Chapter 66: Instructions
"Tita Tess! May sasabihin ako sa 'yong sobrang mahalaga!"
"Clark?"
Nakalingon lang ako roon sa babaeng mahaba ang buhok na umaagaw ng laptop ko.
"Tita, hindi ko alam kung ano ang totoong problema pero gusto ko lang ipakita ito sa inyo."
Mabilis kong inilapag sa office table niya ang laptop at binuksan ang folder na may laman ng instruction at link ng website.
"Clark."
May humatak ng braso ko at paglingon ko . . . biglang nagbago na naman ang paligid. Nasa maliit na lugar kami na maraming nakatambak na papel. Sobrang daming papel.
"Ako tiwala sa 'yo kaya ikaw dito tingin." Nalipat ang tingin ko sa nag-iisang computer sa kanang gilid namin. "Dito lahat pera resto. Dapat kuha Shobi ito lahat. Ke Shobi ito lahat."
"Pero nilakad mo rin 'to, Kuya Wing."
"Aaaay! Ako di gusto pera. Ako trabaho lang para Shobi. Shobi dapat kuha lahat. Siya ayos lahat. Ako tulong Shobi para ayos lahat. Ito pera para Shobi ayos lahat. Ako baba puwesto Shobi palit. Ako baba uncle. Siya bago auntie."
Mabilis kong nilingon si Tita Tess at nagbago na naman ang paligid. Bumalik kami sa opisina niya. "Malapit na ang botohan. Kailangang manalo ni Mother Shin. Sorry, Tita, pero ilalaban ko talaga 'to kahit magalit ka pa."
"Dude!" Hinatak ulit ako ni Calvin at napapikit-pikit ako sa kanya.
Hala, ano'ng nangyari?
"Okay ka na ba?"
"Maraming papel. Tapos nakita ko ulit yung lalaking maraming tattoo. Tapos may computer . . ." Nilingon ko si Tita Tess. "Tita, nasa akin lahat ng pera. 456,768,980.90. Nag-transfer po siya kagabi. Wala pong kasalanan si Ronerico, nasa akin po lahat ng pera! Saka wala pong files! Ginamit lang po ang files para papuntahin ako sa resto kasi doon ko mabubuksan ang computer na may pera! Pero, Tita, kaya kong i-access ang pera nang hindi pumupunta sa resto! Nakuha ko 'yon kagabi! Nandoon po 'yon sa account number na kasama ng pangalan ko! Wala pong kasalanan si Ron, wala po siyang ginagawang masama!"
Hinarap ako ni Calvin at saka ako niyugyog sa balikat. "May natatandaan ka na ba?"
Mabilis akong umiling kasi wala akong natatandaan maliban sa mga naaalala ko sa napanood kong video na ako rin ang nagsasalita.
"I'll check this first. Maghintay muna kayo sa ibaba," sabi lang ni Tita Tess kaya sabay-sabay kaming bumabang tatlo.
Sinalubong agad kami roon ng mga maid dito sa mansiyon para dalhin sa parang receiving area sa labas.
"Ano'ng ginawa mo sa pera?" tanong ni Calvin.
"Ang sabi sa note, i-withdraw nang buo. Ilagay ang account number at account name, tapos hintaying matapos ang pag-transfer. Para kay Mother Shin ang pera kasi kakailanganin niya iyon sa botohan," paliwanag ko.
"Ang sabi sa note?" tanong ng dalagang kasama ni Calvin. "Sino'ng may gawa ng note?"
"I'm sure na siya rin," hula ni Calvin. "Kinuha na ni Clark ang lahat ng pera sa site. Kapag hindi na-settle ni Mama at nina Achi ang lahat ng utang nila as soon as possible, lalo lang silang babagsak."
"Dapat lang," walang isip-isip na sabi nitong babae. "Wala na silang pondo. Magsisimula nang manumbat si Mama. Magsisimula na rin ang buong community na kuwestiyunin siya."
"Clark took the money from the site for you. Plano?"
Nagkrus na naman ng braso ang babae at tiningnan ulit ako nang deretso. Sobrang puti niya sa liwanag, para siyang multo na nakapam-PE.
"Pupunta ako sa nomination. Susubukan kong kunin ang puwesto ni Syaho."
"Shin," sita ni Calvin, at may napansin agad ako. "Nominated din si Bobby Lauchengco. Sigurado ka ba sa gagawin mo?"
"Walang mawawala kung susubukan. Pupunta ako roon para sa parte ng Red Lotus na hawak ko."
"Ikaw ba si Mother Shin?" tanong ko sa babae.
Sabay silang tumingin ni Calvin sa akin.
"Siya nga," sagot ni Calvin.
Mahina akong napasinghap at napatango-tango. Siya pala ang Mother Shin na sinasabi ko sa video. Akala ko, matanda na siya. Pero parang magkaedad lang kami—ay, hindi na nga pala ako bata.
Pero sobrang bata pa niya, parang pumapasok pa siya sa school. Pero ang talino niyang magsalita.
"Clark?"
Umangat agad ang mukha ko sa nagtawag.
"Akyat ka muna sa opisina ni Madame."
"Okay po." Mabilis akong sumunod doon sa babaeng tumawag.
Sa laki ng bahay na iyon, himalang hindi ako naligaw. Parang kabisadong-kabisado ko na kung saan ako pupunta.
Bumalik ako sa opisina ni Tita Tess, at mas bumigat ang pagtapak ko roon. Parang nangyari na ang lahat. Parang natatandaan ko pero hindi ko alam kung kailan.
Nakatayo lang si Tita Tess sa harapan ko, nakakrus ang mga braso, ang seryoso ng tingin sa akin.
Pero kahit ganoon, hindi ako natatakot. Parang inaasahan ko pa nga ang mas higit pang reaksiyon doon pero wala.
Normal lang bang maramdaman na alam ko nang mangyayari 'to?
"Ilang linggo ka nang may lapses, Clark. Sinusubukan naming intindihin 'yon," sabi ni Tita. "Alam mo ba kung para saan itong ginawa mo?"
Sumagot ako pero ibang boses ang narinig ko mula sa akin.
"Buhay si Kuya Wing, naniniwala ako. May sabwatan si Nin Chua at ang mga Yu. Hindi lang ako sigurado kung tungkol ba sa droga o may iba pang dahilan. Walang ibang pagkukunan ng pera ngayon ang mga Yu maliban sa pera ng Red Lotus na nasa website nila na kami lang ni Kuya Wing ang puwedeng mag-access. At gusto kong ibalik si Mother Shin sa sistema."
"Bumalik na ba ang mga alaala mo?"
Walang sumagot na ibang boses. Natitigan ko si Tita Tess nang matagal.
Meron akong mga nakikita na hindi ko alam kung hallucination ba, panaginip, o parte ng memorya ko. Pero alam kong konektado ang mga 'yon sa sinasabi ng mga nasa paligid ko kasi alam din nila.
"Tita, hindi ko po alam kung ano'ng nangyayari ngayon. Pero gusto ko lang pong malaman n'yo na wala pong kasalanan si Ron kasi nasa akin po ang pera."
"Hindi ito tungkol sa perang hawak mo, Clark. Pero nilinaw na ni Calvin ang tungkol sa perang hawak ng anak ko. Ang gusto ko lang malaman ay kung sino-sino ang mga humahabol sa inyo, lalo na sa 'yo."
Humahabol sa akin?
"Kung sa 'yo na mismo nanggagaling na pera ang dahilan kaya ka pinamamanmanan ng mga Yu, gusto ko lang ding malaman mo na sumasalo ka ng problemang hindi mo dapat saluhin. Hindi ikaw ang Clark na gusto kong makausap, pero nagpapasalamat ako na naging honest ka kahit wala kang naiintindihan sa mga nangyayari. After all these years, you're still the same kid who knows how to solve his issues without asking for our help. Your intelligence never fails to amuse me."
Itinuro na niya ang pintuan at iniabot sa akin ang laptop ko.
"Huwag mo na lang sabihin kay Ronerico ang tungkol sa link na nandiyan. Lalo lang siyang mag-uusisa kapag nalaman niya ang ginawa mo. Walang kinalaman ang anak ko sa lahat ng problemang meron tayo ngayon, pero sinusubukan niyang tulungan ka."
Kinuha ko na ang laptop bago nagtanong. "Meron pa po ba akong dapat pirmahan?"
Huminga nang malalim si Tita Tess saka inilipat ang tingin sa laptop. "Kahit pirmahan mo pa 'yon, wala na ring magbabago. Tinapos mo lang ang malaking problema namin sa isang click lang."
"Ano po'ng ibig n'yong sabihin?"
"Kapag bumalik ang alaala mo, maiintindihan mo ang sinasabi ko. Bumaba ka na. Parating na ang mama mo. Nagpaluto ako para sa inyo ni Sabrina, sana hindi mo na naman siya iniwan sa kung saan."
"Nangapitbahay po siya. Tumakas lang po ako sa bahay habang nasa labas siya. Pero uuwi rin po ako agad kasi baka po hanapin niya ako."
Ngumiwi lang sa akin si Tita Tess saka ako itinaboy. "Sige na, bumaba ka na."
"Okay po, Tita. Salamat po sa oras ninyo. Pasensiya na po sa abala."
"You're polite when you're young."
Nilingon ko lang si Tita Tess bago ako tuluyang lumabas.
Sinubukan kong isa-isahin ang lahat ng mga ginawa ko para maalala ko kung ano ba ang mga ginawa kong importante na baka itanong din nina Ron kung sakali mang hanapin ulit nila ang mga file sa akin.
Pero sabi ko nga sa video, hindi raw kailangan ng mga file na inipon namin kasi wala naman daw roon ang problema. Ang problema ay ang perang inilipat ko sa akin at ang dating source ng mga laman ng file na inipon namin—at tao 'yon, si Mother Shin.
Wala na raw problema si Ron pero ako, meron. Hindi ko lang alam kung dahil nanguha ako ng pera na hindi naman para sa akin. Pero hindi rin naman daw kasi para sa akin 'yon kundi sa Mother Shin na sinasabi nila—'yong babaeng estudyante na nangunguha ng laptop kahit hindi kanya. Hindi ko rin alam kung bakit siya tawaging Mother kung estudyante pa lang siya.
Pagbaba ko, nasalubong ko ulit sina Calvin kasama ang Shin na 'yon.
"Dude! 'Musta?"
"Ayos lang. Saan kayo pupunta?" usisa ko sa kanila.
"Diyan sa front yard. Magpapahangin lang kami ni Shin."
Nalipat ang tingin ko sa Shin na 'yon. Tinataasan lang niya ako ng kilay. Ibinalik ko ang tingin kay Calvin.
"Puwede ba kitang makausap, Calvin?" tanong ko.
"Tara. Doon tayo sa labas."
Sinabayan ko silang dalawa sa paglakad pero bahagya akong nahuli kasi ang bilis nilang dalawa. Bakit kaya ang bibilis nilang maglakad dito?
Inaayos ko ang pagbubuhat sa laptop nang mapansin kong hawak ni Calvin ang kamay ng Shin na 'yon. Napaisip ako. Girlfriend ba niya si Shin? Pero parang ang bata pa ni Shin para maging girlfriend niya.
Pumunta sila sa kaliwang gilid ng front yard. Meron doong wooden swing na kasya ang dalawang tao. Doon sila naupong dalawa. Naupo naman ako roon sa wooden bench na kasama ng wooden table na may centerpiece na cactus at white na flower sa gitna.
"Ano'ng pinag-usapan n'yo ni Tita Tess?" tanong ni Calvin.
Tingin ko, hindi na para sa kanya ang impormasyon na 'yon.
"Ibinalik niya ang laptop ko. Hindi raw ako ang gusto niyang makausap na Clark."
Nagusot ang magkabilang dulo ng labi niya saka tumango.
"Bakit ka pala nandito?" tanong ko sa kanya. "Dinadalaw mo rin ba si Tita?"
Bahagya siyang umiling. "Three days na lang bago ang voting. Nababanggit mo pero hindi ko sigurado kung familiar ka talaga." Itinuro niya ang laptop ko. "Last night, tumawag si Mel. Binalak daw sunugin ang resto."
"Sino si Mel?" tanong ko.
"Uhm . . . family friend. Anyway, related ang pagsunog sa zero balance na nakita ng mga Yu sa site. Nagtawag na ng backup na handlers si Mel para pabantayan ang resto sa mga Yu. Sa ngayon, hawak na ng mga Phoa ang area. Nagkakagulo na sa side ng mga Yu dahil naka-freeze ang mga account nila at wala nang laman ang site ng Red Lotus. Affected n'on ang nomination. Mas lalong nagkagulo ngayon kasi nominated din pala si Shin bilang bagong head. Endorsed na siya four years ago under ng opisina ni Syaho. At kung wala nang pera sina Madame Ai Ling, tapos ibibigay mo kay Shin ang budget ng Red Lotus, malamang na silang dalawa ni Uncle Bobby ang maglalaban sa posisyon."
Sa haba ng sinabi ni Calvin, wala akong naintindihan doon kahit isa. Hindi ko rin kilala kung sino-sino ang mga binanggit niya. Si Uncle Bobby ang dumalaw sa akin sa ospital, pero hindi ko na rin masyadong natandaan ang pakay niya maliban sa hinahanap na nga raw ako rito sa labas.
"Sana matapos na ito. Nalulungkot kasi lagi si Sabrina," sabi ko at tiningnan ang laptop ko.
"Kumusta pala kayo ni Sab?"
Napanguso ako. "Gumawa kami ng baby kagabi pero mali ako ng ginawa. Kaya gusto kong mag-practice ngayon."
Napatakip ng noo si Shin at bibig naman si Calvin na nagpipigil ng tawa.
"Nagalit yata si Sab kasi hindi ako sumunod sa instructions."
"What kind of fucking instructions do you need, Mendoza?" sigaw ni Shin sa akin. "If you don't know how to fuck a girl, just don't!"
"Pero nakahubad na siya!"
"Ah, yes, and so is the corpse on every embalming table. Would you do that to those bodies as well? Hindi mo puwedeng sabihin na dahil nakahubad na siya. Come on!"
"Hahaha! Dude, huwag ka nang dumepensa. Gets na namin."
"Pero hindi ko kasi alam kung paano ba 'yon tamang gawin."
"Tara, Shin, i-demo natin—"
"Hala!" Napasinghap ako at napakapit sa sandalan ng bench nang magulat kasi biglang lumipad si Calvin patama sa haligi ng swing kung saan sila nakaupo. Ang lakas ng tunog ng kalabog doon sa kahoy.
"Aray—" Namimilit roon si Calvin habang hawak ang ulo.
"Gusto mo pa ng demo?" sabi ni Shin kay Calvin bago ako tiningnan.
"Ayoko po ng demo," pagtanggi ko, umiiling agad. "Okay na po ako sa verbal instructions. Active listener po ako saka fast learner."
Nakikita ko ang inis niya nang magkrus siya ng mga hita. Komportable pa niyang ipinatong ang kaliwang braso sa armrest ng swing at ang kaliwang siko sa sandalan ng swing para puwede niyang pagpatungan ng ulo ang kanang kamao.
"You know, Clark, kung hindi mo alam ang gagawin, just tell her na hindi mo kaya. You're not in good shape as well para pilitin ka rin niyang gawin 'yon."
"Pero nag-promise ako na I will do my best na this time. Magpa-practice akong mabuti."
"Gago ka ba?"
Sinapo ko ang dibdib. "Naniniwala akong madadaan ang lahat sa practice."
"Puwes magbago ka na ng paniniwala. Hindi 'yan applicable sa problema mo."
"Pero naipasok ko kagabi. Medyo mahirap lang kasi malaki 'yon para sa butas, pero pumasok," paliwanag ko. "Ang gagawin ko lang ay hindi saktan si Sabrina saka gawin ang next step."
"Hahahahaha!"
Gusot ang mukha sa akin ni Shin at parang naaawa siyang nakatingin sa akin. "Calvin, pakibalik na 'to sa ospital. Hindi n'yo dapat inilalabas 'to nang ganito. Phone. Dali! Tatawagan ko ang emergency room para ipadampot na 'to."
"Hahahaha!" Kahit hawak ang ulo, tawa lang nang tawa si Calvin sa gilid ng swing. "Putang ina, 'sakit na ng tiyan ko!"
"Gusto ko lang malaman ang dapat kong gawin," sabi ko sa kanilang dalawa.
"Ang dapat mong gawin, manahimik ka sa isang sulok at maghintay kang bumalik ang alaala mo," mataray na sabi ni Shin. "Umalis ka na nga sa harapan ko. Nabubuwisit ako sa 'yo."
"Pero—"
"Dude! Tama na. Tara, ako ang magtuturo sa 'yo ng gagawin."
"Talaga?"
"Sige, turuan mo ng kalokohan, Calvin Dy. Diyan ka magaling."
Inakbayan na ako ni Calvin saka ako inalis doon. Palingon-lingon pa kami kay Shin na ang talim ng tingin sa aming dalawa ni Calvin.
"Hala, parang nagagalit na siya," sabi ko.
"Hindi 'yan. Ako bahala. Ganito ang gawin mo . . ."
♥♥♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top