Chapter 39: Missing
Ayan, at dahil kagigising ko lang, please bear with my typo error hahaha This chapter is dedicated to lassviridis na second comment last chapter. At sa ating first commenter na si serenadena since na-dedicate ko na sa kanya before ang isa sa mga chapters ni Clark. Enjoy reading!
♥♥♥
Practicum, at nasa stage na kami ng college years na makakahinga na kami nang medyo maluwag-luwag—mga 1.99% na pagluwag.
Nag-on-the-job training ako kay Tita Tess kasi sabi ko, wala akong mahanap na magandang company.
Yung approval, inaasahan ko na e. Ako pa ba? Clark Mendoza 'to, uy!
Nag-apply ako ng internship sa ES Afitek Security—main firm na hawak ni Tita Tess.
Buong akala ko, sa mansiyon lang ng mga Dardenne ako mag-o-OJT pero kailangan ko pa rin palang mag-report sa main office nila sa Ortigas, malapit sa Meralco.
Intern ako under ng executive department. Isa sa mga executive assistant ni Tessa Dardenne kaya madalas dapat akong nakabuntot sa kanya.
Sinira ni Tita Tess ang expectation kong tambay lang siya sa bahay bilang terror housewife na puro, "Pakitawag si Tony" lang ang alam.
First day ko sa main office, nayanig ang buong puso't diwa ko kasi hindi malaki ang building, hanggang third floor lang, pero parang hindi bagay sa ambience ng lugar.
Ang area kasi, kung hindi ma-building, mapuno. Mula sa madamong area ng kalsada, may isang street na lilikuan sa kanan, papasok sa compound na marami na namang damong nakapaligid tapos may black iron fence na sobrang sinister ng ayos. Yung ang aliwalas ng paligid tapos parang may masasalubong kang haunted building.
Wala akong kotse noong pumunta ako, pero nagpa-service ako kay Uncle Bobby. Ii-scan pa raw kasi ang kotse bago makapasok e ang tagal n'on.
Ang lawak ng damuhan sa loob ng compound pero malayo pa lang, kita na ang main building. Black ang itsura ng glass walls sa malayo pero dark blue pala siya kapag malapit na. Para iyong disco ball na building nga lang.
Hindi ko alam kung may uniform ba silang ire-require pero halos lahat ng nagtatrabaho roon, white top at dark blue ang pang-ibaba.
May mga ID lahat pagtapak ko pa lang sa entrance building. Pagkatapos ng automatic sliding door na may heat censor, sinalubong ako ng dalawang guard. Pinalagay ang messenger bag ko sa kanang gilid, sa table ng isang guard. Biglang gumalaw 'yon at pinakain ang bag ko sa scanner na gaya ng sa airport. Pinadaan ako sa body scanner, nakikita ko sa monitor sa itaas ang temperature ko habang ini-scan. Katabi n'on ang isa pang frame na x-ray scan naman ng bag kong nasa loob ng scanner sa gilid.
Nakaka-tense tumapak sa loob pagbawi ko sa bag ko. Blangko ang hall paglampas sa entrance. Nasa gitna ng sahig ang malaking company logo na nakapintura.
Ang weird ng amoy sa loob, amoy papel nang kaunti pero mas lamang ang amoy ng citrus.
Sa kanang gilid, may glass wall doon sa di-kalayuan, at makikita sa loob ang hile-hilerang mga desk at mga employee sa loob. Sa kaliwang gilid, pantry yata kasi ang dami roong kumakain at nagkakape.
May elevator sa harapan ko pero mula sa ibaba, kita ang floor hanggang itaas. Pagtingala ko, salamin ang pinakabubong sa gitna ng building kaya ang liwanag sa loob dahil sa araw.
Sabi ni Tita, puntahan ko raw ang office sa dulo ng ground floor. Hanapin ko ang acquisition room. Sabi ng guard, right side, dulo ng hallway, kanang pinto.
Glass walls at doors sa buong area pero doon lang sementado at wooden ang pintuan.
Kumatok ako nang dalawang beses.
"Come in," sabi sa loob.
Nagbukas ako ng pinto at matipid akong ngumiti sa lalaking naroon. Inilibot ko ang tingin sa acquisition room. Plain lang na kuwarto 'yon. Para bang kanina lang inayos kung kailan ako darating. Walang kahit ano sa loob maliban sa wooden table, laptop ng lalaking nakaharap sa akin, office chair niya, at office chair sa harap ng table.
"Have a seat."
"Thank you po." Mabilis akong naupo at inayos ang suit na suot ko para hindi gusot habang ini-interview.
Parang nasa mid-20s lang itong kausap ko. Para ngang hindi nagkakalayo ang edad namin, pero nakikita ko sa kilos niya na mas marami siyang experience dahil sa confidence. Naka-white top at navy blue suit siya. Para nga talagang uniform nila rito. Baka dapat na rin akong bumili ng navy blue na marami.
"Name?" tanong niya.
"Clark Mendoza," sagot ko.
"Age?"
"20."
"How many languages can you speak well?"
"A—" Wow, language ba dapat ang kasunod na tanong? "I can speak three; English, Tagalog, and Bisaya. I can understand five; English, Tagalog, Bisaya, Japanese, and Spanish. But Tagalog is my mother tongue and the language I'm comfortable to speak in."
"Sige, mag-Tagalog tayo."
Saglit akong napapitlag at iniwasan kong mag-overacting kasi may count pala 'yon. Akala ko, survey lang sa alam kong language.
"Ako si Axl, ang evaluator mo ngayon. Nandito ka para sa internship, tama?"
"Ye—opo," alanganing sagot ko. Parang mas okay ako sa English.
"Galing ka na sa opisina ng COO. Nakausap ka na niya bago ako."
"COO . . . ?"
"Madame Tessa."
"A, opo." Mabilis naman akong tumango. "Pinapunta lang po ako rito para po sa mga document na kailangang ipasa sa school."
Nakatutok lang siya sa laptop habang nagta-type doon.
"Bibigyan ka ng assessment form paglabas mo rito." May inabot siya sa aking folder na kinuha ko rin agad. "Basahing mabuti ang non-disclosure agreement, at pirmahan ang lahat ng pahina. Magpa-biometrics ka sa Room 105. Pagkatapos doon, bibigyan ka ng susunod na panuto para sa daily time record mo. Meron kang meal allowance na magagamit mo sa pantry. Ang oras ng pasok ay mula 8:00 a.m. hanggang 3 p.m. ayon na rin sa schedule na ibinigay sa amin ng iyong school admin kasama ng endorsement para sa practicum. Lahat ng evaluation report na ipapasa kada linggo ay pipirmahan ni Sir Anthony Vergel at Madame Tessa Dardenne. At dahil dumaan ka na sa opisina ni Madame, hindi na ako magtatanong ng iba pa, basahin mo na lang ang NDA at pirmahan ngayon, kukunin ko ang kopya, at puwede ka nang pumunta sa kabilang room para sa biometrics."
"Okay po, thank you po."
Hindi pa ako nakakapag-apply ng trabaho—yung office work. Sa aming magbabarkada, sina Leo, Rico, at Patrick pa lang ang may idea sa interviews. Ang work ko naman kasi, hindi kailangan ng formal interview. Basta naghubad ako, okay na.
Nakailang ronda rin ako sa building, at nagpapasalamat akong hanggang third floor lang 'yon kasi ilang beses din akong akyat-panaog sa lahat ng floor para lang sa mga dapat ipasa.
Alas-nuwebe ng umaga ako nakarating, alas-tres na ako nakauwi. Pero hindi pa 'yon uwing bahay talaga. Bumalik lang ako sa mansiyon ni Tita Tess kasi sa kanya raw huling papipirmahan ang ibabalik na endorsement para sa school na aprubado ng manager o kaya head ng company. Saka papipirmahan din sa kanya yung contract related sa safety sa workplace at ibang insurance-related agreement.
"Tita!" Ngiting-ngiti akong pumasok ng office niya, naabutan ko pa siyang may kausap sa laptop. "Busy ka, Tita?"
Mabilis naman siyang umiling at inabot agad ang kamay sa akin, parang inaasahan na ang pagdating ko kanina pa.
"How about your schedule, darling?" tanong ni Tita Tess sa kausap niya sa latop.
Lumapit naman ako roon sa office table niya para makitsismis. Hindi raw siya busy, hindi rin pinulis ang kaingayan ko.
"I'm free every Sunday na. But Auntie Madel said I should enjoy my summer break na lang muna."
Boses ng babae 'yon, medyo maarte. Akala ko, kapatid ni Tita Tess kaya paglapit ko, sinilip ko naman agad ang screen.
"Alin dito ang pipirmahan?"
"Ito pong lahat, Tit . . . a." Kusa na niyang kinuha sa kamay ko ang folder na dala ko habang napapatulala ako sa screen ng laptop.
Biglang nabuhay ang kaba ko at sunod-sunod na tibok ng puso ang naramdaman ko, para akong mabibingi.
"Kuya's not replying pa, Mum. Sabi niya, he'll call any time soon."
"Bawal ang phone sa factory, Sabrina. Tatawag ang kuya mo kapag hawak na niya ang phone niya."
Sabrina.
Sa mismong minutong 'yon, nakatingin lang ako sa screen ng laptop, nakikita ko ang babaeng kumakain ng potato chips habang nakasuot ng pink dino jacket.
Pero . . . hindi na siya ang Sabrina na huli kong nakita four years ago.
Malaki na siya.
"Mum, can I buy another dress for my prom night?"
"I thought nakabili ka na?"
"Auntie Madz did, but she chose the wrong size and I dunno how to tell her na hindi kasya sa waist ko ang dress. I don't want her to feel bad for buying it kasi excited siya sa napili niya."
"Hindi ba puwedeng ipa-alter 'yon?"
"Mum! Alter? For real?"
"Sabrina, ang prom mo, one night lang 'yan."
"You're being kuripot na naman, Mum."
"I'm not being kuripot, darling. Ipa-alter mo ang dress kung waist lang ang problema."
"But I don't like the design!"
"Then don't lie about the size. Just tell me if you didn't like it."
"I didn't like it."
Ang lalim ng buga ng hininga ni Tita Tess saka isinara ang folder na dala ko. Nagising na lang ako sa panonood ko kay Sabrina sa screen nang pagdabugan ni Tita ang table niya.
"Bumili ka ng bagong dress. Ako ang magpapaliwanag kay Madel."
"Thank you, Mum! You're the best!" Mabilis na nagulo ang camera at pagbalik sa ayos, wala na si Sabrina doon.
Kinuha ko agad ang folder bago pa ako masabihan ni Tita Tess na unattentive.
"Thank you po, Tita," pasalamat ko, at hindi man lang sinalubong ang tingin niya, kahit pa sa gilid ng mata ko, nakikita ko ang titig niya sa 'kin. "Ang sabi po sa office kanina, puwede raw akong magpapirma sa inyo para sa DTR kung hindi ako makakapunta sa office sa Ortigas. Dito na lang po ako dederetso bukas."
Sinubukan kong lagyan ng tuwa ang boses ko pero hindi ko nagawa. Naririnig ko ang sarili kong parang hindi gusto ang sinasabi niya.
"Sige po, Tita, babalik na po ako sa school. Ipapasa ko pa po sa registrar itong agreement para makapag-start na po ako bukas."
"Go ahead," 'yon lang ang sinabi ni Tita Tess tapos umalis na rin ako ng office niya.
Paglabas ko, para akong nawalan ng lakas, napatukod ako ng palad sa pader kasi nanlalambot ang mga tuhod ko.
Ang lalim ng paghinga ko habang pilit kong inaalala ang timbre ng boses ni Sabrina. Hindi na 'yon gaya noong maliit-liit pa siya. Kung hindi ko nga alam na siya pala ang kausap ni Tita, hindi ko pa makikilala na siya 'yon.
Saglit akong naupo sa mahabang sofa na nasa gilid lang ng hagdan sa second floor saka ko kinuha ang water jug ko sa bag. Apat na sunod-sunod na lagok bago ako napakalma ng tubig.
Hindi ko maipaliwanag kung ano ba 'tong pakiramdam ko. Para akong may ginawang mali tapos nahuli ako nang harap-harapan pero wala man lang nagsasabi na may mali akong nagagawa sa mismong harapan nila.
Bumalik ako sa school, at imbes na matapos agad, nagpaulit-ulit ako kasi ilang beses akong nagkamali. Hindi ko naintindihan ang paliwanag ng registrar. Mali ako ng napirmahang form. Yung pangalan ni Dadi sa father's name, pangalan ko ang nailagay ko.
Pinagod ko lang lalo ang sarili ko.
Balak ko sanang pumunta kay Mother Shin ngayong gabi kasi wala na akong gagawin, pero umuwi na lang ako sa amin. Napagod ako, at lalo lang nawalan ng ganang kumilos ngayong mga natitirang oras ng buong araw. Naabutan kong walang tao sa bahay kasi nasa QC si Mami at may conference nga sila hanggang mamayang alas-diyes ng gabi.
Nakahilata lang ako sa kama habang nakatitig sa kisame.
"Tsk! Ang tanga." Napangiwi ako nang maalala ang lahat ng katangahan ko ngayong araw. "Ang tanga, Clark!" Saka ako dumampot ng unan sa gilid ko at sinuntok-suntok 'yon hanggang manawa ako. "Ang tanga-tanga mo talaga!"
Hinihingal akong humilata ulit, nakadipa ang mga braso sa magkabilang gilid habang nakatitig sa kisame.
"Ang tanga."
Mabilis kong kinuha ang phone ko sa tabi lang din ng ulo ko at pumunta sa main account ko. Pinindot ko ang search.
Sabrina Dardenne.
Bungad na bungad ang account na may ilang mutual friends.
Tiningnan ko ang profile.
Nakaramdam agad ako ng lungkot pagkakita ko sa nakangiting picture ni Sabrina sa display photo. Nakasuot siya ng makapal na pulang wintercoat sa gitna ng paligid na puro snow.
Kapag nagtabi sila ni Tita Tess, magkamukha na sila. Para na lang silang magkapatid.
"Hi, Sab . . ." mahinang bati ko sa screen habang hinahawakan ang bandang pisngi niya.
Pinindot ko ang message button at lumabas ang chat box na walang kalaman-laman.
Hi, baby. Si Kuya Clark to. Natatandaan mo pa ba ko?
Delete.
Hi, Baby Sab. Na-miss kita. Nakita kita kanina sa Skype, kausap mo si Tita Tess. Nakita mo ba ko?
Delete.
Hi, baby. I miss you. Na-miss mo ko? Sorry di kita nakausap dati bago ka umalis. Sana happy ka dyan sa US. Ang laki mo na pala. Baka magka-height na tayo ngayon. Ingat ka lagi dyan. Wag ka sanang puro chips, kain kang gulay. Ingat ka sa prom mo, wag kang sasama sa kung sinong lalaki dyan, baka di yan mapagkakatiwalaan ha? Uminom ka ng maraming tubig kasi parang malamig dyan, nakaka-dehydrate din ang lamig. Sorry talaga sa dati, Sab. Sana mapatawad mo ko. Love ka lagi ni Kuya Clark.
Haaay.
Delete.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top