Kabanata 19
After 2 weeks, nakapag-update din. Pasensya na, naging abala lang sa eskwela. Maraming salamat sa mga naghintay. Maligayang araw ng mga puso! Salamat sa suporta. :)
-CG
***
Kabanata 19
Karma
***
Pinuno ng iyak ang buong silid ng mga guro. Naroon ang ina ni Lena at si Yana. Bukod sa mga guro, may mga pulis din doon. Ang mga guro ay tahimik lamang at inaalo ang ina ni Lena.
"Hayop siya! Wala siyang puso!" punong-puno ng galit na sigaw ng ina ni Lena.
"Gagawin po namin ang lahat upang mahanap ang iyong asawa," ani ng isang pulis.
"Dapat lang! Kailangan niyang mabulok sa bilangguan!" sigaw ng ina ni Lena.
Napag-alaman na ng lahat ang tunay na nangyari sapagkat kinaumagahan ng pagtatapat ni Yana kay Dia, lumapit siya sa mga guro at isinalaysay ang lahat ng nangyari no'ng gabi bago mamatay si Lena. Ngunit bukod doon, napag-alaman na rin ng paaralan ang dahilan ng pagwawala nina Shane at Jes. Dahil sa bote ng tubig na pinag-inuman ng dalawang dalaga, napag-alaman na may kung anong drogang nilagay roon na dating gamot para sa mga baliw ngunit ngayon ay wala na dahil mas nakapagpapalala lang ito sa kondisyon ng mga pasyente. Napag-alaman din na ang nagbigay ng tubig na ito ay si Mang Banjo sapagkat ito ang nagtitinda noon sa canteen at dahil na rin may ilang nakakitang mag-aaral at tindera sa canteen noong araw na ibinigay iyon ni Mang Banjo.
Ngayon ay pinaghahanap na si Mang Banjo ng mga pulis dahil sa patong-patong na kaso nito. Sapagkat bukod pa sa mga ginawa niya sa mga dalaga, kinasuhan na rin siya ng kanyang asawa dahil sa pang-aabuso nito ngunit hindi riyan nagtatapos ang mga kaso ni Mang Banjo dahil isa pala talaga itong kriminal at marami nang naging kaso sa Maynila at nagtatago lamang dito.
Dumiretso ng tayo si Dia matapos niyang silipin ang kung anumang kaganapan at pinag-uusapan sa loob. Nakahinga na siya nang maluwag nang maresolba na ang lahat. Pinagdarasal na lamang niya na matagpuan na agad si Mang Banjo upang mabigyan na nang hustisya ang pagkamatay ni Lena at Pat.
Nagtungo na si Dia sa kanilang silid at bumungad sa kanya ang ngisi ni Dentrix sa bungad ng pintuan na tila may hinihintay. Nilagpasan niya ito at dumiretso na sa kanyang upuan kaya naman agad siyang sinundan ng binata.
"Na-resolve mo na 'yung mission natin," masayang sambit ng binata sabay upo sa katabing upuan ni Dia.
Napakunot-noo naman si Dia rito.
"Oh, bakit? Tumulong ako sa pagresolve no'n ah. Ako kaya nagbigay nung bote!"
Napairap na lang si Dia saka kinuha ang kanyang libro at nagbasa na lamang ngunit wala naman siyang maintindihan dahil napakaingay ni Dentrix.
"Sabi na nga ba at may kakaiba doon sa iniinom nina Jes at Shane e. Kasi hindi nilulubayan ni Shane 'yon na parang adik na adik na siya ro'n sa tubig. Nag-o-obserba talaga ako sa kanila!" kwento ng binata.
Napapikit si Dia at marahas na sinara ang kanyang libro at saka sinamaan ng tingin si Dentrix ngunit hindi siya pinansin ng binata.
"Ikaw, anong ginawa mo para ma-solve 'yung mission natin?" nakangiting tanong ng binata at tila kumikislap pa ang mga mata.
Napasabunot na lang si Dia sa kanyang buhok habang nakapikit upang ilarawan kay Dentrix ang kanyang iritasyon sa ingay nito. Ngunit sadyang mabagal ang takbo ng utak ni Dentrix at nakatunganga lang sa kanyang harapan.
"Nakainom ka rin ba nung tubig na may drugs?" inosenteng tanong ng binata.
Napasandal na lang si Dia sa kanyang upuan at pekeng umiyak. Niyugyog naman siya ni Dentrix dahil doon.
Makalipas ang ilang oras ay nakawala na rin si Dia kay Dentrix na walang ibang ginawa kung hindi ang dumaldal nang dumaldal. Tila bumabawi yata ang binata sa ilang araw na hindi niya pagdaldal dito. Si Dia naman ay nagtitimpi na lamang na huwag itong saktan dahil sa loob-loob niya, gusto na niya itong sakalin upang manahimik.
Nakawala lamang si Dia kay Dentrix nang utusan ito ng kanilang guro at siya naman ay patungo ngayon sa lumang banyo. Mas gugustuhin niya pa yatang makulong sa banyong iyon kaysa maiwan kasama si Dentrix buong maghapon dahil kung mangyayari 'yon, baka makagawa lang siya ng krimen at mabugbog ang binata sa oras na maputol na ang kanyang pagtitimpi.
Pagdating sa banyo, nagulat na lamang si Dia nang makita si Yana roon na umiiyak. Agad niya itong nilapitan at hinawakan sa braso.
"Yana, bakit?" nag-aalala niyang tanong.
Nag-angat ito ng tingin sa kanya at ngumiti.
"M-masaya lang ako," sagot nito.
"Salamat, Dia. Natapos na ang paghihirap ko at ng mga kaibigan ko. Gusto ko rin sanang magpasalamat kay Lena dahil kahit na iniwan namin siya no'ng gabing 'yon at hindi humingi ng tulong ay inililigtas niya kami sa kanyang ama-amahan," dugtong ni Yana saka muling umiyak.
"Sorry din sa lahat ng ginawa ko sa 'yo, Dia at salamat," anito sa gitna ng kanyang paghikbi.
Huminga ng malalim si Dia at tinapik ang braso ni Yana at kasunod no'n ang pagliwanag ng marka ni Dia. Nag-angat ng tingin si Yana sa dalaga ngunit agad na lumingon si Dia sa kanyang kanan kaya sinundan niya ito ng tingin. Doon, bumungad sa kanya si Lena na umiiyak. Nanlaki ang kanyang mga mata, hindi makapaniwala.
"L-lena," tangi niyang nasambit.
Ngumiti si Lena saka itinaas ang kanang kamay nito ay dahan-dahang winagayway.
Napatakip ng bibig si Yana at kasunod no'n ang panibagong mga luha.
"S-salamat," paulit-ulit na sinasambit nito.
Ngumiti si Lena at kasunod no'n ang unti-unti nitong paglaho.
"Nasa mabuti na siyang kalagayan ngayon," sambit ni Dia saka ngumiti kay Yana.
"Kaya naman ikaw, ayusin mo na ang sarili mo. Nami-miss na namin ang maldita na Yana sa classroom. Wala nang thrill ang mga araw namin dahil 'di namin naririnig ang matinis, maarte at nakakairita mong boses," pabirong wika ni Dia.
Natawa na lang si Yana roon. Sabay na lumabas na ng banyo sina Dia at Yana ngunit agad na humiwalay si Dia nang may mamataan siyang nilalang na matagal na niyang gusto ng makausap. Tumango naman si Yana saka iniwan na si Dia. Nang masalubong ni Yana si Ms. Mayla, binata niya pa ito habang si Dia ay nanatiling nakatitig sa guro.
Lalagpasan na sana ni Ms. Mayla si Dia ngunit agad itong tinawag ng dalaga. Nilingon siya nito at sigurado si Dia na napadako na naman ang tingin nito sa kanyang pulso at sigurado siya na nagliliwanag ito.
"Hindi ba't alam mong binantaan ni Mang Banjo sina Shane," aniya ngunit hindi sa patanong na tono. Tila sigurado siyang alam talaga iyon ng guro.
Nanatiling tahimik si Ms. Mayla at natingin lang kay Dia.
"Bakit hindi mo 'yon pinigilan o pinaalam man lang sa iba? Guro ka. Bukod sa pagtuturo, kailangan mong protektahan ang mga estudyante mo dahil ikaw ang tumatayong ina nila sa loob ng paaralan," dagdag ni Dia.
Saglit na napangisi si Ms. Mayla at kitang-kita ni Dia ang biglang pag-itim ng mga mata nito nang ilang segundo.
"Ano ka ba talaga, Ms. Mayla? Sino ka ba talaga?" mariing tanong ni Dia.
Tinignan lang siya sa mga mata ni Ms. Mayla. Yumuko ito upang maging kapantay niya saka hinawakan sa braso si Dia. Nanigas ang dalaga dahil may kakaibang kuryente siyang naramdaman sa kanyang katawan nang hawakan siya ng guro. Dama niya ang mas lalong pagliwanag ng kanyang marka.
"Ayokong mangialam sa mga problema ng mga tao. Bahala silang magresolba ng kani-kanilang problema kaya naman kung ako sa 'yo, lubayan mo rin ako at mag-aral ka na lang nang mabuti," nakangising wika ni Ms. Mayla saka tinapik ang braso ni Dia at iniwan na siya roon.
Hindi mawala sa isipan ni Dia ang misteryosong guro maging ang mga tinuran nito. Sigurado na siya na hindi ito isang tao. May ideya siya kung ano ito ngunit kailangan niya pang makasiguro. Iyon lamang ang tumatakbo sa kanyang isipan habang sabay-sabay silang umuwi nina Dentrix, Liza, Rhian at Jerald. Tahimik lamang siya habang ang apat ay patuloy sa pagdadaldalan.
"Grabe, ilang linggo na lang, ga-graduate na tayo!" masayang sambit ni Jerald.
"Pagkatapos no'n, certified tambay na ako!" dagdag ng binata kaya nakatanggap siya ng hampas kay Dentrix.
"Aray ko naman!"
"Wala ka bang balak mag-aral?" tanong ni Dentrix sa kanya.
"Ano ba namang tanong 'yan, para kang nanay ko. Kinukulit din ako!" inis na sambit ni Jerald.
Natawa na lang ang dalawang dalaga sa kanya.
"Ang tamad-tamad mo talaga. Pero wala ka namang kawala dahil ipapatapon ka ng nanay mo sa Maynila para mag-aral!" pang-aasar ni Liza.
"Wala kang kawala, boy. Balita ko, bantay-sarado ka kapag nasa Maynila ka na," dagdag ni Rhian.
Nag-asaran lang ang apat hanggang sa mapahinto sila nang magsalita si Dentrix.
"Huy, ano 'yung pinagkakaguluhan doon?" tanong ng binata.
Naagaw din nito ang atensyon ni Dia dahil sa mga pulis na nakapalibot doon. Dapat sa parteng ito ay maghihiwa-hiwalay na sila upang magkanya-kanyang liko patungo sa kanilang bahay ngunit hindi nila iyon ginawa sa halip binagtas ang daan patungo pinagkakaguluhan ngayon.
"Tita Prima, anyare?" tanong ni Jerald sa isang ginang nang makalapit sila ngunit hindi lubos na makita ang kung anumang mayroon doon dahil sa dami ng tao.
"May bagong pinatay ang mga halimaw!" natatarantang sigaw nito.
Napaatras naman si Jerald dahil dito. Tinaas niya ang dalawa niyang palad at tinapat sa kanyang tiyahin.
"Oh, tita, kalma lang us," aniya at nakatanggap naman siya ng hampas dito.
Si Dia naman ay patuloy sa pagtingkayad upang sumilip at makita kung sino ang pinatay at nang dahan-dahang umaalis ang mga tao, nanlaki ang mga mata niya nang makilala kung sino ito.
"Si Banjo, 'yung pinaghahanap ngayon ng pulis, mukhang pinatay ng aswang!" ani ng tiyahin ni Jerald sa kanya.
Tinitigan ni Dia ito at sigurado siyang hindi nga tao ang may gawa nito. Kakaiba ang lalim ng sugat nito at hindi niya alam kung bakit sumagi sa isip niya si Ms. Mayla. Iniisip niya na may kinalaman na naman ang guro rito ngunit nangangamba siya na baka mali na naman siya. Napalingon siya sa kanyang kaliwa ang nakita roon si Dentrix, seryoso lang ding nakatingin sa bangkay.
"Hindi ko alam na totoo pala ang karma," sambit ng binata.
Napatango si Dia at napaisip. Karma? Totoo nga ba ito? Sa tingin niya, oo sapagkat sa pamilya niya, may nakarma rin at siya mismo ang nakakaranas ng karma na iyon. Ngunit karma nga ba talaga ang angkop na tawag para rito? Napailing si Dia at iwinaksi ang kung anumang kanyang iniisip. Isiniksik na lang niya sa kanyang isipan na hindi ito karma. Regalo ito, regalong may maganda at hindi magandang maidudulot sa kanya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top