Kabanata 18

Hi! Maraming salamat sa patuloy na nagbabasa nito. Sa totoo lang, hindi ganoon kalinis ang plot nito. Gustuhin mo mang ayusin pa nang bongga kaso kailangan ko pang magsimula ulit sa umpisa at wala na akong oras para do'n. 

Itong kabanatang ito ay pangdalawang kabanata na dapat pero inisa ko na lang kaya medyo mahaba-haba ito. 

-CG

***

Kabanata 18

Pinatay

***

Papasok na sana si Dia sa gym upang makita ang nangyayari kay Shane ngunit agad siyang pinigilan ni Jerald.

"Huwag ka nang pumasok pa, delikado, Dia," anito ngunit umiling siya. Aktong sisingit na sana si Dia ngunit agad na nahati ang mga nagkakagulong mag-aaral upang padaanin ang stretcher kung saan naroon si Shane. Nagtatakang sinundan ni Dia ng tingin iyon, kitang-kita niya ang bula sa bibig nito. Hindi niya inalis ang tingin niya rito hanggang sa tuluyan nang mailabas ang walang malay na si Shane. Naguguluhan siya, may hindi tama sa nangyayari. May pakiramdam siyang mali ang una siyang sapantaha.

"Paano ito nagsimula?" rinig niyang tanong kay Sir Filoteo sa mga mag-aaral na naroon nang maganap ang pangyayari kanina.

"Sinapian siya ni Lena, Sir!" Tumango naman ang lahat sa sagot ng mag-aaral na 'yon.

"Gumaganti siguro si Lena sa kanila, Sir," dagdag ng isa.

Napahinga naman ng malalim ang guro saka napayuko at hinilamos ang palad sa mukha ngunit agad na nag-angat ito ng tingin nang marinig si Dentrix.

"Sir, iniinom lang po ni Shane ito kanina bago siya magwala gano'n din po si Jes kanina," ani Dentrix saka pinakita ang isang bottled water na tila latak na lang ang laman.

Naningkit ang mga mata ng guro saka lumapit kay Dentrix at kinuha ang plastic bottle.

"Salamat, Dentrix. Maaaring nang umuwi ang lahat. Kinansela na ang klase para sa araw na 'to. Dumiretso na kayo sa inyong mga tirahan at huwag nang gumala pa. Maraming kakaibang nilalang ang gumagala sa ating baryo kaya mag-ingat kayo at umuwi na agad," anunsyo ng guro.

Agad na kinuha ng lahat ang kanilang mga gamit at sabay-sabay nang lumabas ng gym. Sumabay si Dia sa agos ng mga tao upang hindi na siya makita pa ni Dentrix dahil pansin niyang may hinahanap ito at sigurado siyang siya ang sadya nito ngunit bigo siya sapagkat agad na tinuro siya ni Jerald kay Dentrix nang tanungin ito ng binata. Napahinto siya at napapikit na lang dahil sa inis. Naabutan siya ni Dentrix at agad naman niya itong hinarap. Bago pa magsalita ang binata ay inunahan na niya ito.

"Saan nakatira si Lena?" diretso niyang tanong.

Nagulat pa si Dentrix sa tanong ng dalaga ngunit nang ulitin ni Dia ang kanyang tanong ay sinagot na rin ito agad ng binata kaya agad na siyang tumalikod at humakbang upang umalis.

"Huy, teka, teka!" ani Dentrix ngunit hindi na niya naabutan pa si Dia.

***

Hindi alam ni Dia kung bakit siya naririto ngayon sa harap ng bahay nina Lena. Tila may bumulong at nagtulak kasi sa kanya upang magtungo rito higit sa lahat, nais niyang mag-imbestiga sa mga nangyayari. Naniniwala siyang may kinalaman si Lena sa nangyari kanina ngunit naniniwala rin siyang mabait ito at hindi maghihiganti kina Yana kaya naman nais niyang makita ang tirahan nito upang mag-obserba sa kung anong klaseng buhay ba ang mayroon si Lena sa kanilang bahay. Sapagkat may dahilan kung bakit tahimik, takot at iwas sa lahat si Lena at may dahilan ang pagkamatay nito.

Naputol ang pag-iisip ni Dia nang makarinig ng mga nababasag na mga bagay na babasagin. Hindi siya sigurado kung plato ba ito o baso. Nakarinig din siya ng mga iyak, pagmamakaawa at nag-aaway na dalawang tao.

Agad na nagtago si Dia sa isang puno roon nang maramdaman niyang may lalabas. Sinilip niya kung sino ang lumabas at nakita roon ang isang lalaki na hindi niya alam kung kaano-ano ni Lena ito ngunit sigurado siyang ito ang guwardiyang nagbabantay sa kanilang eskwelahan tuwing gabi na kung minsan ay nakikita niya ring tumutulong sa canteen doon sa kanilang paaralan.

Sumunod na lumabas ang isang babae na may bitbit na batang nasa isang taong gulang pa lamang at nanlaki ang mga mata ni Dia nang mapansing puro pasa ang babaeng iyon at nang mapagtantong ina ito ni Lena.

"I-ibalik mo ang pera ng anak ko!" iyak ng ina ni Lena saka hinihigit nang pilit ang damit ng lalaki.

Isang hawi lang ng lalaki ay natumba na agad ang babae kasama ang anak nito.

"Pera ni Lena 'yan, Banjo! Pera 'yan ng anak mo!" sigaw ng babae. Umiiyak na ang batang yakap-yakap nito. Nagsilabasan na ang lahat ng tao at nanonood lamang sa mga nangyayari na animo'y isang teleserye.

"Hindi ko anak 'yon! Anak mo lang 'yon sa lalaki mo!" sigaw ng lalaki rito saka umalis.

Umiyak nang umiyak ang ina ni Lena hanggang sa lapitan na siya ng mga kapitbahay nito.

"Jusko naman, Linda, ayos ka lang ba? Bakit ba hindi mo na lang iwan 'yang asawa mong pinagmamalupitan ka at ang anak mo," ani ng isang kapitbahay nito.

Tinulungan ng mga itong makatayo ito at kinuha na rin ang bata upang mas mapadali ito sa pagbangon. Humakbang na si Dia upang makaalis, hindi makapaniwala sa natuklasan na pinagmamalupitan sina Lena ng asawa ng kanyang ina na marahil ay ama rin ng kapatid nitong lalaki.

***

Kinabukasan, usap-usapan pa rin ang nangyari kahapon. Napag-alaman ng lahat na hindi pumasok si Shane at Jes dahil hanggang ngayon, wala pa ring malay ang dalawa. Samantala, natanaw ng lahat ang nag-iisang si Yana na ngayon ay dahan-dahang naglalakad habang nakayuko.

"May isa pa palang natitira, friend," ani ng isang mag-aaral.

"Panigurado, sasapian na naman mamaya," dagdag ng isa.

Natigilan si Yana dahil sa kanyang narinig. Nag-angat siya ng tingin at bumungad sa kanya ang mga mapanghusgang tingin ng kanyang mga kamag-aral. Unti-unting nanlabo ang kanyang paningin ngunit bago pa bumagsak ang kanyang luha ay tumakbo na siya. Narinig niya pang may tumawag sa kanya ngunit hindi na niya nilingon pa kung sino ito.

Samantala, natanaw ni Dia si Yana na tumatakbo na palayo sa mga tao. Sa tingin niya ay pinaringgan na naman siya ng mga ito. Napahinga siya nang malalim at hindi na kinaya ang ugaling taglay ng mga ito. Binilisan niya ang kanyang lakad at sinundan si Yana at nang makita kung saan patungo ang rutang dinaanan nito ay alam na niya kung saan ito patutungo.

Naabutan niya si Yana na umiiyak na naman sa loob ng lumang banyo. Tinatakpan ng palad nito ang buo niyang mukha habang humahagulgol at sa harap niya ay si Lena na nakatingin lamang sa kanya habang umiiyak na tila may gustong sabihin base sa tingin nito. Dahan-dahang lumapit si Dia at nang makapasok siya ay biglang napaangat ang tingin ni Yana sa kanya na may bakas na gulat at pagtataka.

"D-dia," aniya.

"Anong koneksyon mo kay Lena?" seryosong tanong ni Dia saka binaling ang tingin kay Lena na ngayon ay nakatingin sa kanya. Biglang nanlaki ang mga mata ni Yana dahil do'n.

"W-wala," sagot nito.

Napalipat tuloy ang tingin ni Dia kay Yana dahil doon.

"Eh kung sabihin kong kasama natin ngayon si Lena at tuwing naririto ka upang umiyak ay gano'n din ang ginagawa niya. Ngayon, magsasabi ka pa ba ng totoo?" prangkang wika ni Dia.

Tila tumaas ang balahibo ni Yana dahil do'n.

"N-nakikita mo siya? P-paano?"

Napaharap si Dia sa salamin at doon, nakita niya ang iba pang multo na naninirahan dito.

"Nakikita ko ang lahat ng kaluluwa rito sa loob ng banyong ito. Nakikita ko ang lahat ng kaluluwa sa ating paaralan maging ang mga engkanto. Kaya ngayon, sagutin mo ako, anong kinalaman mo kay Lena? Tama ba akong hindi siya nagpakamatay?" ani Dia saka hinarap muli si Yana na ngayon ay nanghihina na.

Dahan-dahang nanlambot ang tuhod ni Yana dahilan upang mapaupo siya. Muli siyang umiyak dahilan upang mapaluhod si Dia para aluhin siya.

"O-oo, tama ka," mahinang wika ni Yana sa gitna ng kanyang paghikbi.

"Sino ang pumatay sa kanya?"

Matagal namang natahimik si Yana dahil sa tanong na iyon. Tila hirap na hirap na sagutin ito. Hinimas niya ang ulo ni Yana at nagulat na lang siya nang maramdaman ang malamig na haplos ni Lena sa ibabaw ng kanyang kamay dahilan upang mapatingala siya ngunit imbis na ang mukha ni Lena ang bumungad sa kanya, isang madilim na banyong punong-puno ng mga kaluluwa ang nadatnan niya. Napatayo siya at hinanap si Yana ngunit wala na ito.

Narinig niya ang pagbukas ng pinto ng lumang banyo sa kanilang paaralan at niluwa no'n si Yana at ang tatlo nitong kaibigan at si Lena. Tinulak ni Shane at Pat si Lena papasok sa banyo at nang magtagumpay ito mabilis na sinara ni Jes ang pinto.

"Diyan ka muna magpagabi, Lena ah," ani Yana na may boses na nang-aasar.

Napasandal si Lena sa pinto habang nakapikit, tila natatakot lumingon sa buong banyo. Nilapitan ni Dia si Lena ngunit tila hindi alam nito na narito siya. Nagtaka si Dia ngunit agad ding napagtanto ang lahat. Dinala siya ng kaluluwa ni Lena sa nakaraan.

"Yana," nanghihinang wika ni Lena dahil sa takot.

"Buksan niyo 'to," dagdag niya saka hinarap ang pinto at kinatok pa nga.

Nakarinig lang siya ng mga tawa na tila papalayo na kaya wala nang nagawa ang dalaga kung hindi ang maupo sa malamig na sahig. Nakayuko lang siya at iniiwasang tingnan ang buong banyo. Biglang nagring ang cellphone ni Lena, tinignan niya kung sino ito at agad na sinagot.

"Ma, hindi po sabi ako uuwi. Hindi niyo na rin po ako mapipigilan, bukas na bukas ay isusumbong ko na si Papa sa mga pulis!" umiiyak na wika ni Lena ngunit agad na nanlaki ang mga mata niya nang marinig kung sino ang nasa kabilang linya.

"Anong sabi mo? Isusumbong mo kako ako?"

"P-papa?"

"Ako nga, Lena," rinig niya mula sa kabilang linya.

Biglang napatayo si Lena, bakas ang takot at galit sa kanyang mga mata.

"Nasaan si Mama? Anong ginawa mo sa kanya!" sigaw niya.

Napapikit si Dia dahil sa sigaw ni Lena at napahawak pa nga siya sa kanyang tainga. Bakas ang galit sa boses nito at sa pagdilat niya, nakita na lang niya ang sarili niya sa harap nina Yana na ngayon ay umiinom ng softdrinks.

"Hindi ba natin babalikan si Lena doon?" tanong ni Shane.

Napalingon si Jes at Pat kay Yana dahil ito lamang ang tanging magdedesisyon.

"Nakailang oras na ba?" tanong ni Yana saka humigop sa straw.

Nilabas ni Pat ang kanyang cellphone para makita ang oras.

"Mga naka-one hour na," sagot nito.

Inubos ni Yana ang kanyang softdrinks saka inaya ang mga kaibigan niya upang pakawalan na si Lena. Napalinga-linga naman si Jes, nagtataka bakit wala ang guard na nagbabantay sa kanilang paaralan tuwing gabi.

"Hay, nako, Jes. Tulog na naman 'yon! Ni minsan nga, hindi tayo nahuli no'n dito," sagot ni Yana.

Napatango naman si Pat at Shane. Nang malapit na ang apat sa banyo, nagulat sila nang makita si Lena na tumatakbo at may mga dugong dumadaloy mula sa mga laslas na nasa pulso nito. Natigilan ang apat at nanlalaki ang mga matang tinignan si Lena.

"Lena, bakit ka naglaslas?" natatarantang tanong ni Yana.

"Binibiro ka lang namin, Lena. Balak ka naman talaga naming pakawalan," nag-aalalang wika ni Shane.

Agad na umiling si Lena.

"Pero paano ka nakalabas?" biglang tanong ni Pat.

Umiyak na si Lena na siyang ikinagulat nila.

"Tulungan niyo ako, tulungan niyo ako," paulit-ulit na wika nito.

"Lena, bakit?" tanong ni Yana at inalalayan na si Lena.

"Papatayin niya ako!" sigaw nito saka muling tumakbo. Naisigaw ni Yana ang pangalan ni Lena dahil doon. Nagkatinginan silang apat at hahabulin na sana si Lena ngunit bago pa sila makatakbo ay may biglang humawak kay Yana at naramdaman na lang nito ang matalim na bagay na nasa kanyang leeg. Napasigaw ang tatlong kaibigan ni Yana dahil sa gulat.

"M-mang Banjo," natatakot na wika ni Yana nang makilala ang may hawak sa kanya.

"Nasaan si Lena, dalhin niyo ako kay Lena!" sigaw nito. Napatingin si Mang Banjo sa tatlong kaibigan ni Yana at pinanlisikan ito ng tingin. Tila may kakaiba sa mga mata nito, namumula.

"Kapag hindi niyo ako dinala kay Lena, papatayin ko 'tong kaibigan niyo at isusunod ko kayo!" sigaw nito. Nanginig ang tatlong dalaga dahil sa takot kaya wala nang nagawa ang mga ito kung hindi ang ituro kung saan nagtungo si Lena.

Pigil hiningang pinapanood ni Dia ang lahat ng pangyayaring ito. Miski siya ay nanginginig sa takot at kaba. Damang-dama niya ang takot na nararamdam ni Yana habang hawak-hawak siya sa leeg ng kinalakihang ama ni Lena.

"L-lena," tawag ng mga kaibigan ni Yana rito habang umiiyak at hawak-hawak ang kamay ng isa't isa.

Nang hindi lumabas si Lena, nilingon ng mga ito si Mang Banjo at ang kanilang kaibigan na si Yana na ngayon ay umiiyak na rin.

"Lumabas ka riyan, Lena kung ayaw mong patayin ko itong kaklase mo!" sigaw ni Mang Banjo.

Napasigaw ang tatlo at nagmakaawang huwag paslangin ang kanilang kaibigan. Wala silang nagawa kung hindi ang tumayo lang doon at pagmasdan ito. Ngunit makalipas lamang ang ilang segundo, lumabas sa isang silid si Lena, namumutla, nanghihina at umiiyak.

"Bitiwan mo siya, pa! Huwag mo silang idamay!" sigaw nito.

Napangisi naman si Mang Banjo. Marahan nitong binitawan si Yana dahilan upang mapahiga ito sa sahig kaya napatakbo ang mga kaibigan nito rito. Si Lena naman ay tila napako sa kanyang kinatatayuan dahilan upang mahawakan siya ni Mang Banjo bago pa siya makatakbong muli. Marahan siya nitong hinawakan sa braso at saka kinaladkad.

"L-lena!" sabay-sabay na sigaw nina Yana.

Agad silang nilingon ni Mang Banjo na may nanlilisik na mga mata.

"Subukan niyong sumunod, papatayin ko kayo at subukan niyo ring magsumbong, papatayin ko ang buong pamilya niyo!" sigaw nito.

Nanginig sa takot ang apat na dalaga. Hindi alam ang gagawin. Sabay-sabay silang napaiyak dahil wala silang magawa. Natatakot silang magsumbong dahil baka totohanin ni Mang Banjo ang kanyang banta. Wala na silang nagawa kung hindi pagmasdan si Lena na kinakaladkad at bakas ang takot sa mga mata nito.

"S-sorry... Sorry, Lena," pauulit-ulit na sambit ng apat.

***

Hahakbang na sana si Dia upang sundan si Mang Banjo at malaman ang susunod na mangyayari ngunit may naramdaman siyang malamig na nilalang na humawak sa kanyang braso upang pigilan siya. Nang lingunin niya ito, bumungad sa kanya si Lena. Muling nagliwanag at dinala siya ni Lena sa ibang lugar at ibang panahon.

Napakunot-noo si Dia nang bumungad sa kanila ang kanilang canteen na may mga ilang mag-aaral na kumakain ngunit napadako ang kanyang mga mata kina Shane at Jes na bumibili ngayon ng pagkain. Lumapit si Dia ngunit napatigil siya nang biglang makita si Mang Banjo na may hawak na dalawang tubig at may kung anong nilagay rito. Naningkit ang mga mata ni Dia rito lalo na nang lumapit ito sa dalawang dalaga na ngayo'y bibili ng tubig.

"M-mang Banjo," natatakot na sambit ng dalawa.

"Nakita niyo ba ang nangyari sa isa niyong kaibigan?" bulong ni Mang Banjo rito. Napahawak si Shane kay Jes dahil sa takot.

"Dahil sa pag-iwan niyo kay Lena, papatayin niya kayo gaya ng pagkamatay niya. Isusunod niya kayo," nakangising sambit nito.

"H-hindi."

Lumapit si Mang Banjo rito at inabot ang tubig na binili ng dalawang dalaga saka yumuko upang makaharap ang mga ito. Luminga-linga si Dia upang maghanap ng taong maaaring makapagligtas sa dalawa ngunit walang sinuman ang may pakialam at nakasasaksi sa nangyayari maliban na lang sa isang gurong nakatanaw rito mula sa malayo.

"Ms. Mayla," bulong ni Dia nang makilala kung sino ang gurong iyon na wala aksyon ginagawa at nakatitig lamang.

Napabalik ang tingin niya kina Mang Banjo.

"Para hindi kayo magaya sa kaibigan niyo, manahimik kayo. Kalimutan niyo ang nangyari no'ng gabing 'yon. Mahal na mahal ako ng anak ko at hindi niya ako hahayaang mapahamak kaya binabantaan ko kayo," ani Mang Banjo saka inabot ang dalawang tubig.

Nanginginig na inabot ng dalawang dalaga ito saka mabilis na umalis. Nilingon ni Dia si Lena na ngayon ay nanlilisik ang mga mata kay Mang Banjo.

"Ito ang araw na sinapian mo sila, hindi ba?"

Napalingon si Lena sa kanya saka agad na umiling at tinuro ang mga tubig na dala ng mga ito.

"Nilason sila ng aking ama-amahan," sambit ni Lena at kasunod no'n ay ang muling pagliwanag. Sa pagdilat ni Dia, bumungad na sa kanya si Yana na ngayon ay umiiyak. Bumalik na siya sa tamang panahon. Napalinga siya at hanapin si Lena ngunit naglaho na ito.

"Si M-mang Banjo... Pinatay ni Mang Banjo si Lena. Sinundan ko sila at kitang-kita ko kung paanong binitin ni Mang Banjo si Lena," umiiyak na wika ni Yana.

Napatitig si Dia sa kanya.

"Pinatay siya, Dia. Pinatay siya!"


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top