Chapter 100: Real Talk

Sinunod ko si Jaesie.

Hindi lang dahil may point siya kundi dahil nangyari na rin naman na 'to noon kay Cheska at kusa na lang 'yong natigil kahit hindi namin pigilan ni Calvin.

Nangangati akong i-send kay Tita Tess ang nag-iisang photo na meron ako bilang ebidensiya pero kapag iniisip ko ang sinabi ni Jaesie, nagdadalawang-isip agad ako.

Iniwasan ko ang mga Dardenne nang dalawang araw. Pakiramdam ko tuloy, wala akong silbing tauhan ni Tita Tess at wala rin akong kuwentang kaibigan para kay Rico.

Si Jaesie tuloy ang binulabog ko kasi pati si Calvin, wala rin. Wala na nga si Mother Shin sa Pinas, sumama pa siya. 'Tang ina naman kasi, bakit siya sasama? Lola ba niya 'yon?

Nasa excavation area si Jaesie sa Roxas Boulevard. Sinisimulan nang gibain yung bahay na nakatayo roon para masimulan na ang Purple Plate.

May malapit na blangkong bench doon sa tapat ng lote niya, doon kami pansamantalang tumambay. Himala ngang naka-casual siya ngayong pulang long sleeves at itim na slacks. Hindi siya mukhang manginginom na bagong gising.

"Kumusta si Early Bird?" tanong niya out of nowhere.

"Ba't mo natanong?"

"Kasi mukhang bothered ka pa rin until now."

Napalingon tuloy ako sa kaliwang gilid para tingnan siya. "Halata ba?"

"Halata for me, kasi alam ko ang back story, e. So, parang unusual na makikipag-meet ka sa 'kin without any reason. Hindi mo naman hawak ang Purple Plate, right?"

"Oo nga." Ang lalim ng buntonghininga ko at sumandal sa bench, iniakbay ko ang magkabilang braso sa sandalan at tumanaw sa service road sa di-kalayuan. "Pero, legit, ang bigat sa feeling na may alam ka tapos dapat tahimik ka lang."

"Hindi siya applicable all the time, Clark. Sometimes, it's better na mag-stay put ka lang, and saka ka mag-support kapag need na talaga ng support."

"Si Tita na nga ang nanghingi ng support. Nagi-guilty tuloy ako. Kasi alam mo, Jaesie, baka hindi nasabi ni Will, college pa lang ako, naging part-time ko na yung ganito na parang . . . alam mo 'yon? Huhuli ako ng kabit ng client ko, tapos rumble na sila after."

"Part-time?" gulat niyang tanong. "As in work?"

"Yeah." Tumango ako. "Kaya hindi ako sanay kasi gawain ko talaga since 18 ako. 27 na 'ko, halos isang dekada na rin."

"Ooohh, mas matanda ka pala sa 'kin."

"Going 26 ka na this year, di ba?"

"Yeah!" Mabilis naman siyang tumango. "Okay lang na hindi mo binisto, Clark. Truth will find its way naman."

"Paano nga, di ba? Buti ikaw, honest ka. Si Betty, hindi."

"But, Clark, listen . . ." mahinahon niyang utos at pumaling sa 'kin. "Betty can't hide that for too long. Maraming way para ma-reveal ang totoo. Hindi mo kailangang i-drop lahat ng responsibility sa kamay mo." Itinuro niya ang bulsa ng pantalon ko. "You got that photo. She knew you got that photo, kaya for sure, alam na niya ang mangyayari. Everything happens for a reason, Clark."

"Ang tagal kasi."

"Bakit ka naiinip?" mahinahon ang pagkakatanong ni Jaesie pero parang may binangga siyang kung ano sa dibdib ko na bumuhay ng inis ko. Hindi naman sa kanya pero inis sa sarili ko at sa nangyayari.

Napabuntonghininga na naman ako at napahimas ng noo. "Aaay! Haay, ayoko na." Tumingala ako sa lilim ng puno ng suha saka inalis ang mga iniisip sa mga sandaling 'yon.

Naiinip ako kasi ang tagal matapos nito. Ayoko ng ganitong agony na sobrang tagal. Nakaka-anxiety.

"Yung friend mo ba ang iniisip mo o baka feel mo lang talagang sumalo ng responsibility ngayon?"

Napatingin tuloy ako kay Jaesie mula sa pagkakatingala.

"Ha?"

"Kasi, Clark, if you love your friend, you'll know the best option right now. You will talk to him heart to heart." Sinapo niya ang dibdib. "Kasi if ako ang nasa position mo, I'll talk to him personally. Tatanungin ko siya kung mahal ba niya talaga yung girl. Kung seryoso ba 'yon. Kung may plano ba siya for them in the long run. Kung gaano niya kakilala ang girl na 'yon. Kasi based sa story mo, even you, hindi mo kilala yung girl. Hindi mo nakikita ang perspective ng friend mo towards kay Betty. So, alam mo 'yon? Wala kang basis sa end ni Early Bird. Is this about your friend or about the responsibility of separating them for good lang?"

Ang lalim na naman ng paghinga ko at napaisip na naman ako sa tanong niya.

Gusto kong isipin na para lang talaga 'to kay Rico. Pero hindi ko rin alam kung seryoso ba si Rico kay Betty o pinagtitripan lang niya si Tita Tess.

May chance na pinagtitripan lang niya si Tita kaya riot sila ngayon.

O . . . baka nga ganoon.

"'Tang ina namang kasing love-love na 'yan. 'Yan talaga yung red flag, e."

"Hahaha! Grabe sa gigil. Hindi naman love ang red flag. Yung nagde-decide ang red flag."

"Kontra agad. Iba ka talaga, Jae."

"Because love is not wrong kasi. Ang wrong ay yung hinahanap mo ang love sa maling lugar."

"Ngayon, nasa maling lugar na sila. Pero bahala na sila diyan, malalaki na sila."

Tinawanan niya 'yon at natahimik na naman kaming dalawa.

Ang lamig sa puwesto namin kasi lilim. Lilim na, malapit pa sa dagat. Sakto lang ang layo sa service road kaya hindi mapolusyon gawa ng sasakyan. Kumbaga filtered na pagdating sa puwesto namin dahil sa mga puno at damuhan.

"Single ka pa rin, 'no?" tanong ko, may mapag-usapan lang.

"Yes. Okay lang naman na single. Walang sakit ng ulo."

"Pero after Patrick, hindi ka na na-fall sa ibang guy?"

"Hmm. Yung love, hindi naman nawala, e. I mean, kung na-fall ka na beforehand, parang hindi na siya tamang tawaging 'na-fall'."

"Pero meron ngang guy?"

"Oo, meron," mabilis niyang sagot kaya napalingon ako sa kanya mula sa pagkakatingala. "I loved him, yung gustong-gusto ko talagang makasama."

Tinantiya ko pa kung seryoso siya.

Seryoso naman.

"Nasaan siya?" tanong ko.

"Somewhere. Kung saan siya masaya ngayon."

"Hindi mo pinili?"

Matipid ang ngiti niya nang umiling para sabihing hindi.

"Mahal mo pala, bakit hindi mo pinili?

"Hindi ko pinili kasi hindi niya alam ang gusto niya. Ayoko sa lalaking hindi sigurado."

Doon niya 'ko tiningnan na parang ako talaga ang kausap—kahit na ako naman talaga ang kausap.

"Sobrang indecisive niya," dagdag niya, titig sa mga mata ko. "Hindi niya alam kung pipiliin niya 'ko o pipiliin niya yung ibang babae. Sobrang gulo niya magdesisyon. Tapos pa-fall pa! Alam mo yung ang landi-landi niya sa 'yo, pero ganoon din pala siya kalandi sa iba. Mahal niya raw ako pero ayaw niyang mag-commit. Tapos wala pang pangarap sa buhay!"

Napaayos agad ako ng upo at dinuro-duro ang hangin. "Pangalanan mo nga 'yan!" singhal ko. "Nakaka-curious ha! Parang nang-aatake ka na, e!"

"Hahaha!" Binangga na naman niya ako, pero dahil nakapaling na ako sa kanya, dibdib ko na ang dinamba niya. "Sorry na."

"Hindi nga, sino 'yan?"

"Friend ko."

"May C ba sa name niyan?"

Natatawa siyang tumango. Sabi na, e. Baka ako na 'to. Nagpaparinig lang.

"Pero sa surname," dagdag niya. "First letter ng surname niya, C. Initial ng name niya, A.C."

A.C? E, paano 'yon? C.M. ako.

"Hulaan ko name nito. Air Conditioner."

"Hahahaha! Sira!" Itinulak na naman niya ang balikat ko habang tumatawa. "Friend ko siya since high school. High school crush."

Bigla siyang sumeryoso at napansin kong bumibigat na para sa kanya ang topic.

"Alam mo 'yon? You grew up together. Parang . . . you build your dreams para sa inyong dalawa . . . tapos sure ka na sa kanya . . . then malalaman mo na lang na hindi pala siya sure sa 'yo."

Pinilit ni Jaesie na ngumiti paglingon sa 'kin, pero kita ko ang lungkot sa mga mata niya. Sa sobrang expressive ng mga mata niya, parang ako ang suspect sa lungkot na 'yon, e hindi ko naman siya kilala since high school siya.

Ang matindi, nakokonsiyensiya ako. 'Tang inang 'yan. Makikinig ka na nga lang, igi-guilt trip ka pa ng tingin, e.

"Paano mo naman nasabing hindi siya sure sa 'yo?" tanong ko, kasi feeling guilty talaga ako, e. "Tinanong mo na ba siya?"

"Yes." Marahan siyang tumango sabay yuko. "Sabi niya, mas okay na ganoon muna kami. Na masaya lang. Na chill lang. Ayaw muna niya ng commitment."

"Jae, ganoon kasi talaga madalas ang mga lalaki. Siyempre ano . . . lalaki 'yon, e."

Ang pait ng tawa niya bago ako tiningnan. "Tapos kapag masama ang loob namin kasi kailangan namin ng assurance, biglang kasi babae kami?"

"Minsan kasi, wala sa lugar manghingi ng assurance."

"Seryoso ka ba? Joke ba 'yan, Clark?"

"Hindi naman sa gano'n. Ang akin lang kasi, Jae . . ."

"Clark, kung hindi ka sigurado sa babae, huwag mong landiin. Hindi assurance namin ang wala sa lugar, yung kalandian n'yo ang wala sa lugar. That's the point."

Napasapo agad ako ng dibdib sa sobrang gulat. "O, bakit parang galit ka? Bakit parang kasalanan ko?"

"Bobbie Salazar, is that you?" natatawa niyang segue.

"Aaaay! Alam ang reference!" Nakangisi ko siyang itinuro.

"Tse!" Bigla niyang tinapik ang kamay kong nakaturo sa kanya. "Hindi 'yan ang topic."

Ayaw patalo!

"Hindi kasi, Jaesie, ito explain ko rin ang side ko," paliwanag ko nang seryoso. "Kapag kasi sure na kami, sure na 'yon, e. Kung ikaw na, ikaw lang. Alam mo 'yon? Nandoon ka na, e. Hindi lang tama ang timing ngayon, pero baka someday, puwede na."

"Kaya nga . . ." pagpilit niya, ayaw padaig. "Kaya bakit mo sasabihing wala sa lugar manghingi ng assurance?"

"Kasi what if sweet by nature lang yung guy? Tapos binigyan mo lang ng meaning ang ginagawa niya kasi pinalaki siya nang maayos ng parents niya? Fault ba ng guy na ma-fall ka sa kanya dahil lang sweet siya by nature?"

"Kaya nga ako nanghihingi ng assurance. Kasi yung assurance na 'yon ang maglalagay sa 'kin sa lugar na sinasabi mo. Kung sweet ka by nature, dapat ikaw ang lumugar, hindi ako. Nananahimik ako, tapos haharot ka."

Napakamot tuloy ako ng batok. Makikipagtalo talaga siya.

"Jae . . ."

"Alam mo, Clark, kung ikaw, hindi mo alam kung saan mo ilulugar ang babaeng nagmamahal sa 'yo, then ibahin mo 'ko sa kanila. If you don't know where to put me in your life as a man; puwes ako, bilang babae, alam ko kung saan ako lulugar. And once na ako ang humanap ng lugar ko, sa lawak ng mundo, sisiguraduhin kong hindi 'yon sa tabi mo. Ayokong mag-rely sa uncertainty ng lalaki, Clark. If it's a yes, it's a yes. Kung no, then no. End of discussion."

Bigla akong napairap at napahimas ng noo. "Para kang si Early Bird magsalita. Alam mo, ganyan na ganyan din siya, pramis!"

"Kasi totoo ang sinasabi ko, Clark," mahinahon na niyang katwiran sa 'kin. "Ano'ng point ng pagpapaasa mo sa babae? Bakit mo siya kailangang pakitaan ng sweet gestures? Kasi trip mo lang?"

"Marami namang guy na sweet, a?" depensa ko.

"Hindi ba dapat, yung mga guy na 'yon ang mag-restrict sa sarili nila for being sweet kasi, basic modesty na lang, Clark. Respect na lang sa personal space ng girl na ini-invade mo intentionally. You will hug her without feelings? You will kiss her without feelings? Makikipag-holding hands ka without feelings?"

"May consent naman 'yon."

"Yung consent na 'yon, consent din 'yon para papasukin ka sa buhay nila. For what? Para lang magbigay ka ng mixed signals? Gano'n kayo ka-heartless para hindi i-consider na kada effort n'yo, may potential na ma-fall ang nakaka-receive ng effort?"

"Jae, may mga girl naman kasing civil lang. Casual lang sa kanila. Ikaw nga, inaakbayan kita, na-fall ka na ba sa 'kin?"

"Bakit ako mafo-fall sa 'yo? Sino ka ba?"

"Ay, pot—" Napasapo ako ng bibig sabay paling sa kabilang direksiyon habang mapait na natatawa.

Sino raw ako?! 'Tang inang tanong 'yan.

Humarap agad ako kay Jaesie at maangas na itinuro ang sarili ko. "Clark Mendoza 'to, Jae!"

"I know!" natatawa niyang sagot habang naiilang na nakatingin sa 'kin. "I mean, sino ka ba para ma-fall ako bigla sa 'yo? Si Keanu Reeves ka ba? Si Henry Cavill ka ba?"

"Ay, grabe ka na talaga, Jae," dismayado kong sinabi, sapo-sapo ang dibdib. "Sinasaktan mo na ang damdamin ko, alam mo ba 'yon?"

"Hahahaha!" Binalot ng tawa niya ang buong block na 'yon kung nasaan kami. Nagdadrama ako rito, bigla na namang nanulak habang tinatawanan ako.

"Jae, matapos mong i-invalidate ang feelings ko, tatanungin mo 'ko kung sino ba 'ko? Ang sakit mo sa atay!"

"Hahaha, sorry na, Claaaark!" Bigla na siyang nangyakap mula sa balikat, kibit naman ako nang kibit para ilayo siya sa 'kin.

"Don tats mi! You brok may hart en balun-balunan! Haw der yu?"

"Hahaha! Sorry na ngaaaa!"

Umayos ako ng upo habang masama pa rin ang tingin ko sa kanya. Pinagpag na niya ang long sleeves kong nagusot kayayakap niya sa braso ko.

"Sorry na kasi," sincere niyang sinabi habang inaayos ang damit ko. "Ayoko lang ng parang . . . hindi kino-consider ang feelings namin dahil lang gusto namin ng assurance. Ayaw ko lang ng nagtatanong for myself kung saan ba dapat ako . . . or hanggang saan lang ba dapat ako bilang parte ng buhay ng guy."

Pag-angat niya ng tingin, sinalubong ko ang titig niya. Mas sincere na 'yon ngayon. Mas nangungusap. Mas nagpapaintindi pa sa sentimiyento niya.

Sa tingin pa lang ni Jaesie, mababasa na talagang hindi unang beses na paasahin siya.

Doon sa mga tingin na 'yon, ang manhid ko na siguro kapag hindi ko naramdaman na may sakit at pait doon sa ipinaglalaban niya.

"Pero, if ever, papayag kang maging boyfriend ako?" casual na tanong ko. "Ako as Clark Mendoza? Ayan, para may name kung sino ba 'ko."

Natawa na naman siya nang mahina saka umiling. "Ayoko ng boyfriend. Ayokong mag-ipon ng ex."

"Hindi mo naging boyfriend si Pat?"

Matipid ang ngiti niya nang umiling. "Deretso engagement kami."

Grabe naman 'to.

"Friend na lang—"

"Ayoko rin," mabilis niyang putol sa 'kin. Mas mabilis pa do'n sa boyfriend na tanong!

"Bakit ayaw mo?" nagtatakang tanong ko.

"Kasi maaga pa para ilagay kita sa friendzone," paliwanag niya. "Dead end ko na 'yon sa guys. Ikaw kasi, ayokong nandoon ka. Kasi karamihan ng friend kong guys, hindi ko kinakausap nang ganito ka-close. Basta gusto ko, malayo sila sa 'kin. Tapos friends lang kami. Puwede na 'yon for them."

"Oooh . . ." Napatango-tango tuloy ako. "E, paano 'yon? Ayaw mo 'kong maging friend. Ayaw mo 'kong maging boyfriend. So, ano? Kapwa na lang kita."

"Hahahaha! Puwede rin!"

Patola talaga 'tong babaeng 'to! "'Kabuwisit."

Natamaan ng tingin ko ang mga nagtatrabaho sa magiging café niya. Nag-aalisan na sila roon sa area. Tumingin ako sa relo ko, lunch time na pala.

Tumayo na 'ko at nagpagpag ng puwitan. "Tara na, Kapwa. Kain tayo sa labas."

"Bakit?"

Pababa ko siyang tiningnan, masama pa ang tingin ko. "Ang gaga ng tanong, 'te!"

"Hahahaha!" Bigla na naman niyang hinampas ang balakang ko habang tumatawa.

"Kakain sa labas, bakit? Sabunutan kaya kita?"

Tawa lang siya nang tawa, nakahawak pa sa tiyan.

"Ang ganda mo na sana, Jae, e. Oo, alam mo 'yon?"

"Hindi kasi!" natatawa niyang depensa sa 'kin. "I mean, bakit ako ang inaaya mo?"

"Kasi nga, kapwa kita. Ayokong nakikita ang kapwa kong nagugutom."

"Hoy, sobra ka!"

Kinuha ko na ang kamay niyang mamamalo na naman saka siya hinatak patayo. "Tara na! Yung mga tao mo, kakain na. Ikaw, tatambay ka pa rin dito. Hindi ka ba nagugutom?"

"Nagugutom."

"Nagugutom ka pala tapos tawa ka lang nang tawa diyan. Mabubusog ka ba diyan?"

"Eto na nga, di ba, aalis na nga tayo, e." Nagpagpag din siya ng damit niya at kinuha ang hand bag niya sa gilid ng bench.

"Ewan ko na talaga sa 'yo, Jae. Ang gulo mong tao. Tao ka bang talaga?"

"Hahaha! Ssshh ka na! Kain tayo doon sa Max's, libre ko."

"Huwag na! Baka sumakit pa tiyan ko kapag binayaran mo."

Natawa na naman siya habang yakap ang braso ko. "Sige na nga. Ikaw naman mayaman sa 'ting dalawa."



♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top