Kabanata 15
Kabanata 15
Iyak
***
Lumabas si Dia sa kanilang bahay at bumungad sa kanya si Dentrix na ngayon ay abala sa pakikipag-usap sa tatlong duwende habang si Kaps naman ay nakasandal sa puno ng narra at kumakain ng pandesal. Napakunot-noo ang noo ni Dia nang makita ang binata.
"Ano na namang ginagawa mo rito, Dentrix?" tanong ni Dia saka inayos ang kanyang bag.
"Dinalaw ko lang ang mga duwende. Hindi ba pwede?" nakangiting wika nito.
Sinamaan naman siya ng tingin ni Dia.
"At paano ka naman nakapasok?" dagdag ng dalaga. Imbis na sagutin siya ni Dentrix, napangiti lang ang binata kaya napalipat ang tingin ni Dia sa tatlong duwende na ngayon ay alanganin nang nakangiti sa kanya. Napailing na lang siya.
Isang buwan na ang nakalipas matapos malaman ni Dentrix ang tinatago ni Dia dito sa kanilang bahay at magmula noon, palagi nang narito ang binata at nakikipagdaldalan sa mga kasama niyang engkanto. Hindi naman niya ito mapigilan sapagkat magkasundong-magkasundo ang mga ito.
Dumiretso na lamang si Dia patungo sa kanilang gate upang pumasok na sa eskwela.
"Sige, mga kaibigan, mauna na kami. May klase pa kami. Sa pagbalik ko, ibang laro naman ang ilalagay ko sa cellphone ko!" masayang wika ni Dentrix saka sumunod kay Dia.
"Mag-iingat kayo!" ani ng mga duwende saka kumaway.
Mabilis na naglakad si Dia upang hindi niya makasabay ang binata ngunit sino bang makapipigil sa isang Dentrix Casabuena? Mabilis na tumakbo ito upang mahabol ang dalaga.
"Araw-araw na lang bang magsasabay tayo sa pagpasok?" inis na tanong ni Dia.
Napanguso lang si Dentrix, nagpipigil ng ngiti habang si Dia ay nakabusangot ang mukha. Narating nila ang kanilang eskwelahan at dama ni Dia ang mga taong nakatingin sa kanila. Isang palaisipan kasi para sa lahat ng kanilang ka-eskwela kung ano bang mayroon sa dalawa ngunit si Dia ay walang pakialam dahil wala naman talagang namamagitan sa kanila. Sadyang mala-linta lang kung makadikit ang binata sa kanya dahil sa natuklasan nito.
"Dia!" sabay na tawag ni Liza at Rhian na kararating lang din sa kanilang eskwelahan.
Napahinto si Dia at saka nilingon ang dalawa. Lumapit ito sa kanya na may napakalawak na ngiti.
"Kayo ha! Magkasama na naman kayong dalawa," pang-aasar ni Rhian. Agad namang umirap si Dia at iniwan ang mga ito.
"Inasar mo kasi!" ani Liza sabay pabirong palo kay Rhian. Napailing na lang si Dentrix sa dalawa at iniwan na rin ito.
Nauna nang naglakad si Dia at napansin niya ang maraming taong nagpupulong sa kanilang silid na siyang ikinataka niya. Binilisan niya ang kaniyang lakad upang makita at malaman kung ano ba ang nangyari ngunit naunahan na siya ni Liza at Rhian dahil tumakbo ang dalawa. Kitang-kita niya kung paano nanlaki ang mata ng dalawa at ang pagtakip ng mga ito sa bibig nito.
"Anong nangyayari?" tanong ni Dentrix sa kanya na ngayo'y nasa likuran na pala niya.
Nagkibit-balikat siya at muling humakbang upang matanaw ang kaganapan sa kanilang silid. Nang makarating siya sa tabi nina Liza at Rhian, hindi siya makapaniwala sa kanyang nasilayan. Gaya ng dalawa, nanlaki ang mga mata niya. Tumabi si Dentrix sa kanya at tinignan ang nangyari at ganoon din ang naging reaksyon nito.
May isang estudyanteng dalaga ang ngayo'y nakabigti sa gitna ng kanilang silid. Maraming laslas sa pulso nito at kitang-kita ang natuyong dugo mula roon habang nasa lapag ang mga dugong tumulo galing sa laslas nito.
"S-sino siya?" tanong ni Dia.
"L-lena," nanginginig na sambit ni Liza. Napakapit si Rhian kay Liza nang hindi na kayanin ang nakita. Napatingin naman si Dia sa mga ito.
Lena? Bakit hindi niya kilala ito?
"Siya si Lena Arias, ang pinakatahimik na kaklase natin at bukod sa 'yo, ito ang paboritong pag-trip-an ng grupo nina Yana," sagot ni Dentrix kay Dia ngayon ay nakakunot-noo na. Bakit nga ba walang oras si Dia upang kilalanin ang bawat kaklase niya?
Natigilan ang lahat nang marinig ang isang hagulgol nang nilingon nila kung sino ang taong ito, nilamon sila ng pagkaawa nang makita ang ina ni Lena Arias na ngayo'y hindi mapatigil sa paghagulgol.
"Anak ko!" iyak nito at lumapit sa nakabitin na katawan ng anak at pilit inaabot ito. Mabilis na nagtungo ang mga guro rito upang maalalayan ang ginang.
KINABUKASAN sa gym pinagklase ang klase nina Dia sapagkat sa ngayon, hindi nila maaaring gamitin ang kanilang silid dahil sa nangyari. Ngunit kahit na inalayo sila roon, hindi pa rin maiwasan ng lahat ang pagkwentuhan ang maaaring naging dahilan ng pagkamatay ng kanilang kaklase.
"Sigurado ako, nagpakamatay si Lena dahil sa hirap na dinanas niya," rinig ni Dia mula sa isa niyang kaklase na hindi niya kilala. Basta ang alam niya lang ay isa ito sa mga kaklase niyang babae na matalas ang tainga kapag may chismis.
"Oo! Dahil sa mga pambubully sa kanya," sagot ng isa niya pang kaklase.
"Pinatay nila Yana si Lena!" dagdag ng mga ito sabay tingin sa grupo ngayon nina Yana na tahimik lamang sa isang gilid habang nakayuko. Malayong-malayo sa palaging ginagawa ng mga ito na laging nakataas ang noo sa lahat.
"Oo, sila lang naman ang walang sawang nambubully sa kanya. Mga mamamatay tao sila!"
Hindi na nakayanan ni Dia ang kanyang mga naririnig kaya umalis na siya sa kanyang inuupuan ngayon at lumipat na lamang kila Liza at Rhian na tahimik na ginagawa ang pinasagutan na activity ng kanilang guro. Iniwan kasi sila ng kanilang guro upang ayusin ang gulong nangyari sa kanilang eskwelahan.
Ngunit kahit na lumipat na ng pwesto si Dia, rinig na rinig pa rin niya ang mga pagpaparinig ng kanyang mga kaklase sa grupo nina Yana dahilan upang mapatayo ang mga ito nang hindi na kayanin ang mga masasamang salita na lumalabas sa kapwa nila mga kaklase.
"Hindi namin siya pinatay!" nanginginig ang boses na sigaw ni Yana.
"Talaga lang ha? Sinong maniniwala sa isang bully na gaya mo?" sagot ng kaklase nila rito.
Napailing na lang si Dia. Dahil kung tutuusin ang ginagawa rin ngayon ng kanyang mga kaklase ay 'bullying' kaya wala lang silang pinagkaiba sa isa't isa.
Umalis si Yana na may maluha-luhang mga mata at sumunod sa kanya ang kanyang mga alipores na hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ni Dia kung ano bang mga pangalan. Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa mawala na ito sa kanyang paningin.
Huminga ng malalim si Dia saka tumayo. Tiningala siya nina Liza na may nagtatanong na mga mata.
"Sa CR lang ako," aniya. Tumango na lang ang dalawa.
Nagsimula nang maglakad si Dia at hindi siya sanay sa atmospera. Sobrang tahimik ng lahat maging si Liza at Rhian na laging nanggugulo sa kanya. Habang siya ay naglalakad, nadadaanan niya ang kanilang silid at nakitang wala na ang katawan ni Lena roon at maraming pulis ang nasa loob nito at nag-i-imbestiga. Nakaramdam bigla si Dia ng malamig na hangin na tila umiikot sa buo niyang katawan. Tumaas ang balahibo niya sa kanyang batok dahil doon.
"Miss, pasensya na pero bawal muna ang mga estudyante rito."
Napalingon si Dia rito at nakita ang pulis na kasintahan ng kanilang guro na si Ms. Mayla. Namukhaan siya nito kaya napangiti ito.
"Ikaw pala, Dia," anito.
Tipid namang ngumiti si Dia.
"Napadaan lang po ako. Patungo po ako sa CR. Pasensya na po, mauuna na po ako," ani Dia at tatalikod na sana nang makita si Ms. Mayla.
"Oh, Dia, dapat ay nasa gym kayo ah?" anito.
Tumango lang si Dia at aalis na sana ngunit nang makitang makalapit ang kanyang guro sa pulis ay tila napansin niya ang pagkislap ng mga mata nito. Napakunot-noo siya. Agad na nagbago ang mukha ng pulis nang makita si Ms. Mayla. Sa isip-isip ni Dia, ganoon siguro kapag nagmamahalan.
"Sige po, mauuna na ako," pagpapaalam ni Dia saka iniwan ang dalawa.
"Bumalik ka na sa trabaho mo, mahal ko," rinig ni Dia na wika ng pulis sa guro bago siya makalayo.
Mas lalong napakunot ang kanyang noo. Tila nagbago ang boses ng pulis, naging malambot ito. Napailing na lang si Dia at binilisan na ang paglakad. Narating ni Dia ang banyo na kung saan siya madalas nagbabanyo at nagulat siya nang makita ang grupo nila Yana na naroon at nag-iiyakan. Sinamaan siya ng tingin ng mga ito lalong-lalo na si Yana.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong ng isang alipores ni Yana sa kanya. Napataas naman ang kilay ni Dia dahil doon.
"Kung narito ka para makita lang kung gaano kami ka-miserable ngayon dahil sa pagbibintang ng mga walang hiyang iyon sa amin pwes umalis ka na!" inis na sambit sa kanya nito.
Napairap naman si Dia saka humakbang papasok ng banyo, hindi pinansin ang tinuran ng mga ito.
"Magbabanyo lang ako. Iyon ang pinunta ko rito at hindi kayo," seryosong sambit ni Dia habang hinuhugasan ang kanyang kamay.
Dama niya ang masamang tingin na ibinibigay sa kanya ngayon nina Yana ngunit hindi niya ito pinansin. Sa halip, naghilamos na lamang siya ng mukha. Dahil doon, napikon yata ang mga ito at padabog na umalis ng banyo.
Matapos maghilamos ni Dia ay agad niyang tinignan ang kanyang mukha sa salamin ngunit bigo siyang makita ito dahil sa multong bumungad sa kanya. Bumusangot ang mukha niya at saka sinamaan ito ng tingin. Agad na umalis ang multo dahil do'n. Tinignan niya ang buong paligid at hindi pa rin nababawasan ang mga multo rito na sa tingin niya ay panahon pa lang ng hapon ay naririto na. Si Razzle lang yata ang nabawas sa mga ito na ipinagpasalamat na rin niya dahil sa lahat ng multo, ito ang pinakamakulit. Napangiti siya nang maalala ang paslit. Alam niyang masaya na ito sa langit at binabantayan ang nanay at kapatid nito.
Paalis na sana si Dia nang may bigla siyang marinig na iyak. Napakunot ang kanyang noo at nagtaka. Sa pagkakaalam niya, umalis na sina Yana kaya wala nang ibang iiyak pa rito. Lumapit si Dia sa mga cubicle at habang papalapit siya sa dulo ay palakas nang palakas ang iyak na ito na may kasama pa ngang paghikbi.
"T-tulong."
Natigilan si Dia sa salitang kanyang narinig. Boses ito ng isang babae na labis niyang ikinataka. Ito ang pinakaunang beses na makarinig siya ng ganito sa banyong ito. Nilibot niya ang kanyang paningin at tila sumusunod sa kanya ang lahat ng multo na narito sa loob ng banyong ito, tila nilalamon din ng kuryosidad sa naririnig na iyak.
"T-tulong!"
Nang marinig ni Dia ang paiyak na sigaw na iyon ay agad siyang tumakbo patungo sa dulong cubicle at marahas itong binuksan ngunit walang bumungad sa kanya at kasabay no'n ang dahan-dahang paglaho ng iyak at boses. Nilingon niya ang mga multo na ngayon ay nasa likuran niya at sinamaan ng tingin ang mga ito kaya bumalik na ang mga multo sa kanya-kanya nitong mga pwesto.
"Hindi kaya... ang iyak na iyon ay galing kay...Lena?" bulong niya.
Napailing si Dia.
"Bagong mission ba 'to?" naisaboses ni Dia. Pakiramdam niya galing kay Dentrix ang boses na 'yon at hindi sa kanya. Napailing siya at pilit na inalis sa kanyang isipan ang naganap sa banyong ito. Gusto na niyang maging tahimik ang buhay niya ngunit mismong ang mga iniiwasan niya ang dumidikit at lumalapit sa kanya.
***
Balik ulit tayo sa mga multo. Sinong nakamiss sa pinakacute na multong si Razzle? Nakakamiss din pala ang kakulitan no'n. Pasensya na kung may mga maling grammar or kaya naman typos, hindi ko na kasi nabasa pang muli e. So, sino ba si Lena? Bakit siya namatay? Sila Yana nga ba talaga ang may kagagawan? O may ibang pinagdadaanan ang dalaga? Kung ano man iyon, hintayin na lang nating tuklasin ito ni Dia.
Nga pala, 2nd to the last 'mission' na ito nina Dia. Opo, nalalapit na po ang pagtatapos. Kapit lang, malapit na pong ma-reveal ang ibang mga bagay na maaaring pinagmulan ng kakayahan ni Dia. Oh, sige i-spoil ko kayo, tanda niyo ba si Divina? Kung hindi, back read na! :P
-CG
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top