Chapter 24: Desperation

Anyway, this chapter is dedicated to Jacky0723 na suking-suki ng iba't ibang story dito sa Wattpad hahaha grabe, super sipag nitong magbasa. Enjoy reading!

♥♥♥


Lumulutang ang utak ko nang pumunta ako sa meeting place ng barkada. Doon sa casino sa seaside.

Pumasok ako roon gaya ng napag-usapan. Hinanap ko agad ang mesa nina Rico sa dulong-dulo.

Nahahati ang laman ng utak ko. Gusto kong mag-focus pero hindi ko kaya.

"Ikakasal na 'ko."

Sinasabi ko sa sarili kong dapat ayos lang. Dapat okay lang kasi ayoko nga siyang ma-in love sa 'kin. Pero parang hindi ako makahinga sa inamin niya.

"Mahal mo ba 'yon?"

Hindi ko alam kung may karapatan ba akong magtanong. O kung meron man, para saan? Bakit ko kailangang magtanong kung ako naman ang nagsabing hindi niya ako puwedeng magustuhan?

Hindi ko alam kung ano na ang nangyayari sa mesa nina Rico. Ang plano, sa malayo lang kami ni Will sesenyas. Pero sa sobrang kalutangan ko, pumuwesto ako sa katabi ng guard ng kalaban nila at saka ako kunwaring nagtanggal ng muta habang sinesenyas ang pinakatago-tagong baraha nitong kaharap nilang player. Nakuha ko pang tapikin ang balikat ng katabi kong guard saka ako umalis nang hindi man lang tinitingnan sa mata sina Rico. Isa-isa ko ring sinilip ang mga mesa sa paligid nila hanggang sa huminto ako sa isang slot machine at naglaro gamit ang dalawang chips na binili ko gamit ang perang nakalaan talaga para sa amin ni Will dito sa casino.

Ang bigat ng dibdib ko. Parang may nakadagan na hindi naman dapat naroon.

Hila lang ako nang hila sa lever ng slot machine. Suwerte rin siguro ako ngayong gabi kasi nakakuha ako ng premyo. Hindi man jackpot pero noong dinala ko sa counter para i-convert sa cash, nakakuha pa ako ng beynte mil sa gold coins.

Hindi ako okay.

Nanlalambot ang tuhod ko nang lumabas ako ng casino. Nag-text na lang ako kay Leo at sinabi kong masakit ang tiyan ko kasi may nakain akong panis kaya balitaan na lang niya ako.

Pumara agad ako ng taxi pagpunta ko sa main road saka ako nagpahatid sa bahay.

Dere-deretso ako sa kuwarto. Nag-alis lang ako ng bag saka sapatos tapos ibinagsak ko na ang sarili ko sa kama.

Parang hindi ako makakilos nang maayos. Nanghihina ako.

♥♥♥

Ang dami kong crush. Since magkalat ako sa public high school, sobrang vocal ko sa lahat ng crush ko na crush ko sila.

Hindi ko alam kung crush ko si Mother Shin, pero hindi kasi . . . iba ang nararamdaman ko sa kanya. Alam ko namang ilang araw pa lang kaming magkakilala pero hindi kasi siya gaya ng ibang nakilala ko.

Sanay naman akong nire-reject. Pinagtatawanan ko nga lang 'yon, lagi kong sinasabing ayos lang. Kasi ayos lang naman talaga.

Pero ngayon, hindi ako ayos. Gusto ko na lang matulog maghapon. Kapag naiisip ko ang sinabi niyang ikakasal na siya, nalilito ako.

"Mahal mo ba 'yon?"

Sana sinabi na lang niyang oo. O kaya sana hindi na lang niya sinabi at ipinaharang na lang ako sa mga bouncer nila sa resto.

"Hindi ko pa siya nakikilala. Pero pagbalik nina Dada, ikakasal na kami."

Ang dami kong tanong. Pero ayokong masagot. Ayokong malaman ang sagot.

May tumatawag sa phone ko, na malamang sina Rico rin. Pero hindi ko kayang magsalita.

Natulog akong pagod, nagising akong pagod. Parang ayoko munang mabuhay kahit three days lang.

"Anak, masama ba ang pakiramdam mo?" tanong ni Mami nang dalhan niya 'ko ng pagkain sa kuwarto.

Kahit gusto kong bumangon, ang bigat ng katawan ko para pabangunin ang sarili ko. Nakadapa lang ako sa kama habang yakap ang unan na hinihigaan ko.

"May nangyari ba?" Naupo si Mami sa tabi ko at hinagod-hagod ang buhok ko.

"Mi . . ."

"Hmm?"

"May nakilala akong babae. Ang ganda niya."

"May nangyari bang hindi mo gusto?"

Pinigil kong huwag umiyak pero kusa nang tumulo ang luha ko kaya mabilis kong pinunasan.

"Ikakasal na siya." Saka ko isinubsob ang mukha ko sa unan at doon umiyak.

Gusto ko na lang umiyak maghapon. Gusto kong iiyak ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Hindi ko naman ginusto 'to. Wala naman 'to sa plano ko mula pa noong nakaraang Sabado.

"Kung ikakasal na siya, hindi natin puwedeng pilitin 'yon, anak," paliwanag ni Mami habang hinahagod ang buhok ko.

"Alam ko naman po . . ." mahinang sagot ko habang hikbi nang hikbi. "Masakit lang kasi, Mami."

"Pasensiya ka na, anak, hindi alam ni Mami kung paano 'yan gagamutin." Naramdaman kong hinalikan niya ang gilid ng noo ko saka ako tinapik-tapik sa likod. "Hindi natin maiiwasan ang sakit, Clark. Hindi rin naman tayo puwedeng umiwas sa mga tao. Basta sabihin mo lang kay Mami o kaya kay Dadi ang nararamdaman mo, baka magawan natin ng paraan, ha?"

Tumango na lang ako kay Mami habang nakasubsob pa rin ang mukha ko sa unan.

At hindi ko na alam kung ano pa ang balak kong gawin kinabukasan.

Ang daming plano ng barkada. Sobrang dami kasi naghahabol din kami ng pagbawi sa kotse ni Patrick.

Panibagong araw at hindi ko alam ang gagawin ko.

Ayokong pumunta sa boarding house, kahit pa kailangan. Sinabi ko na lang na kailangan kong mag-review nang sobra para sa exam next week, at wala sa barkada ko ang namilit na doon ako sa kanila mag-review ngayon.

Hindi ako makontento sa iisang lugar sa loob ng kuwarto.

Uupo ako sa sahig, pasandal sa kama.

Tatambay ako sa terrace.

Uupo ako sa bandang headboard.

Hihilata ako sa sahig, tutulala sa kisame.

Hapon na nang maalala kong may dapat akong gawin. Pero nang maalala kong ganoong oras, pumupunta ako kina Mother Shin, lalo akong nawalan ng ganang kumilos.

Hindi tamang makita ko pa siya. Mag-aasawa na siya—kahit pa hindi pa niya 'yon nakikilala.

Ayokong isipin nilang mang-aagaw ako lalo pa, hindi ko rin naman kayang panindigan ang nararamdaman ko.

Kanina pa ring nang ring ang phone ko sa sidetable. Ayokong sagutin kasi alam ko nang barkada ko lang 'yon. Si Dadi, lagi namang sa landline tumatawag.

Alas-singko na nang mag-ayos ako. Ayokong pabayaan ang barkada ko kahit pa wala akong ganang kumilos ngayong araw.

Buong barkada naman ang tumawag sa akin, pero ang daming call kay Rico. Akala ko, umaariba na naman ang pagiging demanding. Maliban sa call, marami rin siyang text.

— Clark, tumawag si Tita Pia. If you're not feeling well, stay ka na lang muna sa bahay.

— We'll try to do our best. Maybe Leo and I will compromise muna.

— Are you even reading my messages?

— Do you want us to come over? Dala kaming ice cream. You want ice cream?

— Okay, we're done deliberating. We're canceling the casino tonight.

At pagtingin ko sa last text niya, fifteen minutes ago lang huling na-send. At parang naka-on cue na may narinig na agad ako sa ibaba na sunod-sunod na yabag ng paa.

"Clark, anak, nandito sina Ronie."

Napatingin agad ako sa pinto nang marinig si Mami sa labas. Hindi niya binuksan ang pinto, nagpasabi lang.

"Okay po, Mami," sagot ko.

Mag-aayos pa lang sana ako ng bag na nasa kama nang biglang bumukas ang pinto.

Palingon pa lang ako nang bigla akong masubsob sa kama at dalawang malalaking kupal agad ang dumagan sa 'kin.

"Dude! May sakit ka?" sigaw ni Patrick.

"Dagdagan natin!" sigaw rin ni Leo.

"Mga hayop kayo, layas!" sigaw ko rin sa kanila.

Ang lalakas ng tawa nila nang umalis sa pagkakadagan sa 'kin. Ang sama agad ng tingin ko sa kanila habang inaayos ko ang nagusot kong polo.

"Ano na namang ginagawa n'yo rito, ha?" nabubuwisit na sermon ko sa kanila.

"May sakit ka raw, sabi ni Tita," sabi ni Rico.

"Ang tawag sa sakit niyan, 'tamaditis'," sagot ni Leo.

"Ang sipag mo, e 'no?" Hinabol ko siya ng tadyak saka siya tatawa-tawang nagtago sa likod ni Rico.

Kompleto sila, at unang beses ni Calvin na papasok sa kuwarto ko kaya sa kanilang lahat, siya lang ang naglilibot ng tingin.

Wala naman siyang ibang makikita rito sa kuwarto ko. Maliban sa kama, side table, saka study table, wala nang ibang nandito. Ang closet ko, nasa kabilang pinto pa.

"Huwag kayo rito sa kuwarto ko, magkakalat pa kayo ng lagim," sabi ko na lang.

Ayoko silang patambayin sa kuwarto ko kasi ang gloomy ng pakiramdam ko. Malakas ang radar nito ni Rico, mabilis niyang maramdaman ang mga ganoon.

Ayoko sila sa kusina. Sa likot nito nina Leo, baka makabasag pa sila ng gamit kapag bigla akong dinamba. Hindi naman magagalit si Mami, pero siyempre, ayokong may dagdag isipin pa siya.

Sabi ko kay Mami, sa receiving area muna kami. Multi-purpose naman ang receiving area namin kaso hindi pa kami nag-iinit sa upuan, kung tingnan ako ni Leo, parang nililitis na agad ang kaluluwa ko.

May mahabang apple green leather couch na naka-align para pa-rectangle ang placing sa gitna ng area. Kaharap n'on ang white couch din na kaparehong haba at may apple green na mga flat pillow. Tapos oblong na center table na may maliit na cactus sa gitna.

Nakaupo sila sa harapan ko. Ako lang ang mag-isa sa puwesto ko sa white couch.

Ang taas ng kilay ni Leo sa akin, parang asar na asar.

"Wala kang kapatid, di ba?" tanong pa ni Calvin.

Umiling naman ako. "Wala."

Tumaas agad ang tingin niya at marahang gumala ang tingin niya mula kaliwa pakanan sa likuran ko.

"Alam n'yo, parang gusto ko na lang sa kalsada," naiiritang sinabi ni Leo sabay paling sa kaliwa, paharap sa sliding door papuntang pool area. "Ang sakit sa mata ng nasa harapan ko!"

Wala naman silang ibang pagpipilian. Ayokong mangulit sila roon kay Mami sa kitchen.

"Sa 'yo lahat 'yan?" tanong ni Calvin, na unang beses ngang makita ang buong dingding sa likuran ko.

Nasa receiving area ang lahat ng "pride" ng parents ko, at sila ang may gustong ibalandra 'yon sa mga bisita namin.

Isang buong dingding, sinasakop n'on ang lahat . . . lahat-lahat ng achievements ko mula pa noong nursery.

Best in Math.

Best in Filipino.

Best in Science.

Best in Sibika at Kultura.

Best in Arts.

Best in Writing.

Best in Quiet.

Most Punctual.

Most Obedient.

Academic Excellence Awardee.

Sigh Word Wizard.

Stellar Student of the Year.

Music Master Awardee.

Technology Whiz.

Nakalagay sa dalawang two-meter frame ang lahat ng medals ko kasi hindi kasya sa isa. May apat na tokador na six-feet ang taas para sa mga trophy. At sa magkabilang edge ng dingding nakapila mula itaas kadikit ng kisame hanggang sahig ang mga certificate.

Kung hindi lang siguro nasira ang momentum ko noong high school days, baka kulang ang isang dingding sa idi-display nina Mami.

"Are you okay, dude?" tanong na lang ni Patrick. "I mean, do you have a fever or something?"

"Ngayon mo pa talaga tinanong 'yan matapos n'yo 'kong dagan-daganan ni Leopold, mga hayup kayo." Dinampot ko ang flat pillow sa gilid ko at ibinato kay Leo.

Gaganti sana siya pero napalingon agad kami sa pintuan ng receiving area.

"Mga anak, mag-juice muna kayo. Dito ba kayo maghahapunan?"

"Ay, okay lang po, Tita. Dumalaw lang kami." Tumayo na sina Patrick at Will para kunin ang tray na dala ni Mami.

"Nagluluto pa ako ng memeryendahin, pasensiya na at matagal."

"Okay lang po." Ang galang-galang nilang nagsipagyukuan sa mama ko, akala mo naman, talagang mababait. "Salamat po, Tita."

Ang tamis ng ngiti sa kanila ni Mami, at akala nila, aalis agad. Tumayo si Mami sa tapat ng dulo ng center table at tiningnan ang buong barkada ko isa-isa.

"Ikaw ang bagong kaibigan ni Clark, anak?" tanong pa niya kay Calvin.

"Opo. Ako po si Calvin," sagot ni Calvin, at gusto ko na lang matawa kasi para siyang natatae kung makangiti.

"Calvin," ulit ni Mami, patango-tango pa. "Kaedad mo lang si Clark?"

"Opo. Eighteen lang din po ako."

"Sa kabilang school ka, ano?"

Tumango naman si Calvin. "Opo."

"Ang babait n'yong mga bata."

Mabilis akong nagtakip ng bibig, kasi kung hindi, hahagalpak talaga ako ng tawa sa sinabi ni Mami.

"Thank you po, Tita," nakangiting pasalamat ni Rico.

"Thank you po."

"Thank you po."

Para silang mga bangaw na bubulong-bulong habang payuko-yuko.

"Kapag naluto na ang meryenda, tatawagin ko agad kayo."

"Salamat po, Tita."

"Thank you po."

"Thank you po."

Pagtalikod ni Mami, pinagbabato ko agad sila ng unan habang pinagtatawanan sila. Tahimik kaming nagbabatuhan ng unan habang nag-aasaran kasi tinawag silang mababait ni Mami.

"Ay, oo nga pala, anak."

Sabay-sabay kaming umayos ng upo habang hawak ang mga unan sa kandungan nang tumingin ulit kay Mami.

"Yes, Mi?"

"Nakabihis ka, Clark. Ayos ka na ba? Aalis ba kayo?"

"Opo, Mami. Kukunin ko lang po yung ilang reviewer ko sa Manila," sagot ko agad. "Uuwi po agad kami."

"Sige. Maghapunan ka muna bago umalis, ha?"

"Yes, Mami."

Behave lang kami nang hintayin si Mami na makalabas ng receiving area. Pagkatapos n'on, balik ulit kami sa batuhan ng unan.

"Ang paplastik n'yo, mga ungas!" mahinang sigaw ko.

"Ulol! Bait-baitan amputa. Hindi bagay sa 'yo, gago."

Kung tutuusin, ganito kami sa harap ng ibang mga magulang ng barkada. Ilan lang sa kanila ang kaya naming makausap nang hindi kami nahihiya.

Nilutuan sila ni Mami ng minatamis na saging na may sago. Yung saging, bigay kay Mami ng pinuntahan niya sa Bataan kaya ang dami niyang stock. Sa wakas, may nakakain din ng mga 'yon maliban sa amin ni Dadi.

Alas-sais y medya nang makaalis kami. Pinaghapunan ako ni Mami pero pinakain din niya sina Rico kahit ayaw nila. Wala naman silang magagawa kundi kumain na lang din.

Si Rico ang may dala ng service, tangay na naman niya ang van nila.

Sa sobrang katarantaduhan ng barkada ko at pagkukunwaring mababait sa harapan ni Mami, nakalimutan ko kung bakit nga ba wala akong gana ngayong araw.

Sa biyahe ko na naalala kung bakit.

"'Tol, seryoso, okay ka ba talaga?" tanong ni Leo nang kalabitin ako. "Baka mamaya natatae ka na pala diyan, patahi-tahimik ka lang."

"Wala nga! Parang tanga 'to."

"Huy, bilhan n'yo nga 'tong Diatabs!" sabi pa niya kay Rico. "Rico, ano ba gamot sa natatae?"

"Leopold, parang gago."

"Hihinaan na ba namin yung air con?"

Ang lakas ng tawa nina Patrick kaya sinapok ko agad si Leo sa ulo. "Wala nga kasi! Ikaw salaksakin ko ng air con sa baga e!"

"Bakit nga tahimik ka?"

"Tapos kapag maingay, patatahimikin ako. 'Tang ina ka talaga minu-minuto!"

"Alam mo, siguro, pinagalitan 'to ni Tita Pia kasi madaling-araw na umuuwi. Iuwi n'yo nga 'to nang maaga mamaya."

Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano sasabihin sa barkada ang nangyayari sa 'kin. O kung maiintindihan ba nila ang nararanasan ko. Siguro si Patrick, baka puwede pa. Pero ayokong bigyan ng isa pang alalahanin si Pat kasi until now, hindi pa siya ayos sa ginawa niya dahil kay Melanie. Ayokong magdagdag ng unsolicited burden sa kanya na hindi niya naman dapat problemahin.

Alas-siyete pasado na nang ibinaba nila ako sa bandang DFA. Sunod nilang ibababa si Will sa may terminal ng bus. Tapos si Calvin ang maiiwan sa labas ng casino. Sabay-sabay na papasok sina Patrick, Leo, at Rico sa loob gaya ng nakasanayan.

Nakapamulsa lang ako habang nakatanaw sa langit. Malinis pa rin ang langit, maliwanag pa rin ang buwan kahit hindi buo.

Gusto ko nang matapos 'tong lahat.

Nilakad ko ang papunta sa casino at naabutan ko ang ibang mga nakikita ko rin sa Coastal na tambay roon.

Kapag hindi namin nabawi ang Lamborghini, kailangan na siguro naming umamin. Mas okay na 'yon kaysa magtago pa kami nang mas matagal.

Bumili ako ng gold coins para sa slot machine. Inikot ulit ang casino. Nang makita sina Rico, sumimple ako ng daan nang masulyapan ang barahang sinilip ng ibang players. Sumenyas ulit ako at nakitambay sa ibang mesa. Nakita ko si Leo na nakahiwalay sa kanila at siya ang binigyan ko ng dalawang senyas bago ako pumunta sa slot machine.

Natalo ako ng isang beses, at sa huling coin, nakakuha pa ako ng apat na kapalit.

Umikot ulit ako at nakasalubong si Will sa nadaanan kong aisle. At gaya ng napag-usapan, kapag nakita namin ang isa't isa, wala dapat kaming nakita.

Kumikilos kami na parang wala kaming kaide-ideya sa mga narito. Nag-text ako kay Leo at kay Rico pero hindi agad nila binuksan ang phone.

Sinabi ko na lang na mahuhuli ako ng alis kasi nauna na ako kahapon. Paunahin nilang paalisin si Will sunod si Leo. Huli nang umalis sina Rico at Pat.

Nakadalawang panalo na sina Rico kaya umalis na rin si Will. Saglit pa akong dumaan sa table nila habang kinakalansing ko ang ilang gold coins na dala ko.

Huling laro nina Rico, talo sila. Magandang rason para umalis at ipalit ang chips sa counter malapit sa entrance.

Pag-ikot ko sa mesa ni Leo, wala na rin siya.

Pagtingin ko ng mga text nila, nasa main road na raw si Will. Nauna na sa van ni Rico. Si Leo, nag-text na papunta na sa van. Si Calvin, paderetso na raw sa Coastal kasi may update sa mga handler. Sina Rico at Patrick, pabalik na sa van.

Ang text ko, hindi muna ako sasabay pag-uwi. Dadaanan ko si Dadi kasi gusto kong makausap.

Kahit pa hindi 'yon totoo.

Sinasabi ng utak ko na huwag akong magpakagago. Alas-diyes pasado na kami natapos, dapat nga umuwi na ako. Pero mula seaside sa Pasay, nilakad ko ang kalsada papuntang Parañaque. Sinasabi ng utak ko na umiwas ako sa gulo pero hindi ko kaya.

Hindi ako matahimik.

Buhay na buhay ang hilera na 'yon ng kalsada na puro videoke bar, night club, at Chinese restaurant.

Pero imbes na dumeretso sa resto, umikot ako sa dulo ng kalsada hanggang doon sa dead end na tubig na ang kasunod. Pumasok pa ako sa maliliit na imbakan ng mga bote ng inumin at sa ilang espasyo na halos dulo na ng bakod papuntang tubig.

Tinawid-tawid ko ang kasunod na mga bakod at kahit ang mga parteng halos bintana na nga lang ang puwedeng kapitan.

Para akong magnanakaw na binubuhat ang sarili makatawid lang sa mga parteng iyon ng mga inn sa likod ng mga bar.

Nanginginig ang mga braso nang mapa-pull-up ako nang wala sa oras para lang makatapak sa balcony ng compound ng Red Lotus. Inalalay ko ang mga kamay ko sa makitid na kable habang tinatawid ang manipis na railing ng balcony papunta sa kuwarto ni Mother Shin.

Nang makaabot doon, marahan akong tumapak sa kahoy na sahig at tahimik na hinatak ang nakasarang sliding door. Nakapatay ang ilaw sa loob kaya una kong sinilip ang kama.

Wala si Mother Shin.

Pagtapak ko sa loob, hindi pa ako nakakagawa ng malaking kilos, parang bigla na lang bumagsak ang paligid at halos mapatid ang paghinga ko nang may kumuyom sa kuwelyo ng damit ko at pinigilan ako sa pagbagsak.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang babaeng nanunutok ng kutsilyo sa gitna ng noo ko.

Kahit siya, nagulat din nang makita ako.

"Clark?"

Mabilis kong tinabig ang kamay niyang may hawak na kutsilyo. Kumalansing iyon pagbagsak sa sahig.

Pumaling ako pakaliwa at ipinahiga ko siya sa gilid ng sliding door kung saan bukod-tanging may liwanag mula sa labas.

"Bakit ka—" Hindi ko na pinatapos ang sinasabi niya. Hinarang ko na ang lahat ng puwede niyang sabihin sa akin gamit ang labi ko.

Hinalikan ko siya gaya ng halik niya sa akin noong gumanti siya. Hinahanap ng sistema ko ang lasa ng labi niya. Kahit nagkita naman kami kahapon, parang hindi ko siya nakita nang isang buong taon.

Ang sarap pakinggan ng paghahabol niya ng hangin kahit ng mahihinang ungol niya.

Hindi ko alam kung paano makakaalis dito.

Nababaliw na siguro ako.

"Clark." Sinapo niya ako sa pisngi para pigilan ako. "Bakit nandito ka?"

Punong-puno ng pagtataka ang mga mata niya habang nangingilid ang mga luha ko.

"Sorry, Mother Shin, hindi ko alam kung ano'ng nangyayari sa 'kin." Tumulo ang luha ko sa pisngi niya at kuminang 'yon sa sinag ng buwan nang gumapang paibaba.

"Hindi ka dapat pumunta rito ngayon."

"Pero nami-miss kita."

Bigla siyang tumingin sa direksiyon ng pinto at saka niya ako itinulak para makaalis ako sa ibabaw niya.

"Huwag kang maingay," mahinang utos niya saka ako hinatak palapit sa kama. "Dito ka muna, bilis."

Kahit nalilito, sumunod na lang ako. Nagsumiksik ako sa ilalim ng kama niyang balot na balot ng tela.

Wala naman akong ibang naririnig pero eksaktong pagsara ni Mother Shin ng sliding door ng balcony, panibagong pagbukas na naman ng pinto mula sa kuwarto niya at bumukas ang ilaw.

Manipis lang ang telang nakabalot sa ibaba ng kama kaya kitang-kita ko ang mga paa na kapapasok lang. Naglalakad ang mga 'yon pero walang mga tunog. Kaya siguro wala akong narinig kanina.

"Shobe," sabi ng lalaking kapapasok lang. May mga kasunod pa siya na nagbukas ng pinto ng balcony.

"Ahia."

Marahan akong umurong papunta sa dulo ng kama na ibaba ng headboard. Inurong ko ang mga kahon na nandoon saka ako nagtago sa likod.

Nakasilip ako sa gilid ng mga kahon. Nakikita ko ang mga paang lumilibot sa harapan ng kama.

"Jian?"

"Saglit lang po."

Pinigil ko ang paghinga nang may mag-angat ng tela sa ilalim ng kama. Sinilip-silip pa ng lalaking mukhang katiwala lang ang pinagtataguan ko. Nang walang makita, ibinagsak ulit niya ang takip ng kama.

May mga pinag-uusapan sila pero hindi ko naiintindihan. Siguro kasi Chinese at hindi ko alam kung paano magsalita ng ganoon.

Ang lalakas ng tibok ng puso ko. Kinakabahan ako pero hindi dahil sa ginawa ko. Kinakabahan ako kasi baka pagalitan si Mother Shin.

Namatay na ulit ang ilaw at sumara na ulit ang pinto.

Hindi muna ako kumilos. Baka kasi biglang bumalik. Kahit si Mother Shin, walang inimik.

Ilang minuto rin ang lumipas bago ko isa-isang inalis ang kahon na nakatakip sa akin saka ako marahang gumapang palabas ng kama.

Sinilip-silip ko muna kung may naiwan ba sa loob dahil baka trap lang ang pag-alis pero nagpapasalamat akong wala na talagang naiwan sa loob.

Bahagya akong nagtago sa gilid ng kama patago sa direksiyon ng pintuan. Wala na nga sila.

Ang lalim ng buntonghininga ni Mother Shin nang tingnan ako. Doon siya nakapuwesto sa gitna ng kama at nagkunwaring natutulog lang.

"Sorry," bulong ko. "Siya ba yung pakakasalan mo?"

"Kuya ko."

"Ah, I see . . ." Napayuko na lang ako at nakahinga nang maluwag.

Lumuhod ako sa gilid ng kama at kinuha ang kamay niya.

"Puwede ba 'kong pumunta bukas?"

Dismayado siyang umiling.

"Dadating na ba yung pakakasalan mo?"

"Hindi ko pa sigurado. Pero nakauwi na kasi si Ahia. Baka nakita ka niya sa balcony kaya siya napapunta rito."

"Saan ba siya naka-stay?"

"Sa kuwarto bago 'to."

Shit.

"Saan pa ako puwedeng lumabas?" tanong ko na lang.

"Pagsara mamayang ala-una, puwede kitang dalhin sa back door."

Ala-una. Gabing-gabi na.

Napatango na lang ako. "Sige, sige."

"Huwag mo nang uulitin 'to," paalala niya sa 'kin. "Mapapahamak ka."

"Kailan kita puwedeng makita ulit?"

Nakagat niya ang labi, at sa reaksiyon pa lang niya, halatang hindi rin niya alam ang sagot.

"Puwede pa ba kitang makita ulit?" huling tanong ko na.

"Bibisita na lang ako sa Coastal. Hintayin mo na lang ako r'on."

Gusto ko sanang sabihin na huwag na siyang umalis. Kahit ako na lang sana ang bumisita sa kanya, ayos lang kaysa maabala pa siya. Pero ngayon pa lang, ramdam ko nang mahihirapan kaming dalawa.

Tama pa ba 'tong pinapasok ko?

Hindi ko na alam.

♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top