Chapter 92: Catching Up

Hindi ko na alam kung anong relasyon ba meron sina Jaesie at Patrick. Hindi sila nag-break, pero ramdam na naming dumidistansya na si Jaesie sa kabarkada ko. Ang pinipilit ni Jaesie, nag-cheat siya. Na alam ko rin naman. Pero 'yon ang problema.

Walang nakitang lalaki kay Jaesie. Usual routine, papasok sa trabaho, uuwi. Kung hindi man, gumagala talaga, naghahanap ng lugar para pagtayuan ng business. Kung magpunta man sa bar, grupo. Laging may kasama. Umiinom, pero hindi umuuwing lasing. Uuwi, sobrang aga rin. Alas-diyes, umaalis na sila ng mga kasama niya. Tapos deretso na siya uwi.

Habang tumatagal, napapansin kong okay naman pala si Jaesie. Boring pero okay siya as a person. Friendly, pero hindi klase ng friendly na social butterfly. Awkward din siya. Noong unang meeting nga namin, awkward din kaming dalawa.

Kung may mapapansin man akong makalat sa kanilang dalawa ni Patrick, si Patrick na 'yon.

Nakakapag-dinner silang dalawa kasi pumapayag din naman si Jaesie. Nag-o-offer pa nga siya ng bayad para sa meal niya, si Patrick lang ang may ayaw. Kapag naihatid na siya, si Patrick naman ang dadayo ng bar at doon magwawalwal kasama ang kung sinong babae, kung hindi man si Melanie.

Basta ang alam ko lang sa kanilang dalawa, hopeless case na ang relasyon nila. Kung mag-stay pa sila sa ganoon, bahala na sila.

Ang problema ko naman ngayon, itong si Leo. Nagpapasama kasi, bibili nga raw ng singsing.

"Sigurado na ba 'to?" tanong ko agad. "Gago, may three years pa."

"Five years pa nga, e."

"'Ta mo 'yan."

Pumunta kami sa business center alas-nuwebe pa lang ng umaga. May bagong bukas kasing jewelry shop doon, balita ni Calvin noong nakaraang linggo. Kanila raw ang prangkisa, pero iba ang owner ng mismong shop, malamang.

"Kinakabahan ako, 'tol," sabi ni Leo habang nasa labas kami ng shop.

Nakatayo sa tapat ng entrance. Walang customer sa loob kahit na maraming pa-balloon at may pabulaklak pa sa labas dahil nga bagong bukas.

Nangangasul sa loob, pero yung asul na pa-dark na. Ang classy tingnan sa labas. Inutusan pa 'ko ng animal na 'to na mag-casual formal para hindi kami sitahin ng guard kapag pumunta kaming naka-T-shirt lang at tsinelas.

"Papasok, hindi?" tanong ko pa.

"Tara," pabuntong-hiningang sabi niya saka payukong naglakad papasok.

Bumibili ako ng alahas pero ako lang kasi mag-isa kadalasan. Bibilhan ko ng hikaw si Mami, bibilhan ko ng bracelet si Tita Tess, bibili ako ng sarili kong hikaw. Bihira akong magpasama.

Si Leo, bibili raw ng singsing kasi planong mag-propose kay Kyline. Pero hindi pa raw ngayon. Kapag eight na raw si Eugene, so ibig sabihin, next year pa.

Pero okay na rin 'yon kaysa bibili kung kailan kailangan.

"Ang hirap mamili, gago," bulong ni Leo sa 'kin, hawak-hawak ang maliit na papel na bilog-bilog pa niya kanina pa.

Ang daming magagandang design sa glass counters. Kahit din ako, nahihirapang tumingin ng maganda kasi lahat, okay.

"'Tol, meron silang promo na buy one ring, get one for free ngayong araw lang," bulong na naman niya paglipat ko sa kabila.

"Baka mahal kapag buy one, take one," sabi ko.

Lumapit ako sa babaeng attendant na nakaitim at navy blue na uniform.

"Miss, kung bibili ako ng isa lang, magkano ang price difference niya kapag bumili ako ng nasa sale?"

"Uhm, wala pong discounted price, sir. Makukuha po ang isang ring sa kaparehong price-"

Kinabig agad ni Leo ang balikat ko kahit hindi pa tapos magpaliwanag yung attendant.

"'Tol, bili tayo n'ong buy one, take one tapos hati tayo sa bayad."

"Bumili ka na lang ng isa. Sino namang pagbibigyan ko niyan?"

"Bigay mo kay Sab!"

"Ulul."

"Hahaha-" Nagtakip agad si Leo ng bibig habang nagpipigil ng tawa.

"Taena mo, Leopold, kung wala kang pambili ng singsing, magsabi ka habang maaga pa at nang makakubra na lang tayo kina Calvin ng alahas na tinda nila."

"Maghahati nga tayo. May singsing ako tapos may singsing ka."

"Gago. Maghahati tayo. Mababawasan ang pera mo, mababawasan din ang pera ko. Huwag mo 'kong binubudol diyan, Scott, propesyonal 'tong kausap mo."

"Hahahaha!" Pinagtitingnan na kami ng mga bantay sa jewelry shop katatawa nito ni Leo.

"Umamin ka na. May pera ka ba o wala?"

"Meron naman. Pero kasi-"

"Pero kasi, gusto mo, half price."

"Sayang kasi kung bibili ako ng isa tapos presyo rin ng dalawa."

"Kaya dinadamay mo 'ko. 'Tang inang 'to. Ako bibili ng singsing, ako magpapakasal kay Kyline."

"Gago." Siniko pa 'ko saka inginuso ang stall na may attendant. "Bibili ako ng dalawa, ikaw magbabayad ng isa, ha."

"Ang tigas talaga ng sikmura mo, boy. Iba ka!"

At hindi talaga nagbibiro si gago. Pumili ng dalawa.

"Ano sukat ng daliri ni Sab?" tanong agad niya.

"'Ina mo, inuna mo pa talaga yung hindi mo pakakasalan."

"Para nga ano . . ."

"Para nga hindi na ako makatanggi sa bayaran. Puta ka talaga, Leopold."

"Customized ang box nito, right?" tanong pa niya sa attendant.

"Yes, sir."

"Palagay rito, To Sabrina."

Nakaawang lang ang bibig ko kay Leo nang magpatiuna pa.

Sira-ulo 'to. Marunong pa 'to sa 'kin.

"Patingin nga niyan, miss!" sita ko at kunot-noong tiningnan ang design na basta na lang pinili ni Leo. "Sa susunod nga, si Patrick ang isama mo kung mamimili ka. Parang gago, e."

Lalo akong sumimangot nang makita kung gaano lang 'yon kasimple.

"Miss, papalit ako," sabi ko at naiiritang naghanap ng magandang singsing doon na talagang magugustuhan ni Sabrina. May nakita ako roon na diamond-studded. "Patingin nitong nasa third row."

"Okay, sir."

Si Leo naman, talagang binubusisi ang mga design ng para talaga kay Kyline. Tarantado 'to, tapos kung makabunot ng singsing para kay Sabrina basta-basta, parang siya magbabayad.

Ang sukat ng ring finger ni Sabrina, kapareho ng sukat ng daliri ko sa kalingkingan. 'Yon ang alam ko kasi nakikita kong sinusuotan niya minsan ng singsing niya si Tita Tess. E, alam ko ang sukat ni Tita mula kalingkingan hanggang hinlalaki.

Nakaupo na ako sa waiting area ng shop habang naghihintay pa rin kay Leo na matapos makapili. Nakailang hikab na nga ako at silip sa relo. Napakatagaaaal!

Tatlong oras kami sa shop, at akala ko, tapos na!

"'Tol," tawag niya. "Pahiram nga ng card."

"Anong pahiram?" tanong ko habang hawak ang wallet.

"Card mo muna."

"Wala ka ba talagang pera?" naiinis nang tanong ko na natatawa rin. "Ang poor kid mo talaga, puta ka."

Kahit siya, natatawa na rin habang inaagaw ang wallet ko.

"Ang kapal ng mukha mong mag-aya, Leopold!"

Nagtatawanan lang kaming dalawa habang inaagaw niya ang wallet ko.

"Akin na kasi," pigil ang tawang sabi niya.

"Magpapakasal ka, wala ka man lang pambiling singsing?"

"Hati nga tayo! Parang gago 'to."

"Ako pa parang gago? Gusto mo tadyak?"

"Card nga kasi!"

"'Tang ina mo, huwag ka nang magpakasal."

Naagaw na rin niya ang wallet ko at confident na confident pang iniabot sa kahera, akala mo kanya.

"O, ito na para sa baby babe mo," natatawa pa ring sabi niya, inaabot ang isang black paper bag sa 'kin.

"Alam mo, puta ka. Sa kasal mo talaga, sisigaw ako ng pagtutol. Taena mo, ha."

"Pirma ka, huy!" utos pa niya sa 'kin, inaabot ang digi pen na bigay ng kahera.

"Mapagsamantala ka talaga kahit kailan, Leopold. Hindi ka mabuting ehemplo kay Eugene." Kinuha ko ang pen at pumirma sa screen ng maliit na machine saka ibinalik 'yon sa cashier.

"Ibawas mo na lang sa cut ko sa lending, ha?" nakatawa pang paalala niya.

Hindi ako nagsalita, pero humihiyaw ang tingin ko kung gaano kakapal ang mukha niya.

Tuwang-tuwa si gago, walang ginastos, kalahati pa ang binayaran sa singsing niya.

Ang lakas pang mag-aya, wala palang pambili!

"Ang tagal pa ng birthday ni Sabrina, ano sasabihin ko rito?" reklamo ko habang ipinakikita ang paper bag na dala ko.

"Graduation na nila next month. I-gift mo na lang."

Napahinto ako sa paglakad at iniharang ang buong kanang braso ko para hindi siya makalampas.

"Graduation? Next month?" gulat na tanong ko.

"Oo. Hindi mo alam?"

Napatulala ako sa kung saan kasi . . . hindi ko talaga alam. Ga-graduate na pala si Sab?

Shet!

"Parang hindi ko naman ramdam na nag-aral pala siya."

"Gago, paano mo mararamdaman, kung saan-saan ka nagliliwaliw."

"Sure ba? Baka jino-joke time mo lang ako, ha."

"Prof ako sa school niya, di ba? Mukha ba 'kong joke?"

Shet!

Nagpaalam ako kay Leo na mauuna na. Bahala na raw ako kasi nakabili naman na siya ng singsing. Ang kapal talaga ng gagong 'to.

Nagmamadali akong pumunta sa mansiyon para kumpirmahing ga-graduate na nga ng college si Sabrina.

"Titaaaa!"

Nagmamadali akong pumunta sa garden at naabutan si Tita Tess na nagtsa-tsaa na naman sa favorite spot niya.

"Tita Tess!" Tumalon ako nang malaki at huminto roon sa gilid ng garden table.

Nakasimangot lang siya sa 'kin nang hagurin ako ng tingin mula paa hanggang ulo bago sinalubong ang tingin ko. "Ano na naman? Bakit sumisigaw ka na naman, tanghaling-tanghali?"

"Tita, ga-graduate na bunso mo?" usisa ko pag-upo.

"Hindi mo alam?" sarcastic niyang tanong.

"Paano ko malalaman, wala naman akong schedule ni Sab?"

Umikot agad ang mata ni Tita Tess sa 'kin. "Ano ba kasing ginagawa mo nitong mga nakaraang buwan, aber?"

"Tita, alam mo naman, ang mga negosyo ko, masyadong demanding sa oras."

"O, ngayon?"

"May gift pala ako kay Sab."

Pahigop pa lang siya ng tsaa nang matigilan. Inilapag ko agad ang paper bag na maliit sa harapan niya. Sinilip niya lang 'yon bago humigop ng tsaa.

"Tita, bigay mo naman kay Sab," nakangusong pakiusap ko.

"Bakit hindi ikaw ang magbigay?" tanong niya at inilapag na ang hawak niyang tsaa sa coaster.

"Baka kasi hindi tanggapin. Siyempre, kapag ikaw, tatanggapin talaga n'on."

Si Tita pa mismo ang kumuha ng itim na velvet-coated box sa loob na may gold-embossed logo ng jeweller sa ibabaw.

"Oh! Nice brand," papuri lang ni Tita saka binuksan ang kahon. Nandilat agad siya at inilipat sa akin ang tingin. "Really, Clark?"

"He-he." Napahimas agad ako ng batok. Paano ko ba sasabihing hindi naman planado yung singsing? "Ano kasi 'yan, Tita. Gift."

"Engagement ring? For Sabrina?" tanong pa ni Tita Tess, binabasa ang note na nasa box.

"Graduation gift!" depensa ko. "Tinulungan ko kasing bumili ng singsing si Leo, Tita."

"Clark, maaga pa para ibigay 'to kay Sabrina."

"'Bigay mo mamayang gabi, Tita."

Yung gulat ni Tita, napalitan ng inis. "Do I look like joking?"

"Bigay mo lang, Tita. Graduation gift nga, e."

Nakangiwi siya nang ibalik ang box sa loob ng paper bag.

"Ibibigay mo, Tita?"

"Yes."

Biglang lumapad ang ngiti ko. "Sama ako sa graduation ni Sab, Tita."

"Bahala ka."

"Galit ka, Tita?"

Imbes na sumagot, pinagtaasan lang niya ako ng kilay habang masama ang tingin.

"Sabi ko nga, Tita, hindi ka galit. Aalis na 'ko, Tita. Baka sabihin mo, bubudulin na naman kita kahit wala pa 'kong sinasabi."

Hindi ko alam na ga-graduate na pala si Sab. Malamang kasi pa-June na kaya ang alam ko, mag-aaral pa lang ulit siya. Nasanay kasi ako na ang graduate, March o April talaga, e.

Ramdam kong may sari-sarili na kaming mga buhay pero gusto sana naming maging okay ang plano ng wedding proposal ni Leo.

Ang balak namin ni Leo, gugulatin namin ang barkada sa plano niya na magpo-propose na nga formally kay Kyline.

Nagkita-kita kami sa Padi's para sana kaunting night out tapos saka magre-reveal. Kasi kung sa pormal na lugar kami magkikita-kita, makakaamoy agad sina Calvin na seryoso ang magiging usapan. Masisira ang trip namin ni Leo.

Ang usapan . . . kami ang manggugulat. Ang nangyari, kami ang nagulat.

"Pat, it's over now."

Para kaming natuod lahat nang ibagsak ni Jaesie ang engagement ring niya sa countertop ng bar.

Nakanganga lang kami kasi . . . gago, harap-harapan niyang nire-reject si Patrick sa aming lahat!

"Jae, I didn't meant to-"

"Patrick, we're done."

Tapos nagkagulo na. Gumatong si Rico, umawat sina Calvin. Nakanganga lang kami ni Leo sa sulok. Pinalabas kami ng bar kasi may eksena na.

"Tara na, tara na," mahigpit na utos ni Leo kina Will at Calvin kasi nakabantay na sa amin ang mga bouncer ng bar.

Nagulat talaga kami kasi ang plano, mag-uusap sa engagement ni Leo. Hindi sa failed engagement ni Patrick.

Doon tuloy kami napatambay sa lugar ni Calvin para mag-usap-usap.

"Naano yung utak ko," sabi ko na lang kasi, hindi ko na-grasp ang mga nangyari pagdating ni Jaesie.

Nasabi naman na noon ni Patrick na nakipag-break na noon si Jaesie sa kanya kasi nga, nag-cheat si Jae. Pero hindi tinanggap ni Pat. Ngayon, alam na naming lahat na wala na talaga.

Kahit si Patrick, lutang, e.

"Ayokong may kampihan," sabi lang ni Calvin at nagtaas ng kamay para ipakitang hands off siya sa issue.

Kakamot-kamot lang ng ulo niya si Patrick, parang naiwan yata ang utak sa kalsada.

"Sabi sa 'yo, Pat, sana pumayag ka na lang sa gusto ni Jae, e." Napapailing si Will kasi parang boto rin siya sa plano ni Jaesie na business, yung ilang beses ni-reject ni Patrick kahit nakaharap kami o ibang tao.

Yung sorpresa sana naming planning ng proposal ni Leo, hindi na nangyari. Naubos ang gabi namin na hinuhusgahan si Patrick at sa nangyari sa bar.

Matagal nang umamin si Jaesie na nag-cheat siya. Ang problema kasi talaga, walang nakitang lalaki. Kaya nga ang sinisisi nina Will, yung inuunang business plan ni Jaesie na ilang beses nagpabago-bago.

Pero baka nga matagal na silang tapos, ngayon lang naging official. Dadamayan ko sana si Patrick, ang kaso putang ina, wala pang 24 hours, ka-date na naman ni gago si Melanie.

Kaya nga sa loob ng utak ko, sinesermunan ko na si Patrick. Kung umpisa pa lang, si Melanie na ang pipiliin mo, sana hindi mo na kinuha si Jaesie. Kasi pinahirapan lang din niya si Jaesie imbes na tulungan niya.

Of all people, dapat nga, siya ang unang supportive kay Jae. Kasi pakakasalan niya 'yon. Ikakatwiran niya, nakakapagod mag-business. Mag-stay na lang sa bahay.

Si Kyline, may business din. Naka-stay lang din sa bahay. Kung hindi man, out of town. Pero sinuportahan 'yon ni Leo. Kahit masama ang loob ni Leo sa plano ni Ky, may support talaga. Ayaw niya sa gusto ni Kyline, pero mahal niya, e. Kaya tinulungan niya. Ngayon, okay na sina Leo at Kyline. Workable ang setup. May time pa rin sa isa't isa.

Ang sabihin ni Patrick, hindi lang talaga niya alam kung paano iha-handle si Jaesie. At higit sa lahat, imbes na i-handle si Jaesie, inuuna niya si Melanie kapag hindi sila okay.

Bakit naman si Leo, noong hindi sila okay ni Kyline, nandoon lang sa bahay, inayos ang business namin o kaya assignments niya sa school, kung hindi man ako bantay ni Eugene?

Kayang i-workout. Hindi lang talaga niya sineryoso.

Deserve din nilang maghiwalay.

Kaysa mag-stick si Jaesie na kapag hindi sila okay ni Patrick, nandoon yung isa sa totoong mahal.

Kaysa mag-stick si Jaesie sa taong pinipigilan siya sa pangarap niya.

Mas mabuti nang mag-break na lang kaysa ikasal sila tapos hindi pala sila okay sa isa't isa.



♥♥♥



Graduation ni Sabrina nang um-attend kaming magbabarkada. Ang gaganda nilang lahat doon sa batch nila. Siguro kasi designing course.

Chill-chill lang si Rico pero pasilip-silip na kami ni Leo sa kamay ni Sabrina kung suot na ba yung singsing na bili ko sa kanya.

Pero natapos ang ceremony na wala talaga kaming napansing singsing na suot ni Sab.

"Ano 'to? Nang-aasar ba 'to?" naiinis na bulong ni Leo habang nakamasid kami kay Sabrina. "Alam ba niya kung magkano yung singsing? Six-digits din 'yon!"

"Hayaan mo na nga," awat ko. "Baka hindi lang bagay sa damit."

Hindi na nakapagpigil si Leo, nilapitan na niya si Sabrina.

"Sab."

Nagulat naman si Sabrina sabay tingala nang tindigan siya sa tabi ni Leo.

"Uhm, yeah?" napapaiwas na tanong ni Sab.

"May bago ka bang singsing? Yung bigay lang."

"Bagong singsing?"

"Oo."

"Yeah, why?"

"Ayaw mong suutin ngayon?"

"Ayoko ng designs ng rings na bigay sa 'kin. I throw them away. Why would I need to wear it? Why ba?"

Dismayadong lumingon si Leo sa direksiyon ko. "Wala," masungit niyang sagot saka lumapit ulit sa puwesto ko sa di-kalayuan.

Nakapikit siyang naghimas ng noo. "Ewan ko na, 'tol. Bahala ka na sa buhay mo, malaki ka na," sabi niya.

"Wala naman kasing nagsasabing tanungin mo. Ikaw rin may problema, e."

Pero sa totoo lang, dismayado rin ako, ayoko lang sabihin. Alam ko namang labas sa ilong ko ang pagbili n'on kasi si Leo lang naman ang may gusto ng singsing na 'yon. Pero . . . siyempre, pinili ko pa rin naman 'yon bilang regalo.

Ang saya-saya nilang nagse-celebrate pagbalik sa mansiyon. Ako, tumambay lang sa kuwarto ni Rico kasi paniguradong aasarin lang ako sa ibaba.

Hindi yata tinanggap ni Sabrina ang singsing na bigay ko. Masama ang loob ko, pero hindi ko naman kasi puwedeng ipilit kung ayaw niya.

Nasa swivel chair lang ako ng study table ni Rico, nakasuot ng bluetooth earphone at nagse-senti kasi ang ingay sa ibaba.

"I love to hold you close, tonight and always," mahinang pagkanta ko habang paikot-ikot, hinahagis sa ere ang flat pillow ng upuan. "I love to wake up next to you . . ."

Paghagis ko sa unan, bigla kong sinalo agad kahit nasa ere pa lang at hindi pa bumabagsak nang bumukas ang pinto.

Napatayo ako sa gulat kahit wala akong ginagawa. Akala ko si Yaya Beth, lalong nanlaki ang mga mata ko nang makitang si Sab pala 'yon.

Isasara na sana niya ang pinto para lumabas ulit pero pinigilan ko siya at isinara ulit 'yon bago pa siya makalabas.

"Sab."

Kunot ang noo niya nang abutin ang door knob, pero hindi natuloy kasi hawak ko.

"Open the door," utos niya.

"Sab, usap lang tayo saglit."

"Ano'ng pag-uusapan natin?" naiirita niyang tanong at tinapik na ang likod ng kamay ko para paalisin. "I wanna go out!"

"Sab, usap lang tayo saglit. Sige na, please?"

Naiinis ang tingin niya nang tingalain ako. Kagat na naman niya ang labi at ipinakikita talagang masama ang loob niya.

"I see no reason to talk to you, Clark."

"Galit ka ba sa 'kin?" tanong ko-na matagal ko nang gustong itanong, halos sampung taon na.

Matalim pa rin ang tingin niya, pero hindi ako sinagot.

"Kung galit ka sa 'kin kasi may ginawa akong mali, sabihin mo agad, para makakapag-sorry ako."

Biglang nangilid ang luha niya sa kabila ng talim ng tingin. Napakabilis n'on at parang matagal na 'yong nakaipon doon.

"Kung hindi mo na 'ko kuya, okay lang kung hindi na," pagsuko ko. "Kahit friends na lang sana, Sab, okay lang."

Lalo pang umapaw ang luha niya pero hindi pumapatak.

Napalunok ako at napaiwas ng tingin. Ayokong makitang umiiyak siya sa harapan ko tapos kasalanan ko na naman.

"Sorry kung wala ako no'ng kailangan mo 'ko. Kahit si Tita Tess, alam naman ang dahilan kung bakit. Sorry kung nasaktan kita noon. Hindi ko sinasadya, wala lang talaga akong choice."

Pag-angat ko ng tingin, umiiyak na talaga siya nang mahina kahit masama pa rin ang tingin sa 'kin.

"Alam mo namang love kita, Sab, di ba?" malungkot na tanong ko sa kanya. "Baby kita, e."

Humagulhol na siya saka nagtakip ng mukha gamit ang magkabilang palad. Binitiwan ko na ang door knob at niyakap siya.

Ramdam na ramdam ko ang bigat. Parang ang tagal nang naipon 'yon tapos umapaw na lang ngayon.

"Sorry, Sab . . ." Dinampian ko siya ng halik sa tuktok ng ulo saka hinagod ang buhok niya. "Promise, hindi na ulit ako aalis nang walang paalam."

♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top