh, here comes the freaky witch."

Rinig niyang sambit ni Yana nang madaan siya sa harapan nito. Hindi na lang niya ito pinansin pa.

Magmula nang mangyari ang gulo sa kanilang group project noong nakaraang linggo, pansin ni Dia na sa t'wing madaraanan niya ang grupo ng mga ito, lagi siya nitong pinaparinggan ng kung ano-ano.

Dahil walang pakialam ang dalaga, taas noo na lang niyang nilalagpasan ang mga ito kaya sa huli, napapahiya ang grupo ni Yana.

Muli niyang naramdaman ang titig ni Dentrix sa kanya nang makabalik siya sa kanyang upuan. Nilingon niya ito at tinaasan ng kilay.

Muli, umiling na naman ito gaya kanina.

Umayos naman silang lahat nang dumating na ang kanilang guro.

"Para sa mga hindi nakapagpasa ng group project niyo noong nakaraang linggo, bumawi na kayo ngayong second grading. Aba, Grade 12 na kayo. Hindi na pwedeng pa-petiks-petiks kayo riyan at puro party ang inaatupag, hindi ba, Miss Carbonel?" Ani ng kanilang guro na pinaringgan pa si Yana sapagkat nakikipagdaldalan ito.

"Baka gusto niyong ibahagi sa amin ang kung anumang pinagchichismisan niyo?" Dagdag nito dahilan upang magpigil ng tawa ang iba nilang kaklase.

May mga kung ano-ano pang sinabi ang kanilang guro. Nagbigay ito ng mga takdang aralin sa kanila para sa tatalakayin nila sa susunod na araw.

Bago ito magpaalam, tinawag pa nito si Dia na siyang ikinataka ng dalaga.

"Ikaw ang kukunin kong student teacher para sa darating na Teacher's day ah. Ayos lang ba sa 'yo?" Nakangiti nitong tanong sa kanya.

Tipid namang ngumiti si Dia at saka tumango.

At sa paglabas ng kanilang guro, alam ni Dia na pag-iinitan na naman siya ng grupo ni Yana.

"Iba talaga kapag straw! Hahahaha!" Malakas na wika ni Yana na tila ba may pinaparinggan habang nag-uusap sila ng mga kaibigan niya.

"Wala e. Jolibee pa!" Sagot ng isa.

"Oo nga. Bida-bida e."

"Parating na si Ma'am. Tahimik!" Biglang sigaw ng presidente nilang lalaki na tila pinaparinig naman sa grupo nila Yana.

"Leche," ani ng mga ito at inirapan ang kanilang presidente.

Lihim namang napangisi si Dia.

Matapos ang kanilang klase, paglabas ni Dia, naroon ang batang multo na tila ba naghihintay sa kanya.

Huminga siya ng malalim at taas noo na lang na naglakad na para bang hindi napapansin ang bata.

Sumunod naman ito sa kanya at sumabay sa paglalakad niya.

Nagulat naman si Dia nang may biglang magsalita sa kaliwa niya.

"Nandiyan siya 'no?"

"Ano?" Naiiritang tanong ng dalaga kay Dentrix na bigla na lamang sumulpot.

"May ibang nilalang kang katabi," anito.

Napalayo naman si Dia sa kanya.

"So, ibang nilalang ka at nagkakatawang tao ka lang?" Pambabara nito.

Napatigil sa paglalakad si Dentrix at napakamot sa ulo. Hindi naman huminto si Dia kaya hinabol niya ito agad.

"Adrasteia!" Sigaw ni Dentrix.

Sa bilis kasi ng paglalakad ni Dia, hindi na niya ito mahabol-habol.

Dahil nakalayo na ito, hindi na ito hinabol pa ni Dentrix maging ang batang multo.

Naramdaman ni Dentrix na tumabi na lang sa kanya ang bata habang tinitignan mula sa malayo si Dia.

"Kung sino at ano ka man, alam kong kanina ka pa nakasunod kay Adrasteia. Gano'n din ako kaya huwag tayong susuko ah," mahinang sambit ni Dentrix sa bata.

Tumango naman ang bata kahit na alam niyang hindi naman siya nito nakikita.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top