Chapter 9: Changes
This chapter is dedicated to AneyMellere. Na-feature sa FB group ang kanyang comment sa previous chapter. Thank you, thank you so much sa mga insight ninyo about Clark Mendoza story. Nakikita ko ang perspective ninyo as a reader na puwede kong i-consider while writing this story. Madalas, may mga reader na interesting ang mga hula nila sa plot, and I considered some of those kaya helpful din ang substantial comments for me as a writer nitong story. Nakakatulong kayo sa progression ng plot ^_^ Thank you so much sa pag-iwan ng comment!
Enjoy reading po sa inyong lahat!
♥♥♥
Marami akong dahilan para humindi sa kasal, pero marami rin akong dahilan para umoo. Ayoko lang ng 50-50 ako ngayon kasi hindi ko susugalan 'yon. Siguro kung si Patrick ako, oo. Kung si Rico ako, oo. Pero kasi, si Clark ako kaya hindi ko kaya.
Kung sinabi 'to sa 'kin ni Tita Tess siguro ten years ago? Five years ago? Nakapag-adjust sana ako nang paunti-unti kay Sabrina. Hindi 'yong ganito na gugulatin nila ako, tapos ang dami-daming nangyayari na hindi ko alam kung pinagtitripan lang ba ako o ano.
Gusto akong ipakasal ni Tita kay Sabrina, tapos may babae siyang hinahanap sa 'kin kaya pinasusundan niya 'ko sa mga taga-Afitek.
Ano'ng iisipin ko? Na sige, pakasal na kami ni Sab! Hayaan ko na lahat! Iwan ko na lahat!
Hindi ako si Leopold. Kung kaya 'yon ni Leo na iiwan niya lahat ng responsibility niya para kay Kyline; ako, hindi ko kaya 'yon.
Ayokong makarinig ng sumbat mula sa kanila. Gusto kong kapag nag-yes ako kay Sabrina, wala na akong masyadong dahilan para mag-no.
Ayoko mang kausapin si Tita Tess pero kailangan ko na talagang magsalita. Kasi kung hindi malilinaw 'to, lalo lang magiging gulo 'to para sa 'min.
Nag-usap kami ng gagawin sa mga nagmamanman sa bahay namin ni Leopold. Ang akin, siguradong mga taga-Afitek ang rumoronda sa area ko. Iisipin ko na lang na mas ligtas ako kaysa sa mga rumoronda kina Leopold na unknown pa rin hanggang ngayon.
"Sasabihin mo na ba kay Mommy Linds yung sa umiikot sa bahay n'yo?" mahinang tanong ko kay Leo habang nakamasid sa hallway ng second floor.
"Baka daanan ko siya sa gun shop. Ayoko kasing sabihin agad, baka taga-Afitek. E di, nagkagulo sila ni Tita Tess n'on."
"Malamang." Napatango ako. "Pero wala kang naiisip na suspect?"
"Iniisip ko nga kung si Ky ba ang habol n'on. Baka may gusto sa asawa ko."
Gusto ko sanang tawanan pero mas nakakatakot 'yon para kay Kyline, lalo pa't mahilig gumala si Ky nang wala si Leo.
"Sabihin mo muna kay Ky na huwag munang umalis sa kung saan-saan. Baka kasi sundan doon sa pupuntahan niya, e kahit kasama n'on si Eugene, ilang taon pa lang naman ang anak mo."
"Kaya nga kakausapin ko silang lahat. Magdadagdag na rin ako ng camera sa bahay na mas malapit sa gate."
Wala pa namang nangyayaring masama, pero ayaw naming umabot kami roon.
Dinaanan namin sina Ky sa kuwarto nila kasi bukas pa ang pinto. Sama-sama silang babae sa kuwarto ni Melanie. Naabutan pa namin silang tatlo roon na mga mukhang multo kasi pare-parehong may beauty mask sa mukha at nakasuot ng white robe.
"Bakit bukas pa kayo?" tanong agad ni Leo.
Si Mel ang sumagot. "Nasa labas pa kapatid ni Rico, e."
Nagkapalitan tuloy kami ng tingin ni Leo at ako na ang naunang magbuntonghininga.
Mukhang ako pa ang magsusundo kay Sab para lang matulog na.
Lumapit sa amin si Ky, nakaabang sa hangin ang mga braso para sa yakap. May headband ang ulo niya at may takip na mask sa mukha na kita lang ang mata at bibig.
"Love, kiss mo 'ko," hingi agad ni Ky nang makalapit.
"Pagkatapos diyan, matulog ka na, ha?" paalala ni Leo at sinalubong lang ang mga kamay ni Ky sa hangin saka maingat na dinampian ng halik ang asawa niya sa labi. "Tumawag ka kapag may kailangan ka."
Napairap agad ako. "'Tol, yung kuwarto natin, ayun lang, o!" Itinuro ko ang pintuan na sampung lakaran lang mula sa puwesto namin.
"Paki mo ba?" masungit niyang sagot at inirapan din ako. Nginitian lang ulit niya si Ky saka inalis ang ilang hibla ng buhok ng asawa niya na dumikit doon sa face mask. "Yung tumbler mo, may laman pa ba? Baka mauhaw ka mamayang madaling-araw."
"Meron pa. Enough naman."
"May charge pa yung phone mo?"
"Yes, love."
"Natawagan mo na sina Luan?"
"I did."
Napakamot ako ng ulo. "'Tol, matutulog lang kayo sa magkaibang kuwarto, ha? Hindi ka mangingibang-bansa."
"Puta ka, hanapin mo na nga si Sabrina para makatulog na rin asawa ko!"
Sinipa ko agad siya sa hita saka ako tumakbo palayo bago pa siya makaganti.
"Mga kalandian talaga ni Leopold sa katawan. Maggu-good night lang, ang dami pang ritwal! 'Kakadiri!" parinig ko bago bumaba ng hagdan. Lalo akong nagmadali nang maghubad siya ng alpombra at akmang ibabato sa 'kin.
Sa dalawang babae lang sweet si Leo: kay Auntie Filly saka kay Kyline. Kay Tita Liz naman siya komportable sa lahat, yung parang third mommy na talaga niya. The rest, wala na siyang pakialam.
Kung may isang lalaki talaga sa barkada na gusto kong i-recommend sa babae, si Leo talaga, e. Si Jaesie nga, kay Leo ko gustong ireto kung wala lang si Kyline.
Malaking leap sa buhay ni Leo si Kyline kasi alam naming lahat kung gaano niya isinusumpa ang pagkakaroon ng pamilya. Ayaw niyang mag-asawa, ayaw niyang magkaanak, ayaw niyang mangyari sa magiging pamilya niya ang nangyari sa kanila ng totoo niyang mama.
Kaya rin walang sinasabi sa kanya ang buong barkada kung bakit sobrang alaga niya kay Kyline. Malamang kasi, naging pangako na lang niya sa sarili niya 'yon na hindi niya gagawin sa asawa niya ang ginawa ng daddy niya sa dalawang mama niya.
'Yon lang, nakakabuwisit pa rin siya. Tapos kung makaako kay Luan, hindi rin naman niya mapalaki nang tama. Good morning lang, hindi pa maituro sa bata kung paano babati nang maayos.
Hinanap ko na si Sabrina kasi hindi maisasara nina Melanie ang pintuan nila kung hindi sila kompleto sa loob. Mabuti sana kung automatic ang lock nila, e nasa ancestral house kami.
Kung saan-saan pa ako napadpad, doon lang pala siya tumatambay sa may pool area kung saan kami nag-party kanina.
Nasa chaise lounge siya, nakaupo roon sa bandang sandalan, umiinom at nagyoyosi.
"Sabi na, nandito ka, e."
Napatingin siya sa 'kin pagbuga niya ng usok.
"Why?" tanong niya pag-upo ko sa bandang harapan ng mahabang upuan.
"Ikaw lang yung wala sa taas kaya hindi pa sila nagla-lock ng kuwarto." May mga naiwan pang beer in can sa mesa, mukhang inuubos yata niya. Kumuha na lang din ako para maubos agad.
"Puwedeng i-share ang pinag-usapan n'yo kanina nina Kuya?" tanong niya.
Mabilis akong umiling saka ngumiwi. Kung barkada ko nga, hindi maintindihan ang mga sinasabi ko, siya pa kaya?
Inilapag ko sa kalapit na mesa ang can ng beer at nagpagpag ng kamay.
"Bakit hindi ka pa matulog?" tanong ko na lang. Kinuha ko ang kanang kamay niyang walang kahit anong hawak at pinatunog ang mga daliri niya roon.
"Ikaw, bakit hindi ka pa matulog?" tanong niya rin sa 'kin.
"Nagpapaantok nga ako, e." Inagaw ko na ang yosi niya at ako ang humipak doon para maubos agad. "Kuya mo, agree daw kay Tita Tess."
Natawa ako nang mahina nang maalala na naman ang tungkol sa sinabi ni Rico at sa mana. Pumaling ako sa kabilang direksiyon para bumuga ng usok at pagbalik ko sa kamay ni Sabrina para sana patunugin, natulala na lang ako roon.
Nakatitig lang ako sa kamay ni Sabrina at iniisip kung kaya ko bang suotan 'yon ng singsing sa harap ng lahat.
"Ayaw mo sa decision ni Kuya?" malungkot na tanong ni Sabrina na idinaan ko na lang sa tawa ang pagsagot..
"Natural, ayoko. 'Tang ina, pakakasalan kita ngayon? E di, para tayong tanga n'on."
"Sinabi ni Kuya na may mana ka galing kay Mum?"
"Oo."
Napasulyap ako sa kanya nang matahimik siya. May duda sa mga mata niya pero may halong lungkot din.
"Sabihin ko kaya kay Tita Tess, 'Tita, ikaw na lang pamanahan ko ng 200 million, tigilan mo lang ako?'" biro ko sa kanya.
"Hahaha! Sira." Pinalo niya nang mahina ang gilid ng ulo ko at natawa na lang din sa sinabi ko.
As if namang papayag si Tita Tess na suhulan for 200 million.
"'Kainis naman kasi si Tita Tess. Urong ka nga," utos ko. Umurong naman siya hanggang sa maupo na ako at mahiga sa sandalan ng inuupuan namin. Natitigan ko ang likod ni Sabrina na balot ng hiniram niya yatang T-shirt ng kuya niya sa sobrang laki. "One month na 'kong single kaka-stalk sa 'kin ni Tita. Hindi tuloy ako malapitan ng chicks ko. Tsk. Bigyan ko kaya siya ng permanent restraining order?"
Idinaan ko na lang sa biro ang gustong-gusto ko na talagang gawin. Pinipigilan lang talaga ako ng idea na maputol ang koneksiyon ko sa mga Dardenne dahil doon.
Mabilis na lumingon si Sab at pinandilatan ako ng mga mata. "Seryoso?" tanong pa niya haba natapik ko siya sa balikat.
"Joke lang, parang gaga." Natawa tuloy ako sa reaksiyon niya.
Nangangati talaga akong mag-file ng restraining order para kay Tita Tess, pinipigilan lang ako ng koneksiyon ko sa mga anak niya.
Ang lalim ng buga ng hininga ni Sab at sumandal na rin siya sa sinasandalan ko. Hindi naman masyadong malaki ang chaise lounge para magkasya kaming dalawa nang may malayong distansya kaya inayos ko na lang ang braso ko para may puwesto siya sa kanya.
Nakadantay ang ulo niya sa bandang balikat ko para gawing unan.
"What if bigla kang ipatawag ni Mum. May plan ka na?" tanong niya nang matahimik kaming dalawa.
"Siyempre, kakausapin ko muna. Saka hindi naman niya agad-agad mase-settle 'yang kasal. Si Patrick nga, nakapag-apply ng marriage contract, na-expire na lang kasi hindi nagpakasal si Melanie."
"Hmm."
Kahit anong gawin naman ni Tita Tess, kapag may isang may ayaw sa amin ng kasal, void pa rin 'yon sa dokumento.
Inabala ko ang kaliwang kamay kong baka mangawit. Hinagod-hagod ko ang buhok niya at sinuklay-suklay 'yon.
"Si Ivo, hindi na nagparamdam?" tanong ko na gusto ko ring malaman ang sagot.
Isa 'yon sa mga dahilan kaya ayokong magpakasal kay Sab kung ang usapan ay ngayon o urgent ang wedding.
Kasi alam kong mahal ni Sabrina si Ivo. Inilaban niya 'yon kay Tita Tess. Sabihin nang gago si Ivo, pero hindi pa rin n'on mababago ang katotohanang minahal siya ni Sabrina.
Kaya nga sabi ko kay Tita Tess, aalagaan ko lang si Sab. Ayokong may palitan sa kanya. Kasi hindi naman 'yan vacancy sa trabaho na porke may nag-resign na isa, basta may qualified, puwede nang palitan agad ng bagong tao. Ginawa pa akong rebound ni Tita Tess.
Natagalan bago sumagot si Sab. "Kaka-break lang namin, pinagtrabaho na agad ako nina Mum. No one talked about Ivo anymore."
"Naka-move on ka na?"
Natawa lang siya nang mapait doon, sarcastic pa nga at naiinis, naghalo na.
"Not sure. I just felt nothing if si Ivo ang topic."
Sa totoo lang, naaawa ako kay Sabrina. Hindi lang naman sa kanya, kahit din kay Rico. Kasi parang wala silang ibang choice pagdating sa mga ganitong bagay. Mas magaling lang magdala si Early Bird ng frustrations kaya hindi masyadong halata. Saka vocal din sa emosyon kaya gustong laging alam ng lahat kung kailan siya galit, kung kailan siya naiinis, kung gaano kasama ang loob niya.
Si Sab kasi, kahit vocal, hirap siyang mamili ng tamang sasabihin. Mas naging mahirap lang ngayon para sa aking intindihan siya kasi ang daming nagbago. Saka lang nag-sink in sa akin ang sinasabi ni Leo na sa dami ng taon na dumaan—mga taon na hindi ko kasama si Sabrina at hindi naman ako ang kasama niya at nag-alaga sa kanya—ang dami ko nang hindi alam.
Parang na-stay na lang ako sa obsolete knowledge tungkol sa kanya at hanggang doon na lang ako. Wala na talaga akong ibang alam maliban sa alam ko noong bata pa siya—na sobrang tagal nang detalye para panghawakan ko pa.
"Are you trying to put me to sleep?" mahinang tanong niya, at dinig kong inaantok na siya. Dahil siguro sa ginagawa kong pagsuklay sa kanya gamit ang mga daliri ko.
"Secret," nakangiting sagot ko.
Mahina niya akong sinampal sa bandang panga bago ilapag ang kamay niya sa balikat ko.
"Don't 'secret' me, jerk."
"Inaantok ka na, akyat ka na," sabi ko, sinisilip ang mukha niya.
"Umiinom pa 'ko."
Nakapikit na siya at mukhang makakatulugan na talaga ang iniinom. "Inaantok ka na, e." Natawa ako nang mahina.
"Hindi pa nga."
"Inaantok ka na."
"Don't gaslight me. I know I'm not sleepy."
"You're sleepy. I know."
"You're putting me to sleep. Of course, you know."
"Kapag nakatulog ka rito, iiwan talaga kita."
"Kargahin mo na lang ako, tinatamad akong tumayo."
"'Yan, pareho kayo ng kapatid mong palautos."
Natawa na naman siya nang mahina kaya bumangon na ako. Nakangiti siya sa 'kin habang hinihintay akong sundin siya.
Umupo ako sa gilid ng upuan at tinapik ang likod ko para pasampahin siya roon.
"Yey!" hiyaw niya, nagtaas pa ng mga kamay.
"Tuwa ka naman."
Lumapit na siya sa 'kin at ibinalot ang braso niya sa balikat ko, ang mga binti naman niya sa baywang ko.
Sinasabi niyang mataba siya pero ang gaan naman niya. Ni hindi man lang ako nahirapan sa pagtayo. Hindi ko alam kung saan lang ba ako sa weights o talagang magaan lang siya. Pero kaya kasi siyang buhatin ni Rico nang isang brasuhan lang kaya baka magaan lang talaga siya.
Amoy alak siya at yosi. Pagagalitan agad 'to ni Jaesie pagdating sa kuwarto. Siguradong hindi 'yon papayag na may katabi silang amoy bisyo.
Paakyat na kami ng hagdan nang manlaki ang mga mata ko kasi para siyang pusang harot nang harot sa buhok ko. Hindi lang 'yon, bigla niyang kinagat ang tainga ko kaya napalingon agad ako sa kanya.
"Talaga ba, Sab?" Pinalo ko ang kanang hita niya para pagsabihan. 'Tang ina naman, kapag hindi natahimik 'to, nakoooo.
"Hahaha! Ang bango mo, Clark."
"Malamang, duh!"
Tinatapik-tapik na niya ang dibdib ko at pag-akyat namin sa second floor, napatingin ako sa kamay niyang hinihimas na ang tinatapik lang niya kanina.
Napapikit na lang ako para magtimpi ng inis.
"Tumigil ka diyan, Sabrina."
"Why?" bulong niya sa gilid ng tainga ko at nagtindigan lahat sa 'kin.
"Gusto mong dalhin kita sa bodega, ha?" warning ko.
"Why? Anong gagawin mo sa 'kin sa bodega?" malambing niyang tanong na dahilan ng masamang tingin ko sa hallway.
Naku, Sabrina, please lang.
"Ano ba dapat gagawin ko sa 'yo sa bodega?" naiiritang tanong ko.
"Ano nga . . . ?" Nanghaharot pa talaga!
"Ikukulong kita malamang," sagot ko agad. "Tigilan mo 'ko diyan, patatabihin talaga kita kay Rico."
"Hmp! Suplado. Ikulong mo na lang ako sa bodega kaysa patabihin kay Kuya."
Ibinaba ko na rin siya sa tapat ng pintuan ng kuwarto nila. Pulang-pula na ang mukha niya habang nakasandig siya doon sa gilid ng pintuan. Nakalapat na roon sa pinto ang kamay niya at himas-himas 'yon habang nakanguso siya.
"Mag-lock daw kayo ng pinto. Baka biglang buksan ng helpers dito, puro lalaki pa naman."
Biglang siyang ngumisi sa 'kin at nag-alok ng mga braso para sa yakap.
"Hindi ka na nakontento, ha. Nagpabuhat ka na, may payakap ka pa."
"Goodnight kiss ko?" sabi niya.
"Ay, wow. Syota kita?"
"Dati, may goodnight kiss ako sa 'yo every night, e."
"Ten years old ka pa lang n'on. Matulog ka na."
"Sige na . . . pleeeeease."
Sinukat ko pa siya ng tingin, inaalam kung papayag ba ako. Kaso wala rin namang pinatunguhan ang pagdadalawang-isip ko, lumapit din ako sa kanya.
Dinuro ko agad ang mukha niya habang nakasimangot ako. "Alam mo, kaya ako pinag-iinitan ni Tita Tess, e."
Itong babaeng 'to talaga. Pass ako sa yakap, hinawakan ko na lang ang pisngi niya at dinampian siya ng halik sa noo.
"Beer pa." Tinampal ko pa ang noo niyang hinalikan ko saka nanermon. "Lasing na lasing, parang tanga."
Inirapan lang niya ako. "Sungit."
"Matulog ka na kundi . . ."
Ang taray ng tingin niya nang magbukas na ng pinto. Pagpasok doon, hinintay ko pang isara niya bago ako umalis. Nang-aasar siyang ngumisi habang sinisilip ako sa lumiliit na siwang ng pinto.
"Pagagalitan ka ni Jaesie diyan sa ginagawa mo."
"Yeah, yeah, yeah." Sumara na nang tuluyan ang pinto at saka ako bumuga ng hininga.
Kung sakaling maghahanap ako ng dahilan para umoo sa kasal, malamang na hindi ako aalis sa laging rason ko na alam nilang lahat.
♥♥♥
Lumipas ang buong gabi na tahimik ang lahat. Isa sa gusto namin kapag may outing, 'yong katahimikan namin kasi ang ingay sa city. Matatanda na nga siguro kami para malaman kung bakit buwisit na buwisit sina Mami kapag ang iingay namin noon habang nagpapahinga sila sa cottage.
Ramdam namin kina Melanie ang buhay probinsiya. Pero klase ng buhay na magaan kasi ang daming nagsisilbi sa amin.
Nakapagbakasyon na ako noon kina Rico sa Cebu, pero hindi ganitong klaseng bakasyon na payapa. Siguro kasi kina Rico, para silang mga militar na ganitong oras gigising, ganitong oras kakain, tapos dapat sa ganitong oras, may ganitong ginagawa. Kapag wala at nakatambay lang, may ipagagawa sa 'yo kahit nananahimik ka.
Pagkatapos namin sa exercise, nagpahinga kaming lahat sa gilid ng pool habang nagpapaaraw. Alas-siyete ng umaga rito kina Melanie, ang sarap sa balat ng araw, hindi pa nakaka-cancer. Pero pagdating ng alas-nuwebe, sumilong na dapat kami kasi iba na ang init sa mga ganoong oras.
"Saan na kayo mamaya?" tanong ni Calvin.
"Purple Plate," sagot ni Rico "Baka kami na ni Jaesie ang magsara ng café."
Si Will ang sumunod, "Saan pa ba?" Na malamang, sa gym na niya. Tapos na ang saglit na bakasyon namin, e.
"Dito muna kami ni Mel, of course," sabi ni Patrick. "Sa Wednesday pa kami babalik sa Dasma para sa checkup."
Napatingin silang lahat sa 'kin. Napabuntonghininga na lang ako at pilit na ngumiti.
"Kakausapin ko muna si Tita Tess," sabi ko na lang.
Tamang paaraw lang kaming lahat nang tusukin ni Melanie ang likod ko.
"Ano 'to, Clark, bakit ganito 'tong tattoo mo?"
Napalingon naman ako sa kanya at sa kamay niyang nanunusok.
"Alin?" tanong ko pa.
"Itong 'I love you'. Parang sulat ng bata. May anak ka na ba?"
Pinalo ko nang mahina ang kamay niya paalis sa likod ko. "Gaga."
"Ngayon ko lang napansin 'yong mabuti. Akala ko, design lang talaga," katwiran niya at nakasilip pa rin sa likod ko.
Wala masyadong pumapansin ng mga tattoo ko kung sa malayuan. May mga nagtatanong din naman kapag napupuna nila, pero iilan lang sila.
"Until now, hindi ko pa rin alam meaning bakit ganyan tattoo mo," gatong ni Jaesie, nang-aasar pa yata. "Sure ka, Clark, wala ka pang anak, ha."
Sumimangot tuloy ako. "Wala nga. Mga tsismosa kayo."
"Ano 'yon? Bakit ganoon ang tattoo mo?" usisa na naman ni Melanie. "Si Calvin, ang aangas ng tattoo, e."
Si Calvin kasi, ang mga tattoo niyan, may mga deeper meaning 'yan. May deeper meaning din naman ang mga tattoo ko pero maliliit lang kasi. Ang sakit kaya magpa-tattoo! Maliit nga lang ang, halos iyakan ko na, e.
Naninipa na si Melanie, ayaw akong tantanan. Kapag buntis talaga, ang hirap patulan, e.
"Ito, kaya ganyan 'yan . . ." sabi ko, hawak ang kaliwang parte ng likod. "Kasi mga marites kayong lahat. Tigilan n'yo 'yang tattoo ko."
"Hahaha! Ayaw pahuli!" natatawang sabi ni Melanie.
"E ano yung nasa kanan?" dugtong ni Jaesie, hindi ko inaasahan.
"Ay, meron pa? Patingin!"
Itinulak-tulak pa ako ni Melanie para makita niya. "Ano ba, Mel? Parang tanga! Pat, yung buntis mo, ilayo mo nga sa 'kin!"
"Champ," pagbasa ni Ky. "Why Champ? Name ng baby mo, Clark?"
"Wala nga akong anak! Taragis naman, pati ikaw, Ky?"
Itong mga babaeng 'to, paglulunurin ko kaya 'to ngayon sa pool? Ako na naman ang nakita. Mga nagsawa na siguro 'to sa mukha ng mga asawa nila at naghahanap ng guwapong mapaglalaruan.
"I wrote that 'Champ' word. That's my handwriting," salo ni Patrick sa akin.
"Ooohh . . ."
"Para saan?" tanong ni Mel.
"Beneath that tattoo, may scar diyan si Clark. Okay lang ba, dude?"
Tumingin si Patrick sa akin, nagpapaalam. Nagkibit-balikat na lang ako para matahimik na si Melanie.
"When I was thirteen, fourteen like that . . . I had a terrible car accident. Racing. That was the last time na nakapag-race ako sa F1. After my operation, I met Clark sa hospital. Nag-share kami sa iisang room kasi mahirap kumuha ng private room na for one person lang at that time kahit executive. Hospital policy, kasi doon lang may available na surgeon na kayang mag-treat sa akin and kay Clark. Clark broke his right arm, so need ng arm cast para sa fracture. Nagsusulat kami sa cast niya sa braso. I wrote champ on that, as in champion, because we survived the operations kahit muntik na kaming mamatay na dalawa. Meron kaming picture niyan sa bahay. Ang dami naming pictures together sa hospital for documentary as per his words."
Sa aming magbabarkada, kami lang ni Rico ang may alam ng tungkol doon sa accident ni Patrick. Nababanggit paminsan-minsan na hindi na kumakarera si Pat pero walang definite reason kung bakit nga ba hindi.
"Hindi pa okay ang grip ko niyan kasi naka-dextrose pa rin ako at that time kaya scribbles pa ang stroke ng pen. But still, Clark managed to keep the original look of my penmanship for almost eighteen years ago. Shit, I feel so old."
"Kaya pala tangay-tangay ka ni Clark lagi," sabi ni Will. "Akala ko talaga tropa na kayo since birth haha!"
"Sulat mo rin 'tong I love you?" tanong na naman ni Melanie.
"Uy, no, ha!" tanggi agad ni Patrick. "Iba ang nagsulat niyan."
"Sino, sabihin mo," banta ni Mel.
"Someone I don't remember."
"Weh?"
"Really."
"Bulong mo na lang."
"Mel, kahit isigaw ko, I really don't know."
"Hmp! Wala kang kuwenta kausap."
Napailing na lang ako sa kanila.
Nagpa-tattoo lang naman ako kasi nainggit ako kay Tita Tess sa tattoo niya sa likod. Sobrang angas kasi. 'Yon lang, kahit gusto ko ng malalaking tattoo, nangingilo naman ako sa proseso kaya hindi na nasundan yung tatlo kong pinagawa.
"Meron pa 'yang isang tattoo sa dibdib," buyo ni Jaesie na mukhang hindi niya palalampasin ngayon.
"Kabisado mo talaga, Jae, ha?" sarkastikong sabi ko. "Ilang beses mong pinagnasaan ang katawan ko bago asawa mo?"
"Shut it, dumbass," mura niya na dahilan ng pagtawa ko.
"Scribbles ba 'yan? May meaning ba 'yan? Ancient calligraphy?" sunod-sunod na tanong ni Melanie.
Isa lang ang nakakaalam ng exact translation nitong tattoo ko, si Will lang. It's literally My love for you is endless, my beloved. Madaling sabihin kay Will ang meaning ng tattoo kasi wala siyang idea sa love life ko. Noong sinabi ko, wala siyang reaksiyon saka nababasa naman na raw niya 'to sa mga wedding vow at plake ng mga nagpapa-carve doon sa katabi nilang bahay na gumagawa ng handicrafts. Okay na ako roon.
Ayoko lang sabihin kay Calvin kasi mamalisyahan niya. Kapag kay Leo, sasabihin na niyang si Sabrina 'to kahit pa tama siya at wala siyang alam. Kapag sinabi ko kay Rico ang mismong meaning nito sa Bisaya, baka pira-pirasuhin niya 'ko nang buhay. Si Patrick, may tattoo na siyang isa sa 'kin, tama na 'yon para sa kanya.
Basta kung ano lang ang alam nila, makontento na sila roon. Hindi naman nila kailangang kalkalin lahat sa akin. Para namang ikauunlad ng ekonomiya kung malalaman nila ang sagot.
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top