Kabanata 13


Susubukan ko po talagang makapag-update na nang diretso. Pasensya na po sa mga umasa noong Christmas vacation. 'Di ko rin inaasahan na magiging super busy ko ngunit  ako po ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng nagbasa at patuloy na naghihintay ng update nito. Paalala ko lang din po, hindi ko po alam kung lalagyan ko ba ito ng romance kaya 50/50 ang mag nagsi-ship kay Dentrix at Dia. :)

-CG 

***

Kabanata 13

Ekek

***

Hindi na maipinta ang mukha ni Dia dahil sa pangungulit ni Dentrix. Abala na nga ang dalaga sa pag-aayos sa kanilang thesis at kinukulit pa rin siya nito.

"Kung gusto mong lutasin 'yon, ikaw na lang! Busy ako, nakikita mo ba?" inis niyang sambit.

"Hindi pwedeng ako lang dahil partners tayo at new mission natin 'to!" sagot naman ni Dentrix.

Sa sobrang inis ni Dia, ginulo na lang niya ang buhok niya at inis na inis na napaungol.

"Utang na loob, bumalik ka na nga sa upuan mo bago pa magdilim ang paningin ko!" sigaw niya.

Hindi naman tuminag si Dentrix at mukhang papalag pa nang biglang tawagin ni Dia si Liza.

"Liza, ilayo niyo sa akin 'tong bwisit na ito kung hindi, wala tayong mapapasang thesis ngayon!" bwisit na wika ni Dia.

Agad namang hinila ni Liza si Dentrix palayo kay Dia.

"Teka, teka!" ani Dentrix.

"Punyeta, Dent, baka mawalan tayo ng project!" ani Liza saka binatukan si Dentrix.

Nang matapos ang kanilang klase ay panay pa rin ang pangungulit ni Dentrix kay Dia kaya naman rinding-rindi na ang dalaga.

"Dentrix, kung gusto mo talagang magpakamatay, pwede bang ikaw na lang? Utang na loob, nananahimik ako," ani Dia.

"Ayaw mo bang tuldukan na 'tong gulo sa baryo natin?" ani Dentrix.

Hindi naman sumagot si Dia dahil ang totoo, gusto na rin niya sapagkat takot na takot na siya tuwing gabi tuwing nagigising siya dahil sa pagaspas ng pakpak ng halimaw na iyon.

"Oh, sige maiba na tayo. Pupunta ka mamaya sa celebration na sinasabi ni Liza?" tanong ng binata.

Magkakaroon ang grupo nila ng celebration sapagkat nakakuha sila ng mataas na grade sa kanilang thesis kaya labis ang saya nila. Bayad na bayad ang lahat ng hirap na kanilang dinanas kaya gusto nilang magpakasaya.

Napaisip naman si Dia sa tanong ni Dentrix. Ang totoo niyan, wala siyang balak na sumama ngunit panay ang pilit sa kanya ni Liza at Rhian. Magmula nang maging kagrupo niya ito, naging komportable na ang dalawa sa kanya maging si Jerald at tuwing magkakasalubong sila ay binabati siya ng mga ito ngunit ang isinasagot na lamang niya ay pagtango sapagkat hindi siya sanay ngumiti. Kung minsan naman ay sa bakery nila kumakain ang mga ito kaya hindi maiwasang makita niya ito nang madalas.

"Pumunta ka!" biglang sabi ni Dentrix sa kanya.

Huminto siya sa paglalakad at hinarap ito.

"So ikaw ang magdedesisyon sa kung anong gagawin ko sa buong buhay ko?" sarkastikong sambit ni Dia.

Napatahimik naman si Dentrix at saka nag-peace sign sa dalaga habang may alanganing ngiti. Inirapan naman ni Dia si Dentrix at saka nauna nang lumabas ng gate at pagkalabas niya, natanaw niya si Ms. Mayla at bigla na namang nagsitaasan ang kanyang mga balahibo. Ngunit nagulat siya nang makitang kasama nito ang pulis na nag-interview sa kanya noon. Naningkit ang kanyang mga mata. Base sa kung paano pakitunguhan ng guro at pulis ang isa't isa, malinaw na may relasyon ang dalawa. Naguluhan siya bigla.

"Huy, Dia. Saan ka na pupunta ngayon? Sa bakery?" biglang sambit ni Dentrix nang makalabas ito.

"Si Ma'am Mayla 'yun ah," dagdag ng binata nang makita ang guro.

"At 'yun 'yung bagong destino na pulis na sinasabi ni Tito Delfin ah," dugtong ni Dentrix.

Napalingon si Dia kay Dentrix na kanina pa daldal nang daldal.

"Mauuna na ako," aniya saka mabilis na naglakad.

"Huy, teka!"

Hinabol naman ni Dentrix si Dia at sinabayan maglakad.

"Si Ma'am Mayla siguro 'yung sinasabi ni Tito na ka-live in ni Kuya Noli," biglang sabi ni Dentrix.

Kanina pa daldal nang daldal ang binata habang naglalakad sila ni Dia ngunit ang dalaga ay hindi man lang pinapansin ito pero nang marinig nito ang tinuran ni Dentrix, napahinto siya.

"Kuya Noli?" tanong niya.

"Si Kuya Noli 'yung pulis na bagong destino sa baryo natin," sagot ni Dentrix.

"Kung gayon, may relasyon nga ang dalawa?" kuryosong tanong ni Dia habang nakakunot ang noo.

Nakataas ang kanang kilay na tumango si Dentrix at kasunod no'n ay ang pagsingkit ng kanyang mga mata dahil do'n, si Dia naman ang nagtaas ng kanang kilay.

"May gusto ka kay Kuya Noli 'no?" seryosong sambit ni Dentrix habang naniningkit pa rin ang mga mata.

Nangasim naman ang mukha ni Dia dahil do'n. Gusto na niyang murahin ang binata dahil sa mga kahibangang pinagsasabi nito ngunit nagtimpi na lamang siya at saka umalis at iniwan si Dentrix.

***

Hindi mawala sa isip ni Dia ang kanyang nalaman kanina. Nagtataka siya dahil ang pulis na may hawak ng kaso tungkol sa misteryosong pagkamatay ng mga tao sa kanilang baryo sa t'wing kakagat ang dilim ay may koneksyon sa taong pinaghihinalaan niyang may kagagawan ng lahat ng ito.

Lumabas si Dia ng kanilang bahay upang makausap ang mga duwende at si Kaps.

"May posibilidad ba na ang isang engkanto ay magkatawang tao at manirahan sa labas ng kagubatan o kaharian niyo?" tanong niya sa mga nagpapahingang duwende. Habang si Kaps ay napababa sa puno.

Napanguso si Alden at nilingon ang dalawa pang duwende ngunit sabay na nagkibit-balikat ang dalawa. Hindi naman maintindihan ni Dia ang sagot ng tatlo kaya bumaling na siya sa kabababa lamang na si Kaps dahil sigurado siyang makakahanap siya ng sagot sa kapreng 'to lalo na't ito ang pinakamatandang engkanto rito.

"Hmmmm... pwedeng oo at pwede ring hindi," magulong sagot nito kaya napataas ng kilay si Dia.

"Kung isang maharlika ang engkantong iyon, may posibilidad na makapag-anyong tao siya pero hindi nito kayang manirahan nang matagal sa labas ng kagubatan sapagkat kaming mga engkanto, hindi namin kaya ang polusyon sa labas. Kaya hangga't maaari, babalik at babalik pa rin kami sa kagubatan o sa kahit na anong napapaligiran ng mga halaman at puno dahil iyon ang nagbibigay buhay sa amin," dugtong ni Kaps.

Napatango si Dia dahil sa sagot na nakuha niya mula sa kapre.

***

Hindi magawang magsaya ni Dia habang pinapanood ang kaklase niyang sina Liza at Rhian na ngayon ay nagwawala na sa kakanta dahil sa lalim ng kanyang iniisip at saka hindi naman niya kasi hilig ito. Narito sila ngayon sa bahay nina Rhian upang ipagdiwang ang nakuha nilang mataas na grado sa kanilang thesis. Dumating si Jerald at Dentrix dala-dala ang mga inumin at pagkain na kanilang binili. Agad na tumigil si Liza at Rhian sa pagkanta dahil dito.

"Ayan na 'yung puds!" masayang sambit ni Rhian.

"Oh, ba't ang dami niyo yatang nabili?" tanong ni Liza.

Nakangisi namang tumingin si Jerald kay Dia.

"Binigyan kasi tayo ng libreng ensaymada ni Aling Aura!" masayang sambit nito.

Nanlaki naman ang mata ng dalawang dalaga. Napailing na lang si Dia. Kilala kasi ang bakery nila sa masarap nitong pandesal at ensaymada.

"Buti at meron pa e, anong oras na. Ang bilis pa naman maubos no'n," ani Liza.

"Pinagtabi raw talaga tayo ni Aling Aura nang mabalitaan niyang kasama natin si Dia," sagot naman ni Dentrix.

Agad na nagtungo ang dalawang dalaga kay Dia at nagpasalamat habang niyuyugyog ito. Matagal na raw kasi nilang gustong makakain ng ensaymada ng bakery nila Dia ngunit lagi silang nauubusan.

Wala sawa lamang na kumanta nang kumanta ang lahat ng kasama ni Dia habang siya ay naroon lamang sa isang tabi, nakaupo at nanonood habang nakakunot ang noo.

"May resting bitch face ka talaga, Dia. Subukan mo namang ngumiti," ani Rhian nang matapos niyang kumanta at mapabaling siya sa tahimik na si Dia.

"Magugunaw muna ang mundo bago mo mapangiti si Dia," sagot naman ni Liza.

Napataas naman ang kanang kilay ni Dia dahil doon habang pinipirmi ang labi, pinipigilang ngumiti sapagkat kapag nahuli siya ng mga ito tiyak na aasarin siya at kapag nangyari 'yon, lalo siyang ngingiti. Ang totoo kasi niyan, napapalapit na rin talaga siya sa mga ito. Sila lang kasi ang mga taong nakatagal kahit na tinatarayan niya ang mga ito. Laking pasalamat na nga lang niya na bago siya magtapos sa sekondarya ay naranasan niya ito sapagkat matagal na panahon niyang itinago ang kanyang sarili sa lahat ng tao dahil sa sumpang taglay niya.

Natapos ang kanilang pagsasaya bandang alas otso ng gabi. Kung hindi pa ipapaalala ng ama ni Rhian na may pasok sila bukas, baka hanggang alas dose, nagkakantahan pa rin ang mga ito. Sa ayaw at sa gusto nila maliban kay Dia, nagligpit na sila upang makauwi. Sabay-sabay na umuwi sina Jerald, Liza, Dentrix at Dia sapagkat magkakaparehas naman sila ng daan pauwi at maghihiwa-hiwalay lang sa pagdating sa plaza. Unang humiwalay si Liza nang marating nila ang plaza ngunit sinamahan na siya ni Jerald sapagkat madilim na ang daan patungo sa kanila kaya ang naiwan na lamang ay sina Dentrix at Dia.

Dumaan si Dia sa kanilang bakery, umaasang naroon pa si Aling Aura upang sana'y sumama na lang sa ginang sapagkat hindi niya na kaya pang makisama kay Dentrix dahil paniguradong sasakit na naman ang ulo niya sa kadaldalan nito ngunit bigo siya sapagkat wala nang tao roon.

"Hatid na lang kita sa inyo, Dia," alok ni Dentrix.

Umiling naman si Dia at nilingon ang binata.

"Gusto mo na bang mamatay?"

Napaatras si Dentrix dahil doon at saka napanguso.

"Alam mo bang sa lugar namin kadalasang natatagpuan ang mga nabibiktima ng kung sinumang halimaw?" nanakot na wika ni Dia.

Napangisi naman si Dentrix.

"Kaya nga mas gusto ko e! Para ma-solve na natin ang problemang 'to kaya naman, tara na!" masayang wika ni Dentrix saka hinila si Dia ngayon ay pumipiglas na ngunit dahil sa lakas ng binata, wala na siyang nagawa pa at nakabusangot na lamang na nagpahila rito.

"Ay, nagpapabigat pa talaga siya oh. Pakibilisan naman," ani Dentrix.

Sinamaan naman niya ng tingin si Dentrix saka umirap at agad niya ring piniglas ang kanyang kaliwang braso na hawak-hawak ni Dia at naunang maglakad. Napangisi na lang si Dentrix.

"Bakit ba kasi nasa dulo ang bahay niyo? At partida, ang likod no'n e, kagubatan na. Kumabaga ang tirahan niyo na ang naghahati sa gubat at sa labas."

Hindi naman pinansin ni Dia si Dentrix dahil alam niyang tuloy-tuloy na ang pagdaldal nito. Ngunit natigilan siya nang makarinig ng pagaspas. Nilibot niya ang kanyang paningin upang hanapin ito. Nagtatakang tumabi si Dentrix sa kanya upang makita niya nang malapitan ang dalaga.

"Bakit?" tanong ng binata.

Tinaas ni Dia ang kanyang palad sa mukha ni Dentrix upang mapatahimik ito saka muling hinanap ang maingay na pagaspas.

"Hindi mo ba iyon naririnig," kinakabahang tanong ni Dia kay Dentrix.

Humakbang siya at muling hinanap ito.

"Dia..."

Hindi siya pinansin ng dalaga dahil abala ito.

"D-dia," pag-uulit ni Dentrix.

"Ano ba – " natigilan si Dia nang nilingon niya si Dentrix na nanginginig na sa takot. Tinuro ng binata ang dahilan ng pagkatakot niya at agad na nanlaki ang mata ni Dia.

Ang halimaw ay ngayo'y lumilipad sa kanilang itaas at naghahanap ng taong mabibiktima. Mabuti at hindi sila nakikita nito dahil sa malaking puno na nasa tabi nila. Agad na lumapit si Dia kay Dentrix at hinila ito upang magtago sa puno.

"M-manananggal – "

Tinakpan ni Dia ang bibig ni Dentrix upang mapatahimik ito.

"Hindi ito isang manananggal," sambit ni Dia at muling pinagmasdan ang halimaw na hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nakikita.

Itong nilalang na may katawang parang tao ngunit may malaking pakpak at mahabang tuka na gaya sa isang ibon at may mahahabang kuko.

"Isa itong Ekek. Kung ang manananggal ay nahahati ang katawan, pwes sila ay hindi," dugtong ni Dia.

(image source: http://warriorsofmyth.wikia.com/)


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top