Chapter 59: Retention

Para akong nagkaroon ng déjà vu. 'Yong nangyari na tapos nangyayari ulit tapos pakiramdam ko, nag-a-undergo na naman ako sa kaparehong situation sa present na na-experience ko na sa past.

Nakita ko ulit 'yon. Nandoon ulit ako sa malawak na malawak na lugar na maraming damo. Tapos may nakita akong waiting shed sa gitna. Ang iniisip ko, maghihintay ako roon. Kasi baka may dumating na tao o baka may dumaan na sasakyan, malay ko.

Nasa gitna 'yon ng kawalan. Ang dulo ng bawat ikot ko, asul na langit. Umaandar ang mga ulap pero hindi ko nararamdaman ang hangin.

Doon sa waiting shed, may lalaking teenager. Siguro matanda lang nang kaunti kay Eugene. Ang labo ng bandang mata niya pero malinaw ang sa bibig. Naka-uniform siya tapos nakapuwesto sa kaliwang dulo ng mahabang upuan na kadikit ng pinakalilim ng waiting shed.

Tanghaling-tapat, ang ganda ng araw para mag-beach, pero nasa gitna kami ng damuhan.

"Naghihintay ka rin?" tanong ko.

Tumango naman siya.

Naupo ako sa kanang dulo ng upuan. Pareho naming tinanaw ang malawak na damuhan at asul na langit.

"Alam mo, parang galing na 'ko rito," kuwento ko. "Parang napanaginipan ko na 'to dati."

Tumatango lang siya sa sinasabi ko. Buti nakikinig.

"Iniisip ko pa nga dati, baka langit na 'to. Pero nandito ulit ako, so tingin ko, hindi. Kasi noong napapanaginipan ko 'tong lugar, buhay naman ako."

Nilingon ko siya. Nakatitig lang siya sa akin saka tumatango. Nakakapagsalita ba siya? O baka kailangan, sign language?

Iginalaw ko ang kamay ko. Inilahad ko ang kaliwa paharap sa kanya. Sunod ay gumawa ako ng magkadikit na peace sign at pinagbunggo ang mga daliri ko sa gilid nang dalawang beses. Sunod ay inilahad ko ang magkabila kong palad pahiga saka niyugyog nang mahina para lang itanong kung ano ang pangalan niya.

Wala siyang sinabi. Nakatitig pa rin siya sa 'kin.

"Foreigner ka ba? Tagasaan ka?"

Wala pa ring sagot.

Grabe naman 'to. Mapapanisan ako ng laway rito.

Ilang sandali pa, tumayo na siya.

"Huy. Aalis ka na?" tanong ko pa.

Sinundan ko lang siya ng tingin habang naglalakad sa harapan, sa malawak na damuhan, bago ako tumingin sa paligid para malaman kung may mapupuntahan ba siyang iba.

Pero pagbalik ko ng tingin sa kanya, wala na siya sa paligid. Umaandar pa rin ang mga ulap pero walang hangin at . . .

. . . mag-isa na lang ako.



♥♥♥



May masakit sa ulo ko. Tinatawag ko si Dadi para ibangon ako kasi hindi ako makabangon. Pero gising naman ako. Naririnig ko ang paligid. Naririnig kong may nagbi-beep. Tapos may naririnig akong nagsasalita.

Sabi ko, sana si Dadi na lang para makabangon na ako. Pero hindi kasi sila si Dadi, kaya hindi nila ako ibinangon.

Pero okay lang naman kasi kapag dumating na si Dadi, puwede na niya akong ibangon.

Masakit na masakit ang ulo ko. Parang may tinutusok sa loob ng utak ko. Gusto ko sanang tanungin si Ate Nurse na nagtitingin ng tube na nasa kamay ko pero hindi kasi ako makapagsalita dahil sa oxygen mask.

"Naitawag na ba 'to kay Mr. Lauchengco?" sabi ng lalaki sa tabi. Hindi ko kilala si Mr. Lauchengco, pero baka sa ibang pasyente siya kasi maraming patients ang mga doctor.

"Kailan daw siya dadalaw rito?"

"Mamaya."

"Hindi niya puwedeng itago itong pasyente gaya ng ginagawa niya ngayon kay Wing. Hahanapin 'to nina Pia."

"Pinag-iisipan pa namin kung paano ito ipaliliwanag sa kanya at sa schedule ng announcement. Maaabutan at maaabutan nilang gising ang bata unless itatago niya sa ibang lugar."

Nakakakita ako ng mga aninong naglalakad saka nagsasalita. Gusto kong manghingi ng tubig pero hindi talaga ako makapagsalita sa oxygen mask.

"Hindi ko alam kung anong suwerte meron ang batang 'to, pero gusto kong magkaroon ng suwerteng meron siya."

Lumabas na ang mga anino. Dumilim ulit sa paligid. Wala na ulit puwedeng magbangon sa akin. Hmm. Pero okay lang. Baka bukas, puwede na nila akong ibangon.

• • •

"Putol daw ang kanang kamay ni Ai Ling. Canceled ang meeting hanggang gumaling siya."

"Bunso nga raw niya ang may gawa. Mabuti't hindi pa 'yon ginagawa sa akin ng panganay ko."

"Masyado kang mahal ng mga anak mo, mare."

"Pero kilala mo ang anak ko, Bobby. Mabilis 'yong mapikon."

"Handicapped na ba ang Yu na 'yon?"

"Sinubukang tahiin pero posible ang complication. Handicapped na siya, for sure. Kino-compromise na raw ngayon nina Jian ang thumbprint niya pero kulang sa pondo."

"Pinahirapan talaga sila ni Wing."

"As he should. Mas mahihirapan sila ngayong wala na sa poder nila si Shin. Kilala mo naman ang bata, marunong ding makipaglaro."

"Sarado na rin daw ang pagawaan ng katana sa Rizal. Nabawasan ng source of funds, nag-reflect sa financial statement."

"Paanong hindi mababawasan, inubos ang trabahador, damay si Wei."

"Really? I didn't know that."

"Itinawag 'yan ni Tony last March. Hindi publicly announced dahil kilala mo naman sina Wei."

"Tao ba ni Wing ang may gawa?"

"You'll be surprise, Bobby. Nakita sa CCTV sa shop si Shin. Ang assumption ng mga researcher ko sa Rizal, si Shin ang may gawa ng lahat. Pero hinarang agad nina Jian ang investigation para hindi na kumalat pang wala na silang maaasahan para bantayan ang pamilya nila."

"Ai Ling created an apocalypse. Sinayang niya ang anak niya."

"Pero hindi ako manghihinayang sa batang 'yon. Ever."

"Hahaha! Alam ko na 'yang mga ganyang tono mo, mare. Malaki na ang batang 'yon. Hindi 'yon nawawalang kuting para ampunin mo."

"I'm open to the possibility. Pero balita ko kay Tony, magkasama sila ngayon ni Calvin sa iisang bahay."

"Kasal na ba sila?"

"May bumulong sa opisina ko. Confirmation na lang ang hinihintay ko ngayon sa statistics office kung totoo ba."

"Natutulungan ba naman siya ni Calvin?"

"I have no idea, Bobby, but Calvin's too soft for her battle. Baka paiyakin lang niya si Calvin."

"Hahaha! Kaya siguro si Melanie ang kulit nang kulit sa akin para tulungan 'yong dalawa. You know my daughter-in-law. Kapag may ibinubulong, talo pa ang lahat ng ahente mo sa dami ng nalalaman."

"Madame, sir, nandito na po ang mga kaibigan ng pasyente. Papapasukin po ba namin?"

"Hayaan mo sila sa labas. Mauuna na ako, Bobby. Baka hanapin na naman ako ng panganay ko."

"Go ahead."

• • •

"Clark . . . I know you're alive . . . I'll tell Mum na huwag ka nang pahirapan . . . I'll wait pa rin until you wake up . . . magpapakasal pa tayo, di ba?"

• • •

"Nining Kwerk! Nining Kwerk, wake up!"

"Luan, huwag papaluin si Ninong."

"Nining Kwerk, wake up na! Pe-pway tayo bang bang! Mimy, pe-pway kami bang bang ni Nining Kwerk!"

"You'll play bang bang with Ninong Clark kapag he's feeling well na, ha?"

"Mimy, i-sweep pa si Nining Kwerk. I want bang bang."

"Nag-sleep pa si Ninong Clark, baby. Ba-bye ka na muna kay Ninong kasi tatawag na tayo ni Dada."

"I want bang bang."

"You'll play with Dada na lang sa house. Ba-bye na tayo kay Ninong Clark kasi he's sleeping pa. Ba-bye, Ninong Clark. We love you."

"Ba-bye, Nining Kwerk. Wav you! Bang bang si Wuwan bukas!"

• • •

"Anak . . . ayokong isiping sinadya mo 'to. Kilala kita. Hindi mo kami pag-aalalahanin ng daddy mo nang ganito . . . at alam ko ring hindi ka ipapahamak nina Patrick gaya ng sinasabi ng mga pulis. Gusto ko lang na maging okay ka na, anak . . . gising ka na, ha?"



♥♥♥



Sobrang sakit pa rin ng ulo ko. Pero hindi na gaya ng sakit noong mga nakaraan na nagigising ako. Wala na rin akong oxygen mask. Pero marami akong benda sa braso.

"Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ni Ate Nurse kaya nilingon ko siya.

"O-Okay lang po . . ."

Masakit din pala ang lalamunan ko. Para akong nauuhaw na sobrang uhaw.

"Puwede pong . . . makahingi ng tubig?"

"Sige, magdadala ako ng tubig. Hintayin lang natin sina Doktora, ha? Kaunting examination lang 'yon tapos bigyan na kita ng tubig kapag nag-okay na sila."

"O-Okay po . . . thank you po . . ."

Maliwanag na ulit pagtingin ko sa bintanang malaki. Sana dalawin na ulit ako nina Dadi. Nakakabangon na ako. Binabangon ako ni Ate Nurse kapag nakikita niyang gising ako.

Nagugutom ako pero masakit pa rin ang lalamunan ko. Pero baka puwede naman akong kumain kahit lugaw na may itlog. O kaya oatmeal na may saging.

Pag-alis ni Ate Nurse, may pumasok ulit sa kuwarto kung nasaan ako kaso hindi ko kilala.

Paglingon ko sa kanila, yung babae, nagtakip ng bibig niya at parang maiiyak. Yung lalaking kasama niya, seryoso lang ang mukha nang lumapit sa akin.

"Sabi ng nurse, noong nakaraan ka pa raw nagising."

Hindi ko alam ang sasabihin kasi hindi ko naman siya kilala. Baka kaibigan siya ni Dadi.

"Kumusta ang pakiramdam mo?"

"Masakit po ang ulo ko."

Ang lungkot ng tingin niya sa akin. Para siyang umiiyak pero hindi siya umiiyak.

"Pero . . . o-okay na po ako. Gusto ko lang po ng tubig."

Tumikom ang bibig niya tapos tumango siya. "Sige, kapag sinabi ng doktor na okay na, kukuha kami ng tubig."

"Thank you po . . ."

"Rico, nandito na si Doc."

Rico.

Baka nga kaibigan ni Dadi.

Umurong sila ng babae malapit sa pinto. Napangiti ako nang makita ko agad si Mami na naunang pumasok sa loob.

"Clark, anak." Naiiyak pa siya nang lumapit sa hospital bed.

"Mami . . ."

"Kumusta ang pakiramdam mo?"

"Masakit po ulo ko, Mami."

Hinawakan lang ni Mami ang pisngi ko saka siya naiiyak na hinalikan ako sa noo. "Gagaling ka rin, anak, ha? Hihingi tayo ng gamot sa doktor para hindi na 'yan sumakit."

Nalipat ang tingin ko kay Dadi at napapikit-pikit pa ako kasi parang mas naging matanda na si Dadi ngayon. Ang dami na niyang uban, e kaunti lang uban niya dapat. Si Mami, itim pa rin ang buhok. Siya, puro na puti.

May mga pumasok na ulit. Yung babaeng doctor kasama ang dalawang nurse. Tuloy-tuloy lang sila sa loob at saka tiningnan ang mga tao roon.

"Attorney, na-review na 'yong last exam niya, ano?" tanong ni Doktora na may hawak na clipboard.

"Yes, Doc."

"Nag-usap na kami rito ni Doc Ferdz kanina, siguro siya na lang ang mag-explain sa iyo after this. Another schedule for MRI na lang naman na 'yon mamayang 4 p.m. Okay naman na ang sa x-ray niya. "

"Okay, Doc, thank you."

Pagtingin ko kay Doktora, nginitian niya ako at sinilip ang mga sugat ko sa ulo saka sa braso.

"Masakit pa rin ang ulo?" tanong niya.

Tumango ako habang nakatingin lang sa kanya.

"Mga gaano kasakit? Kaya mong i-rate from 1 to 10?"

Nagtaas ako ng mga daliri. Lima sa kaliwang kamay, dalawa sa kanan para sabihing 7 ang sagot ko.

"7, okay. Hindi siya sobrang masakit na masakit na para kang masusuka?"

Umiling ako nang kaunti.

Tinatanong pa ako ni Doktora nang may pumasok ulit na babae sa loob ng kuwarto. May dala siyang water jug saka plastic na may lamang pagkain sa plastic. Nagugutom na talaga ako saka nauuhaw.

"Pero wala namang problema sa ear part. Malinaw mo akong naririnig sa side na 'to?" Itinuro niya ng sign pen ang kaliwang tainga ko.

Tumango na lang ako.

"How about dito?"

Tumango ulit ako para sa kanan.

Naririnig ko sila nang malinaw.

"Kaya mo na bang magsalita?"

"Opo . . ."

"Ano'ng buong pangalan mo? Alam mo ba?"

"Mendoza . . . Clark Mendoza po."

"Okay."

May isinulat siya sa hawak. Pero dapat alam na niya ang pangalan ko kasi kilala naman na niya sina Dadi. Bakit kaya niya tinatanong kung anong pangalan ko?

"Kilala mo kung sino ang parents mo?"

Tumango naman ako kasi kilala ko naman si Mami.

"Sino si mama?"

"Maria . . . Sophia . . . Divinagracia," pautal-utal na sagot ko kasi masakit pa rin ang lalamunan ko.

"Okay, si daddy mo?"

"Mendoza . . . Fernando . . ."

"Good. Ilang taon ka na?"

"Fourteen . . ."

"Okay. Saan ka nakatira?"

"Sa . . ." Saan ulit 'yon? "Camp . . . Abendan . . . Zamboanga."

"Camp Abendan, Zamboanga. I see. May natatandaan ka bago ka magising?"

"Meron pong mga nagsasalita . . . tapos po madilim . . ."

"Alam mo kung paano ka nagkasugat sa ulo?"

Umiling ako kasi hindi ko alam.

"Sige. Kapag medyo okay ka na, pa-schedule tayo ng therapy."

Tumalikod na siya tapos tiningnan niya sina Mami na umiiyak.

"Mamayang 4 p.m. ang schedule ng MRI, Doc Ferdz. Paki-follow up na lang sa nurse station. Titingnan ulit namin kung may iba pang problema na hindi namin nakita sa unang scan."

Pag-alis ni Doktora, umiiyak si Mami nang lapitan ulit ako.

"Clark, anak, sigurado ka bang okay ka na?" umiiyak na tanong niya.

"Opo, Mami. Masakit lang po ulo ko. Saka po gusto ko pong tubig."

Hawak ni Mami ang mga kamay ko at idinikit niya 'yon sa mga pisngi niya. Saglit na kumunot ang noo ko kasi parang ang laki ng mga kamay ko. O baka maliit lang talaga ang mukha ni Mami.

"Mami . . ."

"Yes, anak?"

"Kailan tayo uuwi?"

"Hmm?"

"Uwi tayo agad, Mami. Kasi hahanapin ako ni Sabrina. Iiyak 'yon kasi wala 'yong kasama. Baka mag-isa lang siya ngayon sa kanila."

Umiiyak lang na tumango si Mami sa akin.

"Sige, uwi tayo agad kapag okay ka na."

♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top