Epilogo
Epilogo
"Salamat, Kuya Rome sa pagtulong sa akin na makapasok sa university ah," nakangiting sambit ni Dia sa kanyang pinsan.
Umiling naman ito at nginitian naman siya.
"Nako naman, Dia. Kahit hindi kita tulungan, makakapasok ka talaga! Na-perfect mo ba naman ang entrance exam e," pang-aasar nito kay Dia dahilan upang samaan siya nito ng tingin ngunit pabiro lamang.
"O siya, matulog ka na. First day mo na bukas," paalam nito sa kanya. Tumango si Dia at hinatid na palabas ng kanilang dormitoryo ang kanyang pinsan.
"Tita Cecille, ikaw na bahala rito sa pinsan ko ah. Thank you!" ani Rome sa ginang na siyang may-ari ng dormitoryo saka sumakay na sa sasakyan nito at umalis.
Nagtungo na sa loob ng kanyang kwarto si Dia at muling inayos ang iba pa niyang mga gamit. Halos dalawang buwan din siyang tumira sa bahay ng kanyang pinsan at nagagalak siyang tinanggap siya roon nang buong puso. Ito lamang ang unang beses na makasalamuha niya ang iba niyang kamag-anak bukod sa kanyang mga magulang at lola.
Nagpasya nang matulog si Dia upang mag-ipon ng lakas dahil bukas magsisimula na ang panibagong yugto ng kanyang buhay. Ngunit sa halip na matulog, inulan siya ng mga alaala mula sa Amissa, ang kanilang bayan. Maraming nangyari sa kanya roon na siyang hindi niya kailanman makakalimutan at kahit na may mga mapapait na alaala, sigurado siyang babalik na babalik pa rin siya roon kapag siya'y nagkaoras. Hanggang sa pumasok na rin sa kanyang isipan si Dentrix.
Matapos ang kanilang graduation, hindi na niya nilapitan pa ito at kinausap man lang upang makapagpaalam. Hindi siya galit dito, sadyang inis lang siya sa sarili niya. Nahihiya siya kay Dentrix dahilan kaya hindi niya ito maharap-harap. Hindi niya alam kung ano bang sasabihin niya rito at kung hihingi ba siya ng tawad. Bago ang ganitong pakiramdam kay Dia kaya hindi niya alam ang kanyang gagawin sapagkat ito lamang ang unang beses na siya'y mapalapit sa ibang tao bukod kina Aling Aura.
Sa gitna ng kanyang pag-iisip sa mga bagay-bagay, sa wakas ay dinalaw na rin siya ng antok at sa muling pagmulat ng kanyang mga mata, umaga na. Ito na ang umpisa ng panibagong yugto at sa loob ng labing pitong taon niyang pagkabuhay sa mundo, ngayon lamang siya nakaramdam ng kaba sapagkat ngayon na lamang siya ulit makasasalamuha ng ibang tao at kinakabahan siya sapagkat mukhang hindi lang mga tao ang kanyang makasasalamuha dahil do'n, napahawak tuloy siya sa kanyang pulso kung nasaan ang kanyang marka.
Malaki ang unibersidad na pinasukan ni Dia ngunit naging madali na lamang sa kanya na hanapin ang kanilang silid sapagkat naipasyal na siya rito ng kanyang pinsan. Halatang may edad na ang unibersidad base sa disenyo nito. Isinisigaw nito ang panahon ng Kastila dahil sa mga salitang nakaukit doon na nasa salitang Kastila at dahil na rin sa mga larawang nakapaskil na siyang mga sinaunang namahala sa unibersidad gaya ng mga madre at sundalo. Tila bahagi na ng kasaysayan ng Pilipinas ang unibersidad. Gawa sa ito sa bato at bakas na ang kalumaan sa mga ito ngunit kahit na gayon, napakaganda pa rin nitong tignan. Tila bumabalik ka sa nakaraan sa t'wing ito'y iyong pagmamasdan ngunit sa kabila no'n, may kilabot ka ring mararamdaman dahil sa kalumaan nito.
Walang pakialam si Dia sa mga tao sa kanyang paligid at gano'n din naman ang mga ito sa kanya. Tila ang lahat ay may kanya-kanyang mga mundo at magkakakilala na. Ang sapantaha niya'y baka nanggaling sa parehong paaralan ang mga ito o kaya naman ay dito na talaga nag-aral ang mga ito noon pa man. Alinman do'n ang tama, wala na siyang pakialam pa. Ang nasa isip niya lang ay magkaroon ng normal na buhay rito – iyon ay kung magkakaroon nga.
Nagtungo na agad si Dia sa kanyang klase. Marami nang mga estudyante roon na magkakakilala na agad kaya naman minabuti niyang maupo na lamang sa pinakagilid. Hangga't maaari, ayaw niyang makipag-usap sa kahit na sino. Narinig niya mula sa kanyang likuran na hindi darating ang kanilang propesor dahil unang araw ng klase kaya naman tumayo na ang iba at umalis habang si Dia ay kinuha na lamang ang kanyang libro at nagbasa, hindi na pinansin ang mga mag-aaral na unti-unting nauubos.
Makalipas ang ilang minuto, naramdaman niya ang pagpasok ng isang mag-aaral ngunit hindi niya ito tinignan. Nagtungo ito sa kanyang likuran at doon umupo. Nanatili naman nakatingin sa kanyang libro si Dia nang bigla siyang kalabitin ng nasa likod niya.
"Hi, miss. Nasaan na 'yung mga kaklase natin?" tanong nito sa kanya.
Napairap na lang si Dia.
"Walang prof, umalis na," simple niyang sagot nang hindi ito nililingon.
Akala niya tatantanan na siya nito ngunit kinalabit na naman siya nito ngunit hindi siya lumingon. Ngunit hindi ito sumuko at kinulit nang kinulit si Dia. Nagdilim na ang paningin ni Dia at handa nang paslangin ang nilalang na kanina pa kalabit nang kalabit sa kanya. Tumayo siya at hinarap ito.
"Ano ba – "
"Hi, miss. Ako nga pala si Dentrix. Pwede bang makipagkaibigan?" nakangising wika nito at tumayo na rin saka nilahad ang kamay nito kay Dia.
"Anong ginagawa mo rito, Dentrix?" nakakunot ang noong tanong niya rito.
"'Di ba obvious? Edi dito rin ako nag-aaral," sarkastikong sagot ng binata dahilan upang makatanggap siya ng sapok sa ulo.
"Aray naman!" sigaw nito. Inirapan lang siya ni Dia at inayos ang gamit nito, naghahanda para lisanin na ang lugar na 'yon. Kaya pala pakiramdam niya hindi siya mamumuhay ng tahimik at normal dito sapagkat nasundan siya ng isang nilalang na hindi patatahimikin ang buhay niya.
"Ito naman, napakasungit naman oh. Actually, nawawala talaga ako. Hindi ko mahanap ang room ko tapos nakita kita rito kaya pumasok ako. Hindi ko alam na dito ka rin nag-aaral 'no!" paliwanag ni Dentrix habang sinusundan si Dia na ngayo'y palabas na ng pintuan.
Naglalakad na ang dalawa sa pasilyo at daldal lamang nang daldal si Dentrix. Kinukwento nito ang mga pinagdaanan nito makapunta lang dito gaya ng kung ilang beses siyang naligaw habang si Dia ay wala namang pakialam ngunit nang marindi na ito, tumigil ito sa paglalakad at hinarap na ang binata.
"Ano bang kailangan mo sa akin?" seryoso niyang tanong dito.
Napatahimik si Dentrix dahil doon. Humalukipkip ito at napatingin lang sa dalaga.
"Nagkamali ako, Dentrix. Hindi ko kayo kayang harapin. Pinaratangan ko ang buong angkan mo at pinagsisisihan ko na 'yon. Humihingi na ako ng tawad kaya naman hayaan mo na sana akong mamuhay nang tahimik. Pero kung galit ka sa akin, ayos lang, tatanggapin ko," seryosong sambit ni Dia habang nakatingin sa mga mata ni Dentrix.
"Sorry sa lahat ng ginawa ko at sa mga sinabi ko sa lola mo," dagdag niya.
Nanatili lamang nakahalukipkip si Dentrix habang kagat-kagat ang labi, tila pinipigilang ngumiti pero nang hindi na niya kinaya pa, sumabog na siya at tumawa nang tumawa dahilan upang pagtinginan sila ng mga taong naroon. Napakunot ang noo ni Dia sa kanya. Hindi natigil sa katatawa ang binata kaya naman nasampal na siya ng dalaga.
"Aray naman. Nagso-sorry ka ba talaga?" ani Dentrix sabay hawak sa kanyang pisngi.
"Eh bakit ka ba kasi tumatawa. Wala namang nakakatawa!" naiiritang sagot nito.
Muli, natawa na naman ang binata.
"Nakakatawa ka kasi! Ano bang pinagsasabi mo? Nandito ako para mag-aral hindi gawing impyerno ang buhay mo. Grabe ka naman magsalita. Saka makikipagkaibigan lang ako dahil ikaw lang naman ang kilala ko rito. Kalimutan mo na ang nakaraan, p're," ani Dentrix sabay akbay kay Dia at nagsimula na silang maglakad. Naitulak naman ito ni Dia dahil doon.
"Ewan ko sa 'yo!" tanging nasambit ni Dia at naglakad na. Napailing at natawa na lang si Dentrix at sinabayan ito sa paglalakad.
"Grabe, hindi ko talaga akalaing dito ka rin mag-aaral. May connection siguro tayo 'no?"
Napalingon si Dia sa kanya na ngayo'y nakataas ang kanang kilay.
"Pinagsasabi mo?"
Nilingon naman siya ni Dentrix na may malapad na ngiti.
"Baka meant to be tayo," sagot nito sabay kindat.
Agad namang tinaas ni Dia ang kanyang kamao, konti na lang at tutuluyan na niya talaga ang binata. Ngunit pinigilan niya dahil nasa loob sila ng unibersidad. Sa isip-isip niya, mamaya na lang kapag nakalabas na sila. Unang araw ng klase, ayaw niyang ma-Office of Student Discipline.
Hinarang ni Dentrix ang kanyang palad bilang pananggala sa nasa ere nang kamao ni Dia. Nang hindi naramdaman ang pagtama nito sa kanya ay dahan-dahan niya itong hinawakan at binaba.
"Joke lang, ito naman!"
Inirapan siya ni Dia at marahas na tinanggal ang pagkakahawak sa kanya ng binata.
"Ibig ko lang sabihin, malay mo tayo pala ang magpapatuloy ng friendship ng ating lola," masayang sambit ni Dentrix.
Napailing na lang si Dia sa kanya. Hindi siya makapaniwala sa paraan nito ng pag-iisip at sa sigla nito. Tila hindi nauubusan ng enerhiya sa katawan si Dentrix. Dadaldal na sana ulit si Dentrix ngunit biglang nagtakbuhan ang mga estudyante palabas.
"Anong meron?" takang tanong ng binata.
Napahawak naman bigla si Dia sa kanyang pulso dahil sa biglang pagliwanag ng kanyang marka.
"Miss, anong meron? May sunog ba?" tanong ni Dentrix sa isang estudyante na papalabas din.
Umiling ito saka tinuro ang isang gusali.
"May estudyante raw na magpapakamatay sa High School building. Tatalon daw!" sagot ng babae.
Nagkatinginan sina Dentrix at Dia dahil doon at hindi nagugustuhan ng dalaga ang titig na ibinibigay sa kanya ng binata. Agad siyang hinawakan sa pulso ni Dentrix at hinila palabas ng Main building upang makiusosyo sa mga nasa labas ng High School building.
Sa malayo pa lang ay tanaw na tanaw na ng dalawa ang isang babaeng estudyante na nakauniporme ng pang-high school ang siyang nasa tuktok at dulo ngayon ng nasabing gusali habang may mga guro roon na tila kinukumbinsi ang dalaga na huwag nang ituloy ang binabalak nito.
Nagmistulang bingi ang dalaga. Tila wala siya sa kanyang sarili at hindi mo mababasa ang emosyon nito.
"Magpapakamatay ba talaga siya?" takang tanong ng mga tao roon.
"Siguro," sagot ng kung sinuman.
"Nang dahil sa lalaki, magpapakamatay siya?" mapanghusgang wika nito.
Napairap si Dia dahil doon at tumingala na lamang ngunit dadapo pa lang ang kanyang mga mata sa tuktok ng high school building, nakarinig na siya ng malakas na pagbagsak at kasunod no'n ay ang mga tilian. Napakurap siya dahil doon. Nagsilayuan ang lahat ng mga estudyante. May ilang mga nahimatay dahil hindi kinaya ang nasilayan lalo na ang mga natalsikan ng dugo.
"Shit! Alyssa!" sigaw ng isang lalaki nang makita ang pagbagsak ng estudyante.
"Tawagan niyo si Derrick, Kuya! Siya may kasalanan nito!" sigaw ng isang babae na siyang kaibigan siguro ng estudyanteng nagpakamatay. Umiiyak ito ngayon at nanginginig habang may tinatawagan sa cellphone nito.
Marami nang nagsisialisan, hindi kinaya ng kani-kanilang bituka ang karahasang naganap ngunit si Dia ay nanatiling nakatingin sa itaas kung saan nakatayo ang estudyante kanina na ngayo'y nasa lupa na at naliligo sa sarili nitong dugo.
"Dia," tawag ni Dentrix sa kanya. Hindi niya ito pinansin ang nanatiling nakatingala habang nanliliit ang mga mata.
"May nakikita ka," dagdag ni Dentrix.
Dahan-dahan siyang tumango bilang sagot.
"Hindi siya kusang tumalon," sambit ni Dia makalipas ang ilang segundo.
"Ano? Nadulas?" tanong ni Dentrix.
Napalo naman ni Dia ang ulo ni Dentrix nang hindi lumilingon sa binata. Napa-aray na lamang ang binata sa sakit at pagkabigla.
"Tinulak siya," tanging sambit ni Dia at hindi inalis ang titig sa tuktok ng gusali. Kitang-kita niya roon ang isang dalagang may maikling buhok at nakasuot ng itim na bistida. May mga dugo sa binti at kamay nito. Nakatanaw lamang ito sa bangkay ng estudyanteng babae na tinulak nito sa 'di malamang dahilan ni Dia. Sa kanyang palagay, malaki ang galit ng kaluluwang ito sa dalaga.
Napayukom ng kamao si Dia. Sa isip-isip niya, mukhang nakaguhit na sa kanyang palad na hinding-hindi niya mararanasan mamuhay nang normal at walang nakikitang kakaibang nilalang. Unti-unti niyang nilipat ang tingin sa ibang mga gusali at doon, kitang-kita niya ang iba't ibang kaluluwa na nasa loob ng bawat silid na siyang nakasilip sa bintana at nanlilisik ang mga mata sa kanya. May mga sundalo, madre, estudyante at mga nakapanlumang damit na mga kaluluwa ang kanyang nakikita ngayon. Tila alam ng mga ito na nakikita niya sila kaya naman napapikit na lang si Dia dahil sa inis. Napabuntong-hininga siya at hinilamos ang palad sa mukha.
"Badtrip naman oh. Kailan ko ba maiiwasan o matatakasan man lang ang mga 'to," ani Dia at muling iginala ang mga mata.
"Woah! Mukhang lapitin ka talaga ng kakaibang nilalang," pang-aasar ni Dentrix dahilan upang lingunin siya ni Dia.
"Bagong mission ba natin 'to?" dagdag ni Dentrix sabay taas-baba ng kilay. Pinanlisikan naman siya ng mata ni Dia. Itinaas naman ni Dentrix ang dalawa niyang palad bilang tanda ng pagsuko.
"Napalayo nga ako sa mga engkanto, napalapit naman ako sa sandamakmak na mga multo," ani Dia at tumalikod na upang magtungo sa Main Building at agad bumungad sa kanya ang mga multong mga naglalakad din na akala mo ay mga normal na tao. Napapikit na naman siya sa inis. Mukhang pugad pa yata ng mga 'di mapayapang kaluluwa ang kanilang unibersidad.
"Gano'n talaga! Baka nakakalimutan mo, ikaw si Adrasteia at ang ibig sabihin no'n ay inescapable," ani Dentrix at tumabi sa gilid ni Dia upang sabayan ito sa paglalakad pabalik sa kanilang building.
"Therefore, you're unable to be avoided!" dugtong ni Dentrix na may tonong pagmamalaki.
Napailing na lang si Dia at napamura sa kanyang isipan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top