Chapter 49: Surrendered

Hahaha update dapat 'to kaninang madaling-araw kaso inuna ko ang tulog XD
Keri lang. Mas gusto kong matulog muna. Napapagod ako. Nabasa naman na yung teaser update ng mga nasa FB group (Lena0209 Collections) kaya may maagang paayuda sa kanila.

Eeeeniwey, this chapter is dedicated to Jmae07diente na isa sa tambay sa comment section last update. Ayern, salamat po sa pagbisita kay Clark, enjoy reading!


♥♥♥



Para akong ibinalik sa Basilan habang nagtatago kami sa apartment ni Leo. Ang kaibahan lang siguro, dito, sure na walang magbabato ng granada sa bintana. Ang sigurado lang ako, any time, may darating para sugurin kami.

Tumawag kagabi si Kyline sa mama niya, at umuwi sila ni Rico na hindi siya makalakad nang maayos kasi dumudugo ang tuhod. Malamang sa akin ipinagamot kasi wala namang ibang gagamot sa kanya sa barkada ko kundi ako lang.

Pero hindi ko siya kinausap. Hindi ako nagtanong. Hindi ko tinangka. Alam ko kasing mapagtataasan ko lang siya ng boses, at baka makilala niyang ako pala yung CJ na kausap niya noong nakaraang taon.

Dismayado ako sa nangyari, pero baka nga tama si Mami. Nasa desisyon pa rin ng tao kung saan niya gustong pumunta. Kung alam niya ang pupuntahan niya at kung ano ang meron doon, kung doon pa rin niya pinilit kahit alam niyang hindi madali ang daan, wala kaming magagawa kundi hayaan na lang siya.

Hindi ko hawak ang desisyon ng lahat at dapat kong igalang din kung hanggang saan lang ang impluwensiya ko sa isang tao.

Natatagalan ako sa oras. Para akong naghihintay ng mga susugod sa amin.

Tumawag si Ky sa mama niya . . . at kung ano si Belinda Brias na napakarami ng koneksiyon sa PNP, 'tang ina, unang hello pa lang ng anak ko, ite-trace ko na ang location ng tawag. Payphone 'yon, landline. Isang click at tawag lang n'on sa telephone company, lalo pa't emergency situation 'to, mate-trace agad ang call sa registered numbers nationwide.

Ang daling mag-intercept ng call, at sana walang inutil sa kanila.

Buong araw akong naghihintay sa may sala. Si Patrick, kung hindi ko kakandungin, doon mahihiga sa kandungan ko na may sangkal na unan.

Si Calvin ang umaasikaso kay Kyline. Siya lang siguro ang may kayang asikasuhin si Ky sa aming lahat kasi naiintindihan niya siya.

Pinilit kong intindihin si Ky mula pa noong nakaraang taon. Hindi naman ako galit na sagad sa buto. Disappointed lang ako na parang wala lang ang lahat ng ginawa ko para sa kanya.

Inabot na kami ng panibagong hapon, para kaming nakakulong na kahit hindi pa kami hinuhuli. Ang may phone lang sa amin, si Calvin. Si Patrick, tatawagan pa dapat yung operator ng phone para ipa-lock ang naiwang phone niya noong isang gabi sa night club.

Paglubog ng araw, tamang sara na ako ng bintana. Sina Will at Patrick, idinaan na lang sa thumb wrestling ang pagka-bore. Si Calvin, nakatabi pa rin kay Kyline na natutulog. Si Rico, ayaw iwan ang kusina. Hindi siya aakyat sa kuwarto ni Leo kasi hindi niya kuwarto 'yon kaya dumoon na lang siya sa top choice niya kapag stressed na—kusina.

Paglapit ko kay Leo, tulala pa rin siya sa labas ng bintana. Mabuti sana kung tanawin ang makikita roon. Walang ibang madaraanan ang mata niya kundi nilulumot na pader ng katabing bahay at sinampay.

"May tutulong sa 'tin, 'tol," mahinang sabi ko sa kanya. "Itabi mo muna 'yang galit mo."

Hinatak ko na ang isang dulo ng kurtina at isasara na sana nang makita ko sa dulo ng bintana ang ilang lubid na ibinato sa loob ng bakod ng apartment.

Natigilan tuloy ako sandali at mabilis na isinara ang kurtina saka sumilip doon sa maliit na siwang.

May kamay na may suot na gloves ang kumapit sa may bakod kasunod doon sa pinakapantusok na railings ng bakod, yung harang kuno para sa mga magnanakaw pero aesthetic.

Mula sa isang pares, naging dalawa, nang magtatlo na, pasimple akong lumapit kay Calvin at kinalabit siya para dumoon kami sa likod ng sofa.

"Ano?" mahina niyang tanong sa akin.

"May mga pulis na sa labas nitong apartment," kalmado kong sinabi.

Pinandilatan lang ako ni Calvin at inginuso ang pinto. Tumango naman ako para sabihing oo.

Hindi masasabi sa loob kasi maingay naman sa labas, may mga nagpapatugtog at nagpupukpok pa nga sa kalapit na metal shop na pagawaan ng glass cabinet.

"Warning-an ko na sina Rico?" tanong niya.

Umiling agad ako. "Hayaan mong maging natural sa kanila 'tong raid."

"Bobo ka ba? May kakilala ba tayo diyan sa mga sinasabi mo?"

Umiling ulit ako. "Pero siguradong kapag nahuli tayo ng mga 'yan, tatawag agad 'yan kina Tita Tess. Si Tita, hindi papayag makulong ang panganay niyan. Doon na lang tayo bumawi."

Naituro lang ako ni Calvin para sabihing may point ako.

"Safe ba tayo sa gagawin natin?" tanong pa niya.

"Basta huwag na lang tayong lalaban, safe tayo niyan. Kapag nabugbog tayo, pakasuhan natin ng administrative case. Malakas laban natin."

"Sige, g." Tumango na lang siya saka kami bumalik sa mga puwesto namin kanina.

Gusto kong mahuli kami. Dapat mahuli kami, kasi kung susuko kami, aatras si Kyline. Kapag sumuko kami, alanganin kami sa pagsusukuan. Hindi ako sigurado kung saang pulisya ligtas sumuko, at hindi ko susugalan ang pagsuko namin para lang lalo kaming mapahamak.

Bumagsak ang pinto. Nagulat sina Will at Patrick. Nagkapalitan kami ng tingin ni Calvin at umarte agad akong nagulat din.

"Dapa! Dumapa kayo, dapa! Kamay sa likod ng ulo!"

Tumingin agad ako kay Patrick na inaasahan kong iiyak. Sa loob ng utak ko, inuutusan ko siyang umiyak para magmukha kaming inosente. Kaso ang gago, nanitig pa ng mga humuhuli sa amin habang binibilang silang lahat.

"Mama, help!" sigaw ko na lang kasi buong barkada ko, ang seseryoso ng mukha!

Putang ina, magsipag-react kayo! Baka isipin ng mga 'to, guilty tayo!

"Mama! I'm innocent! Don't kill me!" sigaw lang ako nang sigaw kasi ang kilos nilang lahat, parang inaasahan na rin nila 'to.

Mga tarantadong 'to, parang tinototoo ngang nangidnap kami.

Tinutukan na kami ng baril, pero halos lahat yata kami, kay Leo ang tingin kasi siya ang hindi okay sa aming anim.

"Si Leo!' sigaw ni Will, sa wakas at nag-react din! "Si Leo, saglit lang, mga boss! Yung kaibigan namin, hindi pa okay 'yan!"

"Kunin n'yo 'yong babae sa sofa!"

"Belle!"

Shet, may Brias ngang dumating!

"Nakita na namin, Chief."

"Halughugin n'yo sa itaas, baka may nagtatago pa roon."

Wala naman na silang mahahagilap sa second floor. Nakaposas na kami nang akayin patayo pagkatapos padapain.

Umaasa ako ng liwanag mula sa flash ng mga camera kasi madalas sa madalas, may kasamang media ang mga nagre-raid na mga pulis, pero himalang naka-block ang buong area at secured. Ultimo mga mobil, iba rin ang itsura. Hindi yung walang wall na L300 na baliktaran ang upuan. Armored van pa nga at SWAT operatives pa ang mga naghatak sa amin papasok doon.

Walang nambugbog sa amin. Walang pumalag. Pagsakay sa van, bantay-sarado agad kami ng mga pulis na naka-full gear at may hawak na rifle.

Pinauna si Patrick sa loob, kasunod ako, tapos si Will. Si Calvin ang kasunod tapos si Leo bago si Rico na nasa dulo katapat ni Will.

Kami ni Calvin ang nagkapalitan ng tingin. Inaasahan na namin 'to pero hindi ganito ka-secure.

Tahimik lang kami sa biyahe. Ang init sa loob ng van. May fan pero napakaliit kaya ang init talaga.

Hindi ko alam kung saan nila kami dadalhin pero sigurado akong hindi basta-bastang station lang ang pupuntahan namin, kasi kung sa police station lang, hindi kami iba-van.

Nakaposas ang mga kamay namin sa likod at nagbabanggaan na ang mga siko namin. Sa dulong-dulo si Calvin, nakasiksik na nga halos sa metal wall na may maliit na bintana sa driver at pahinante roon. Madilim sa loob ng van. May dilaw na ilaw naman pero sobrang dilim din at sobrang baba ng watts.

Nakatingin ako sa dalawang pulis na bantay sa amin. Pasilip-silip sa labas, doon sa maliit na bintana ng pintuan ng van.

Paglipat ko ng tingin kay Calvin. Nagkakamot na siya ng leeg.

"Anong oras na?" tanong ko pa kasi nakita ko ang relo niya.

Sinilip naman niya ang relo niya. "Quarter past six."

Tumango naman ako at saglit na yumuko. Pero bigla akong napaangat ng tingin habang salubong ang kilay kay Calvin. Bumaba ang tingin ko sa braso niyang nasa likod ulit niya.

"Gago ka," walang boses na mura ko sabay nguso sa likod niya.

'Tang inang 'to, nakaposas kami sa likod, nagkakamot ng leeg.

Ang lapad ng ngisi niya sa 'kin at halatang may ginagawang kagaguhan 'to sa puwesto niya.

Kapag kami na-guilty dahil sa gagong 'to, iipitin ko talaga leeg nito sa gitna ng rehas.

Naliligo na kami sa pawis nang buksan ang pintuan ng van. Anong hinga naming lahat nang makalanghap ng sariwang simoy ng hangin kasi simoy kriminal talaga sa loob, pota. Yung ang guwapo-guwapo mo tapos mangangamoy kalaban ka lang, 'tang inang 'yan.

"Dude."

Isa-isa kaming pinababa at pinapunta sa back door ng malaking building. Hindi ko alam kung saan 'to kasi nasa likod kami, pero ang daming sasakyan at van.

Hindi kami pinadaan sa harap, ibig sabihin, may haharang doon na hindi kami puwedeng makita.

Ilang hallway ang dinaanan namin. Ni hindi man lang kami tinakpan sa ulo. Pagliko namin sa huling hallway, may nakaabang na sa dulo na lalaking naka-polo na asul at denim jeans. Malaki ang tiyan, matangkad, may hawak 'yong phone, at itinuturo ang loob ng isang kuwarto malapit sa dulo na panibagong hallway ulit.

Isa-isa kaming pinapasok doon. Malaking kuwarto lang 'yon na walang laman pero may mahabang mesa sa gitna. Saka ko lang napansin na nasa kampo kami sa QC dahil sa seal ng mayor at PNP.

Pagdikit namin ni Rico, binulungan ko agad siya.

"Dude," bulong ko.

"What?" bulong din ni Rico.

"Hindi tayo binasahan ng Miranda Rights."

"Miranda what?"

"Dude, naka-warrantless arrest tayo, pero dapat babasahan pa rin tayo ng Miranda Rights."

"What's that?"

"Nasa NGO ka, hindi mo alam 'yon?"

"I'm a health officer, not a police officer."

Ano ba naman 'tong si Rico? "Alam mo yung you have the right to remain silent?"

"Oh! Yeah, yeah, I know na."

"Nakita mo yung mama ni Ky kanina sa raid?"

"Kinda? I dunno. It was chaotic earlier."

"Kapag tinanong tayo, ano sasabihin mo?"

"It depends on the question."

Napaayos ulit kami ng tayo nang biglang bumukas ang pinto at pinalabas na kaming lahat. Akala ko kung saan na kami dadalhin pero parang pinalinis yata muna ang ilang opisina kasi wala ako halos makitang reporter samantalang kapag nadadaan kami minsan ni Mami sa kampo, tambayan ng reporters at informants ang ilang opisina sa ganito.

Isa-isa kaming binigyan ng arresting officer na mag-a-assist sa amin sa pagkuha ng report. At hindi ko alam kung ipagpapasalamat ko bang may idea na ako sa itsura ng booking and arresting report na shine-shred ko pa nga sa Afitek.

Hinihintay kong payagan kaming makatawag sa mga magulang namin. Kinukunan na kami ng bio-data.

Hindi harsh sa amin ang mga officer, pero bantay sarado kami habang isa-isang tinatanong kung ano ang buong pangalan namin, pangalan ng magulang at kung saan nakatira, school kung saan nag-aral at address, ang dami.

Dumaan kami sa proseso ng pagkuha ng profile, pero may mali akong nararamdaman. Hindi ko lang alam kung ano 'yon.

Ang nakalagay sa mug shot namin, nilagyan ng criminal case number at bumagsak kami sa Article 267 ng Revised Penal Code. Pero ang scope kasi n'on, three to five days ang kidnapping. Pangalawang araw pa lang namin sa labas, hindi pa nga buo.

Hindi ko alam kung matatawag bang slight illegal detention ang ginawa namin kay Kyline. Una, hindi siya deprived ng liberty. Kami pa nga ang nagpapauwi sa kanya! Gusto kong malaman ang sasabihin ni Mami rito.

May medical clinic sa loob ng kampo. Pinag-test kami. Duda akong may magpa-positive sa amin sa drug test. Kahit pa na-expose kami sa usok ng marijuana, gaano lang 'yon katagal at noong isang gabi pa nangyari.

Si Calvin sana ang iisipin kong posibleng mag-positive, kaso naalala kong sa aming barkada, ito ang pinakamadalas magpa-drug at HIV test kada quarter. Wala pa namang mintis ang lab results niya.

Pagkatapos ng lab test, pinapasok kami sa isa pang kuwarto. Doon kami pinagsama-sama pero wala man lang kalaman-laman ni upuan man lang kaya para kaming mga basang sisiw na nagsiksikan sa sulok. Pag-upo ni Rico, tumabi agad ako sa kanya saka ko idinantay ang ulo ko sa balikat niya para gawing unan. Inakbayan lang niya 'ko saka sinenyasan sina Will na lumapit sa amin at huwag lumayo ng puwesto.

"Pat, dito ka, Pat." Hinatak ko agad siya saka pinaupo sa harapan ko para sa akin naman siya humiga.

Si Will ang nagbantay kay Leo na hindi pa rin okay. Si Calvin ang humilata sa sahig sa harapan namin at ginawang unan ang binti ni Patrick.

"Pakigising na lang ako kapag lalabas na ulit," sabi pa niya.

Akala ko, saglit lang kami.

Ang tagal namin sa loob. Papikit-pikit na 'ko pero wala pa ring dumarating na officer. Nakaidlip na nga ako't lahat, pagdilat ko, wala pa rin!

Humihilik na si Patrick. Tulog na rin si Rico na mabigat na ang braso sa balikat ko. Tahimik na rin sina Will at Leo. Si Calvin, nauna na 'tong matulog e.

Nagising na lang kaming lahat, naghihintay pa rin kaming buksan ulit nila ang pinto. Ilang oras din ang inabot bago kami binalikan.

"Dardenne," sabi ng lalaking naka-polo lang at jeans.

"Yes, sir?" sagot ni Rico.

Itinuro n'on ang labas kaya kami na ang nagtulak kay Rico para lumabas na rin siya.

Kung nandiyan na si Tita Tess, talagang magdiriwang ako.

Paglabas ni Rico at pagsara ng pinto, naiwan na kaming lima.

"Baka dumating na si Tita Tess," mahinang sabi ni Calvin.

"Baka nga," sagot ko.

Wala pang dalawang minuto, bumukas ulit ang pinto at may babae namang sumilip. Maikli ang buhok at naka-ringer shirt na asul. "Lauchengco?"

"Present, ma'am!" Mabilis naming pinatayo si Patrick saka pinapunta sa pintuan.

"Nandiyan na sila siguro," sabi ko pa kasi nauna na sina Rico at Pat. Hindi na kataka-taka ang susunod. Malamang ako na 'yon.

"Vin, Will," tawag ko agad. "Kapag ako ang kasunod, bantayan n'yo si Leo. Hindi natin sigurado kung sino ang pupunta para diyan dito. Kapag wala, ipapa-shoulder ko siya agad kay Dadi."

"Sige, sige."

At wala pa ngang ilang minuto, hindi ako nagkamali.

"Mendoza?"

"Yes, ma'am," sagot ko sa panibagong babaeng dumating na naka-long sleeves naman.

Nag-jogging na ako papuntang pintuan at paglabas, sinilip ko agad ang hallway—malinis.

"Nandiyan na po ba ang parents ko?" tanong ko agad sa nagtawag sa akin.

"Ine-expect mo ba sila?" kalmado lang niyang tanong sa akin, hindi nang-iinis pero mas tunog nag-uusisa.

"Medyo po," sagot ko habang sinasabayan ang bilis niya sa paglakad sa hallway na kaliliko lang namin.

"Nandito na si Doc Ferdz saka si Attorney pero kakausapin ka rin muna ng ibang officer para sa sworn statement.

Pagliko ulit namin sa panibagong hallway, napatingin agad ako sa glass wall ng lobby kasi umaga na. At talagang iniwan nila kami sa isang kuwarto para doon lang patulugin. Wow naman.

Pagpasok namin sa panibagong opisina, hindi iyon matatawag na interrogation room. Mukhang kuwarto sa back office sa dami ng tambak na papel at folders sa file cabinet na hile-hilera.

Pinaupo ako sa isang table na mahaba nang kaunti. May laptop doon ang lalaking officer na magtatanong yata sa akin. Walang ibang naroon kundi yung isa pang lalaking naka-asul na T-shirt na malaki ang tiyan.

"Mendoza," bungad ng lalaking nasa laptop.

"Po?"

"Anak ka pala ni Commissioner Mendoza."

Nanliit lang ang mga mata ko, hindi ako agad nakasagot. Baka isipin ng mga 'to, hahatakin ko ang pangalan ni Dadi para lang maabsuwelto ako rito.

"Ako si SPO3 Rolly Barcena, at ako ang magtatanong sa 'yo ngayon. Simple lang ang gagawin mo: magsasabi ka lang ng totoo. Naiintindihan mo ba ang gagawin?"

Tumango naman ako. "Opo."

"Sige, start na tayo. Hindi n'yo ba kilala kung sino ang tinatangay n'yo?" sabi niya at pinaglilipat ang mga page ng report na naka-clip sa folder na nasa tabi niya. "Mamayang gabi pa yata lalabas ang result ng drug test n'yo. Ano'ng ginagawa n'yo roon sa King's Nest?"

"King's Nest?" naiinis na tanong ko at bigla kong naalala na yung night club pala 'yon. "Naniningil kami."

"Naniningil ng ano?" tanong nitong officer at lumipat sa laptop niya.

"Yung barkada ko, si Leo, inutangan siya ni Elton ng sampung libo last year, tapos treynta mil ngayong January. Ang usapan, dodoblehin 'yon ni Elton. Sinisingil niya si Elton may tatlong linggo na. Ang sabi nitong isa, sa Purok Siyete raw kami pumunta, kaya pumunta kami sa Purok Siyete. Hapon, mga alas-tress pa lang, nandoon na kami. Pero pagdating sa Purok Siyete, in-indian kami ni Elton. Ang sabi, pumunta raw sa stag party ni Duke sa Parañaque. Ser, alam n'yo naman siguro kung gaano kalayo ang Oroquieta sa Parañaque."

"Kaya pumunta kayo," dagdag niya habang patuloy lang sa pagta-type sa laptop.

"Pumunta kami ng barkada kasi babayaran nga raw doon. Gabi na 'yon, rush hour, mga alas-sais o alas-sais y medya. Pagdating namin sa night club, hinarang kami ng mga bouncer. Hindi kami pinalabas. Pinapunta kami kung nasaan ang VIP room nina Elton. Naabutan namin silang may party roon."

"Nasaan si Kyline Brias sa mga oras na 'to?"

"Isa siya sa mga bunny girl na nagse-serve ng alak."

"Bunny girl, hmm. Tapos?"

"Naka-mask kasi siya kaya hindi namin siya nakilala agad. Pinapunta namin siya sa table namin para makahingi ng tulong kasi hindi kami pinalabas ng mga bouncer. Ang pakisuyo namin, tutal naman nakakalabas ang mga waitress at bunny girl, tumawag siya ng tulong para sa amin kasi yung isang kabarkada ko, si Patrick, inuubo na dahil sa usok. May mga nagda-drugs sa loob, ser, pero hindi kami user. May asthma yung isa sa amin kaya imposibleng may makapag-drugs sa aming barkada."

"Makikita natin 'yan sa lab result," sabi na lang niya sa depensa ko. "Ano'ng nangyari kay Kyline Brias?"

"Binigyan namin siya ng instructions kung sino ang mga kakausapin paglabas niya. Ang suggestion ng isang kabarkada ko, si Rico, tawagan si Kyline mismo. Kasi kilala namin ang mga Brias. Kilala namin si Kyline. Classmate siya sa high school ni Leo. Niligawan ko 'yon, ser! Niligawan din 'yon ng isa sa kabarkada ko, si Calvin! Hindi namin siya kayang kidnapin!"

"Pamilyar kayo sa security footage na inilabas ng club?" Ipinaharap sa akin ng officer ang laptop niya at ipinakita ang video na nakunan kami noong nakaraang gabi sa harap ng night club.

Makailang beses kong dinuro ang mesa. "Ser, itinakas lang namin si Ky rito kasi pinagtripan kami nina Elton. Tinutukan nila kami ng baril isa-isa. May nagpaputok ng baril sa kanila nang gabing 'yon na narinig ng mga tanod at ang nagpaputok n'on, minomolestiya na si Kyline." Itinuro ko ang footage. "Itinakas namin si Ky kasi kilala namin siya."

"Bakit hindi n'yo siya inuwi?"

"Siya ang ayaw umuwi! Pinatawagan namin siya sa mama niya. Ser, ang erpats ko, commissioner at dating nasa military. Nag-intern ako sa Afitek na hawak ng mga Dardenne. Comsci student ako. Kung talagang kinidnap namin si Kyline, hindi namin siya patatawagin sa siguradong mai-intercept ng operatives. Ang dali lang mag-wiretap!"

"Hindi kayo na-intercept," biglang amin nitong kausap.

"Po?"

Ipinaharap ulit niya sa kanya ang laptop at nag-type doon nang mabilis.

"Hindi kayo na-intercept," ulit niya. "Tinawagan ang special ops at tinawagan din si Mrs. Brias para ituro ang lokasyon n'yo ng barkada mo."

"Tinawagan ni . . . ?"

"Ni Commissioner Mendoza. Ibinigay niya sa amin ang location ninyo at siya ang nakipag-coordinate sa amin para mahuli kayo."

Oooh . . . si Dadi pala.

"Di ba po dapat may abogado muna akong kasama bago n'yo ako tinanong?" sabi ko na lang.

"May abogado kayong lahat. May kasama nang abogado yung iba mong kabarkadang tinatanong ngayon."

"Nasaan po yung akin?"

"Ang instruction ni Attorney Pia, hayaan ka lang naming magsalita. Hindi siya papasok dito para hindi siya nakakagulo sa pagtatanong. Siya rin ang abogado ng dalawang Vergara na kasama mo."

Si Mami.

"Makukulong po ba kami, ser?"

Nagkibit-balikat ang kausap ko. "Kapag lumabas ang iba pang statement, saka natin malalaman."

Shet. Sana lang mag-match ang mga kuwento namin ng barkada. Kapag may isang nagmintis sa amin, patay na talaga.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top