Chapter 57: Webbed


Parang mga nasa 18 o 19 ako noong una kong makilala si Kuya Wing. Mukha talaga siyang helper lang sa resto.

Kompara sa itsura ni Mother Shin na parang multong prinsesa ng sinaunang panahon, si Kuya Wing, parang boy lang na tatawagan kapag maglilinis ng sahig kasi may natapong sabaw.

May muscles si Kuya Wing na namumutok saka maraming tattoo sa katawan. Para talaga siyang kargador sa pier na tinangay na lang doon sa resto kasi walang matirhan. Tapos ang mga damit niya, laging kupas. Kung hindi kupas, butas ng kilikili o kaya punit-punit ang laylayan. Ang pantalon niya, laging itim pero parang naligaw isang araw sa mga puti kaya nasayaran ng bleach kaya kumupas. Mahaba ang buhok ni Kuya Wing na laging nakagoma. At kahit hirap siyang managalog, talagang sinusubukan niya.

Mabait si Kuya Wing. Sobrang bait niya. Lagi pa siyang naka-smile kapag nadadaan ako sa resto kaya buong akala ko talaga, helper siya roon. Kasi kapag may posisyon gaya ng chef doon o kaya guard, hindi sila ngumingiti sa akin. Lagi lang silang seryoso. Ilan lang ang kinakausap ako na hindi ako parang inaaway.

Hindi ko kahit kailan nakita si Kuya Wing bilang nakakatakot na tao kasi hindi niya 'yon ipinaramdam sa akin. Mas nakakatakot pa nga yung waiter doon sa resto!

Huling kita namin, nandoon siya sa maliit na opisinang . . . hindi ko alam kung opisina pa ba 'yon. Parang cubicle lang kasi sa banyo na pinagsiksikan lahat ng papeles niya. Para siyang daga na nagtatago sa mga dapat niyang pagtaguan.

Inaalala ko ang huli niyang warning sa 'kin. Lumayo kay Mother para hindi ako mapahamak. Sinabi rin niyang babawiin niya ang resto para kay Mother kasi pinaghirapan ni Mother 'yon.

Hindi ko alam kung buhay pa si Kuya Wing, pero masyadong mahalaga si Mother Shin sa kanya para pabayaan lang nang ganito ang lahat.

Umaasa akong buhay pa siya, kahit pa may kung ano sa loob ko na tinatanggap na baka wala na nga talaga kasi . . . kapag ganitong alanganin ang sitwasyon, hindi siya nagmintis ayusin ang lahat. At base sa pagkakakilala ko kay Kuya Wing? Hindi na baleng harap-harapan siyang makipagpatayan sa kaaway niya kaysa magtago na lang.

Hindi ganoon ang pagkakakilala ko sa kanya. At hindi rin siya papayag na may patayin si Mother Shin dahil sa kanya.

Naalala ko noong muntik na kaming makulong dahil kina Elton at pinabura sa akin ni Dadi ang mga file sa laptop niya.

"Kinausap kayo ng mga Yu. Sinong Yu?"

"Ang sabi nina General, head ng operations nila. Wing yata ang pangalan niya. O alyas? Hindi ko alam."

Magulo na ngayon ang lahat. Sobrang gulo at sobrang kalat na ng mga nangyayari. May pinatay na si Mother Shin na suspect sa pagkawala ni Kuya Wing, at hindi pa rin malinaw kung ano ba ang pakay ng mga tao sa paligid ko.

"Hindi nakita sa records mo na sumugal ka o nagbigay ka ng pera sa mga taong nahuli. Hindi ka kumarera o ano. Hindi lumabas sa reports na involved ka sa drugs at negative ka sa drug test. Mate-trace sa blotters na nagre-report ka occassionally ng tungkol sa mga pusher sa iba't ibang police station. Hindi bulag at bingi ang mga tao rito, Clark. Hindi ko sinasabing kumaibigan ka ng masasamang tao, pero ayokong bumabangga ka ng mga hindi dapat banggain."

Wala sa intensiyon ko ang bumangga ng kahit na sino. Gusto ko nga lang mag-enjoy sa buhay. Naglalaro ako kapag bored. Natataon lang siguro na kapag naglalaro ako, may mga nasasagasaan akong tao na hindi naman naglalaro gaya ko. Halimbawa na ang mga Yu.

Kung may isang bagay mang malinaw sa akin ngayon, iyon na malamang ang tungkol sa access na kailangan ng mga Yu.

Kailangan nila ng pera para nga raw sa meeting na gaganapin sa katapusan ng March—sa araw din ng kasal nina Leopold at Kyline. Sinubukan kong alamin kung ano pa ang meron sa katapusan ng March at nalaman kong start 'yon ng bagong fiscal year para sa sinasabing "brotherhood" ni Melanie. Hindi ko masasabing brotherhood 'yon gaya ng paliwanag ni Melanie. Sa pagkakaintindi ko kasi, para siyang organization ng mga negosyanteng mahirap maabot.

Last year pa walang head ang organization na 'yon—na walang iba kundi si Kuya Wing—at hindi natuwa ang ibang member sa pag-AWOL niya.

Habang kinakalkal ko ang mga info tungkol doon, mas nagkakaroon ng sense kung bakit siya tinarget nina Madame Ai Ling para itumba.

Head ka ng malaking organization na puro negosyante ang member, gusto mong bawiin para kay Mother Shin ang posisyon niya. May sapat na influence si Kuya Wing para pilitin ang mga member n'on para pumanig kay Mother kaya . . .

"I kow he's your friend, son."

"Yes po, Uncle. Paano n'yo po nalaman, hindi ko naman siya laging kasama?"

"Hindi sila bukas sa pakikipagkaibigan, pero bukas sila para sabihing kaibigan ka ng pamilya nila. Ayokong i-commend ka sa isang bagay na hindi mo dapat ginawa, pero nagpapasalamat akong naging malaking bagay ang koneksiyon mo sa batang Yu para sa lahat ng mga ginawa niyang pag-ayos sa mga sinira ng pamilya niya."

Si Uncle Bobby.

"Ang kuwento ni Daddy, ngayon lang tinanggap ni Papa ang offer na maging part niyan kasi magulo ang reforms ni Madame Ai at gusto nilang ibalik si Shin . . ."

May alam si Mel. Maraming alam si Mel.

"Manghingi ka ng tulong kay Papa—sa daddy ni Pat."

Wala akong narinig kina Calvin o kahit kay Mother Shin ng tungkol sa mga binabanggit ni Melanie. Hindi ko alam kung may tinatago ba si Calvin sa amin o wala lang talaga siyang alam, pero karamihan ng alam ko, nagdudugtong sa lahat ng nabanggit sa akin ni Melanie. Partidahan nang wala rin akong alam na may alam pala siya sa mga ganito kasi nga madaldal lang siya at mahilig sa tsismis gaya ko.

Ala-una ang call time sa hotel para sa rehearsal. Sobrang puno ang utak ko para isipin na nagkasamaan nga pala kami ng loob ng barkada ko.

Sa isang 5-star hotel sa Makati ang venue, sa 8th floor daw ang hall na gagamitin para sa wedding. Four days before the wedding, ramdam kong nagra-rush ang lahat. Pagpunta ko sa venue, ang dami agad na tao at puro pa mga nag-uusap kaya naiipon ang ingay sa loob.

"Clark."

Napalingon ako sa kaliwa nang makita ang barkada ko na nakaipon sa isang sulok. Lumingon pa ako sa paligid para hanapin si Uncle Bobby kung napadaan man, pero wala akong makitang Lauchengco rito maliban kay Pat.

Lumapit ako sa kanila at hindi ko sinasadyang matagpo ang tingin ni Rico. Deretso lang ang tingin niya sa 'kin, hindi ko makitaan ng kahit na anong emosyon doon.

"Si Leo?" tanong ko na lang kina Will.

"Kausap ng organizer kasama si Ky."

Palingon-lingon ako sa paligid para tingnan kung sino-sino ang mga nandito. Natigil lang ang paghahanap ko nang makita si Melanie na nakayakap sa gilid ni Jaesie. Bahagya akong pumaling sa gilid kasi parang hindi yata tama na itong dalawa ang magkasama ngayon.

Gusto ko sanang mag-usisa kay Rico pero baka magsalubong na naman ang init ng ulo naming dalawa.

Hinahanap ko rin si Sabrina pero hindi ko pa siya nakikita. Kahit si Tita Tess.

Sa isip ko, kahit pumirma ako ng authorization at agreement kay Tita Tess, useless na rin naman, e. Pera ang kailangan ng mga Yu. Pera sa site ang kailangan ng mga nagpadala sa amin ng documents.

Tama sina Mel, walang delikado sa mga file na 'yon. Ni hindi rin 'yon magagamit laban sa amin maliban na lang kung sasabihing konektado kami sa Red Lotus—na hindi rin naman guilty sina Rico kasi wala silang alam tungkol sa Red Lotus.

Ang kailangan lang gawin ngayon ng barkada, ilipat ang lahat ng pera namin mula sa hidden account kasi balak 'yong ipa-freeze ni Tita Tess gamit ang account ni Rico. At kapag pina-freeze 'yon, wala kaming choice kundi isuko ang lahat ng pera namin na inipon nang ilang taon sa bank account na 'yon.

Pero ang utak ko, wala sa problema namin sa pera. Ang utak ko, umiikot sa planong kukunin ko ang pera sa site ng Red Lotus para makita kung sino-sino ba ang talagang kaaway namin.

Binabantayan ako ng barkada. Nag-uusap-usap naman sila at bumabati sa ibang bisita, pero alam kong binabantayan nila ako.

"Nining Kwerk!"

Nakaupo lang ako sa isa sa mga upuang hinatak ko sa kalapit na mesa nang tumakbo palapit sa akin si Luan. Nakasuot lang siya ng jumper shorts saka striped T-shirt.

"Hello, Wuwan . . ." bati ko sa kanya nang salubungin ko siya ng yakap. Yumuko pa ako sa upuan para pantayan ang taas niya. "Miss mo na si Ninong Clark?"

"Mi-miss na kita, Nining Kwerk! Di na tayo pe-pway bang bang!" reklamo niya kaya natawa ako nang mahina.

"Sorry po . . ." malambing na sabi ko kaya kinuha ko agad ang phone ko sa bulsa saka siya kinandong. "Busy si Ninong, e. Pero sige, play tayong bang bang ngayon."

May paboritong laro si Luan kapag bumibisita ako sa kanila. Mobile app 'yon na maraming option ng laro at naglalaro kami ng water gun game. Simple lang ang instruction, maglo-load ng tubig sa water gun tapos babarilin ang mga lumilipad na donut sa hangin.

Paborito 'yon ni Luan kasi namu-murder niya ang screen ng phone ko kakapindot para patamaan ang mga colorful donut.

Hinayaan ko siyang maglaro sa phone ko habang kandong ko siya. Ito na siguro ang pinakamatagal na panahong hindi ko siya nadalaw sa bahay nila. Since kapitbahay lang kasi, umaga pa lang, nasa kanila na ako. Huli kong nakita si Luan, parang ten o eleven days ago pa. Noon, matagal na ang three days bago ako magpakita sa kanya.

Nakasilip lang ako sa mukha ni Luan. Hindi gaya noon, nakukulit ko pa siyang magsalita para hindi siya bulol. Ngayon, wala akong lakas para mangulit. Hindi ko alam kung dahil ba tanggap ko nang hindi ko obligasyon 'yon o baka dahil pagod lang ang buong sistema ko may ilang araw na.

"Wuwan . . ." malambing na pagtawag ko. "Kapag umalis si Ninong Clark, huwag na akong hanapin kay Dada, ha? Kasi pupuntang malayo si Ninong."

Nakanguso lang si Luan nang lingunin ako, salubong pa ang mga kilay.

Kailangan ko na ring sanayin si Luan na hindi ako laging nasa kanila. Pero wala pa man, nahihirapan na ako. Sinusubukan kong lunukin ang bara sa lalamunan ko para lang huwag akong pumiyok.

"Pero love ka palagi ni Ninong Clark. Sabihin natin kay Dada, lagay siya ng bang bang sa phone niya para puwede kayong maglaro lagi."

May bigat sa bawat paalam ko kay Luan kasi gusto ko talaga siyang alagaan . . . pero ayoko nang kunin kay Leo ang chance na 'yon kasi noong si Eugene ang inaalagaan ko, wala kasi talagang oras si Leo para gawin 'yon. Ngayong lahat ng oras kaya na niyang ibigay sa anak niya, panahon na rin siguro para ibigay ang responsabilidad na 'yon para sa kanya bilang tatay nila.

Kandong ko lang si Luan, ramdam kong binabantayan ako ng barkada ko. Si Leo, kinakausap ang lahat ng bisita para sa kasal niya. Pagsimula ng rehearsal, hindi ko maramdaman ang saya gaya sa kasal nina Rico o kahit ni Patrick. Parang nandoon lang kami kasi wala kaming magagawa kundi mag-participate.

Kasal ni Leopold ang pinag-ipunan naming magbabarkada. Hinintay namin 'to nang mahigit isang dekada. Plinano namin lahat ng puwedeng gawin sa kasal na 'to.

Pero habang nakikita ko ang lahat . . . parang walang pinatunguhan ang lahat ng plano namin noon.

Inoobserbahan ko ang lahat at kanina ko pa napapansin na hindi makalapit sa amin sina Jaesie. Hindi ko alam kung ano ba ang meron pero gusto ko sanang magtanong kung bakit ang layo niya kay Rico.

May ilang attempt ng paglapit sa kanya pero ilang beses din akong tumalikod kasi parang wala sa lugar ang tanong ko lalo na ngayong nagkasamaan kami ng loob ng asawa niya.

Sumaglit ako sa men's room para sana maghugas ng kamay at naabutan ko roon si Will na naghuhugas din ng kamay sa sink. Mas ramdam ko ang distansya naming dalawa ngayon kasi ang tipid lang ng ngiti niya sa akin hindi gaya noon na kulang na lang, magsigawan kaming dalawa kapag nagkikita.

Pagbukas ko ng faucet sa dulo, ang awkward ng katahimikan sa loob. Parang kami lang yatang dalawa ang tao. Pagsara niya ng gripo sa parte niya, akala ko, aalis na lang siya nang walang pasabi. Nagulat na lang ako nang bigla siyang lumapit sa akin saka ako tinapik sa balikat.

Hindi tuloy ako makalingon, baka kasi bigla akong umiyak. Nakayuko lang ako roon, nakasahod ang kamay sa malamig na tubig mula sa faucet.

"Sabi ni Early Bird, bigyan ka muna namin ng space para hindi ka ma-pressure, but we still need to keep an eye on you," sabi niya kaya mariin kong kinagat ang labi ko para itago ang panginginig. "He's not mad dahil sa mga sinabi mo sa kanya. Si Rico 'yon. Sanay 'yong sinasabihang pabida. But he's mad kasi you're not listening to anyone right now."

Ayoko nang magsalita ng tungkol kay Rico. Alam kong siya pa rin ang kakampihan ng barkada kahit naman anong salita ko.

"I'm not saying this to you kasi kinakampihan ko si Early Bird. But, Clark, more than his feelings, mas matimbang pa rin sa kanya ang safety mo. Kaya niyang i-give up ang pera niya kay Tita Tess, but he was considering na inipong pera ng barkada ang gustong kunin ni Tita sa kanya. Iniisip lang niya na unfair sa ating lahat na kukunin ng mama niya ang pera natin kahit na pinaghirapan natin 'yon para lang i-save siya. I hope maintindihan mo rin ang point niya."

Tinapik ulit niya ang balikat ko at saglit akong hinagod sa likod.

"No one's mad at you, Clark. Sana isipin mo rin ang safety mo over anything. We can give up those millions, but never you."



♥♥♥



Isang araw bago ang kasal ni Leopold, tutok lang ako sa pag-ayos ng mirror site. Gumawa ako ng folder kasama ng mga instruction doon.

Plano kong bumalik ng resto bukas para doon i-access ang main site ng Red Lotus. Mas safe kasi kung unit ni Kuya Wing ang gagamitin ko. Pero kung magkandaletse-letse ang lahat, wala na akong choice. Kailangan ko nang isuko ang mirror site kay Tita Tess. At kung magkalkal man si Sabrina ng mga gamit ko rito sa bahay, malamang na laptop ko at phone ang una niyang kakalkalin.

Tinitingnan ko ang pattern ng lahat mula pa noong nakaraang taon. Hindi ko na mabilang kung nakailang find and inspect na ako para lang ma-trace ang lahat ng posibleng suspect na maiisip ni Tita Tess pero bumabagsak talaga ang lahat sa mga Yu.

Mula nang mamatay ang lola ni Mother Shin na nasa China, nagbago na ng hierarchy.

Isinuko raw ni Mother Shin ang lahat sa mama niyang nagparamdam lang noong ibinigay kay Mother ang lahat ng karapatan ng pamilya.

It took them four years to "clean" the Red Lotus. Doon sa database ng Red Lotus, ngayong katapusan ang expiration ng natitirang signed contracts na si Mother Shin at Kuya Wing ang naglakad mula pa noong kalahating dekada na may 5-year validity.

Kapag naubos ang lahat ng kontratang pirmado nina Mother, malaya na itong Madame Ai Ling para gumawa ng panibagong kontrata sa lahat ng previous business transactions na dapat sina Kuya Wing ang pipirma.

Pero gaya nga ng sabi ni Melanie, naka-freeze ang account ng mga Yu at ang inaasahan na lang nilang fund ay ang site ng Red Lotus. Kaya kung kukunin ko ang lahat ng perang nasa website na 'yon, sigurado nang babagsak sila.

At kung ibibigay ko kay Mother Shin ang perang nasa site—dahil pinaghirapan naman niya 'yon for the past decade—puwede na niyang labanan ang pamilya niya.

Yes, hindi na 'to tungkol sa takot namin kay Tita Tess. Kailangan ko na ngayon si Tita Tess para siguraduhing mapupunta kay Mother Shin ang perang dapat para sa kanya.

O baka puwedeng kay Uncle Bobby na lang pala. Kasi parang pabor naman siya kay Mother Shin gaya ng sinasabi ni Melanie. Feeling ko, mas madali siyang kausap kaysa kay Tita Tess.

Pero wala na 'kong oras. Katapusan na ng March bukas. Kailangan kong ma-access ang computer ni Kuya Wing. Kapag pinaabot ko pa 'to ng April 1, hindi na ako sigurado sa mga puwedeng mangyari.

Kinabukasan, desidido na ako sa balak ko. Kasal ni Leopold at gusto ko na lang matapos ang problema naming lahat.

Medyo alanganin ang schedule ng kasal kasi 4 p.m. ang start ng event. Meron nga raw kasing general meeting ng morning at kailangang um-attend doon ang karamihan sa sponsors ng kasal nina Leo.

Hindi alam ng barkada ang dahilan, maliban siguro kay Calvin, pero alam ko. Eto na ang sinasabi ni Melanie na botohan. Ang update na nakuha ko sa schedule, three-day general meeting ang mangyayari. Parang annual review sa first day, voting ng Board sa second day, at third day ang official declaration ng bagong head ng organization na tinutukoy ni Melanie na brotherhood.

Wala si Kuya Wing kaya ang dikit na laban ay si Madame Ai Ling at si Uncle Bobby. At mas malaki ang chance ni Uncle Bobby once malaman ng mga Yu na wala na palang laman ang website kasi nanakawin ko nga.

Gamit ko ang hiniram kong kotse kay Patrick. Iniisip ko pa lang, alam ko nang masasakal ako ni Mami kapag nalaman niyang gagamitin ko 'to para managasa ng mga tao sa resto.

Kailangan ko ng safe na kotse. Matagal nang ginagawa nina Patrick at Leo itong kotse kaya alam kong kahit sagasaan ko pa pati yung resto, mabubuhay pa rin ako.

Nananalig ako sa talino nina Pat at Leo pagdating sa pagdodoktor ng makina.

After this wedding, out na 'ko sa lahat. Kapag na-settle ko na ang nakuha ko sa Red Lotus at nasalin na kay Mother Shin, bahala na talaga sila sa mga buhay nila. Gusto ko na lang pakasalan si Sabrina.

Kapag naibalik na sa sistema si Mother Shin, babalikan ko agad si Sabrina.


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top