Kabanata 1
Kabanata 1
Engkanto
***
"Dia, pa'no na 'yung project natin!"
Ito ang bumungad kay Dia pagkapasok niya pa lang sa kanilang silid.
Pinagmasdan naman niya ito na tila ba nagbibiro ito.
"Natin?" Hindi makapaniwalang tanong niya habang pinagmamasdan ang apat na babae sa kanyang harapan.
Napatingin naman ang apat na ito sa scrap book na hawak-hawak ni Dia.
"Natapos mo na pala 'yung project natin e! Akala ko pa naman hindi tayo makakapagpasa," preskong sabi ni Yana.
Bigla namang natawa si Dia.
"Wait lang. Project natin? Loko ba kayo? Project ko 'to," nakangising sagot naman ni Dia.
"What?" Sabay-sabay na tanong ng apat.
Tinaasan naman sila ng kilay ni Dia.
"Nagpaalam ako kay Ma'am na mag-i-individual na lang ako kasi 'yung mga kagrupo ko, walang kwenta. Inuna pa 'yung pagpa-party nila kaysa sa project."
"Nagbigay naman kami ng pera sa 'yo ah!"
Natawa naman si Dia dahil do'n.
"Oh, ito na pera niyo. Hindi ko ginastos 'yan. Hindi ko naman kasi kayo kailangan."
Matapos niyang sabihin iyon ay dumiretso na siya sa kanyang upuan ngunit nang may makita siyang babaeng nakaupo rito na naliligo sa dugo, sinenyasan niya itong umalis at agad naman itong naglaho.
Sa pag-upo niya ramdam niyang masama ang tingin ng grupo ni Yana sa kanya. Wala na siyang magagawa pa sapagkat hindi naman talaga nagparticipate ang mga ito kaya pasensyahan. Isa pa, mas nais niyang mag-isang gumawa kaya kahit na anong sama ng tingin ng mga ito sa kanya, wala siyang pakialam.
"Adrasteia Laxamana."
Napatayo si Dia nang tawagin siya ng kanyang guro. Nagtungo naman siya sa mesa nito upang kunin ang scrap book na kanyang ipinasa.
"Very good, Ms. Laxamana! Mas maganda pa 'yung iyo kaysa sa mga grupo-grupong gumawa."
Tipid naman niyang nginitian ito.
Pagharap niya upang bumalik sa kanyang upuan, masama pa rin ang tingin ng grupo ni Yana sa kanya. Tinaasan naman niya ito ng kilay at nginisian.
Kung tarayan lang naman pala e, 'wag niyo nang subukan ang isang Adrasteia Laxamana.
***
Nagtungo si Dia sa CR matapos ang kanilang klase bago umuwi.
Pilit niyang dinidiretso ang kanyang mukha upang hindi na niya mapansin ang mga kakaibang nilalang na nakikita niya.
May tumabi sa kanyang isang batang estudyante na tila ba basang sisiw. Sumabay ito sa kanyang paglalakad patungo sa CR.
Pagkapasok niya ng CR, agad na dumiretso ang bata sa drum na punung-puno ng tubig. Umakyat siya sa sink at pumasok sa loob ng drum.
Hindi na niya pinansin ito at humarap na lang sa salamin. Ngunit pagharap niya, imbis na ang sarili niya ang makita niya, isang white lady ang nakita niya na walang mukha.
Napasimangot siya dahil dito at pumasok na lang sa isang cubicle.
Hindi na niya pinansin pa ang babaeng nasa ulunan niya na nakabigti at nakatanaw sa kanya habang nakaupo sa inidoro.
Nang matapos siya, agad na siyang lumabas ng CR at sinarado ang pinto upang hindi na makalabas ang batang lalaki at gumala-gala upang manakot.
Kung nagtataka kayo kung bakit tila ba walang pakialam si Dia sa kanyang nakikita, ito ay dahil sanay na siya rito at itinatak na niya sa kanyang isip na huwag na lamang itong pansinin sapagkat hindi naman siya nito sasaktan. Takot lang ng mga ito sa kanya.
Uuwi na sana si Dia nang makarinig siya ng sunod-sunod na sigaw. Dahil sa kuryosidad, sinundan niya ang sigaw na ito at dinala siya nito sa library kung saan marami nang estudyanteng nakikiusi.
"Si Jana ba 'yung sinasapian?"
"Oo!"
"Nakakatakot naman!"
Ito ang mga narinig ni Dia pagkarating niya.
Rinig niya mula sa labas ng library ang sigaw ng isa niyang ka-eskwela na si Jana na tila ba sinasapian.
Sumilip si Dia at natanaw niyang tulong-tulong ang kanyang mga guro sa pagpapakalma at paghawak dito.
May dumating na pari at pumasok sa loob ng library. Ilang minuto lang ay tumahimik na bigla at ilang saglit lang ay nilabas na si Jana na ngayo'y wala nang malay.
Hindi naman maalis ni Dia ang kanyang tingin sa anino na nakasunod kay Jana habang buhat-buhat ito ng kanilang guro.
Dumaan ito sa kanyang harapan at sinundan niya ito ng tingin.
"Engkanto," bulong niya.
"Nakikita mo?"
Napamura naman sa gulat si Dia nang may magsalita sa kanyang tabi.
"Sino ka ba?" Inis niyang wika.
Ngumiti naman ang lalaki sa kanya.
"Magkaklase tayo tapos hindi mo ako kilala?"
"Pakialam ko sa inyo," aniya at tumalikod na upang umalis.
"Ako si Dentrix. Magka-row lang tayo. Siguro mga apat na upuan ang pagitan. Pero maiba tayo, gusto ko lang itanong, may nakikita ka?"
Napaharap naman siya sa lalaking ito at nakita niya ang batang katabi nito na kanina lang ay kasabay niyang pumunta ng CR.
"Paano nakalabas 'tong batang 'to?" Aniya sa kanyang isip.
Dahil sa pagtataka ni Dentrix, napalingon siya sa gilid niya kung saan nakatingin si Dia.
"May nakikita ka," anito na tila ba siguradong-sigurado.
Nalipat naman ang tingin niya kay Dentrix at tinaasan ito ng kilay.
"Ah, siguro kasi may mata ako? Malamang!" pabalang niyang sagot dahil sa iritasyon.
Natawa naman ng bahagya ang binata at napakamot sa kanyang ulo.
"Hindi! Ibig kong sabihin, may nakikita kang kakaiba na hindi nakikita ng iba."
Napataas naman ang kilay ni Dia dahil dito.
"Bakit, may nakikita ka ba?"
Ngumiti na naman ang binata.
"Wala. Hehe," anito.
Napairap naman si Dia.
"Pero nararamdaman ko sila. Gaya kanina, may naramdaman ako nung dumaan sa harapan natin si Jana tapos nakita kong titig ka na para bang may iba kang nakikita. May binulong ka pa nga kaso hindi ko narinig. Tapos kanina, titig na titig ka sa gilid ko e, may nararamdaman akong parang may katabi ako."
Hindi naman makapaniwala si Dia sa galing ng binatang mag-obserba pero kahit na gano'n, hindi siya aamin.
Umiling siya at tinitigan ang binata.
"Gutom lang 'yan," aniya at umalis na.
***
Paglabas ni Dia ng kanilang eskwelahan, natanaw niyang sinakay si Jana sa isang sasakyan at nakita niya ang anino na nasa labas nito at mukhang gustong pumasok.
"Walang hiyang engkanto. Iyan pa ang natipuhan hindi na lang siya sa kapwa niya engkanto. Tsk!"
Dumaan si Dia sa bakery na siyang tanging naiwan na lang ng yumao niyang mga magulang sa kanya at ang tanging bumubuhay sa kanya.
"Ma'am, tumawag po si Sir," ani ng isa niyang tindera ro'n na matagal nang nagsisilbi sa kanilang pamilya.
Tumango naman siya at nagtungo na sa loob kung saan ginagawa ang mga tinapay upang gumawa na. Araw-araw niya itong ginagawa kapag hindi siya abala sa eskwela. 'Yon kasi ang sabi ng kanyang lola noon upang maging bihasa siya sa paggawa ng tinapay.
Matapos niyang magtagal do'n ng ilang sandali, umuwi na rin siya. Hindi naman nalalayo ang kanilang bahay rito.
Habang naglalakad siya, paubos na nang paubos ang mga bahay ngunit hindi pa rin siya nakararating sa kanila. Nasa pinakadulo kasi ang bahay nila at tila ba tago at napapaligiran pa ng mga halaman sapagkat gubat na ang likod ng kanilang bahay at ito na talaga ang dulo.
Pagpasok niya pa lang sa kanilang gate, bumungad na sa kanya ang apat na iba't ibang nilalang na laging nagbabantay sa kanilang bahay.
Isang kapre at tatlong maliliit na nilalang na hanggang baywang niya lang ang laki ngunit mukhang matanda na. Ang tatlong ito ay isang malaking uri ng duwende.
Kinuha niya ang tinapay na galing sa kanilang bakery at binato ito sa mga ito. Agad naman nila itong sinalo.
"Wala ba akong sigarilyo," ani ng isang kapre sa kanya.
"Jusko! Huwag mong sirain ang kalikasan. Mag tinapay ka na lang. 'Yon na lang ang hithitin mo," sabi niya rito.
Natawa naman ang tatlong duwende habang paalis kaya naman natauhan ang kapre at hinabol ito.
"Hoy! Tinapay ko!"
Napailing na lang si Dia sa mga ito. Ngunit biglang sumagi sa kanyang isip ang engkantong nakasunod kay Jana kaya agad niyang tinawag ang apat.
"May nililigawan na naman si Negring at schoolmate ko pa. Aba, kapag 'yan naharap ko, humanda siya sa akin. Iba na lang ang tirahin niya!" inis niyang sambit.
"Palibhasa walang gustong pumatol sa kanya na mga engkanto. Hahaha!" ani ng isang duwende.
"Ayaw din naman sa kanya ng tao e. Hahaha," sagot naman ng kapre.
Nang makaalis ang apat, umupo muna sa upuan labas ng kanilang bahay si Dia at pinagmasdan ang buong paligid. May kung ano-anong lumilipad na kumikinang-kinang. Ito'y mga maliliit na diwata na nag-aalaga sa kalikasan.
Mas gusto niya pa rito sa kanilang tahanan kaysa sa kanilang eskwelahan dahil puro mga pangit at nakakatakot na multo ang nakikita niya roon hindi gaya rito, magagandang engkanto.
Napahawak naman si Dia kanyang pulso at pinagmasdan ang kanyang balat na tila mukhang mata. Itong balat na ito ang dahilan ng lahat. Kung wala ito, normal ang kanyang buhay ngunit hindi e, sapagkat hindi siya ordinaryong babae dahil sa mga nakikita niyang kakaiba.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top