Chapter 80: Should Have

Ayan, sana mag-post ito kasi under maintenance pa rin si Wattpad. This chapter is dedicated to FateKashfiaAdiraDear na tambay sa comment section last chapter. Thank you po sa pag-iiwan ng comment, enjoy reading!


♥♥♥


Naka-unli mura mode na naman ako ngayon kasi putang ina talaga, bakit ba ako binigyan ng barkadang mga walang konsiderasyon?

Nakauwi na si Sab, pakingshet, at walang nagsabi sa 'kin! Malay ko bang makikita ko sa graduation ni Leo 'yon!

"Isn't she lovely? Isn't she wonderful? Isn't she precious?"

Binatukan ko agad si Leo na kanina pa pakanta-kanta sa tabi ko habang naglalakad papasok sa bahay nina Uncle Bobby.

"Inaano ka ba, ha?" sermon niya sa 'kin.

"Kanta pa, sige lang," babala ko agad sa kanya.

"Kinakantahan ko yung anak ko," sabi niya sabay tawa.

"Kailan pa naging she si Eugene?" Mabilis kong inagaw sa kanya ang anak niya at ako ang nagbitbit.

"Hoy, anak ko 'yan!" sigaw niya nang makalayo ako.

"Ako nagpalaki rito! Wala kang karapatan, sperm donor ka lang!"

Kina Uncle Bobby kami magse-celebrate. Nandoon din sina Rico kasi naroon ang pahanda para kay Leo.

Para lang hindi ako mapagtripan, ako na ang nagbuhat kay Eugene kasi hindi nila ako mamumura at matutulak kapag ako ang may karga.

Kanina pa akong hindi mapakali. Parang nagkapalit-palit na ng posisyon ang mga internal organ ko sa sobrang panic.

Wala nga kasing nagsabi na uuwi si Sab ngayon! Kung alam ko lang, e di sana nakapaghanda ako. Para kasing mga traydor, e. Para namang napakahirap magbalita na, "Uy, Clark, uuwi si Sab sa graduation ni Leo, umayos ka, ha."

Iwas na iwas ako kay Sab. Basta nagtatago ako sa kanya kasi hindi ako ready. Nananahimik kasi ako kaninang umaga, ni hindi man lang nagbigay ng hint 'tong kuya niyang isa ring taksil sa kapatiran.

"Ninong Kerk, gusto ko po cupcake."

"Sige, kukuha tayo ng cupcake." Karga-karga ko si Eugene papunta sa buffet table kasi nagtuturo na ng pagkain.

"Eugene, bibigyan kita cupcake, pero dapat tatawagin mo 'kong Daddy, ha?"

Tinitigan ako ni Eugene na nagtataka.

"Lalaro tayo ng bahay-bahayan. Ako muna daddy mo ngayon tapos kalaban natin si Dada Leo. Tapos pag-uwi bibilhan kita toys. Gusto mo 'yon?"

"Yes!" Masaya naman siyang tumango.

Dumampot agad ako ng cupcake sa stand saka ibinigay sa kanya.

"Ano'ng sasabihin ni Eugene?" pakantang tanong ko.

"Thank you, Daddy!"

"Ayan, very good ang baby ko."

Pagpaling ko sa kanang gilid, napahakbang ako paatras at para akong binira ng mabigat na bagay sa likod hanggang tumalsik ang puso ko palabas.

"Ang cute ng baby mo," sabi ni Sabrina at nag-thumbs up pa sa 'kin habang pilit ang ngiti. "Daddy. Nice." Dumampot din siya ng isang cupcake saka nagmamadaling umalis.

Mata ko lang ang gumalaw nang sundan siya ng tingin paalis.

Sheeeeeet!

Para akong namatayan nang lumapit kina Auntie Filly. "Eugene, dito ka muna kina Lola Mommy." Inilapag ko si Eugene sa table nina Auntie. "Doon po muna ako sa loob," paalam ko.

"Ayos ka lang ba, Clark?" tanong ni Auntie. "Namumutla ka."

"Ayos lang po ako. Sumama lang po nang kaunti ang pakiramdam ko."

"Sige, sige. Take a rest, ang putla mo na."

Tumango lang ako at nanlalatang naglakad papasok sa mansiyon nina Uncle Bobby.

'Tang ina talaga, mauubos yata ang araw ko ngayon kakamura sa lahat ng bagay.

Puwede bang mag-explain kay Sabrina pero hindi ko siya kakausapin?

May catering sa labas, pero pagdating ko sa receiving area, nandoon ang buong barkada. Kahit si Sab, nandoon din namamapak ng nakuha niyang cupcake.

Putang ina, sana bahay na lang 'to nina Rico para doon ako makakapagkulong sa kuwarto niya.

Naupo ako sa couch na ilang metro lang ang layo kay Sab. Mag-isa lang siya sa round table na may rattan chair.

Pasimple akong sumulyap sa kanya kung nakatingin ba sa puwesto ko para puwede kong lapitan randomly.

"Shet."

Nakatingin nga.

Napaiwas ako ng tingin saka kunwaring nagpagpag ng sandalan ng couch.

Ie-explain ko lang na naglalaro lang kami ni Eugene at hindi ko naman talaga anak 'yon biologically.

Nakarinig ako ng pag-urong ng upuan, automatic akong napalingon kay Sab.

"Shet."

Nakatingin pa rin sa 'kin habang kumakagat ng cupcake.

Napaiwas ulit ako ng tingin tapos kinuha yung throw pillow sa gilid ko at pinagpag 'yon sa kandungan ko.

Ano ba magandang sabihin?

Hi, Sab. Galit ka ba? Bakit Clark lang itinawag mo sa 'kin? Masama ba loob mo? May ginawa ba 'kong mali? Gusto mo, mag-sorry kahit hindi ko alam kung bakit?

'Tang ina naman kasi, bakit ba hindi ako sinabihan nina Tita Tess na uuwi na pala yung bunso nila. E di sana nakapag-prepare ang spiritual self ko sa pagbalik niya rito.

"Dude." Napataas ang tingin ko kay Leo na lumapit sa 'kin. "Sabi ni Mama, masama raw pakiramdam mo."

Hinatak ko agad ang itim niyang pantalon para palapitin sa 'kin. "Nakikita mo si Sab sa kabilang table?"

"Saan?"

Iginilid ko ang mata para ituro kung saan.

Lumingon naman siya roon.

"Gago, huwag ka pahalata!" mahinang singhal ko.

"Wala naman siya, e."

"Wala na?" Mabilis pa akong lumingon, at putang ina talagang Leo 'to, nandoon nakatingin sa amin si Sabrina na ngumunguya ng putang-inang cupcake. "Buwisit ka talaga, Leopold!"

"Hahaha!" Hinabol ko agad siya ng hampas at patakbo siyang lumapit kina Calvin na nagbibilyar sa dulo.

"Puta ka talaga, Leopold Scott!" mura ko sa kanya sa puwesto ko. "Pagdating talaga ni Kyline, humanda ka nang maging Mendoza 'yang mag-ina mo!"

Imbes na mapikon, bigla siyang tumingin kay Sabrina. Pagtingin ko kay Sab, napahinto siya sa pagnguya habang nakatitig sa 'kin.

"Hindi! Hindi 'yon totoo, Sab! Wala lang 'yon! Erase that!"

Biglang tumayo si Sab sa upuan niya saka umalis.

Aaarrgghhh!

"Hahahaha!"

Kagat-kagat ko ang labi nang duruin si Leo mula sa malayo. Subukan lang nitong lumapit sa 'kin, babalian ko talaga 'to ng tadyang.

Hindi ko na alam kung iiwasan ko ba si Sabrina o magpapaliwanag. Parang nauubos na lang ang buong araw ko sa pagnakaw ng tingin sa kanya sa malayo. Naaabutan ko rin kasi siyang nakatingin sa 'kin kaya ako ang nauunang mag-iwas ng tingin.

Malay ko ba kung masama pa rin ang loob niya?

Tinawag nga akong Clark! Noong huling kita namin, Kuya Clark pa tawag niya! Ngayon, Clark na lang!

Malay ko kung ano ang iniisip niya. Itong Leo na 'to, kung makapag-assume na masama loob sa 'kin ni Sabrina, baka gusto niyang siya ang samain sa 'kin.

Wala namang Kuya sa Amerika kaya baka sanay lang siya sa first-name basis.

"Kuya Ronie! Where's Kuya Mat? Is he around?"

Putang ina, galit nga.

Wala na 'kong pag-asa.

Hindi naman masakit. Hindi naman nakakadurog. Nakaka-powderize lang naman ng pagkatao.

Doon na lang ako tumambay sa may hagdan sa alleyway palabas ng garden tapos namapak akong mag-isa ng ubas.

Hindi naman kasi nila sinabing darating si Sab. Maano man lang balitaan ako kahit pa kaninang bago matapos ang graduation ni Leo. E di sana hindi ako nabibigla.

Kung hindi pa tutunog ang phone ko, hindi pa ako makakatanggap ng balita sa kanila sa labas.

#PogiOnlyClub

Erli Berd
Umuwi na ba si Clark?

Dada ni Yujin
HAHAHAHAHA

Yakuza Boss Bing (40k Balance, DOP: April 20)
Parang nasa gallery yata

Gatasang Bata
Here @ gallery. Wala sya here.

Erli Berd
Clark, we can see you reading this.
Where u at? @NinongEpal


Bahala kayo diyan.

Gabi na nang maisipan kong lumabas. Nagliligpit na nga sila ng ginamit sa catering. Wala na rin akong nakitang kabarkada ko roon. Buti na lang talaga, may sarili akong kotse pagpunta ko rito. Pagdating ko sa parking lot, wala na rin ang mga kotse nila kaya sigurado na akong hindi na talaga sila nag-abalang hintayin akong magpakita.

Nag-drive na lang ako pauwi sa bahay nina Mami para makalibre ako ng hapunan. Kung sa bahay kasi ako uuwi, magpapa-deliver na lang ako ng pagkain, ayokong mag-fast-food ngayon.

"Mami—" Pagbukas na pagbukas ko ng pinto sa sala, pinandilatan ko agad ang harapan kasi kompleto ang barkada ko roon.

"Sabi sa inyo, uuwi 'yan dito, e."

"Mga put—"


♥♥♥


Ang wiwirdo ng mga ngisi nila sa 'kin habang nakikisalo sila sa dinner namin ni Mami.

"Kain pa kayo, mga anak," sabi ni Mami at itinuro ang mga handa niya. "Leopold, kumain ka nang marami. Ikaw ang graduate ngayon."

"Thank you po, Tita."

"Clark, anak, bakit hindi ka raw nagpakita kanina sa gathering," sabi ni Mami na nakapagpabagal ng nguya ko.

Ang talim agad ang tingin ko kay Leopold na nakangisi sa 'kin.

"Kasi po, Tita—"

"Mami, hindi ko na po kaibigan 'yan si Leopold. Traydor 'yan, e."

"Hahahaha!"

"Iningat-ingatan ko pa reputasyon mo, tigas ng sikmura, boy!"

Tawa lang nang tawa si Leopold, pero mukhang siya lang ang nakaka-gets ng pinagtatawanan niya.

"But, really, dude, what happened?" nagtatakang tanong ni Rico. "Sabi ni Auntie Filly, masama raw pakiramdam mo."

"May sakit ka, anak?" nag-aalalang tanong ni Mami.

Tiningnan ko ulit nang masama si Leopold na hindi makakain nang maayos kasi tawa nang tawa.

"Wala po, Mami. Sumama lang tiyan ko kanina."

Mga gagong 'to. At talagang dinayo pa 'ko rito kina Mami.

Hindi naman sa masama ang loob ko. Pakiramdam ko lang kasi talaga, napagtutulungan ako ngayon—kahit pa si Leo lang ang tawa nang tawa sa kanila.

Si Rico kasi, wala ring sinabi kaya malay ko ba?

Sinabihan ko si Mami na gusto ko munang mapag-isa kaya palayasin na niya ang mga gunggong na nasa sala namin.

Paghiga ko sa kama, ang nostalgic ng amoy ng fabric conditioner. Iba kasi ang aroma ng bahay ko sa West.

Nakatitig lang ako sa kisame habang inaalala ang mukha ni Sabrina.

Kamukhang-kamukha ni Tita Tess, hindi ko alam kung mauumay ba ako o ano. Pero mas baby face na mukha ni Tita ang kanya. Mukhang anghel pa naman si Tita Tess. 'Yon lang, malusog. May korte naman ang katawan, marami lang curves. Pero mas okay na 'yon kaysa mangayayat siya.

Hindi ko talaga alam kung anong sasabihin ko sa kanya. Kinabukasan, pinatawag ako sa mansiyon ng mga Dardenne, pero si Leopold ang pinakausap ko kasi pinapupunta ako, ang kaso, hindi ako available.

Ang akala ni Tita Tess, nagdadahilan na naman ako, pero hindi kasi talaga ako available.

May pini-pitch kasi kaming investor ni Leo para sa plano nilang logistics company ni Kyline. Last year pa naming nilalakad 'to, at hindi kami puwedeng mag-cancel ng appointment.

Hindi naman sila malaking company, pero gusto kong i-pitch ito para kina Leo kasi malapit itong business sa Red Lotus. Kumbaga, madaling maghatak ng koneksyon.

"Bago lang kayo, ano?" tanong ng lalaking ka-meeting namin.

Siya si Mr. Tek Angco, meron siyang printing business and general merchandise sa Hidalgo, sa Maynila. Nagpi-print sila ng mga receipt, ledgers, logbooks, may binding services, wala lang silang makontratang logistics na mura ang shipments kasi around the area lang kadalasan ang mga suki nila. At dahil nga, kabubukas lang ng online option nila, wala pa silang partner sa delivery para sa long-distance shipments outside Manila. 'Yon ang gusto naming kunin kasi kailangan din namin ng mag-iimprenta ng mga resibo namin.

Meron siyang lumang elf truck. Iyon ang gamit niya nang puntahan namin ang store nila sa Hidalgo. Pag-park namin sa gilid ng kalye, alam na agad namin ni Leo na nakatayo na 'to bago pa kami ipanganak.

Si Mr. Tek, parang mga nasa 70 years old na siya. Kita naman sa wrinkles at freckles sa mukha niya. Lamang na lamang ang pagiging Chinese. Ang shop nila, sinlaki lang ng sala ko. May mga lalaking walang pantaas doon at sampay ang T-shirt sa balikat. Sila ang mga nagka-cut ng malalaking bungkos ng papel gamit ang automatic trimming machine at kahit yung heavy-duty manual cutter.

Makalat kung makalat. Ultimo sa cashier area, ang daming papel na punit-punit.

"May nagde-deliver dito dati, kaso lumipat na sila sa Pangasinan," paliwanag ni Mr. Tek sa amin. "Binabagsak naman dito ang mga papel kapag na-order kami sa supplier. Kapag wala, kami na na-pickup doon sa Reina."

Hindi malaki ang shop, ramdam din ang kalumaan. Klase ng shop na maganda nang setting sa mga horror movie kasi parang binahayan na ng multo kahit may mga tao naman.

May partikular talagang mood kahit saan sa China Town na parang malungkot na luma na napaglipasan ng panahon, pero mas tiwala ka sa mga binebenta roon kaysa sa ibang lugar. Kasi alam mong panahon na ang nagbibigay ng authenticity sa kanila. Hindi rin naman kasi magtatagal ang ganitong business kung hindi maganda ang pamamalakad.

"Dude, sure ka ba rito?" bulong sa akin ni Leo. "Parang wala naman tayong kikitain dito."

"Dude, ako'ng bahala."

Mula nang magtagal ako sa Red Lotus, hindi na ako nag-underestimate ng maliliit na shop na mukhang napaglipasan na ng panahon pati ng mga may-ari n'on.

Ang Red Lotus, nakatago sa sulok ng kalyeng mukhang abandonado pa. Ang mismong resto, malaki pa ang kusina ko. Malaki ang compound pero residential area rin kasi.

Si Kuya Wing, nakakagala sa resto na ang suot, sando, apron, saka pantalong punit pa sa tuhod. Yung tsinelas n'on, parang ginamot ng cyberpunk doctor, may mga tahi pa ng alambre gawa ng pagkapigtal. Nakatali ang mahabang buhok n'on gamit ang goma na panali pa sa kangkong.

Wala ngang bakas na isang sipol lang ni Kuya Wing, kaya niyang i-summon ang lahat ng grupo sa Coastal para lang pagsilbihan siya.

Maliit nga ang shop ni Mr. Tek. Pero naging rule of thumb ko na sa negosyo na kapag ang isang owner, kayang tumawag sa malaking supplier, hindi mo sila puwedeng i-underestimate. Kasi ang malalaking supplier, hindi sila nagke-cater ng four-digit transactions. At kung nakakapag-transact si Mr. Tek ng seven-digit transactions kada linggo—note na kada linggo lang—ibig sabihin, kaya niyang kumita nang ilang milyon kada linggo rin.

Madalas, wala kasi talaga sa laki ng shop. Nasa laki 'yan ng production.

Nag-tour kami sa shop ni Mr. Tek. Ipinakilala niya sa amin ang mga machine at ano ang ginagawa roon.

"Dalawa lang ang machine dito. Yung isa, nasa kabila. Dito kami tumatanggap ng orders. Si Didet ang nagla-log," sabi niya, itinuro pa ang babae sa cashier na may kausap ding customer na nagpapa-photocopy. "Doon sa likod, doon ang bagsakan namin ng mga papel."

Inalalayan ni Leo si Kyline para sa mga tatapakan namin kasi ang kalat talaga ng papel.

"Dito, 'My," alok niya at kinuha ang kamay ni Kyline. Pagtapak niya sa labas, binuhat na talaga niya si Ky, mailampas lang sa mga kalat.

Mula sa shop, nilakad namin ang isang isang buong street, pumasok kami sa makitid na eskinitang maputik, tapos paglabas, bumungad na sa amin ang malaking warehouse na may tatlong truck na nagbabagsak ng papel doon.

"Shi—" Napatakip ng bibig si Leo gamit ang nakakuyom na kamao at nagulat yata sa nakita niya.

Ako, hindi na ako nagtaka. Inasahan ko pa nga.

"Wow . . ." Bilib na bilib si Kyline nang lumapit kami sa malaking warehouse doon sa malaki ring espasyo sa likod ng mga bahay-bahay sa harapan.

"Doon ang gate," pagturo ni Mr. Tek sa malaking pulang gate na direkta ang labas sa main road. "Kung sakali, bibigyan ko na lang ang guard ng vehicle pass para sa gagamitin n'yo pag-pickup."

Ang laki ng bagsakan nila ng papel. Naka-forklift pa. Pagpasok namin sa loob, mas maraming trimming machine doon at mga worker na tumatrabaho sa lahat.

"Nabigyan n'yo naman na ako ng kopya ng mga hawak n'yong business ngayon, magbibigay na rin ako ng mga kliyente ko kung saan kayo magde-deliver," paliwanag ni Mr. Tek. "Itatawag ko 'to sa kanila, magpapa-confirm ako, kayo na ang bahala sa shipments."

"Yes, sir," sabay na sagot nina Leo at Kyline.

"Mr. Tek," tawag ko.

"Hmm?"

"Kasi may mga starting business na nag-i-inquire sa lending business namin. Ang balak ko, magpapasa ako ng contract na bago, kapag may approved BIR permit na sila, ipadederetso na namin sa inyo para sa printing ng resibo saka books nila. Kaya ba nating ayusin 'to separately?"

"Kaya," may kumpiyansa niyang sagot. "Magpasa ka sa shop ng kontrata, ire-review ko. Pag-usapan natin 'yan."

"Okay, sir. Ayusin ko 'to agad."

Alam ng barkada kung paano ako magtrabaho pagdating sa business.

May mga business award ako na hindi ko rin inaasahan kasi ginawa ko 'yon para sa barkada. Kumbaga, may "what?" factor na hindi ko naman intensiyong kunin ang atensiyon ng mga nasa Business Circle, pero naa-appreciate nila ang initiative ko pagdating sa business side.

Hindi ko forte 'to. From medicine, to cyber job, to business management real quick. Nag-iipon lang talaga ako ng experience.

November, saka ko lang naalala na hindi lang pala trabaho ang dapat kong asikasuhin.

Debut ni Sabrina. Invited ako. Invited kaming magbabarkada, actually.

Iniwasan ko siya. Sinadya ko naman. Ilang buwan ko ring itinuon sa ibang bagay ang atensiyon ko kasi nga, hindi ako okay na didikitan ko siya tapos hindi ko alam kung paano ko siya kakausapin.

Hindi ko na kasi alam kung ano niya 'ko. Hindi na niya ako tinatawag na kuya. Hindi niya rin naman tinatawag na kuya sina Leo maliban kay Rico, pero off para sa akin na kung hindi na niya ako makita bilang kuya, mas lalong ayokong makita niya ako gaya ng kung paano niya ako nakita noon kaya siya umalis.

Habang tumatagal, mas lalo kong nararamdaman na hindi ko na kayang ibalik ang lahat sa dati. Napilitan tuloy akong dumistansya. Ayoko rin kasing sabihin ni Tita Tess na paiiyakin ko na naman ang anak niya, e malay ko ba kung ano ang nangyayari kay Sabrina.

"Mukhang marami na agad siyang friends dito," dismayadong bulong ko.

Nakatingin lang ako sa pinaka-program ng event. Sa sikat na hotel gaganapin ang debut ni Sabrina. May malaking parte sa akin ang umasang kabilang ako sa 18 roses niya. Ang nandoon lang, si Rico saka si Will. Ultimo si Mat na hindi ko pa nakikita mula noong umalis ako sa Zamboanga, nasa 18 candles din niya.

Hindi na tuloy ako nakatiis, dinayo ko na si Will sa gym niya sa Araneta.

"Himala!" bungad na bungad ni Will sa akin pagpasok ko sa loob. Siya pa naman ang nasa front desk. "Nagka-time kang dumalaw rito!"

Napailing na lang ako sa kanya at tumambay sa kung saan siya nakaupo. Ipinatong ko ang kanang braso ko sa mataas na desk katabi ng computer monitor doon at tiningnan ang buong gym niya.

"Daming tao, a."

"Business, as always," sagot niya. "Mas marami 'yan mamayang gabi. 10 a.m. pa lang naman. Busy pa ang mga tao."

"Sa bagay."

"Ano'ng meron, bakit dumayo ka pa?"

"Kaka-receive ko lang kanina ng program sa debut ni Sab. Dadaan sana ako ng Katipunan para sa collection. Dumaan na ako rito," kuwento ko, kahit pa dumayo lang talaga ako rito para magtanong tungkol kay Sab.

"May rehearsal nga kami ng sayaw mamaya doon kina Early Bird."

"Kasama ka pala sa 18 roses, 'no?" sabi ko agad. "Nililigawan mo ba?"

Nanlaki ang mga mata niya sa 'kin pero kunot naman ang noo. "Gago, gym buddies kami n'on, bakit ko liligawan?"

"Dito ba siya nagji-dym?" tanong ko, tinuturo ang sahig.

"Oo. Dito siya tuwing 8 p.m. after class. Dinadala siya rito ng kuya niya."

Talaga?

"Bakit ka isinama sa 18 roses?" tanong ko, at huli na nang matonohan ko ang sarili na parang kinukuwestiyon ko ang kredibilidad ni Will na mapili ni Sab.

"Dude . . ." natatawang sita niya sa 'kin. "We're close, alright?"

"Close din naman kami dati, bakit hindi niya 'ko pinili?"

Napapailing na lang si Will sa 'kin at idinaan na lang sa pagta-type ang pag-iwas sa tanong ko.

"Sino pumili sa 'yo? Si Tita Tess?"

"Si Sab," nakangiti niyang sagot. "Actually, hindi pa plantsado 'yang debut niya, sinasabi naman na niyang kapag nag-debut siya, ako ang unang option niya sa 18 roses."

"May crush ba siya sa 'yo?"

"Hahaha!" Napalakas ang tawa niya, at lalo lang akong napasimangot. "Dude."

Gano'n. Naglilihiman na lahat ngayon sa 'kin.

"Crush ka nga?"

"Dude, I like Sab . . ."

Biglang kumuyom ang kamao ko, bumigat din ang paghinga ko habang nakatingin nang masama kay Will.

". . . as a sister. A super makulit na sister. Lagi siyang nagsusumbong sa 'kin kapag inaalaska siya ng kuya niya. I don't think crush niya 'ko or something romantic. More like kuya rin . . . or best friend, gano'n. Saka pass kay Sab. Baka pagdiskitahan ako ni Tita Tess, takot ko lang."

Ayokong sumama ang loob kay Will, pero masama talaga ang loob ko, hindi ko maiwasan.

Bakit kasi si Will? Nandito naman ako, bakit hindi ako, e ako naman ang kuya niya dati pa?

Kapag nga may crush siya noon, ako ang unang nakakaalam bago si Rico, tapos ngayon, kung kani-kanino na lang siya lumalapit?

Kaso bigla kong naalala, iniiwasan ko nga pala siya.

Napapikit na lang ako sabay buntonghininga.

Nakaka-frustrate, putang ina. Hindi ko alam kung saan ako lulugar.

"Pero close na kayo," sabi ko at tiningnan ang reaksiyon niya kung may mababasa ba akong hindi dapat.

"Hmm, kinda? Makuwento siya."

"Nakukuwento ako?"

"Ikaw na . . . what about you specifically?"

Nagkibit-balikat ako. "Kahit ano. Bilang kuya? Bilang friend ng kuya niya? Kahit ano."

"Sorry, dude, pero wala akong matandaan na tungkol sa 'yo. Kay Mat siguro. Yung dating best friend ni Early Bird."

"Best friend ko rin 'yon dati," paliwanag ko pa. "Sure kang wala ng tungkol sa 'kin?"

Gusot ang magkabilang dulo ng labi niya sabay iling. "Wala, dude."

Napabuntonghininga na naman ako. Habang tumatagal, lalo lang sumasama ang pakiramdam ko.

"Sige, dude, alis muna ako. Daan muna ako para sa collection," paalam ko na lang.

"Sige, ingat, dude."

Kausapin ko nga si Leo, baka may nakukuwento sa kanya si Rico tungkol kay Sab.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top