Chapter 60: Amnesia
Meron akong napanaginipang nakakatakot. Tumabi raw ako sa babaeng nakaputi na mahaba ang buhok. Tapos parang gusto niya 'kong laging saksakin. Nagigising tuloy ako kasi nakakatakot talaga siya.
Gusto ko sanang ikuwento kay Mami kaso hindi siya dumating sa ospital kinabukasan nang umaga.
"Ate, nurse ka po rito?"
Umiling siya sa tanong ko tapos inayos niya ang mga unan para masandalan ko.
Nakita ko rin siya kahapon. Siya rin ang nagbigay ng tubig saka nagpakain sa akin. Hindi pala siya nurse.
Tinititigan ko lang siyang mabuti. Ang ganda-ganda niya pero ang lungkot-lungkot niya. Saka kamukha niya yung mama ni Ronie pero mabait siyang tingnan. Kaso malungkot.
"Pupunta po ba si Mami ngayong araw?" tanong ko sa kanya.
"Nakikipag-usap si Tita Pia sa mga investigator about sa car accident. Baka mamaya pa siya makadalaw."
Investigator . . . car accident. May work pala si Mami ngayon. Sige na nga, hindi ko muna siya hahanapin.
"Ate, puwede po ba akong makitawag?"
Nagtataka ang tingin niya sa akin. "Hmm?"
"Tatawag lang po ako sa Zamboanga. Hahanapin po kasi ako ni Sabrina. Iiyak 'yon kasi nasa malayo ako. Saglit lang po ako tatawag. Alam ko po ang number nila sa bahay."
Nagtaka ako kasi bigla siyang tumalikod. Saglit pa siyang tumingala saka nagpunas-punas ng mukha. Pagharap niya sa akin, umiiyak na siya pero nakangiti.
"Okay lang po ba kayo, Ate?"
Nagpaypay siya ng mata saka tumango. "Uhm . . . okay lang naman siya. Okay lang ako."
"Dardenne po ba kayo?"
Nagulat siya nang kaunti sa tanong ko. "Hmm?"
"Kamukha n'yo po kasi yung mama ni Ronie. Dardenne po kayo?"
Nakangiti naman siyang tumango. "Oo. Dardenne ako."
Napangiti ako kasi puwede pala siyang tumawag kina Sab!
"Puwede po kayo tumawag kay Sabrina? Huwag n'yo na po sabihin na nasa ospital ako kasi baka po mag-alala 'yon. Pasabi na lang po, nasa bakasyon kami nina Mami sa kabilang isla, babalik din kami agad. Saka pasabi po kay Ronie, huwag niya po muna iwan si Sab kasi iiyak 'yon, walang kasama. O kaya pasabi na lang po niya kay Mat na bantay muna sila sa bahay para po may kasama siya. Sabi po ng doktor, medyo matagal pa raw ako makakauwi, baka po hanapin niya 'ko."
Iyak lang siya nang iyak habang tumatango.
Lumabas din siya ng kuwarto kung nasaan ako. Siguro tatawag na siya kina Ronie.
Hindi ko alam ang sasabihin ko kay Sabrina kapag nakita niya ang mga sugat ko. Baka umiyak din 'yon.
Ilang beses akong binalikan ng doktor, tinatanong kung masakit pa ba ang ulo ko.
Hindi naman na masyado lalo kapag may inilalagay silang gamot sa mga fluid na ibinibigay sa akin.
Pero tinatanong din nila ako kung may iba pa ba akong natatandaan bago ako napunta sa ospital. Maliban sa madilim na kuwarto, sa damuhan na malawak na malawak, saka sa kalsada sa subdivision namin, wala naman na akong ibang nasasagot sa kanila.
"Kumusta ang pakiramdam mo, anak?"
"May work ka po, Mami? Tapos na po work mo?"
Tumango siya sa akin saka pinunasan ng basang bimpo ang ilang parte ng braso kong walang sugat.
"Meron po ditong babaeng nagbabantay. Tita po ba siya ni Ronie?"
"Babae?" nalilitong tanong ni Mami.
"Opo. Yung magandang babae po na nagdadala lagi ng pagkain saka juice. Kamukha niya po kasi si Tita Tess."
"Ah . . ." Nginitian lang ako ni Mami saka pinunasan ang pisngi ko ng bimpo. "Hindi ba niya sinabi ang pangalan niya sa 'yo?"
"Hindi po. Pero sabi niya po, Dardenne po siya."
Tumango naman si Mami roon. "Siguro, siya na lang ang magsabi sa 'yo, ha?"
"Okay po."
"Tatanungin namin ulit ang doktor kung puwede ka nang ilabas. Kapag puwede na, baka ipasyal ka ni Mami."
"Uwi na lang tayo, Mami. Hahanapin ako ni Sabrina, e."
"Ayos lang si Sabrina, anak."
"May kasama siya sa kanila?"
"Meron siyang kasama."
"Wala pong magsusundo sa kanya sa school."
"April na, anak."
"Ay . . ." April na pala. Bakasyon na. "Baka nasa Disneyland pala sila ngayon."
Saka ko naisip na kahit pala tumawag ako sa bahay nila, wala palang sasagot kasi baka nasa malayo rin sila.
"Mami, nanaginip ako ng white lady tapos gusto niya 'kong saksakin," sumbong ko.
Saglit 'yong tinawanan ni Mami saka ako hinalikan sa noo. "Think of nice things palagi saka mag-pray ka ng Angel of God bago matulog, ha?"
"Okay po."
"Uuwi na si Mami maya-maya kasi may tatapusin pang work."
"Sabi po n'ong magandang babae, tungkol daw po sa car accident ang work n'yo ngayon."
Tumipid ang ngiti sa akin ni Mami saka tumango. "Oo. About sa car accident. Kailangang i-follow-up lagi ni Mami lalo ngayon. May trace daw ng chloroform doon sa sasakyan. Kailangang malaman agad ni Mami kung sino ang suspect para mapakulong agad. Kaya kapag late laging dumating si Mami rito sa ospital, sana huwag kang magtampo, anak, ha? Medyo busy kasi si Mami ngayon."
"Okay lang po, Mami. Galingan n'yo po sa work. Alam ko pong mapapakulong n'yo ang suspect na 'yon."
Hindi sumagot si Mami. Niyakap lang niya ako saka ako tinapik-tapik sa likod nang marahan.
Sobrang weird ng mga nangyayari. Saka ang weird ng mga sinasabi ng mga pumupunta sa hospital room ko.
Nanaginip ulit ako pero hindi na white lady.
Ang daming sasakyan sa paligid. Tapos nasa mataas akong lugar. Nakatingin lang ako sa ibaba na maraming sasakyan. Meron akong mga kasama pero hindi ko sila mga kilala. Nandoon lang kami sa mataas na lugar nanonood.
Kinabukasan, dumating ulit yung magandang babae. May dala ulit siyang pagkain saka juice.
"Ate, puwede pong malaman ang pangalan n'yo?" tanong ko nang lapagan niya ako ng pagkain sa side table.
"Hindi mo ba ako natatandaan?" tanong din niya.
"Hindi po, e. Kapatid po ba kayo ni Tita Tess?"
Natawa siya nang mahina sa sinabi ko. "Lagi namin 'yang naririnig ni Kuya."
Kapatid nga siguro siya ni Tita Tess.
"Mag-breakfast ka muna, Clark. Later daw dadating si Tita Pia. Baka before lunch. Puwede ka raw ilabas saglit para mapaarawan."
Hawak niya ang maliit na bowl na may lamang oatmeal. Siya ang nagsusubo sa akin tuwing kumakain ako.
"Si Sabrina po, nasa bakasyon?"
"Hmm . . . parang, oo."
"Ah . . ." Wala nga sila sa bahay. "Sana makauwi na ako bago magpasukan."
"Concerned ka ba kay Sabrina?" malungkot na tanong niya.
Tumango naman ako. "Lagi kasing nasa school si Ronie. Wala pong kasama si Sabrina sa bahay."
"Ma—" Saglit siyang huminto kasi parang iiyak na naman siya. "Mahal mo si Sabrina?"
Tumango ulit ako. "Baby ko po 'yon, e. Saka wala pong ibang mag-aalaga doon, ako lang. Si Inday Sita, lagi siyang may ginagawa. Mommy niya, laging nandoon sa office na maraming folders. Yung daddy niya, hindi ko masyadong nakikita."
Nagpunas ulit siya ng matang naluluha saka ako sinubuan ulit.
"Kapag okay ka na, puwede mo na ulit kausapin si Sabrina," pangako niya kaya nagpapasalamat na agad ako.
Ang daming sumisilip na tao sa kuwarto ko. Inisip ko na lang na baka naliligaw sila ng pasyente. Pero tinatanong kasi nila ako kung kumusta na ako kaya hindi ko na rin sigurado kung naliligaw ba sila.
Bago mag-lunch, dumating na sina Mami at Dadi. Si Dadi ang kinausap ng mga doktor. Pagkalipat sa akin sa wheelchair, ibinaba agad ako ni Mami sa garden ng ospital para maipasyal. Akala ko, kami lang, pero may kasama siyang lalaki na matangkad saka parang taga-simbahan. Nakaitim 'yon na damit sa pang-itaas at pantalon, mahaba ang manggas niya kahit mainit ang klima.
"Nire-review namin ngayon ang security sa hotel. Maliban sa valet, walang ibang gumalaw ng sasakyan ni Clark."
"Wala bang ibang pinuntahan ang anak ko bago ang hotel?"
"Hindi kami sigurado. Pasensiya na, Pia. Siya lang ang makakasagot niyan."
"Pero siguradong walang gumalaw ng brake?"
"Nagpaliwanag na sina Patrick at Leopold. Sinigurado naman daw ni Patrick na safe ang brake ng sasakyan. Well, nagamit pa nga ni Clark pagpunta sa hotel nang ligtas. Ang suspetsa ni Leopold, baka nag-malfunction ang sasakyan habang nasa biyahe. Pang-crash test kasi ang kotse kaya inaasahan na rin nilang posibleng masira ang brake n'on. Pinagsabihan na rin ni Patrick si Clark, pero pinilit pa ring kunin ang sasakyan."
"Tsk! Itong mga batang 'to . . ."
Gusto ko sanang makisabad sa usapan nila, kaso hindi ko naman naiintindihan.
"Doon sa mga document, wala bang posibleng suspect sa kanila, Tony? Hindi ba kayang gawan ng paraan?"
"Hindi ito gustong sabihin sa 'yo ni Tessa, pero uunahan ko na siya . . ."
"Ang alin?"
Napakapit ako sa arm rest ng wheelchair nang biglang huminto si Mami sa pagtulak sa akin.
"Nate-trace ng Afitek ang IP address ni Clark sa source ng mga document. Hindi namin alam kung bakit o paano pero may website kaming na-track na siya ang may gawa."
"Paanong anak ko ang may gawa?"
"Gusto rin naming malaman, Pia. At gustong-gusto 'yang malaman ni Tessa. Iniisip niyang gawa-gawa lang ni Clark ang sitwasyon niya ngayon."
"Paanong gawa-gawa? Gawa-gawa pa ba 'to? Nakikita mo ba ang anak ko?"
"Sinusubukan din naming basahin kung ano ang mga plano ng anak mo, Sophia. Ang daming gustong makausap siya ngayon at iisa lang ang pakay nila sa kanya."
Napapatingin na lang ako sa gilid kasi parang may ginawa akong masama bago ako naospital. Wala namang sinabing iba si Mami. Hindi naman niya ako pinagalitan. Nagpaalam na lang ang tinawag niyang Tony saka niya ako dinala sa lilim.
Naupo siya sa isang bench doon at tinapik-tapik niya ang tuhod ko.
"Mami, may ginawa po ba akong masama?"
Ngumiti lang si Mami sa akin saka umiling. "Wala, anak. Mali lang sila ng akala."
"Mami, kapag may ginawa akong masama, magso-sorry po ako agad."
"Alam ko, anak. Pero wala kang ginagawang masama. Maniwala ka kay Mami. Huwag mo silang pansinin. Kami na ni Dadi ang bahala, ha?"
Tumango na lang ako. "Okay po."
Hindi ko na mabilang kung ilang tao ang pumasok sa hospital room ko at tinanong kung ano ang huli kong natatandaan, o kung may natatandaan ba ako bago ko makuha ang mga sugat ko.
Tinatanong din nila kung may amnesia ba talaga ako o nagkukunwari lang.
Pero wala akong amnesia. Sinasabi ko sa doktor na wala akong amnesia. Natatandaan ko si Mami saka si Dadi. Alam ko kung kailan ang birthday ko. Alam ko ang phone number namin sa bahay. Kabisado ko ang name ng school namin saka complete name ng lahat ng subject teacher ko. Kabisado ko rin ang school hymn namin.
Pero sabi ng doktor, wala pa rin daw improvement.
Iniisip ko na tuloy kung baka meron pa akong hindi nasasabi sa kanila kaya ayaw nilang maniwalang wala akong amnesia.
Sa sumunod na gabi, may napanaginipan na naman ako. Nakaharap ako sa tubig. Gabi. Tapos may mga nag-uusap ulit na hindi ko maintindihan. Tumawid daw ako sa Manila Bay. Hindi ko rin alam kung paano pero tumawid ako ng Manila Bay basta nakatwid ako. Tapos pumasok ako sa kahoy na kuwarto na madilim. Tapos may usok-usok. Tapos nakita ko na naman yung white lady! Muntik na ulit niya akong saksakin! Sabi niya, parating na raw sila.
Nagtago ako sa ilalim ng kama tapos may mga dumating na ibang tao. Takot na takot ako kaya nagising ulit ako.
Hindi talaga ako nakakabalik sa pagtulog kapag napapanaginipan ko yung white lady.
Nagdasal naman ako ng Angel of God pero napanaginipan ko pa rin.
Kinabukasan, pinakain ulit ako ng magandang babae. Nakakangiti na siya saka hindi na siya masyadong umiiyak lalo noong inalis na ang dextrose ko.
"Dadaan daw sina Kuya mamaya, bibisitahin ka."
"Sina Tito Ric?"
Pilit ang ngiti niya nang marahang umiling. "Basta. Mamaya."
Hindi ko kilala ang kuya niya, pero parang kilala ako ng kuya niya.
Maliwanag na maliwanag na nang may pumunta sa hospital room ko. Yung isa sa kanila, nakilala ko kasi kinausap na ako noong nagising ako rito sa kuwarto. Ang iba sa kanila, hindi ko kilala.
"Nabubuwisit na naman ako," sabi ng pinakamatangkad sa kanila at tumalikod pabalik sa pintuan. "Dapat kasi kinulong n'yo na lang 'yan sa hotel room, e."
"Ikaw nga huling kausap. E di, sana hindi mo binitiwan," sabi n'ong chinito na maikli ang buhok.
"Are you okay na ba, Clark?" Nilapitan ako nitong . . .
"Babae ka po ba?"
"Pfft!" Sabay-sabay silang nagtakip ng bibig at tumalikod ang iba.
"Paiyak na 'ko, tsong! Paiyak na 'ko, e!"
"You sure, wala kang amnesia?" tanong ulit niya kahit hindi niya sinagot ang tanong ko. Pero boses lalaki talaga siya. Pero ang ganda kasi niya saka ang haba ng buhok niya tapos may hairclip siyang butterfly.
"Wala po akong amnesia. Ako po si Clark Mendoza, 14 years old, nakatira po ako sa Zamboanga City, third year high school. Mama ko po si Maria Sophia Divinagracia-Mendoza. Papa ko po si Fernando Mendoza. Class adviser ko po si Ma'am Romero, teacher ko rin po siya sa chemistry."
"Dude, baka kayang ibalik kapag inuntog ulit natin siya sa matigas na bagay. Baka kayang i-reverse? Puwede 'yon, di ba? Di ba?"
"Ako na uuntog, tumabi kayo diyan."
"Hoy, 'tang ina mo, Leopold. Gusto mong tadtarin ka ng mga nanay niyan?"
Hindi ko sila mga kilala. Parang kaedad lang nila si Mami. Siguro mga kaibigan sila ni Dadi. Pero hindi ko pa kasi talaga sila nakikita kahit na kailan.
"Tara na. Ipapasyal ka pa namin," sabi n'ong lalaking Rico ang pangalan. Malungkot at seryoso pa rin siya gaya noong nakaraan.
Yung lalaking moreno na malinis ang gupit, inabang ang wheelchair sa tabi ng kama.
Mag-isa lang akong binuhat n'ong Rico para maiupo sa wheelchair.
"Salamat po."
Hinawakan lang niya ako sa balikat pagkatapos kong magpasalamat at siya na ang nagtulak sa akin para mailabas ako sa hospital room.
"Dude, sure bang walang access sa drive? Baka lang mali kayo ng tina-type na password?" kanina pang reklamo nitong chinito.
"Vin, paanong mali ng tina-type, naka-view naman ang password."
"Possible na pinalitan ni Clark ang password before the accident," sabi nitong Rico.
Nakikinig lang ako sa kanila at nababanggit na naman ang pangalan ko at aksidente. Pero wala akong matandaang aksidente gaya ng sinasabi rin nina Mami saka ng mga doktor.
"Akala ko ba, isusuko na kay Tita ang mga file natin. Bakit nilagyan pa niya ng password?"
"Siya lang ang makakasagot niyan."
"Baka birthday ni Sab ang password? O kaya birthday nilang dalawa."
"Ako na naman nakita mo, Calvin."
"E, nagalit nga sa amin dahil sa 'yo, di ba?"
"We've already tried that kahit birthday nina Tita Pia. None of it worked. Saka tingin mo naman kay Clark, magpa-password ng madaling hulaan?"
"Malamang password niyan, alphabet, numbers tapos special characters. Ano sabi ng mama mo rito, Early Bird?"
"Hindi na nangungulit si Mum sa bank accounts. Himala. But she was busy with the accident. May trace ng bleach and rubbing alcohol sa air-conditioning system ni Clark.
"Chloroform 'yon, gago. Mawawalan talaga ng malay si Clark n'on! Saan daw galing yung bleach saka alcohol?"
"Nire-review ulit nila ang interior cam kasi gumamit ng rubbing alcohol ang valet attendant. Pero wala silang nakitang bleach sa camera. Tinitingnan pa kung nagpa-carwash si Clark before going sa hotel."
"Taragis na kamalasan 'yan. Nasiraan na nga ng brake, baka pati pagkahimatay nito, nataon lang din."
Wala akong naintindihan sa usapan nila kahit anong intindi ko.
Sinasabi nila na kaibigan ko silang lahat . . . pero wala naman akong kilala sa kahit sino sa kanila.
♥♥♥
Note: Baka mapansin n'yong masyadong magalang si Clark dito. Sa perspective ni Clark, ka-age ng lang halos ng parents niya at teachers niya sina Rico (32-33 years old) kaya magalang talaga siya. Sobra pa kasi sa doble ang age gap. Ayern. Saka mabaet talaga si Clark nubakayo hahahaha
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top