Sa mga nagugulat sa nangyari kina Clark at Jaesie last update, at sa mga napapatanong kung bakit parang tumatandang paurong si Clark hahahaha prologue pa lang, guys, establish na 'yan. He was meant to be corrupted kaya nga symbolic ang Luke Anakin name for him. It will make sense, trust the process haha. Kailangan niyang maging kontrabida para mag-emerge ang Kiss of the Red Lotus.
♥♥♥
"Nakikipag-break si Jae."
Patira na sana ako nang mapahinto sa balita ni Patrick. Magbibilyar kasi kami ngayon sa bahay ko. Wala sina Rico at Leo kasi mas busy pa sa bubuyog yung dalawa at parehong nasa school. Kami tuloy apat ang naiwang libre.
Inatake agad ako ng kaba kasi kahapon lang 'yon nangyari.
Tumira na lang ako kahit walang pumasok na bola saka umurong paatras para si Calvin naman ang sumunod.
"Bakit?" nagtatakang tanong ni Calvin. "Ano'ng nangyari?"
"I don't know!" naiinis na sagot ni Patrick, inilapag ang messenger bag niya sa couch sa gym na karugtong nitong billiard area. "She said she cheated. She said she kissed a guy in a game, tapos break na daw dapat kami because she's being unfair."
Napatayo ako nang deretso kasi nakuha talagang aminin ni Jaesie kay Patrick 'yon kahit binalaan ko na siya.
Tiningnan ko sina Calvin at Will kung magagalit ba pero sapo-sapo lang nila ang noo habang natatawa nang mahina.
"She said she kissed a guy in a game . . ." natatawang sabi ni Calvin. "Sa bar ba 'to nangyari?"
"No!" Lumapit sa amin si Patrick at namaywang. "Galing kasi siya kahapon sa biyahe. Naghahanap siya ng space for rent. Nag-agree naman ako kasi pinilit niya. Then noong dumalaw ako sa kanila, bigla niya 'yang sinabing break na kami, to think na 5 p.m. ko naman siya sinundo, may araw pa!"
"Hahaha!" Ang lakas ng tawa ni Will sabay hampas sa gilid ng billiard ball. "Pusta, maganda yung space."
Kahit si Calvin, nag-agree kay Will.
Pero para sa akin, 'yon naman talaga ang nangyari.
"Dude, you know, hindi basta-basta magda-drop si Jaesie ng breakup out of the blue," sabi ni Calvin.
"Exactly!" sigaw ni Patrick. "Wala nga akong ginagawang kahit na ano, e!"
"Payagan mo na kasing magtayo ng business. Baka kaya ka hinihiwalayan kasi alam na niyang pipigilan mo na naman siya sa plano niya."
"Maganda yung space," seryosong sabi ni Will kay Calvin, sabay pa silang tumango sa isa't isa.
Ito sina Calvin at Will, paniwalang-paniwala talaga sila na space ang dahilan. Hindi ako makaamin. Malamang pag-aawayan namin ni Patrick 'to, e.
"Hindi ba kayo naniniwalang nag-cheat nga si Jaesie?" tanong ko pa.
"Clark, hindi nag-e-entertain ng guys si Jae during daytime," sagot ni Calvin. "Buwisit na buwisit nga siya sa mga humaharang sa kanyang lalaki kapag may lakad siya."
"Alam ba 'to ni Melanie?" tanong ni Will.
"Ako nga, hindi ko alam e," mabilis na sagot ni Calvin. "Alam mo naman 'yon si Melanie. Makarinig lang ng tsismis kay Jaesie, dapat alam ko rin."
"See?" sabi pa ni Will sa aming dalawa ni Patrick. "For sure, nagre-reason out na lang si Jaesie to have that space for lease para hindi siya pigilan ni Patrick. After biyahe, saka niya sinabing nag-cheat siya. Sinong makakalaro at willing makipaghalikan sa kanya during daytime? Sobrang—" Nagtaas ng magkabilang kamay si Will, hindi matapos ang sinasabi.
Problematic si Patrick ngayon. Ang stress niya, nakikipag-break si Jaesie pero ayaw niya.
Hindi ko kilala si Jaesie gaya ng kung paano siya nakilala nina Calvin. Pero base sa reaction nila, para bang hindi nila kayang paniwalaang makikipaghalikan nga si Jaesie sa ibang lalaki. At kung totoo man, hindi rin sila kumbinsido sa dahilan ng breakup.
Naihatid ko pa sa Laguna kahapon si Jaesie. Tahimik lang naman siya sa biyahe noong nag-sorry ako sa ginawa ko. Tapos natulog lang siya—yung klase ng tulog na wala siyang pakialam kahit nakanganga na siya at humihilik. Hindi naman nakaka-annoy ang hilik niya kasi nagigising rin siya n'on kapag lumalakas o bago ko pa siya gisingin.
Sa isip-isip ko nga kahapon, eto na yung fiancée ni Pat? Eto na 'yon?
Matapang ang tindig ni Jaesie. Natatarayan ako sa mukha niya. Siguro kasi madalas siyang seryoso, tapos kung ngingiti man, yung ngiting parang aabangan ka sa labas mamaya kaya humanda ka.
Aminado naman ako na kung sakaling hindi ko nakilala si Jaesie bilang gumagalaw na tao—puwedeng nakita ko lang sa billboard o magazine, ipa-fantasize ko talaga kasi maganda naman talaga siya. Yung ganda niya ang klase ng ganda na kung may isasama ako sa mga eleganteng party, ganitong babae ang tatangayin ko tapos pagtitinginan ako ng lahat ng lalaking um-attend habang nagtatanong kung sino ang kasama ko.
Kaso kung humalakhak 'tong babaeng 'to, parang nagpabagsak ng sampung bansa. Kung makatingin, parang kaaway ang tinitingnan at inaasar. Kung tumindig, parang si Rico, minamay-ari ang kalsada kahit hindi naman kanya.
Pero bilib ako sa tapang ni Jaesie. Naamin niya kay Pat 'yon kahit pa yung 5 p.m. niya e nasa SLEX pa lang ako n'on.
"What if ako yung guy na kasama ni Jaesie?" biglang singit ko sa topic.
Sabay-sabay pa silang tumingin sa 'kin, mga mukhang nandidiri sa inamin ko.
"Alam mo, dude, yung joke mo, panis," sabi ni Calvin.
"What if nga ako?" sabi ko sa seryosong tono.
"'Tol, pinagtatawanan ka nga kahapon ni Rico kasi naabutan mo nga si Archival sa mansiyon nila. Paanong ikaw?" gatong pa ni Will. "Ano 'yon? From Makati, na-magic ka sa kung nasaan si Jaesie? May number ka ba n'on?"
"Wala."
"'Kita mo 'yan."
Napakamot agad ako ng ulo. Ano ba naman 'tong mga 'to? Bakit ba ayaw maniwala ng mga 'to?
"What if hinalikan ko si Jaesie?" pag-amin ko sa kanila.
"Nasaan black eye mo?" sarcastic na tanong ni Calvin.
"Bakit kailangan ng black eye?!"
"Tumira ka na nga! Ilusyon mo, Clark," sermon na naman ni Calvin.
Bakit ba ayaw maniwala ng Calvin na 'to sa mga sinasabi ko? Ultimo si Mother Shin, ayaw paniwalaang hinalikan ako, parang gago.
"Pat, naniniwala ka naman sa 'kin, di ba?" pilit ko kay Patrick.
"Dude, pass muna 'ko sa joke. Wala ako sa mood."
Watdapak?
Wala akong personal number ni Jaesie. Ang alam ko lang, yung company number nila saka yung landline sa office nila.
Umamin naman na 'ko kasi umamin si Jaesie. Ang problema, itong mga gagong 'to, ultimo si Patrick, ayaw maniwala.
Ano'ng gagawin ko, e totoo naman ang sinasabi ko?
'Tang ina naman kasi. Kailan kaya lalabas yung video namin na 'yon?
Akala ko, mas matatahimik ako kasi umamin na 'ko sa ginawa ko. Wala rin pala.
Gusto ko rin sanang makausap si Jaesie, pero parang mali kasi.
Yung halik . . . hindi ko alam. Hindi ko inisip ang halik na 'yon na nakakasama ng loob o dapat kong ika-guilty. Hindi ko rin alam kung bakit.
Hindi ko rin naman inisip na masarap o dapat kong ma-experience ulit.
Para bang good lang 'yon na para lang sa specific na minutong 'yon o sandaling 'yon tapos wala na. Kompara sa halik ko kay Mother Shin na parang kahit one week ago na, iniisip ko pa rin.
Sabi ni Patrick, hahanapin daw niya yung lalaki ni Jaesie. Good luck kung lapitan ko pa yung babaeng 'yon.
♥♥♥
Binisita ko si Tita Tess sa mansiyon. Nakamasid agad ako kung nandoon ang ungas na manliligaw ni Sabrina.
"Ate Becca, yung magkapatid?" tanong ko. Sinabayan ko si Ate Becca na may dalang mga kutson na nasa hamper.
"Si Sir Ronie, nasa Batangas. Si Ma'am Sab, tulog pa."
"Ah . . . nasa Batangas pala," parinig ko na lang para kunwaring si Rico ang pakay ko. Pero sinilip ko ang relo at nakitang alas-nuwebe na. Tulog pa si Sab? "Si Tita Tess?"
"Si madame, nasa office, may lakad 'yon ngayon kasama si ser."
"Saan daw punta?"
"Binyag ng apo ni Mr. Domingo. Kasosyo yata nila."
"Sige, puntahan ko sa office."
Nagmamadali ang takbo ko papuntang office ni Tita Tess at nagpadulas pa ako sa hallway hanggang huminto sa tapat ng pinto.
"Tita kong maganda! Haw ar yu tudeeey?" Pagbukas ko ng pinto, napataas ang magkabila kong kilay nang makita si Tita sa usual bun ng buhok niya, yung pangmayamang pusod. Tapos backless pa. White pa rin naman ang damit, pero unang beses ko siyang makitang magsuot ng backless dress.
Napanganga ako nang makita—sa unang pagkakataon—ang tattoo niya roon sa likod. Nakalinya mula sa kaliwang balikat hanggang dulong kanan.
Yung font, parang vintage font. Ang nakasulat, "Jesus knew. But Judas ate too."
"May tattoo ka, Tita Tess?" bilib na bilib na tanong ko. Pinagtaasan lang niya ako ng kilay sabay dampot sa fur coat niyang nakatago pala roon sa swivel chair niya.
"Ang aga mo."
"Angaaaas." Napapanganga pa rin ako sa kanya. Ang simple na ulit ng itsura niya pagharap, mukha na ulit siyang anghel sa simpleng halter top. "Matagal na yung tattoo mo, Tita?"
"Yes. Ano pala'ng kailangan mo?" Isinuot na niya ang fur coat niya at naghatak ng drawer.
"Ano meaning n'on, Tita? Parang hindi ka naman yata maka-Diyos."
Pabagsak niyang inilapag ang eleganteng black box na malapad sa table niya saka ako tinaasan ng kilay.
"Sige na, Tita. First time ko lang makita, e."
Saglit siyang ngumiwi pero sumagot din naman.
"Judas was the son of destruction," seryosong paliwanag sa akin ni Tita Tess, kinuha niya ang pearl earrings sa box na kalalabas lang niya. "And Jesus knew that Judas will turn against him. He was fully aware na tatraydurin lang siya ni Hudas kalaunan at ibebenta sa ilang pirasong pilak."
Napapatitig ako kay Tita Tess. Umaangat na naman ang angel glow niya sa puti, tapos ang usapan namin, tungkol kay Hudas.
"Hindi lahat, kayang makasama sa iisang mesa ang taong alam nilang tatraydor sa kanila balang-araw, Clark." Proud na proud pang tumingin sa akin si Tita Tess matapos maisuot ang parehong hikaw niya. "But this . . ." Itinuro niya ang likod. ". . . is a reminder na kahit anong mali ang gawin at isipin ng ibang tao sa 'kin, gusto ko pa rin silang makitang nakakakain."
Isinara na ulit niya ang box na kinuha niya at ibinalik sa drawer. Umalis na siya sa oval table niya at balot na balot na ulit dahil sa fur coat.
"Lalabas na 'ko, ano pa'ng gagawin mo diyan?"
Saglit akong natulala sa sinabi niya at sumunod ako. Hindi ko alam pero parang naluluha ako sa paliwanag niya.
Bigla ko kasing naalala noong pinag-isipan ko siya nang masama dahil kay Cheska.
"Tita . . ."
"What?"
Sa kalagitnaan ng paglalakad namin, niyakap ko na lang siya mula sa likod.
"What?" tanong na naman niya at tinapik ang braso kong nakapalibot sa bandang balikat niya at ibabaw ng dibdib. "Ano 'yon?"
"Wala lang," nakanguso kong sagot. "Kasi akala ko, kontrabida ka ng buhay ko."
"Hahaha! What's new? 'Yan din ang sinasabi sa 'kin ng anak ko." Tinapik niya ulit ang braso ko para bitiwan na siya.
"Yung amoy mo, Tita, laging amoy nostalgia."
"Nostalgia?"
Dinig ko na naman ang lutong ng takong niya sa hallway. "Yung amoy mo no'ng bata pa 'ko ta's pinagagalitan mo 'ko."
Tinawanan niya 'ko ng nang mahina dahil doon.
"'Ganda mo ngayon, Tita."
"I should."
"Kaya mana sa 'yo anak mo, e." Napanguso na naman ako. "Puwede ko dalawin si Sab, Tita?"
"Why not?"
"Baka kasi pagalitan mo 'ko."
"Pinagagalitan ba kita?"
"Hindi pa. Pero baka nga lang, kaya nagpapaalam ako. Siyempre kasi, baka di ka payag."
"Tulog pa yata siya."
"Puwede ko puntahan sa kuwarto?"
Saglit siyang huminto saka ako tiningnan pailalim habang nakangiwi. "Mang-iistorbo ka?"
"Hindi naman, Tita. Dadalawin ko nga lang, di ba? Yung Archival nga na 'yon, payag ka, e."
Tinawanan agad ako nang mahina ni Tita Tess saka nagtuloy na naman sa paglakad. "Haay, Clark."
"Payag ka nga?" tanong ko ulit. "Sige na, Tita. Behave ako, Tita, pramis. Maghe-hello lang ako."
"Go on."
"Aaahhh!" Nagkunwari akong tumili nang malakas pero walang masyadong tunog saka niyakap nang mahigpit si Tita Tess mula sa likod. "I love you talaga, Tita! Puntahan ko lang siya, ha? Tengkyu, tengkyu, tengkyu!"
Pupunta ako kay Sab. Pupunta ako kay Sab. Pupunta ako kay Sab.
Nag-jogging ako papasok sa kuwarto niya. Hindi naka-lock. "Sab?" mahinang tawag ko, pero masyadong malinis ang kuwarto, patay rin ang AC. "Sab?"
Tiningnan ko ang buong paligid. Wala ba siya rito? Hindi kaya ginu-good time ako ni Tita Tess kaya siya pumayag?
Napadukot agad ako ng phone saka tinext si Rico.
: EARLY BIIIIIRD!!!!
: Really, Clark?
: Nasa bahay nyo ba si Sab?
: Probably.
: Walang laman talaga kwarto nya?
: Sa room ko sya naka-stay. Why?
Hindi ko na na-reply-an si Rico, tumakbo agad ako sa kuwarto niya na nasa kabilang ibayo pa ng second floor.
Mahina akong hiningal saka tiningnan kung naka-lock ang pinto.
Hindi! Aha!
Marahan kong binuksan ang pinto. "Sab?" Hindi pa nakakalayo ang mata ko, nakita ko agad siya sa kama, may yakap na malaking puppy plush.
Patay naman ang ilaw sa loob, pero tumatagos na sa light blue na kurtina ang kaunting sinag ng araw mula sa labas. Maingat kong isinara ang pinto at maingat na naglakad palapit sa kama. Balot na balot ang halos buong katawan niya ng kumot maliban sa balikat hanggang ulo.
"Sabby . . ."
Nag-alis ako ng slip-ons at sumampa nang marahan sa kama. Mahinang ungot lang ang narinig ko sa kanya saka lalo pang niyakap ang yakap niyang plush na sinlaki ng dalawang unan.
"Sab . . ."
Pagpuwesto ko sa likod niya, inalis ko ang ilang hibla ng buhok niya sa kanang pisngi saka siya hinalikan doon.
"Good morning, baby."
"Kuya . . ."
Binitiwan na agad niya ang plush na yakap niya saka pumaling sa 'kin. Ako na ang niyakap niya at sumandig sa balikat ko.
"Kuya, hug mo 'ko," ungot niya. Natawa tuloy ako nang mahina.
"Sige, hug ka na ni Kuya." Marahan ko siyang hinalikan sa noo at ipinalibot ang mga braso ko sa kanya. Marahan kong sinuklay-suklay ang buhok niya hanggang sa maramdaman kong lumuwag na ang paghinga niya at komportable nang sumandig sa akin.
Ang tagal ko ring hindi nagawa 'to, Sab. Miss na miss na talaga kita.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top