Chapter 58: Goodbye

Pasensiya na sa mga typo. Hindi ko pa ito nare-review pero gusto ko talagang mag-update ngayon hahaha aayusin ko na lang paggising.


♥♥♥


Sa façade pa lang ng hotel, pagkabigay ko sa valet attendant ng susi ng kotse ko, nilakad ko na ang entryway na napakaraming tao.

At hindi lang basta tao—karamihan sa kanila, Chinese. Gaya ng sabi nina Mother Shin. Dito rin sa hotel na ito magkakaroon ng meeting ang mga Dy at Yu. At dahil may meeting nga, posibleng walang bantay sa resto ngayon gaya ng hinala ni Mother, at 'yon ang gusto kong sugalan.

Noong sinabi ni Mami na ayaw niyang may Chua maliban kina Tito Addie, Kyline, at mga anak niya sa kasal ni Leopold, akala ko, dahil gigil lang siya sa mga kamag-anak ni Kyline.

Pero pagdating ko sa venue, ni isang mukha ng mga kamag-anak ni Ky, wala talaga akong nakita.

Sa 8th floor ang event's hall kung saan ikakasal sina Leo at Kyline. May tatlong hotel room doon kung saan puwede kaming magpahingang magbabarkada. Pagpasok ko sa nakabukas na pinto, nandoon sina Will na inaayos ang tuxedo ni Leo. Pare-pareho pa silang napahinto pagkakita sa akin.

Ramdam ko namang ayaw nila akong kausapin, pero hindi ko nararamdaman na dumidistansya sila. Siguro nga, hirap lang silang mag-adjust kapag ganito ako.

Nag-warning na si Patrick. Nakapagsermon na si Leo. Nakiusap na si Will. Maliban kay Calvin, wala na akong ibang narinig na sermon mula kay Rico tungkol sa balak kong pagpunta sa resto.

"Akala ko, kasabay mo sina Tita Pia," sabi ni Will nang lapitan ako at akbayan.

"Mauuna't mauuna sina Mami rito. Mas excited pa nga sila kaysa sa ikakasal," sabi ko, pilit iniiwas ang tingin sa kahit sino sa kanila. Para tuloy akong tanga na kung hindi titingin sa sahig, sa kurtina ng balcony, o kaya magsisipa ng mga ottoman na nakakalat doon na inupuan yata nila kanina.

Galit na sila sa plano kong pagkuha ng records ni Kuya Wing sa resto. Mas lalong ayoko nang sabihin sa kanila ngayon ang balak kong nakawin ang lahat ng pera ng Red Lotus habang problemado nga kami kung saan ba namin ililipat ang laman ng hidden accounts namin.

Para kaming nagbibilang ng segundo. Nangingilabot ako, buti naka-formal suit ako ngayon.

Naunang umalis sina Will at Calvin sa hotel room. Sumunod si Patrick kasi sinundo ng assistant ni Uncle Bobby. Ang awkward nang maiwan kami nina Rico at Leo sa loob kaya nagpaalam na ako.

"Pupunta na rin ako sa venue," sabi ko.

"Clark," tawag ni Rico eksaktong pagtalikod ko.

Hindi ako humarap, patay-malisya lang na naglakad.

"Patatapusin ko lang 'tong wedding, pipirmahan ko na ang agreement kay Mum. Don't do something stupid, please lang."

Hindi ako huminto sa paglakad. Gusto ko ring sabihin sa kanya na walang magagawa ang pagpirma niya kasi hindi naman siya ang habol ng mga nagpadala sa amin ng documents. Pero lalo ko lang siyang bibigyan ng dahilan para pigilan ako kaya wala na akong ibang magagawa kundi gawin 'to nang mag-isa.

Hindi ko alam kung anong risk ba o gaano kataas ang risk na meron sa plano ko. Pero sigurado ako na hindi lang mga Yu ang naghahabol sa pera na 'yon sa website ng Red Lotus. Kung makita ko man sila mamaya pagpunta ko roon, gusto ko na lang isiping ginagawa ko 'to kasi hindi lang barkada ko ang makikinabang dito. Si Mother Shin at ang mga pangarap niya ang nakataya.

Kung mamatay man ako sa katangahan, at least, mamamatay akong may pangarap akong ipinaglalaban.

Pero, siyempre, gusto kong mabuhay. Pakakasalan ko pa si Sabrina. Iiyak 'yon kapag hindi. Nangako na ako ng dream wedding sa kanya kaya dapat buhay akong babalik.

Alas-kuwatro pasado na. Simula na dapat ng kasal, pero late si Father kaya naghihintayan pa ang lahat.

Pero iko-commend ko na agad si Tita Tess kasi hindi halatang rush ang setup. Ang dreamy sa paligid, tatablahin ang bakuran ni Jaesie sa umaga.

Ang daming bulaklak, talo pa arboretum. Sa sahig, meron. Sa bawat arko sa aisle, meron. Buong kisame, meron. Pati sa lahat ng gilid, meron. White, gold, and cream ang kulay sa paligid. Tapos yellowish ang ibang ilaw. Nakakaantok na di mawari ang pakiramdam. Nilalabanan siguro ang lighting para hindi nakakasilaw kung puro white lights ang nakabukas.

Iniwas-iwasan ko pa si Tita Tess sa venue kasi kapag naamoy niya ang plano ko—o kung sa kanya na nagsumbong si Calvin—mga agent na ng Afitek ang haharang sa akin, hindi lang barkada ko.

Kailangan ko ng tulong ni Tita pero hindi sa mga oras na 'to. Pero hindi ko na nga naiwasan, in-announce pa ang magiging kasal namin ni Sabrina.

Hindi ko tuloy alam kung ano ang mararamdaman ko. Kasi ibig sabihin din n'on, kailangan ko na talagang sumuko sa kanya.

Habang umaandar ang oras, kahit anong dreamy vibe ng hall, ramdam kong hindi ito ang dream wedding namin para kay Leo. Gusto talaga namin sa beach tapos sunset. Tapos mga nakapaa kaming lahat saka puwede na kahit bukas na white polo at white boardshorts ang suot. Tapos kaunti lang kaming attendee, 'yong mga kilala talaga sina Leo at Ky. Tapos sabay kami ni Luan na magsasaboy ng bulaklak kahit na originally, kami ni Eugene dapat ang nasa plano kaso binata na siya ngayon. Tapos si Eugene ang magdadala ng wedding rings kasi never talaga niyang na-experience maging ring bearer mula nang ipanganak siya. Pero 'yon naman talaga ang plano mula nang ipanganak siya.

Tapos sa reception, tamang boodle fight na lang kami saka smores pagdating ng gabi. Doon kami tatambay sa beach habang may bonfire sa gitna.

Ang hirap talagang mangarap. Parang lahat ng papangarapin mo, laging invalid kaya laging compromised.

Pagsimula ng ceremony, isa-isa na kaming lumakad sa aisle. Nasa gitna pa lang ako, nakita ko na agad si Sabrina malapit sa puwesto ng mama niya sa kaliwang gilid.

Natapilok tuloy at muntik nang masubsob. Mabuti't mabilis akong nakabalanse. Ngumiti tuloy ako sa videographer sa harapan sabay cute pose na naka-peace sign at nakataas ang kanang paa sa gilid.

Nagtawanan tuloy ang lahat saka ako tuloy-tuloy na naglakad.

Ilang beses akong huminga nang malalalim. Kapag nakikita ko si Sabrina, parang ayoko nang tumuloy. Pero kapag naiisip kong access lang naman ang gagawin. Tapos money transfer. Fifteen to thirty minutes, ayos na?

Gusto kong sugalan, hindi lang para matahimik na si Tita Tess, kundi para makabalik na rin si Mother Shin sa sistema.

Paglapit ni Leo sa alter kung nasaan ako nakatayo bilang best man niya, ang lalim ng buntonghininga niya nang tapikin ang balikat ko.

"Umuwi ka mamaya," sabi lang niya at saka umayos ng tayo para hintayin si Kyline sa altar.

Gusto ko ring umuwi mamaya. Kailangan kong makauwi mamaya.

Mula sa dulo, binuksan ang bulaklaking pinto ng hall. May spotlight sa likod ni Kyline na nakangiti sa aming lahat. Ang galing pumili ni Rico ng wedding gown, parang prinsesa talaga si Ky.

Sa mismong minutong 'yon, natakot ako para sa sarili ko.

Gusto ko pang makauwi pero alam kong mahihirapan ako . . .

Napatingin ako kay Sabrina na nakalingon lang din sa bride na maglalakad na sa aisle, inaayos na lang ang train ng ballgown.

"Gene, dito ka muna," utos ko kay Eugene na katabi ko sa puwesto ko. Pinalapit ko siya sa daddy niya saka ako tumakbo sa nagpi-piano ng live kasama ng orchestra.

"Mga boss, puwedeng ako ang mag-piano? Solo," pakiusap ko.

Nagpalitan pa sila ng mga tingin pero tumayo na agad ang pianist para pagbigyan ako.

Hindi ko alam kung safe pa ba akong makakabalik, pero kahit man hindi, gusto kong tumugtog ulit para kay Sabrina. Hindi ko kasi alam kung matutupad ko pa ang mga pangako ko sa kanya.

Nagsimula na akong tumipa. Yung song na nasa music sheet ang una kong tinugtog. Mula sa malaking screen sa gilid lang ng piano, nakikita ko si Kyline na nakangiting naglalakad.

Gusto ko rin ng dream wedding . . . pero ang hirap kasi talagang mangarap. Required ba na lahat ng pangarap, mahirap abutin?

Nakatingin ako sa mga piano key. Naririnig ko ang pagkakaiba-iba ng mga tunog nila. Kaya nang sabihin nina Mami na magaling na ako kasi nakakatugtog na ulit ako ng piano. Hindi na magi-guilty si Tita Tess na nawala ang buhay ko bago ko iligtas ang bunso niya sa mga kidnapper. Hindi na magtatanong si Sabrina kung kaya ko pa bang tumugtog o hindi na.

Pagkarating ni Kyline sa harap ng altar, sinalubong siya roon nina Mommy Linds saka Tito Addie. Nagmano pa si Leo sa dalawa kahit na parang labas sa ilong ang kay Mommy Linds kasi hindi naman siya nagmamano roon.

Nagpasalamat ako sa pianist at bumalik na rin ako sa puwesto ko sa gilid ng altar.

Wedding ni Leo ang inaabangan naming lahat at eto na 'yon.

Masaya ako para sa kanya, para kay Kyline, para kina Eugene at Luan.

Habang dumaraan ang ceremony, genuine ang tuwa ko para sa kabarkada ko. Kasi witness ako ng hirap niya, e. Nandoon ako noong umiiyak siya kasi ayaw siyang makita ni Ky. Nandoon ako noong nangangarag siya kasi hindi niya alam kung magre-review sa aerodynamics o padededehin si Eugene kasi umiiyak. Ako pa'ng naglakad at nangulit sa realtor para sa bahay nila ni Kyline ngayon.

Gusto ko na lang sabihin sa kanyang, "Huwag ka nang iiyak, ha! Masusuot mo na wedding ring mo!"

Napapangiti na lang ako habang nakatingin sa kanila ni Kyline na nagpapalitan na ng vow. Dito sa kasal nila, hindi lang naman silang dalawa ang involved. Kasal na ang parents nina Eugene at Luan. Hindi na tatanungin ang mga bata kung bakit hindi pa rin gamit ng mommy nila ang apelyido ng daddy nila.

Ang daming nakangiti pero dama kong ilan lang ang tunay na masaya. After ng ceremony, bumalik ulit ako sa hotel room kung saan kami puwedeng tumambay. May pen doon ng hotel sa nightstand, dinukot ko ang wallet at humugot doon ng resibo ng pinaggamitan ko ng debit card.

Isinulat ko ang address ng resto, just in case hindi ako makabalik, hindi lulutang-lutang ang bangkay ko sa Manila Bay kasi baka i-double kill ako ni Mami kapag nalaman niyang namatay ako without her knowledge. Isiniksik ko ang resibo sa nakilala kong bag na nakatambak sa kama.

Sa buong barkada, si Will lang ang inaasahan kong kay Mami muna pupunta bago sa kung sino pa man.

Kapag kasi si Leo, si Rico ang unang tatanungin.

Kapag si Rico, si Tita Tess agad-agad, without a second thought.

Kapag kay Patrick, baka umiyak lang tapos maghihintay kung sinong papansin sa dahilan ng iyak niya.

Kapag si Calvin, baka hindi na niya sabihin pang patay na pala ako. Baka siya pa ang maglibing ng bangkay ko at i-announce ang lokasyon ko sa sementeryo after five years.

Bababa na lang ako para sa speech ko sa reception. Ayokong magpaalam sa kahit sino sa kanila. Alam kong pipigilan at pipigilan talaga nila ako.

Nasa hallway pa lang ako nang makasalubong ko si Sabrina. Napahinto ako para lang titigan siya paghinto rin niya.

"Hey," bati ko, at kinailangan ko pa ng sapat na hangin para lang sabihin 'yon. "Ang aga ng announcement ni Tita Tess kanina hahaha!"

Inayos ko na lang ang cuff ng suot ko kasi hindi mapakali ang kamay ko. Gusto kong manghingi ng yakap sa kanya pero ayokong gawin kasi baka hindi na ako makaalis kapag tinangka ko pa.

Ilang araw ko siyang iniwasan. Ayokong magkaroon ng dahilan para mag-backout. Ayokong ma-guilty sa pagpapaasa ko sa kanya.

"Ang seryoso mo naman!" biro ko nang makita rin kung gaano siya kadismayado.

"Say no to Mum, Clark," seryosong sabi niya, at may bigat sa mga salitang 'yon.

Ang lalim ng paghugot ko ng hangin nang lapitan siya. Pinilit kong ngumiti kahit gusto ko na lang umiyak at sabihing mahal na mahal ko siya pero kailangan kong mamili ngayon.

"I will not marry you," naluluhang sabi niya, deretso sa mga mata ko.

"I will."

"Gigipitin ka lang niya."

"Alam ko."

"You don't deserve that."

"But I deserve you."

"You're risking everything, Clark."

Ngayon lang ako susugal nang ganito kalaki . . . hindi para sa sarili ko kundi para sa lahat ng gusto kong iligtas sa mga humahabol sa 'kin.

Siguro nga, hindi ako kasintalino ni Rico pagdating sa sugalan. Kasi siya, alam niyang mananalo siya. At lagi siyang nananalo. Ako, hindi ko alam, e. Malakas pa nga ang kutob kong tama siya, e. Ayoko talaga kapag tama ang kutob ni Rico. Kung magpustahan man kami ngayon kung makakabalik ako, baka matalo pa 'ko.

"Clark," nagwa-warning nang tawag ni Sabrina, pinagsasabihan ako ng tingin.

"I'd already risked everything," pag-amin ko sa kanya.

Dismayado siyang umiling sa sinabi ko. "No. Not this time."

Sinapo ko na lang ang pisngi niya saka siya hinalikan sa labi.

Marahan lang 'yon. Mahinang dampi. Kasi kung palalalimin ko pa, hindi na talaga ako makakalis.

Bahagya akong lumayo saka ngumiti nang matipid sa kanya.

"I'll see you again someday, Sab."

Kahit gusto ko siyang yakapin, hindi ko na ginawa. Tinapik ko lang siya nang marahan sa ulo saka ako naglakad palayo, hindi na hinintay pa ang sasabihin niya.

May bigat sa bawat lakad ko. Gusto kong tumalikod para bumalik sa kanya. Para sabihing hintayin niya 'ko kasi uuwi ako. Gusto kong sabihing huwag siyang mag-alala kasi after nitong kasal, kami naman ang susunod.

Gusto kong mangako . . .

Pero ayoko na ng dagdag na sakit para sa kanya.

Ilang taon ko 'yong ibinigay at hindi niya deserve na hanggang ngayon, sakit lang ang kaya kong ibigay.

Bumaba ako sa hall kung nasaan ang reception. Sinubukan kong ngumiti gaya ng iba dahil malamang na kahit sina Mami, mag-uusisa kung bakit ang seryoso ko ngayon.

Pinaupo kami sa mahabang table at si Tammi ang nagbibigay ng speech para sa bagong kasal.

Nakatitig lang sa akin ang barkada ko, mga nakangiti na kasi nasa reception pa rin ako hanggang ngayon. Ang sabi ko kasi kay Calvin, patatapusin ko lang ang ceremony. Gusto ko na rin sanang umalis kanina pa pero gusto ko pa ring mag-deliver ng speech para kay Leo. Para may mababalikan man siyang ambag ko sa kasal niya kapag nanood siya ng mga wedding video.

"High school pa lang, to be honest, ine-expect na naming magkakatuluyan sila," kuwento ni Tammi sa speech niya. "Every time na magme-meet sila sa hallway, super tilian lahat ng girls. Super dami rin ng naiinggit kay Leo kasi campus crush si Belle. Para talaga silang perfect campus lovebirds."

Napapangiti si Ky sa kuwento ni Tammi. Magkakaklase kasi sila since high school kaya maliban sa amin, mas kilala ni Tammi itong dalawa.

"We are so happy na, at last, natuloy rin ang wedding kahit next year pa ang inaasahan namin hahaha!" biro ni Tammi, pero alam kong nagpaparinig siya kasi na-compromise ang schedule niya para dito sa kasal. "Parang recent lang, kinokontrata pa ako ni Leo to attend sa beach wedding without knowing na photoshoot din pala 'yon ng wedding nina Ronie and Jaesie. You guys are really spontaneous. Ginugulat n'yo kaming lahat."

Lumilibot ang tingin ko sa lahat ng bisita nang manlaki ang mga mata ko sa babaeng nakaputing bestida na may mahabang itim na buhok doon sa dulo. Napainom tuloy ako ng tubig habang nakatitig lang sa babaeng 'yon at sinasabi ko sa utak ko kung tama ba na si Mother Shin ang nakikita ko o baka dahil gusto kong magpaalam kaya siya na ang nagkusang magparamdam sa akin.

Hala. Baka multo siya ni Mother. Buhay pa naman siguro si Mother.

Nilingon ko ang puwesto ni Tita Tess. Nakatingin lang siya kay Tammi at nakikinig. Pagbalik ko ng tingin kay Mother Shin, wala na siya sa sulok!

Shet!

Napasapo tuloy ako ng bibig.

Mamamatay ba ako tonight? Minumulto na ako ni Mother!

Pinandidilatan ko ang mesa habang kinikilabutan.

Paulit-ulit kong binubulong na buhay pa si Mother kaya hindi niya ako mumultuhin.

Buhay pa si Mother at iboboto pa siya sa meeting.

Mula sa pagkakayuko, sumulyap ulit ako sa sulok pero nakita ko na siyang nasa likod ng nakatayong bisita roon at nakasilip sa akin.

Putang ina, buhay pa si Mother, buhay pa si Mother, buhay pa si Mother.

Nakadaop na ang mga palad ko sa tapat ng bibig habang paulit-ulit 'yong binubulong.

Pagsulyap ko sa nakatayong lalaki, napapikit ako nang kagat ang labi kasi wala na naman siya!

Hindi ko pa matanggap ang pagkawala ni Kuya Wing kaya sana huwag siyang manakot nang ganito kasi natatakot na talaga ako.

Gusto ba niyang ipaghiganti ko ang kaluluwa niya?

Sige na, gagawin ko na. Hindi na 'ko magdadalawang-isip.

Puwede naman siyang magparamdam sa call, bakit sa ganito pa?

Nang ako na magbibigay ng speech, nakangiwi lang ako habang natatawa kasi mababaliw na talaga 'ko ngayong gabi.

Paghawak ko ng mic, nakangiwi akong nagsalita habang tinutusok-tusok ang stand ng podium na may script ng program. "Ang tagal naming hinintay ang araw na 'to. Sa wakas, makakakain ulit kami ng lechon sa reception!"

Tiningnan ko ang lahat ng mga bisita.

"Para ho sa mga hindi nakakakilala sa akin, ako ho si Clark Mendoza. Ako po ang tunay na ama ni Eugene. Naging kamukha lang 'yan ni Leo kasi pinaglihian siya ni Ky."

Meron akong nakahandang speech. Nasa loob ng coat ko. Pero kapag binasa ko 'yon? Malamang na iiyak nang malala 'tong gagong 'to. Isa-isahin ko ba naman lahat ng penitensiya niya para sa pamilya niya na witness ako.

Pero . . . gusto kong umalis na masaya siya. Gusto kong umalis na si Clark na barkada niya ang makikita niya. Gusto kong umalis na hindi niya ako titingnan bilang mang-aagaw ng role bilang tatay ng mga anak niya.

Gusto kong maging kaibigan ngayon kung paano niya ako nakilala.

"Pero witness din kami sa struggle nilang dalawa—witness ako sa hirap nilang dalawa bago dumating ang araw na 'to," pagpapatuloy ko sa speech ko. "Alam ni Mommy Linds, alam ni Gina, alam ni Manang Chona kahit nasa heaven na siya, alam ni Tito Addie na hindi madali ang pinagdaanan nilang dalawa. Sa pagpapalaki kay Eugene, sa pagbuo ng business, sa paghihintay five years ago na dumating ang araw na 'to na naudlot kasi biglang dumating si Luan. Ito lang ang hiling ko para sa kanilang dalawa—kasal."

Hinarap ko silang dalawa ni Kyline at matipid na ngumiti.

"Dude, alam kong may matagal ka nang plano para sa wedding nating dalawa." Napapihit ako kasi parang ang sagwa pakinggan. "Hindi po kaming dalawa ang dapat ikakasal, disclaimer lang. Hindi po 'yan ang plot twist."

Natawa ang mga bisita kaya binalikan ko na ulit sina Leo.

"Dude . . . ingatan mo siya. Binalewala niya ako dahil sa 'yo." Natatawa lang si Leo nang batuhin ako ng binilog na tissue. "'De, ingatan n'yo ang isa't isa. Sana maging masaya kayo lagi. Wala naman akong ibang hihilingin para sa inyong dalawa kundi good health . . . prosperity . . . abundance . . . lucky number 5, lucky color blue. Hindi man ito ang plano natin a few years back, pero masaya akong natupad ang pangarap mo nang mas maaga kaysa inaasahan natin. I'll see you on my wedding someday."

Nilapitan ko na siya para makipagkamay at yakapin siya bilang isa sa pinakamalapit kong kaibigan. At sana hindi ito ang huling gagawin ko ito.

"Alagaan mong mabuti sina Eugene at Luan. Mag-download ka ng water gun game sa phone kasi hahanapin 'yan ng bunso mo. Mag-ingat kayo palagi ni Ky," paalala ko sa kanya. "Sige na. Masakit na ang tiyan ko, hindi yata okay ang caviar nila rito. Hindi na ako makakaabot sa after-party."

Lumayo na ako sa kanya at aalis na sana pero biglang sumeryoso ang tingin niya sa akin. Ang higpit pa ng hawak sa kamay ko kaya nalipat doon ang tingin ko.

"Leopold," nakangiting saway ko, itinatago ang inis.

Pero hindi siya nakinig kaya kinuha ko na ang mic nila ni Ky.

"Mahal na mahal ako ni Leo, ayaw niya 'kong i-let go."

Nagbabanta ang tingin ni Leo sa 'kin, ayaw patinag.

"Love, sige na, pagagalitan ka ni Mommy niyan," sita ni Kyline at siya na ang naghiwalay sa kamay namin ng asawa niya.

Tinapik ko na lang sa balikat si Ky saka nagpasalamat bago umalis.

Doon ako dumaan sa papuntang restroom, kabilang daan kung saan nakapuwesto ang buong barkada ko.

Gusto kong sumugal.

Pero ipinipikit ko na lang ang mga mata ko at hinihiling na sana may suwerte ako gaya ng suwerte ni Rico.

Dumeretso ako sa underground parking nang makuha ang susi ko sa front desk. Doon pa lang, hindi na talaga nabawasan ang mga Chinese na pumapasok sa loob ng hotel.

Tama nang dito sila tumambay para makapasok ako sa resto nang walang problema.

Pagsakay ko sa kotse, desidido na talaga ako sa gagawin. Kapag walang tao, fifteen to thirty minutes na transfer, tapos babalik ako rito.

Kung may tao naman . . . si Clark Mendoza ako. At paninindigan ko 'yon.

Dumeretso ako sa service road at napansing maluwag sa lane ko at masikip na sa kabila dahil sa mga umuuwi pa-norte.

Isinuot ko ang lumang mask na gamit ko noon sa Coastal. Sa tagal na panahon, ngayon lang ulit babalit si Mickey Mouse sa Coastal. Walang ibang Mickey Mouse doon kundi ako lang kaya walang puwedeng gumamit ng code na 'yon maliban sa akin.

Komportable pa akong nagda-drive nang bigla akong sipunin. Nakailang singhot ako at akala ko, ina-allergy pa ako.

May naaamoy akong masakit sa ilong at sinubukan ko pang hanapin sa compartments at upuan kung saan galing 'yon.

Ibinalik ko ang tingin sa daan at para nang may astigmatism ang kanang mata ko.

Sinubukan kong bagalan ang pagpapatakbo pero nakailang brake na 'ko, lalo pang bumilis ang andar ng sasakyan.

"Putang inaaaa!"

Nagpa-panic na ako nang kunin ang phone ko sa ibaba ng shifter. Pagkadampot ko, bigla pang dumulas sa kamay ko.

"Mamiiiii!"

Ang lakas ng sigaw bago ko salubungin ang concrete barrier sa kalsada.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top