Kabanata 14
Isang mahabang kabanata. Pasensya na po sa sabaw na update, walang edit-edit at back read 'to kaya pasensya na kung masyado bang mabilis o may mga mali o may mag boring na parts. Nais kong i-dedicate ang kabanatang ito kay modernongmariaclara upang batiin siya sa kanyang pagbabalik sa pagsusulat sa Wattpad. Masaya po akong nagbalik na kayo. Isa po ako sa mga sumusuporta sa iyong mga obra noon.
-CG
***
Kabanata 14
Kaibigan
***
Ilang oras na ang nakalipas ngunit nanatiling nagtatago sa malaking puno si Dia at Dentrix. Antok na antok at nangangati na nga si Dia ngunit hindi niya magawang makauwi dahil sa binatang kasama niya.
"Dentrix, ano ba. Nasa malayo na naman 'yung halimaw! Pauwiin mo na ako at umuwi ka na rin. Hindi ka ba hinahanap sa inyo?" inis na sambit ni Dia.
Hindi naman mapakali ang mga mata ni Dentrix dahil sa takot.
"H-hindi. Wala naman si Tito Delfin ngayon, nasa Maynila. Bukas pa ang uwi niya," sagot nito.
Napairap naman si Dia saka humalukipkip.
"Utang na loob, may pasok pa tayo bukas. Umuwi ka na!" pagpapauwi niya rito.
"Eh, paano kung makasalubong ko 'yung halimaw na 'yun?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Dentrix dahil sa takot.
"Bading ka ba?" inis na tanong ni Dia.
Napasimangot naman si Dentrix dahil doon. Kinuha ni Dia ang kanyang cellphone at tinignan ang oras at halos umusok ang kanyang tainga nang makitang mag-a-alas dose na ng hating gabi. Halos apat na oras na silang naririto sa ilalim ng malagong puno kaya hindi talaga maiwasan ang pagkainis ng dalaga.
"'Lang 'ya ka, Dentrix. Mag-tu-twelve AM na! Uuwi na ako!" ani Dia saka humakbang ngunit agad namang humabol si Dentrix sa kanya.
"Umuwi ka na!" bulyaw ni Dia nang mahabol siya ni Dentrix.
"Ihahatid na lang kita baka mamaya ikaw pa ang makasalubong sa ekek na 'yon," ani Dentrix.
Peke namang natawa si Dia dahil doon. Sa isip-isip niya ay naduduwag lang talaga ito. Nagpapalusot pang ihahatid siya e, gusto lang naman ng kasama ng binatang ito kaya hindi na magtataka si Dia kung sabihin nitong sa bahay na lang siya ng dalaga magpapalipas ng gabi at kapag nangyari 'yon, gagawin ni Dia ang lahat mapalayas lang si Dentrix kahit na ba gumamit siya ng dahas. Brutal na kung brutal ngunit hindi maaaring makapasok si Dentrix sa kanilang bahay sapagkat sa oras na mangyari 'yon, mabubuking ang mga nilalang na tinatago ng dalaga rito.
Ngunit nang malapit na sina Dia at Dentrix sa bahay, muli nilang narinig ang pagaspas ng pakpak na tila palakas nang palakas. Dahil doon, nanlaki ang mata ng dalawa at nauna nang tumakbo si Dentrix patungo sa bahay nina Dia. Pilit na binubuksan ng binata ang gate ngunit hindi niya magawa kaya tinanaw niya si Dia at sinabing bilisan nito.
"'Yung susi, nasaan na?" natatarantang tanong ni Dentrix.
Nanginginig naman sa pagkataranta si Dia kaya hindi niya mahanap ang kanyang susi. Papalapit na nang papalapit ang ekek kaya naman napasigaw na si Dentrix. Napamura naman si Dia dahil dito at tila wala nang ibang maisip na paraan upang makapasok sa kanilang bahay sapagkat mukhang nawala niya ang susi.
"Bahala na," sa isip-isip ni Dia.
"Adrasteia, utang na loob, gusto ko pang mabuhay!"
Muling napamura si Dia.
"ALDEN, DANIEL, ENRIQUE, KAPS! BUKSAN NIYO 'TONG GATE!" sigaw ni Dia.
Natigilan naman si Dentrix sa isinigaw ni Dia. Nagtaka siya dahil sa pagkakaalam niya, mag-isa lang ang dalaga rito at walang ibang kasama. Si Aling Aura ay nakatira sa sarili nitong bahay at kung minsan ay sa bakery ito natutulog kaya sino ang mga tinawag ni Dia.
Lalong natigilan si Dentrix nang biglang bumukas ang gate ng bahay nina Dia. Agad na pumasok ang dalaga at nang mapansing hindi sumunod si Dentrix, lumabas ito agad at hinila ang binata.
"'Di ka naman galit niyan, Adrasteia? Ano bang problema at nagmamadali ka?" sabay-sabay na tanong ng tatlong duwende.
"At bakit ngayon ka lang, binibini?" dagdag ni Kaps na kabababa lang sa puno.
Nanatili namang nakatayo si Dia, hindi alam ang sasabihin dahil alam niyang nanlalaki na ang mga mata ni Dentrix na ngayon ay nasa likuran niya.
"Ang ekek, nasa labas ang tinutukoy kong halimaw. Kaya hindi kami nakauwi agad sapagkat nagtago pa kami sa malaking puno malapit dito dahil naglilibot na naman ang demonyo upang maghanap ng mabibiktima," sagot ni Dia.
Tumango-tango naman ang mga ito ngunit agad na natigilan nang may napagtanto.
"Kami?" sabay-sabay na tanong ng apat.
Dahan-dahang humakbang pa-kaliwa si Dia dahilan upang makita ng mga ito si Dentrix na ngayon ay nanlalaki pa rin ang mga mata. Napako naman sa kinatatayuan ang apat at hindi alam ang gagawin.
"D-dia," ani Dentrix nang makabawi.
Nag-aalalang nilingon ni Dia si Dentrix. Hindi niya alam kung paano niya ipapaliwanag sa binata ang nasisilayan nito ngayon.
"Ah... Dentrix... Si Alden, Daniel at Enrique nga pala. Tapos iyong nasa dulo, si Kaps. Sila ang mga tagapagbantay ko," ani Dia.
Dahan-dahang napalingon si Dentrix kay Dia.
"Tagapagbantay?" tanong nito. Tumango naman ang dalaga. Nalipat ang tingin ni Dentrix sa tatlong duwende at kay Kaps.
"M-mga kaibigan kami ni Adrasteia," sabay-sabay na sambit ng tatlong duwende. Lumapit naman si Kaps at hinarap si Dentrix.
"Ikaw, kaibigan ka ba niya?" ani Kaps na tila may pananakot sa boses nito.
Napaatras naman si Dentrix dahil doon. Agad namang sinamaan ng tingin ni Dia si Kaps kaya napanguso ang kapre.
"Sinisigurado ko lang, Adrasteia at baka isa siyang masamang tao. Hindi ka maaaring mapalapit sa mga masasamang tao dahil sasaktan ka lang nila," anito.
Tumango naman ang tatlong duwende. Natigilan ang lahat nang makarinig ng malakas na pagaspas, tila may hinahanap ang ekek. Hindi man nito nakikita sina Dia dahil natatabunan ng dahon ng malaking puno ng Narra na bahay rin ni Kaps ang kinatatayuan nila ngayon ay paniguradong naamoy ng halimaw na ito si Dia at Dentrix.
"Ang ekek," sambit ni Dia. Nilingon ng dalaga si Kaps at tila alam na nito ang kahulugan no'n kaya agad na nagtungo ang kapre sa tahanan nito.
"Ano ba ang mga ekek?" biglang tanong ni Dentrix.
"Bakit tayo ang pinupuntirya niya?" dagdag nito.
Habang nakikiramdam sa paligid si Dia, sinagot niya ang mga katanungan ni Dentrix.
"Isang engkantong sumisipsip ng dugo at kumakain ng sanggol ang ekek," panimula ni Dia.
"Ngunit may mga panahon na hindi sanggol ang pinupuntirya nila lalo na kung walang buntis at sanggol silang mahanap at sila'y gutom na gutom na gaya ngayon," dagdag ni Daniel.
Tila nakaramdam ng takot si Dentrix dahil doon kaya napaatras siya upang mapalapit sa puno ng narra.
Muling bumalik si Kaps dala ang isang pana na yari sa kahoy ngunit kulay puti at inabot ito kay Dia. Takang napalingon si Dentrix sa panang hawak-hawak na ngayon ni Dia.
"Ano iyan," tanong nito.
"Ito ang papatay sa halimaw na iyon," seryosong sagot nito.
Napakunot-noo naman si Dentrix.
"Paano ka makasisiguro?" ani ng binata.
Muling naalala ni Dia ang kanilang napag-usapan ni Kaps at ng mga duwende kanina.
"May posibilidad ba na ang isang engkanto ay magkatawang tao at manirahan sa labas ng kagubatan o kaharian niyo?" tanong niya sa mga nagpapahingang duwende. Habang si Kaps ay napababa sa puno.
"Hmmmm... pwedeng oo at pwede ring hindi," magulong sagot nito kaya napataas ng kilay si Dia.
"Kung isang maharlika ang engkantong iyon, may posibilidad na makapag-anyong tao siya pero hindi nito kayang manirahan nang matagal sa labas ng kagubatan sapagkat kaming mga engkanto, hindi namin kaya ang polusyon sa labas. Kaya hangga't maaari, babalik at babalik pa rin kami sa kagubatan o sa kahit na anong napapaligiran ng mga halaman at puno dahil iyon ang nagbibigay buhay sa amin," dugtong ni Kaps.
"Kung gayon, ang halimaw na pagala-gala ngayon sa aming baryo ay maaaring isang maharlika," ani Dia.
"Halimaw? Sinong halimaw?" sabay-sabay na tanong ng duwende.
"Hindi niyo ba nabalitaan ang sunod-sunod na nakikitang bangkay malapit sa atin na wakwak ang tiyan at mga wala nang dugo? Higit sa lahat, ang malalakas na pagaspas gabi-gabi, hindi niyo ba nararamdaman iyon?" ani Dia.
Nanatili namang tahimik ang mga ito. Alam ni Dia na alam ng mga ito ang sinasabi niya ngunit hindi ito pinapaalam sa kanya upang hindi na mag-alala.
"Sigurado ako, isang ekek ang halimaw na 'yon. Ngunit ang ipinagtataka ko, paanong nakalabas ito ng kagubatan? Hindi ba't matagal nang kinulong ang mga gaya niya sa gubat ngunit bakit ngayon ay tila labas-pasok siya at nambibiktima ng mga tao?" sambit ni Dia.
Hindi naman siya nakakuha ng sagot.
"Paano kung isang araw, sumugod ang ekek na iyon sa akin. Paano kung pasukin niya ang aking tirahan? Paano ko siya lalabanan?" aniya.
Tumingin si Dia sa tatlong duwende ngunit hindi siya nakakuha ng sagot. Parehas na hindi alam kung anong solusyon kaya nalipat ang tingin niya kay Kaps.
"Isang pana... isang pana na yari sa kahoy na binabad sa asin, suka at pinulbusan ng pininong puting bato ni Ceres ang makakapatay sa nilalang na iyon," sagot nito.
"Kung gayon, igawa mo ako nito," ani Dia at tumango naman ang kapre.
Nalaglag ang mga dahon at kasabay no'n ang paglakas ng pagaspas. Pumorma si Dia at nilibot ang kanyang paningin upang hanapin ang halimaw. Humakbang siya upang mas makita ang ekek dahil sigurado siyang malapit lang ito sa kanila sapagkat rinig na rinig niya ang malakas na pagaspas ng pakpak nito. Muli siyang humakbang at nang makalayo na siya sa puno ng narra, nakarinig siya ng malakas na paglapag sa lupa. Napalingon siya roon at kitang-kita ang ekek na ngayon ay nakatitig sa kanya. Napataas ang kilay niya dahil doon.
"Ikaw pala ang halimaw na nanggugulo sa aming baryo," nakangising wika ni Dia.
Napaatras ang tatlong duwende at maging kaps habang si Dentrix ay nanatili sa kinatatayuan dahil sa takot sapagkat nasa harapan lang naman niya ang likod ng halimaw.
"Matapang ka, binibini. Mukhang masarap ang dugo mo," anito.
"Sino ka at paano ka nakalabas ng kagubatan?" matapang na tanong ni Dia.
Napahalakhak naman ang halimaw.
"Sino ka ba para sagutin ko? Isang hamak na mortal lamang. Ang dapat sa iyo ay higupin ang dugo mo at kainin ang lahat ng iyong laman," sagot nito.
Agad na tinaas ni Dia ang pana at tinapat sa ekek. Muli, napahalakhak ito.
"At ikaw, isang hamak na engkantong duwag," ani Dia na ikinainit ng ulo nito.
"Matagal na kitang minamatyagan dito sa iyong tahanan dahil sa napakabango mong dugo, matagal akong nagtitimping huwag kang kainin sapagkat sa tingin ko'y isa kang espesyal na nilalang dahilan upang manirahan ka sa bungad ng kagubatan ngunit ngayon, hindi na ako makapipigil pa, nararapat lang na mawalan ka ng dugo!" galit na wika ng ekek at lumipad patungo kay Dia ngunit mabilis na tumakbo si Dentrix at niyakap ang halimaw upang mapigilan ito.
"Dentrix!" sigaw ni Dia nang biglang ilipad ng ekek ang binata. Nakakapit ngayon ito sa baywang ng halimaw.
"Nagbago na ang isip ko, binibini. Mukhang mas mabango ang dugo ng iyong kasama," ani ng ekek saka humalakhak. Pormang aalis na ngunit mabilis itong pinaulanan ng pana ni Dia. Agad na umiwas ang halimaw.
"Kumapit ka lang, Dentrix!" sigaw ni Dia.
Nakapikit naman ang binata habang kapit na kapit sa baywang ng halimaw.
"Oo, kumapit ka lang, binata dahil mas masarap kung kakainin kitang buhay kaysa patay kapag nalaglag ka," dagdag ng halimaw.
"Demonyo ka!" sigaw ni Dia.
Paalis na sanang muli ang ekek at tila tinataasan na ang lipad nito nang asintahin itong muli ni Dia. Huminga nang malalim si Dia at pilit na tinatapat ang pana sa halimaw at tahimik na nagdasal na sana ay matamaan na niya ito. Nang bitawan niya ang goma ng pana, napapikit siya, umaasang mailigtas niya si Dentrix. Nang marinig niya ang ungol ng halimaw, napadilat siya at nakitang natamaan ito sa tiyan. Nabuhayan siya ng loob dahil doon saka sinigawan si Kaps.
"Saluhin mo siya, Kaps!"
Bumagal ang pagpagaspas ng pakpak ng ekek at kasunod no'n ay ang pagbagsak nito sa lupa ngunit bago iyon ay mabilis nang nasalo ni Kaps si Dentrix. Lumapit si Dia sa katawan ng ekek at kitang-kita niya ang pag-agos ng kulay berdeng dugo nito.
"G-gagantihan kita," nahihirapang wika ng halimaw.
Napangisi naman si Dia.
"'Yun ay kung mabubuhay ka pa," may pang-uuyam sa boses na wika ng dalaga at pinagmasdan ang unti-unting pagkasunog nito dahil sa puting bato na nakahalo sa pana. Napangisi na lamang si Dia nang liparin na ng hangin ang abo nito.
Nilingon naman ni Dia si Dentrix at nang makitang ligtas ito ay napahinga na lang siya nang malalim.
"Nawalan siya ng malay," ani ng tatlong duwende.
"Marahil ay dahil sa matinding takot," ani Kaps.
Tumango silang lahat.
"Ipasok mo siya sa loob, Kaps," utos ni Dia.
MAHIMBING na mahimbing ang tulog ni Dentrix. Tila sarap na sarap siya sa kanyang hinihigaan na kama. Napakalambot nito kaya naman napakasarap sa katawan. Ngunit bigla siyang nagtaka nang mapagtantong hindi ganito kalambot ang kanyang kama kaya bigla siyang napabangon. Nilibot niya ang kanyang mga mata ang bumungad sa kanya ang isang silid na may kulay langit na pintura habang kulay puti ang kama. Nang maalala ang lahat ng nangyari kagabi, napatayo siya at mabilis na lumabas ng kwarto. Nadatnan niya si Dia na ngayon ay nakabihis na ng kanilang uniporme at naghahanda ng pagkain.
"Gising ka na pala, kumain ka na," ani ng dalaga.
Napakurap si Dentrix dahil doon.
"Umupo ka na," dagdag ni Dia.
Parang robot na sumunod si Dentrix dito. Pinagsilbihan siya ng dalaga na siyang ikinataka niya.
"Kumain ka na," anito.
Sinunod naman ito ni Dentrix.
"Ayos ka na ba?" tanong ni Dia nang matapos silang kumain.
Tumango naman si Dentrix kaya tumango na lang din si Dia. Tumayo naman si Dia at niligpit ang kanilang pinagkainan. Tumayo rin si Dentrix upang tumulong sana ngunit natanaw niya ang tatlong duwende sa labas na masayang naglalaro at kung hindi namamalikmata ang binata, tila may nakita rin itong mga parang insekto na parang nagliliwanag ngunit nang siya'y kumurap, nawala rin agad ang mga ito. Hindi siya makapaniwala sa nakikita. Akala niya panaginip lang ang lahat ngunit hindi, totoong may mga kasamang engkanto si Dia sa bahay nito at totoong nakalaban nila ang halimaw kagabi.
"Gusto kong kalimutan mo ang lahat ng iyong nasilayan kagabi, Dentrix," ani Dia habang nakatalikod at naghuhugas ng pinggan.
Napalingon si Dia sa kanya.
"Ilihim mo ang lahat ng natuklasan mo rito sa aming bahay," dugtong nito.
Hindi sumagot si Dentrix at hinintay lang ang dalaga na muling magsalita.
"Dahil kung hindi, may kalalagyan ka sa akin," pahabol nito.
Napalunok si Dentrix dahil doon. May tunog ito na tila nagbabanta. Hinarap siya ni Dia at seryoso siya nitong tinignan.
"Hindi mo pa alam ang lahat ng sikreto ko at mas lalong hindi mo pa alam ang lahat ng kaya kong gawin kaya mag-iingat ka. Ilihim mo ang lahat dahil ikapapahamak mo kung ikakanta mo ang lahat ng nalaman mo," seryosong sambit ng dalaga.
Napangisi naman si Dentrix na ikinataas ng kilay ni Dia.
"Huwag kang mag-alala, isa akong kaibigan," ani Dentrix at maaliwalas na ngumiti.
INIWAN na ni Dia si Dentrix sa kanilang bahay sapagkat pupunta pa siyang bakery bago magtungo sa kanilang eskwelahan habang ang binata ay abala sa pakikipag-usap sa mga duwende at kay Kaps. Sa maikling panahon lamang ay tila naging malapit na ang mga ito. Palibhasa, pare-parehong mga madadaldal. Kahit na nababahala pa rin si Dia na baka ipagsabi ni Dentrix ang tungkol sa mga engkantong nasa bahay niya ay nangingibabaw pa rin ang pagtitiwala niya sa binata dahil nangako itong mananahimik sapagkat nagpapasalamat na rin siya sa pagliligtas sa kanya ni Kaps nang siya ay mahulog.
Nang matapos tumulong ni Dia sa mga gawain sa bakery ay nag-umpisa na siyang ayusin ang kanyang mga gamit upang pumasok. Nagpaalam siya sa lahat ng nagtatrabaho roon at kay Aling Aura saka lumabas ng bakery ngunit tila natigilan siya sa kanyang nakita.
"Ma'am M-mayla," bulong niya.
Nilingon siya ng kaniyang guro at ngumiti ito nang malawak.
"H-hindi 'to maaari," sa isip-isip niya.
"Adrasteia!" masayang bati nito ngunit nanatiling nakatitig si Dia. Lumapit ito sa kanya at ngumiti nang wagas.
"M-ma'am," tila kinakabahang wika ni Dia.
"Naku, parang kinakabahan ka naman. Ano ka ba, Dia, kapag sa labas ng eskwelahan, magkaibigan na tayo kaya huwag kang kabahan sa akin dahil guro mo ako, okay?" anito.
"Sige, mauna na ako!" pagpapaalam nito.
Nanatiling nakatitig si Dia rito.
"Hindi... paanong buhay ka? Ibig sabihin, mali ako. Hindi ikaw ang halimaw na iyon," bulong ni Dia.
"Kaibigan? Kaibigan ka nga ba?" sa isip-isip niya habang pinagmamasdan ang papalayong guro.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top